Usapang Baboy

Ikalawang araw ng dalawang linggong term break namin ngayon kayâ hindi ako nagi-guilty na namalengke at nagluto lang ako buong umaga ngayong araw. Nagluto ako ng sikat kong adobong baboy na laging inaabangan ng mga kamag-anak at kaibigan. Naisip ko na medyo matagal-tagal na rin akong nagluto nito dahil mas gulay at isda na ang mga kinakain ko.

Ang sikat na adobong baboy ng Sirena at piniritong bilong-bilong.

Bago ako makaidlip kagabi iniisip kong bumangon nang maaga, mga alas-sais, upang makapagkape’t makapagpandesal agad at pagkatapos ay pupunta na ng Choice Market sa labas sa Ortigas Extension upang bumili ng baboy na aadobohin at ng isda, tuna o kaya’y galungong, na piprituhin. Papadalhan ko si Sunshine sa hotel na titirhan niya sa Antipolo. Naka-lock-in shooting siya ng dalawang linggo at ilang araw na siyang nagrereklamo na pangit ang pagkain na ibinibigay sa kanila. Nag-post siya sa Messenger Group naming magkakapatid at naglalambing na iluto ko siya ng aking adobong baboy at padalhan siya.

Nagdesisyon nga ako kagabi na magluluto ako ng adobong baboy ngayong araw kesehodang may shortage ng baboy sa Metro Manila at nagkakagulo sa mga palengke dahil maraming nagtitinda ng baboy ang hindi makasunod sa price cap na itinakda ng pamahalaan nitong mga nakaraang araw lamang. Maraming tindera’t tindero din ang nagdeklara ng kaniya-kaniyang pork holiday. Ibig sabihin, tigil muna sila sa pagtitinda ng karneng baboy dahil wala naman silang kikitain sanhi umiiral na price control.

Ang African swine flu (ASF) ang itiniturong dahilan ng kakulangan ng baboy. Marami kasing namatay at pinatay na mga baboy noong nakaraang taon dahil sa nakahahawang sakit na ito sa sangkababuyan. Noong Enero lang umabot hanggang PhP400 ang kada kilo ng baboy. Ka-level na ng karneng baka. Naloloka si Sunshine kasi noong nakaraang taon nakakabili pa siya ng tig-PhP250 per kilo na karneng baboy para sa negosyo niyang imbutido at KBL.

As useless, gumalaw na lang uli ang mga inutil sa pamahalaan nang medyo maingay na sa midya at internet ang abnormal na pagmahal ng mga bilihin sa palengke lalo na ng karneng baboy. Ito ang problema kapag populist ang gobyerno. Walang ginagawa kung hindi maingay ang mga nagrereklamong apektado. Gagalaw lang kapag mainit na ang isyu at siyempre kailangang makahanap kaagad sila ng masisisi at murahin para pagtakpan ang katamaran at kabobohan nila. This time mga nagtitinda ng karneng baboy. Pero ang totoo, noong Marso 2020 naibalita na ang tungkol sa outbreak ng ASF sa bansa at mahigit 250,000 na mga baboy na ang pinatay para masawata ang pagkalat nito. Mag-iisang taon na at obvious na walang ginawa ang Department of Agriculture (DA) na tiyakin na hindi magkukulang ang karneng baboy sa mga palengke para maging stable ang presyo nito. Sinabayan pa talaga ng pagmahal ng baboy ang pandemya!

Noong Pebrero 1 nagpalabas si Presidente Duterte ng Executive Order 124 na nagtatakda ng price ceiling na PhP270 para sa kada kilo ng kasim/pigi, PhP300 para sa liempo, at PhP160 para sa kada kilo ng karneng manok. Tambling ang mga tindera’t tindero dahil itong price cap na ang presyong kuha nila sa kanilang paninda. Alangan namang magbenta sila na walang kita. Magbabayad pa sila ng puwesto at trabahador nila.

Handa na akong magbayad ng mahal para sa karneng baboy na aadobohin ko. Ganoon ako ka determinado. Pero pagtanong ko sa tindera, PhP240 ang kilo ng kasim nila at PhP260 naman ang liempo! Isang kilo at kalahating liempo ang binili ko. Tinanong ko siya kung saan nanggaling ang paninda niyang baboy. Sa Mindanao raw. Medyo malayo ang pinanggalingan ng ulam ko kanina sa pananghalian.

Nitong nakaraang mga araw laman na ng mga balita ang libo-libong mga baboy na galing Mindanao ang dumating na dito sa Metro Manila at ibebenta sa mga palengke. Mukhang nakarating na nga sa palengke namin dito sa Pasig. Bumili pa rin ako kahit na ayaw ng ganito ng idolo kong si Barbara Kingsolver na isang locavore.

Itong “locavore” ang bagong natutuhan ko sa pagbabasa ng libro niyang ‘Animal, Vegetable, Miracle: A Year of Food Life’ (HarperCollins, 2007) na tungkol sa pag-uwi nilang mag-anak sa farm ng kaniyang bana upang magtanim at mag-alaga ng mga kakainin nila. Bibili lang din sila ng iba pang kakainin nila sa mga katabing farm o sa mga farmer’s market sa kanilang lugar. Hindi sila kakain ng mga produktong galing sa ibang lugar dahil malaki ang carbon footprint nito dahil kailangan pang ibiyahe. Hindi rin sila kakain ng mga GMO (genetically modified organisms) na produkto na kadalasan mabibili sa mga grocery stores. Dedma din sila sa mga produktong karne mula sa mga CAFO (concentrated animal feeding operation) farm. Organic dapat ang kakainin nila at hanggat maaari ay tanim at alaga nila. Ang locavore ay kumakain lamang ng mga pagkain na lokal (ibig sabihin nasa vicinity lang at hindi binabiyahe na litrong-litrong krudo ang kailangan) na produkto. Bukod sa mas masarap ang mga ito at nakatutulong pa sa lokal na ekonomiya, mas healthy pa ito para sa katawan at sa kapaligiran.

Ang isa sa mga solusyon ng DA upang magkaroon ng sapat na karneng baboy rito sa Metro Manila ay ang hakutin ang mga sobrang baboy mula sa Visayas at Mindanao, at mag-import ng mga frozen meat na siyang tuluyang papatay sa industriya ng pagbababoy sa bansa. Dapat magsipag pa ang DA na tulungan ang mga hog farmer natin at ipalaganap pa ang backyard na pag-aalaga ng baboy sa mga probinsiya.

Noong maliit pa ako sa Antique gustong-gusto kong tinutulungan si Lola Flora, ang matandang dalagang tiya ng aming ama, na may laging may dalawang patabaing baboy na alaga sa likod ng bahay at mga bis’ya na manok na nakatira sa malabay na punong chesa sa tabi ng tangkal o kural ng kaniyang dalawang baboy. Tinadtad na kangkong na niluluto sa malaking lata ng mantika kasama ng pinong darak at binlid ang paborito ng kaniyang mga baboy. Nagtatago ako sa kuwarto niya kapag dumating na ang tagabayan na bibili ng kaniyang baboy upang katayin ito at ibenta sa palengke. Parang sinasaksak ang puso ko habang pinapakinggan ang eskandalosong pag-iyak ng dalawang baboy na hinihila pasakay ng traysikel.

Iniisip ko na kapag retired na ako titira ako sa isang maliit na bahay pero napapaligiran ng malawak na hardin at mga alagang hayop. Magtatanim ako ng mga gulay na pangkunsumo. Magkakaroon din ako ng tilapia pond, mga alagang native chicken, at native na baboy (yung maitim) na organic ang mga kinakain. Hindi ko pa kasi magagawa ito ngayon sa maliit na hardin ko rito sa Pasig at lalo na sa Tore ko sa Taft Avenue.

Hindi lamang si Sunshine ang natuwa dahil nagluto ako ng adobong baboy. Ang ipinadala ko sa kaniya ay may kasama pang apat na piraso ng piniritong bilong-bilong na binili ko rin sa Choice kanina. Tuwang-tuwa rin si Prince. Eversince naman kapag adobo ko ang ulam niya ay talagang simot na simot ang lagayan ng kaniyang pagkain. Hinihingal pa siya at lawit ang dila sa bilis ng pagkain niya na akala mo naman may mang-aagaw sa adobo toppings niya. Kapag kasi hindi niya type ulam hindi niya inuubos at hinahayaan na lamang niyang ubusin ito ng mga pusa. Yung tatlong pusa kasi namin kahit binibigyan na sila ng cat food nila inaabangan pa rin nila kung may matitira sa kainang mangkok ni Prince.

Siyempre ako, kailangan ng superhuman self-control na huwag magsaing ng anim na tasa ng bigas dahil magpapa-laboratory test ako at magkukunsulta sa aking diabetologist sa darating na Sabado! Hindi kailangang magdagdag ng timbang at babuyin ang blood sugar ngayong term break.

2 thoughts on “Usapang Baboy

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s