Pagpapraktis ng Delayed Gratification

Mga maganda ngunit murang t-shirt sa Choice Market mall.

Patapos na ang unang linggo ng Pebrero at mukhang nagtatagumpay na ako sa aking new year’s resolution na may moratorium muna sa pagbili ng damit, sapatos, at bag. Imbes na gumastos sa mga ito, idadagdag ko ito sa aking savings para sa katapusan ng 2021 maa-achieve ko uli ang aking financial goal o FG. Nang magkuwenta kasi ako noong unang linggo ng Enero, achieve na achieve ko ang aking FG2020 sa kabila ng pandemya. Hindi dapat ipangalandakan dahil marami ang naghirap at lalong naghirap dahil sa mga community quarantine, subalit dapat ipagpasalamat sa Poong Maykapal.

Naisip ko siguro kung hindi pa ako namili ng mga damit noong Disyembre, mas bongga pa sana ang naipon ko. May plano kasi akong mag-early retirement kung kayâ ipon galore ako. Marami kasing sale bago mag-Pasko last year at minsan nang mapadaan ako sa H&M sa Robinsons Galleria naka-sale nang 50% ang mga t-shirt at polo nila. Sampu ang nabili ko! Masarap kasi sa katawan ang mga damit ng H&M at matibay pa. Ang mga polo na binili ko sa Sweden noong tag-araw 2016, para pa ring bago ngayon. Saka maganda talaga ang style, disenyo, at materyales ng mga damit sa H&M. Simple na elegante. Iba talaga ang taste ng mga Swedish.

Nang ipinakita ko kina Mimi at Juliet sa Facetime ang mga binili ko, shocked silang dalawa dahil dapat daw hinihintay ko muna ang balikbayan box na pinadala nila. May sampung t-shirt at polo daw ako roon na binili nila nang mag-end of season sale ang H&M sa Växjö, ang lungsod sa timog Sweden na malapit sa kanila sa Lenhovda.

Dahil sa pandemya na-delay ang pagdating ng ipinadalang box nila sa amin ni Sunshine sa Pasig. Dapat kasi unang linggo pa lamang ng Nobyembre ay dumadating na ito dahil kasama rito ang mga Christmas gift nila sa amin, mga panregalong chocolate at delata para sa mga kaibigan at kamag-anak, at ilang panghanda sa Noche Buena. Tapos na ang Pista ng Tatlong Hari nang makarating ito sa amin.

Nang makita ko nga ang mga damit para sa akin, parang gusto kong magsisi kung bakit nag-panic buying pa ako ng mga t-shirt at polo shirt noong nakaraang Disyembre. Nang tiningnan ko na isa-isa, may isang polo nga na pareho! Hayon binalot ko na lamang ito at itinabi. Naisip kong iuwi ko na lang ito sa bahay namin sa Antique kung puwede nang magbiyahe.

Bukod sa mga damit, mayroon ding tennis shoes, knapsack, at sling bag para sa akin. Branded ang mga ito! Káya ko namang bilhin ang mga ito pero dahil kuripot ako, hindi ko bibilhin na gamit ang sariling pera. Sa pagbili lang ng libro ako galante. Alam ito ng mga kapatid ko kayâ sila na ang kusang bumibili ng mga branded na gamit para sa akin. Siguro para hindi ako magmukhang mahirap kapag kasama ko sila.

Kapag nasa bahay ako sa Pasig sa Choice Market Ortigas ako nagwo-walking at sa kadugtong nitong LG Mall. Bongga ang palengke sa ground floor ng Choice na may bansag, “The cleanest palengke in the metro” na sa tingin ko ay totoo. Kung minsan kapag maaga pa at sarado pa ang ikalawang palapag ng mall, doon muna ako sa palengke nagwo-walking. Ito ang wet market na hindi wet at nanlilimahid ang sahig at hindi ito amoy-palengke. Ang maganda pa, halos pareho lang ang mga presyo nila sa mga tinda sa talipapa. Dahil kasi sosi tingnan ang palengke, aakalain mong mas mahal mamili roon pero hindi.

Mga murang branded na t-shirt.

Sa second floor ako kadalasang naglalakad at doon nati-test ang aking will power pagdating sa pagdisiplina sa sarili na maging tapat sa aking new year’s resolution at ipraktis ang delayed gratification. Marami kasing tinda roong mga damit na magaganda ang kalidad pero mura. Mga overrun ng mga branded na damit at mga class A na imitation. Galing daw ang mga paninda nila roon sa mga factory ng damit sa Cainta, Bangladesh, Cambodia, at China. Mahilig kasi akong magtanong sa mga tindero’t tindera kung saan nanggagaling ang mga produkto nila. May mga magandang t-shirt na tig-PhP100 lamang. Parang sa night market lang sa Cambodia na tig-one o two US$ lang kada piraso. Siyempre kapag ganito ka mura, alam mong may mga na-exploit na factory worker. Baka may kasama pa itong child labor issues.

Kahinaan ko kasi talaga na kapag may disenyong bulaklak ang mga damit, nati-trigger ang pagpapanic buying ko. At maraming ganito sa Choice. Dahil sa self-imposed moratorium ko, paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili na kahit gaano ka ganda (may tropical flowers and fruits, o mga bulaklak ng tag-araw ng Europa), ka mura, ka kasya para sa akin, hindi ko pa rin bibilhin. Kailangan kong i-embrace ang value ng delayed gratification. Hindi kailangang bilhin ang mga nagustuhang damit ngayon. Lalo na kung marami ka pa namang damit sa closet na hindi pa nga naisusuot. Puwede i-save muna ang pera para balang-araw, sa panahon na retired na, may pambili ka pa rin ng damit. Kaysa naman gastos tayo nang gastos ngayon at wala nang pera later. Sabi ng financial adviser na si Chinkee Tan sa kaniyang librong Diary of a Pulubi, “Shopping now, pulubi later.” Kahit kasi mura o naka-sale ang binibili mo kung maramihan naman o madalas mo itong ginagawa, masasaktan ang iyong bulsa at tiyak na madadamay pati credit cards mo at bank account.

Parang tumitibay na talaga ang dibdib ko pagdating sa delayed gratification. Noong isang araw pumunta ako ng Robinsons Manila para bumili ng pampalit sa nasirang charger ng Macbook ko. Na-resist ko ang temptation na pumasok sa H&M doon. May sale pa naman sila!

Siguro malaking tulong din ang pag-eehersisyo ko araw-araw dahil sabi nga nila nakakapagbawas ng nararamdamang stress ito at nakakapagpa-release pa ng endorphins o happy hormones. Ang sobra-sobra kasing pagsa-shopping ay baka sintoma rin ng mental health problems.

Paraiso ng mga murang bilihin!

Maraming pag-aaral din ang nagsasabing ang fashion industry ang isa sa mga pinaka-pollutant sa mundo. Maraming mga damit at tela sa tambakan ng basura. Kayâ hindi lamang maganda para sa finances ko ang self-imposed moratorium sa pagbili ng mga damit, sapatos, at bag ngayong taon. Makabubuti rin ito sa kapaligiran dahil hindi ako makadagdag sa paglikha ko ng mga basura. Bawat isa kasi sa atin ay may nililikhang basura araw-araw. Dapat conscious tayo na bawasan ito.

Kasabay ng pag-e-exercise ko araw-araw upang manatiling malusog ang aking katawang lupa, kailangan ko ring pangalagaan ang pangpinansiyal kong kalusugan. Ibig sabihin nito, kung nagbabawas ako sa mga kinakain kong matatamis at matataba, kailangan ko ring bawasan ang pag-acquire ng mga materyal na bagay o ang aking pagiging consumerist. Kapag ganito, napapangalagaan ko rin ang aking pera at ang kapaligiran sa kabuoan. Kapag may sapat kang pera, nagiging stable din ang iyong mental health dahil hindi ka namumrublema sa pera.

Ano ba talaga ang pinakamahalaga sa buhay natin? Sa tingin ko malusog na pangangatawan at masayang pakiramdam. At malaking tulong sa pagpapanatili ng kalusugan at kasiyahan kung may sapat kang pera at hindi sira ang iyong kapaligiran.

[Pebrero 5-6, 2021 / Maynila]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s