Grace Hsieh-Hsing

Una kong narinig ang pangalang Grace Hsieh-Hsing o Grace Lee sa isang professiorial lecture ng guro kong si Isagani R. Cruz sa De La Salle University noong 1995 o 1996. Estudyante ako noon ng Master of Fine Arts in Creative Writing at nagpapalawak pa ng kaalaman hinggil sa literatura lalo na sa panulaan. Ang panayam na iyon ni Dr. Cruz ay tungkol sa literaturang Tsinoy at nang binasa niya ang kaniyang salin sa Filipino ng tulang “La Generala” ni Hsieh-Hsing ay agad na akong na-in love sa panulaan nitong Tsinoy na makata.

Labis akong nalungkot sa nabasang balita kahapon sa Facebook, sa wall ng mga manunulat na kaibigang sina Joaquin Sy at Jameson Ong, ang pagtaliwan ni Grace Hsieh-Hsing. Subalit gaya ng sinabi ni Jameson (na isa ring hinahangaan kong makatang Tsinoy) sa kaniyang post, naway mabuhay nang walang hanggan si Grace Hsieh-Hsing sa kaniyang mga tula. Makapangyarihan ang sining tulad ng tula, nagiging imortal ang makata o ang artist sa kaniyang kamatayan.

Agad kong hinanap sa bookshelf sa tabi ng kama ko rito sa aking silid sa bahay namin sa Pasig ang kopya ko ng libro ni Hsieh-Hsing, ang Halo-Halo: Poems of the Philippines (Chinese-English-Filipino na inilathala ng Philippine Chinese Literary Arts Association noong 2015. May salin ito sa Ingles nina John Shih at Rita C. Tan, at sa Filipino nina Joaquin Sy at Isagani R. Cruz.

Nakakahiya mang aminin pero dalawa ang kopya ko ng librong ito. Isa rito sa Pasig at isa roon sa Tore ko sa Taft Avenue. Gina-justify ko na lamang sa sarili ko na ang kopya ko sa Taft ay ang ginagamit ko sa pagtuturo at ang kopya ko rito sa Pasig ay ang pang-reading for pleasure ko. Ang mga kopya kong ito ay regalo sa akin ni Sir Joaquin ilang taon na ang nakararaan. Marami siyang binigay sa akin at sabi niya ipamigay ko sa iba. Well, dalawa ang ibinigay ko sa aking sarili. Pero salamat sa mga extra copy dahil tuwang-tuwa ang Chinese naming PhD in Literature na estudyante na nang mag-enrol sa klase kong Introduction to Scholarship noong bago mag-pandemya ay binigyan ko siya ng librog ito.

Kapag nagtuturo ako ng Philippine Literature o ng Literary History of the Philippines laging kasama ang Chinese-Philippine Literature o Literaturang Tsinoy sa aking silabus at ang binabasa at tinatalakay namin sa klase ay ang mga tula nina Hsieh-Hsing at Ong. Maraming estudyanteng Tsinoy sa La Salle at karamihan sa kanila nagugulat din na mayroon palang mga Intsik na manunulat at nagsusulat sa Mandarin. Nagugulat sila kapag sinasabi kong mayroong Literaturang Filipino na nakasulat sa Mandarin.

May dalawang tulang Hsieh-Hsing akong paborito: “La Generala” at “Kalye Ongpin.” Si Gabriela Silang ang nagsasalita sa tulang “La Generala” at sino pa nga ba ang generalang tinutukoy kundi siya. Sa tula estatwa na ni Gabriela ang nagsasalita at ang direktang kinakausap nito ay ang banang si Diego. Narito ang pangalawa sa huling saknong na salin ni Sy: “Mahal kong Diego, / muli’y nakapaligid sa estatwa ko ang mga turista. / Nakatingala, pinupuri nila / ang mahabang buhok na inililipad ng hangin, / ang mukhang kababakasan ng maalab na damdamin, / ang kamay na matatag ang hawak sa tabak, / ang magilas na sakay sa dambuhalang kabayo. / Sinasabi nila: / Isang napakagandang estatwa! / Isang napakagandang babaing bayani!” Dito nakikinig si Gabriela sa mga papuri sa kaniya bilang bayani at sa ganda ng pagkagawa ng eskultura niya. Tulad ng isang tunay na bayani, hindi naman siya nagpakabayani para lamang sarili. Hindi niya kailangan ang mga papuring ganito.

Sa huling saknong, ito ang sabi niya kay Diego: “Mahal kong Diego, / sapat na ang lahat nang ito, / hayaang kalimutan nila ang digmaan, / kalimutan ang patayan at kalupitan. / Hayaang humanga sila sa akin, / gaya nang paghanga sa isang likhang-sining. / Hayaang habampanahong tamasahin nila / ang kalayaan, ang pagkakapantay-pantay, / ang pananaig ng kagustuhan ng taumbayan. / Hayaang maghari sa kanilang kalooban / ang kagandahan at ang pagmamahalan. / Hayaan silang maging maligaya, gaya natin noon, / sakay ng kabayo, magkasamang paroo’t parito, / sa maliligayang mga araw natin sa Vigan…”

Sayang at hindi ako nagkaroon ng pagkakataong tanungin si Hsieh-Hsing kung bakit niya naisulat ang tulang ito. Ito ang tipo ng tula na kung hindi mo alam kung sino ang sumulat at salin lamang pala ito mula sa Mandarin ay hindi mo iisiping isang Tsinoy ang sumulat nito. Lagi kong sinasabi sa aking mga estudyante na ang tulang ito ay patunay na ang mga Tsinoy ay Filipino talaga dahil kagaya ni Hsieh-Hsing, naiimadyin din nila na bahagi sila ng pamayanang Filipino kung susundan natin ang sinasabi ni Benedict Anderson na ang bansa ay isang “imagined community.” May iba pang tula hinggil sa kasaysayan ng bansa si Hsieh-Hsing tulad ng “Manila 1984,” “Maria Clara,” “Tandang Sora,” at “Isang Liham ni Lapu-Lapu kay Magellan.”

Naiiyak ako kapag binabasa ang tulang “La Generala” dahil sa puno ng pag-ibig na tinig ni Gabriela—pag-ibig sa Filipinas at pag-ibig kay Diego. Ang ganitong dalisay na pagmamahal ay laging nakaaantig sa aking damdamin bilang isang hopelessly romantic na makata. Naiiyak naman ako sa tulang “Kalye Ongpin” dahil sa dalisay na pangungulila sa iniwang tahanan (homesickness) sa tinig ng persona sa tula. Narito ang pambungad na saknong (salin pa rin ni Sy): “Nasa Chinatown ang Kalye Ongpin. / Tuwing naiisip ko ang Tsina / Sa Ongpin nagpupunta.” Susundan ito ng mga saknong na iniisa-isa ng persona ang mga dahilan ng pagbisita niya sa Ongpin sa Chinatown tulad ng pagbili ng Chinese medicine, kumain ng lutong Tsino (na malamang sa President’s Tea House na paborito ko rin!), para magbasa ng magugulong karatulang Tsino, makinig ng mga awiting Tsino, at iba pa.

Subalit matatanto, o matagal na talagang alam ng persona, na hindi Tsina ang Ongpin kundi Filipinas. Mabigat ang lungkot na dulot ng huling dalawang maikling saknong: “Tuwing naiisip ko ang Tsina / Sa Ongpin nagpupunta, / Nasa Chinatown ang Kalye Ongpin. // Ang Chinatown ay hindi sa Tsina, / Ang Chinatown ay hindi Tsina.” Sa panahong mainit ang isyu hinggil sa mga isla natin sa West Philippine Sea na inaagaw ng China, magandang talakayin ang tulang ito ni Hsieh-Hsing upang maibsan o maitama ang racism na pati ang mga kababayan nating Intsik o Tsinoy ay nagiging target din. Marami sa atin ang nalilito sa kaibahan ng Tsino at Tsinoy/Intsik. Malaki ang maibabahaging leksiyon sa atin hinggil dito ng mga tula ni Hsieh-Hsing.

Si Grace Hsieh-Hsing at ang Sirena sa awarding ng Pambansang Alagad ni Balagtas sa Ateneo de Manila University noong 2013.

Si Hsieh-Hsing ay ipinanganak sa Shanghai ngunit lumaki sa Taiwan. Nag-immigrate siya rito sa Filipinas noong 1964 at ito na ang naging kaniyang tahanan. Apat na beses napiling “poem of the year” ang kaniyang mga tula sa Taiwan noong mga taon ng 1984, 1985, 1989, at 1992. Ilang beses din nakasama sa listahan ng mga pinakamagadang tula na nalalathala kada buwan ang mga akda niya sa kolum na Critic-at-Large ni Isagani R. Cruz sa Starweek Magazine. Noong 1992 nanalo ng unang gantimpala ang kaniyang librong Meditation in the Stone Forest sa patimpalak na itinaguyod ng Federation of Overseas Chinese Associations. Ginawaran din siya ng Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas (UMPIL) ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas para sa Panulaan noong 2013. Doon ko siya unang nakita at talagang na-starstruck ako. Napakaganda, grasyosa, at eleganteng babae niya. Kung naging babae lamang ako, gusto kong maging katulad niya sa aking pagtanda!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s