
Nag-walking ako sa CCP Complex mula alas-nuwebe ng umaga hanggang ala-una ng hapon na pananghalian lang ang pahinga at naka-15,876 pagbalik ko rito sa aking Tore. Muli kasama ko si Pietros at mukhang magiging habit na namin ito kapag Sunday at nandito lang ako sa Taft at hindi nakauwi ng Pasig.
Ang usapan namin ni Pietros magkikita kami sa ASEAN Garden sa pagitan ng Philippine Navy at Cultural Center of the Philippines kung nasaan ang isang eskultura ni Ramon Orlina. Higanteng bakal ito na imahen ng mga ibong lumilipad at ang kongkretong pedestal ay may dekorasyong mga berdeng kristal na mukhang esmeralda. Ito ang hardin kung saan nagpapa-picture ang nga presidente ng mga bansang Aseano kapag dito sa Manila ginaganap ang ASEAN Summit.
Matutuwa ang diabetologist ko nito. Dibdiban na ang aking pagwa-walking.

Nang mapadaan kami ni Pietros sa tapat ng Coconut Palace kinuwento ko sa kaniya na pinagawa ito ni Imelda Marcos noon para sana tirhan ni Pope John Paul II sa kaniyang pagbisita. Kaso nandiri yata ang Santo Papa nang malaman ang ginastos para dito. May mga kuwento na yari sa ginto ang mga doorknob at gripo kung kayâ turn off talaga sa pagiging imeldific ng istrukturang ito at hindi tinirhan. Nagulat si Pietros sa kuwento kasi ang alam lang niya naging opisina ito ng dalawang Vice President.
Pinuntahan din namin ang Film Center of the Philippines, building uli na proyekto ni Imelda. Walang ahensiya ng gobyerno na tumatagal sa pag-oopisina rito dahil maraming multo. Mga multo ng nalibing na buhay na mga construction worker habang minamadali itong tapusin para sa Manila International Film Festival.
Noong nag-aaral pa ako ng MFA sa La Salle, mga taong 1995-1996, kapag Linggo nagwo-walking din kami rito ng mga dorm mate ko sa Le Grande Maison na graduate school sa tabi ng St. Scholastica’s College. Minsan, mula sa Film Center, bumaba kami ng dorm mate kong si Randy na taga-Mindanao sa breakwater doon para mas mapalapit kami sa dagat. Nagulat kami nang madaanan namin ang lalaki’t babaeng nagtatalik sa mga bato. At Linggo iyon ng umaga!
Kanina umikot kami ni Pietros sa Film Center. Kahit may nakaharang na lubid dedma kami at nilaktawan iyon. Sa likod may bago nang gusali. Call center yata o isang Pogo operation. Sa likod may mga hinahakot na box na may nakasulat sa Chinese. Tuloy kami sa pag-ikot ni Pietros hanggang sa makarating kami sa harap na may entrance na ang nakalagay Amazing Show. May magandang garden bench na duyan. Nagpa-picture ako doon. Maya-maya may guwardiyang lumapit sa amin at pinaalis kami. Bawal daw doon. E di bumaba kami at naupo doon sa isang railing na simento habang nagpapahinga at ini-enjoy ang tanawin ng punong kalatsutsi na walang dahon subalit namumutiktik sa kulay-peach na mga bulaklak.
Matapos magpahinga naglakad kami sa kalsada sa tapat ng Philippine Senate papunta sa tulay patawid ng Mall of Asia complex. Parang piyesta roon! Maraming bicycle riders na nagpapahinga, kumakain, o bumibili ng mga tinda sa tabingkalsada. Maraming nagtitinda roon ng spare parts at pangdekorasyon ng bisekleta at mga get-up na pang-rider. Si Pietros medyo natatakot dahil dedma ang mga nandoon sa physical distancing at ang iba sa kanilang masayang naghuhuntahan na walang mask. Ako naman na-excite dahil parang pista nga. Mabuti na lang hindi ako rider dahil baka nag-panic buying ako roon.

Maraming informal settler sa may tulay—sa ilalim, sa magkabilang gilid, sa mga barong-barong na malapit doon. Ang ilan sa kanila may mga toldang karinderya at dahil Linggo karamihan sa mga kustomer nila ay mga nagpapahingang rider.
May isang tolda na may bilog na mesa sa sidewalk. May dalawang rider na nagkakape at mukhang seryoso ang kanilang pag-uusap. Napangiti ako na sa gitna nila may halaman sa isang maliit na paso mula sa itinapong lata na pininturahan ng kulay pink. Mukhang plantita o plantito ang may-ari ng tolda! Kaso sa mga toldang iyon hindi yata uso ang pagsuot ng mask. Medyo nahintakutan ako. Biglang kong na-realise part na pala iyon ng Lungsod Pasay at may surge ng mga kaso ngayon ng COVID-19 doon at 55 na mga barangay nga nila ang naka-lockdown.
Sa tulay kitang-kita ang Manila Bay at ang piyer ng mga fast craft papuntang Bataan. Naalala ko tuloy ang tulay ng Malandog sa amin sa Maybato nang makita ko ang ilang baroto. May haplos ng kaunting lungkot sa aking dibdib. Mahigit isang taon na akong hindi nakauwi sa amin sa Antique dahil sa pandemya.

Sa bahaging CCP na bungat ng tulay, pinagkakaguhan ng mga bata si Spiderman! Nasa kabilang kalsada kami ni Pietros at sabi ko sa kaniya tumawid kami dahil gusto kong makita si Spiderman nang malapitan. Nakisabay kami sa pagtawid sa isang lalaking may pasan na sako. Medyo mabibilis kasi ang takbo ng mga sasakyan doon at wala namang pedestrian lane. Naisip ko magpapa-picture ako kasama si Spiderman. Subalit busy si Spiderman. May nagdi-direk sa kaniyang lalaking may hawak na kamera. Nagso-shooting yata sila ng isang indie film. Maraming bata ang nanonood. Wala silang mask lahat.

Hindi ko na inistorbo pa si Spiderman. Niyaya ko na si Pietros na bumalik na kami sa Harbor Square para mananghalian. Alas-onse na rin naman. Naisip ko na baka bababa na masyado ang blood sugar ko. Mahirap na. Hindi pa naman ito nangyayari sa akin pero naniniguro lang ako. Naisip ko tuloy dapat pala dinadala ko kapag nagwo-walking ako ang sugar pill na binigay sa akin ni F. Sionil Jose noong nakaraang taon nang maikuwento ko sa kaniya na diabetic ako. Padala raw iyon ng anak niyang taga-US.
Sa daan malapit lang sa labas ng Senate Building, may puting kotse na ang likod ay bukas at may naka-display na mga tindang kapeng barako mula Batangas. Mura lang. Bumili ako ng dalawang pakete. Dalawang kabataang babae ang nagtitinda at tuwang-tuwa sila nang binilhan namin.

Muli naming nadaanan ang nabubulok na Film Center. Maganda talaga ang kaltsutsi. Nang matapat kami sa Sofitel, biniro ko si Pietros na dahil siya naman ang manglilibre ng lunch namin today, dyan na kami sa Spiral kakain. Natawa lang siya. Talagang pang-Harbor Square lang kami. Saka na lang kapag mayaman na kami o may pawers na tulad ni Spiderman, ‘yung Spiderman na totoo. Ang mahalaga bongga ang walking namin ngayong Linggo.