
Nag-umpisa ang usapan nila tungkol sa “pamamakla” habang nagtsitsismisan silang apat na taxi driver sa kabilang kalsada sa tapat ng isang condominium complex sa Balara, Quezon City. Masaya silang nagtsitsismisan na walang suot na mask na para bang hindi nila narinig sa balita na tatlong araw nang mahigit sa tatlong libo ang fresh infection ng COVID-19. Naisip ko, mahigit namang dalawang metro ang layo ko sa kanila. Nakatayo ako roon sa lilim ng mga punongkahoy habang hinihintay ang kaibigan kong si Cris, isang babae, na lalabas. Siya ang ka-walking date at ka-lunch date ko kahapon ng Linggo.
Ang nagbabángka sa huntahan ng apat ay isang taxi driver na mukhang cute noong kaniyang kabataan. Mas maputi siya kaysa tatlo, mas matangkad, mas matangos ang ilong, at in fairness walang tiyan tulad ng iba. Siguro kaedad ko lamang sila, late forties. Nagtsitsismis sila habang nakapila sa abangan ng taxi at siguro dahil Linggo ng umaga at GCQ pa rin sa Metro Manila, matumal ang pasahero at mahigit sampung taxi ang nakapila roon.
Sabi ng bángka, “Naku si Fred kinulang ng 300 ang bawnderi kahapon kasi nakipag-inuman. Hayun tinawagan niya ang suki niyang baklang pasahero nagpatsupa lang siya at binigyan na siya ng dalawang libo!”
Na-tense ako bigla nang marinig ang “baklang pasahero.” Naisip ko, mukhang hindi naman ako baklang tingnan. Buti na lang nagmamadali ako kanina at hindi ako nag-shave. Kahit may facemask at faceshield ako nakikita pa rin ang balbas ko sa leeg banda. Sabi naman nila kapag hindi ako nagsasalita at tahimik lang sa isang tabi hindi naman akong halata na bading. Dinig na dinig ko ang usapan at tawanan ng apat.
“Kapag walang pera yang si Fred namamakla ‘yan e,” sabi pa rin ng bángka.
Naisip ko, alam kaya ng Fred na ito na pinagtsitsismisan siya ng mga kaibigan niyang taxi driver? Tama talaga ang sabi nila na hindi lamang mga babae ang tsismosa!
“Ako nga rin namamakla rin. Kayâ kayo mamakla rin kayo,” sabi ng bángka sa tatlo. Napangiti lamang ang isa na nakaupo sa isang malaking bato sa ilalim ng kahoy, napakamot naman ang isang nakatayo sa tabi ng taxi niya, at tumawa naman ang isang nakaupo sa sidewalk.
Exciting ito, naisip ko! Sana matagalan si Cris bago lumabas para marami pa akong marinig.
“Nakikita n’yo ba ang isang suki kong bakla dyan sa loob,” patuloy ng bángka na itinuturo ang kondominyum. Feel na feel niya ang pagkukuwento na parang nagkaklase at ang tatlo ang kaniyang estudyante.
Napatingin ko sa kaniya at nakipag-eye contact pa siya sa akin na parang kasama ako sa huntahan nila. Ngumiti ako sa kaniya ngunit naalala ko may facemask pala ako.
“Minsan, habang nakagarahe ako dyan (itinuro ang carpark sa tabi ng gate ng condominium sa tapat) at natutulog, kinatok niya ako. Pare, sinuso lang niya ang burat ko isanlibo na agad! Kinuha pa niya ang number ko. Hayan paminsan-minsan, nagti-text ‘yan sa akin hinahanap kung nasaan ako. Nagpapasundo. Pinapakain niya ako at nagmo-motel kami. Dalawang libo ang ibinibigay niya sa akin pagkahatid ko sa kaniya rito. Ako naman uuwi na. May pangbawnderi na ako at pang-grocery pa.”
Ngumingiting nakikinig ang tatlo. Yung ngiti ng nakatayo sa tabi ng taxi niya ay ngiting hilaw. Hindi niya siguro alam kung maiinggit siya o mandidiri sa kasama niyang nagkukuwento. Yung dalawang nakaupo parang bilib na bilib.
“Kung ako sa inyo mamakla na rin kayo. Bakit ikaw hindi mo pa ring nasubukang mamakla?” tanong niya sa nakatayong hilaw ang ngiti.
Umiiling-iling ang tinanong.
“Ako minsan. Pero matagal na yun. May pasahero akong hinihipuan ba naman ako habang nagmamaneho. Binigyan niya ako ng tip,” sabi nung nakaupo sa bato.
“Magkano? Dapat nagpatsupa ka na lang para mas malaki ang binigay sa ‘yo,” sabi ng bángka at naisip ko, naku, mukhang ito ang may PhD, benemeritus, sa pamamakla!
Hindi sumagot ang nakaupo sa bato. Ngumingiti lang ito.
“Kung makikipagganun tayo sa babae, gagastos pa tayo at baka mabuntis pa natin. Kung gaganun tayo sa bakla, pakakainin tayo at bibigyan pa ng pera. E di sa bakla na lang! Masasarapan ka na magkakapera ka pa. Magpapalabas din naman tayo e. E di ilabas na natin sa bakla kikita pa tayo!”
Mixed emotions na ako. Hindi ko alam kung matutuwa ako sa naririnig kong usapan o manghihina. Diyos ko 2021 na. Bakit parang 1980s pa rin ang peg nitong apat na taxi driver pagdating sa bakla. May isang baklang kaibigan akong mahilig sa taxi driver noong nakaraang dalawang dekada. Kahit siya nag-level up na. Noong nasa 20s pa ako, may naka-date akong tatlong taxi driver—dalawa sa Iloilo at isa rito sa Manila. Pero hindi ko na ito gagawin ngayon.
“Sana magustuhan tayo ni Vice Ganda ano para hindi na natin kailangang magpasada? Nakakapagod na rin,” sabi ng nakaupo sa bato na tila nangangarap na ang ngiti.
“‘Yan ang suwerte kapag mangyari ‘yan. Kapag si Vice Ganda sigurado milyonaryo ka rin!” sabi ng bángka na tila bang pinaka-brilliant idea ang narinig niya sa kasama. “Hindi na ako magda-drive ng taxi kapag hawak ako ni Vice Ganda. Putang ina, sa bahay na lang ako at maghintay na lamang akong i-text niya kung kailan niya ako gustong tsupain. Hayahay ang buhay!”
“Oo nga! Kahit ibahay ka na lang niya sa isang condo tulad niyan,” sabi ng nakaupo sa sidewalk na na-excite din sa idea.
Ang nakatayo sa tabi ng taxi niya ay hilaw pa rin ang ngiti.
Ang thought bubble ko habang pinipigilan ang pag-roll ng eyeballs at pagtaas ng kilay: Reality check mga ambisyosong unggoy. Mga varsity basketball player ang type ni Vice Ganda. Hindi kayo papasa!
Maya-maya nakita ko na si Cris sa gate sa kabila. Hinahanap ako. Kinawayan ko siya. Hindi tuloy ako makatili nang makaharap siya. Noong Valentine’s Day pa kami ng nakaraang taon huling nagkita in person. Nagtsitsismisan naman kami sa Zoom kung minsan pero iba pa rin itong nagkita kami in the flesh finally. Iyun nga, ayaw kong malaman ng mga taxi driver na bakla ako dahil alam nilang nakikinig ako sa kanilang usapan.

Habang naglalakad kami ni Cris sa Capitol Hills Drive papuntang Capitol Green Street at malayo na sa mga taxi driver, kinuwento ko sa kaniya ang kuwentuhang pamamakla ng apat na taxi driver. Tawang-tawa si Cris.
“You should write about it,” sabi niya.
“Yes, I will. Sa blog ko. At siguro sa isang short story din,” sagot ko.
“Baka naman iyon ang kuwentuhan nila dahil alam nilang bading ka at nakikinig ka?” tanong ni Cris na isang beteranang journalist.
“Mukha namang hindi. Hindi naman halata na bading ako kapag nakatayo lang at tahimik di ba?” sabi ko at napatango naman siya.
Pagkatapos ng pakikinig hinggil sa pamamakla ay naggitnang uring fantasya naman ako kasama si Cris. Ang ganda ng Capitol Green Street, maliit lang na mall pero mukhang pang-A and B crowd lang. Para itong pinalaking clubhouse ng isang exclusive subdivision.
Nasa taas ng bundok o burol ang mall na ito. Maliit lang subalit tatlong palapag na may mga restawran. Hugis bilog ang arkitektura at napapalibutan ito ng terrace na overlooking sa luntiang Capitol Golfer’s Villa Subdivision at Ayala Hillside Estates. Sa kalayuan ang Quezon City, Pasig, at Marikina. Pakiramdam ko parang nasa probinsiya ako. Sabi ko kay Cris bakit ngayon lang niya ako dinala rito. Palagi kasi kaming nagkikita sa U.P. Town Center e mas maganda itong Capitol Green Street. Tumawa lang si Cris.
Nang magkita kasi kami sa harap ng gate ng condominium nila tinanong niya ako kung saan ko gustong maglakad kami at kumain. Dalawa ang choice: Maglalakad kami papuntang U.P. Town Center o papuntang Capitol Green Street sa kabilang direksiyon na may restawran daw na may view ng golf course. Green kaagad ang naisip ko at nang tiningnan ko ang kalsada patungo roon, may shade ng malalabay na punongkahoy. Obvious choise ang greenery.
Nagkita kami ni Cris dahil ang kaibigan naming si Yasmin na na-lockdown sa kanila sa Davao City ay nag-order ng Tubbataha t-shirts sa Palawan para sa amin. Kay Cris pinadala kung kayâ nakipag-date ako kay Cris para makuha ang dalawang regalong t-shirt sa akin ni Yas.
Sa Pho Hoa kami kumain dahil may vegetarian spring rolls sila at masarap na tufo dish. Vegetarian kasi si Cris. Ako naman paborito ko ang beef stew noodles nila. Kapag sina Yasmin o Cris ang ka-lunch date ko, madalas nag-Pho Hoa kami para pagbigyan ang nostalgia namin sa chao long sa mga turo-turo sa tabingkalsada ng mga Vietnamese refugee sa Lungsod Puerto Princesa noong nagsusulat pa kami roon may dalawang dekada na ang nakalipas.

Pagkatapos ng lunch, nagkape at nag-dessert kami sa restawran na ang pangalan ay Fika. Na-excite ako dahil salitang Swedish ito para sa pagkakape at pagpapahinga sandali sa pagtatrabaho. Parang snack break kasama ang mga katrabaho, kaibigan, o kapamilya. Nagpa-picture nga ako para ipadala kina Mimi, Juliet, at Jonas. Habang nagkakape ako at nagsi-share kami ni Cris ng isang slice ng carrot cake sa may terrace, ninanamnam ko ang luntiang paligid. Naiinggit ako sa mga kakilalang na-lockdown sa probinsiya. Ako nandito sa masikip na Metro Manila. Oh well, nakalimutan kong may mga lugar din pala rito sa lungsod na parang nasa probinsiya ka rin. Iyon nga lang pangmayaman.
Sabi ko kay Cris kung sakaling makabalik na si Yasmin dito sa Metro Manila, mag-lunch uli kami roon. Mukhang mapapadalas na nito ang pagbibisita ko kay Cris. Mga oportunidad ito na makapag-gitnang uring fantasya.

Naiisip ko na ang pamamakla at ang pagigitnang uring fantasya ay pareho lang. Sa isang kapitalista/oligarkiya at malasemi-feudal na lipunan tulad dito sa Filipinas, mga paraan ito upang matikman kahit panandilaan lamang ng mga uring manggagawa at ng mga nakasampa lang sa nanlilimahid na sahig ng gitnang uri ang kasaganahan at ang sarap ng buhay na tinatamasa ng kakaunting elite sa ating bayan. Kayâ nakakahiyang magmalinis at magmataas kung hindi ka naman nakatira sa mga exclusive subdivision tulad ng Ayala Hillside Estates at Ayala Heights.