Saving Alibhon

Nakita ko itong maliit na alibhon o sambong (Blumea balsamefera) na tumubo sa bitak sa sahig na simento ng gazebo namin sa likod ng bahay dito sa Pasig noong Nobyembre ng nakaraang taon. Na-excite ako at inilipat ito sa tambak na lupa sa likod sa tabi ng pader kung nasaan ang tanim naming kamote. Siguro dahil tag-ulan mabilis itong lumaki at nagkaroon agad ng dalawang sanga.

Ang alibhon noong nakaraang Disyembre kasama ang Chinese taro at kamote.

Naisip ko baka may naiwang buto roon ng punong alibhon na itinanim pa ni Tita Neneng o ni Tatay matagal na. Pareho kasi silang mahilig magtanim. Ang mga tanim sa hardin namin dito ngayon ay karamihang mga tanim pa nina Tatay at Tita na dala pa nila mula sa mga tanim namin sa bahay sa Antique.

Isang linggo ko nang inaayos ang maliit na hardin namin sa likod. May napanood kasi ako sa Youtube tungkol sa “grounding,” ang halaga ng pagtapak sa lupa o damuhan na nakapaa lamang para mabalanse ang koryente sa katawan. Nakakapagpalakas ito ng immune system. Nagagawa ko ito kapag nasa Antique ako dahil kapag nandoon ako sa bahay namin sa Maybato, kada umaga ay naglalakad ako sa tabingdagat, kung nasaan napipisa ang maliliit na alon, na bitbit ko ang aking tsinelas. Ayon sa dokumentaryong napanood ko, dapat daw tumatapak tayo sa lupa kahit 30 minuto lamang kada araw.

Oh well, dito ako sa Manila ngayon at siyempre simentado ang nilalakaran ko. Naisip ko kapag magbukas na uli ang campus namin sa La Salle Taft, magga-grounding ako sa mga pocket garden doon na may damuhan. Bahala nang mapagkamalang luka-luka! Bagay naman sa mga guro ng literatura ang maging weird.

Kaso may pandemya pa nga at wala pang makapagsabi kung kailan uli magbubukas ang campus. Dahil sa “excellent” (Ayon ito sa kagalang-galang na presidential spokesperson na si Harry Roque) na pag-manage ng administrasyong Duterte sa pandemya, pagkatapos ng isang taon, unang araw uli ngayon ng ECQ part two sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan. Ngayong araw lang, mahigit 10,000 ang nag-positibo sa COVID-19! Mas lalong hindi ako makauwi ng Antique at mukhang matatagalan pa bago ako makapag-grounding muli.

Pero bigla akong nagka-brilliant idea! Naisip kong ayusin ang hardin namin dito sa Pasig para dito na ako mag-grounding. Isang linggo nang obsession ko ang pag-aayos nito. Kailangan kong patagin ang lupa para taniman ng carabao grass. May supplier na ako ng damong ito na nakausap sa Facebook. Ang problema may nakatambak na lupa na tinataniman namin ng kamote na nagsu-supply sa amin ng kamote tops. May matabang Chinese taro (Alocasia cucullata) din ito na tanim pa ni Tita. At ito ngang alibhon na inilipat ko roon na may dalawang sanga na at maraming dahon.

Inilipat ko sa kabilang dulo ng pader ang mga lupa. Manual labor to the max! Basang-basa ng pawis ang t-shirt ko kapag nagbubungkal at humahakot ako ng lupa. Unang casualty ang mga kamote. Pagkatapos ang Chinese taro. Pero hindi ako masyadong naghihinayang para dito dahil may anim na puno na akong nailipat noon pa man sa mga flower pot. May ilang kaibigan na rin akong nabigyan nito.

Ibinalita namin sa aming mga kapitbahay na may ipinamimigay kaming garden soil. May pumunta agad na dalawa at may dalang mga sako. Ipinamigay ko rin ang binunot kong Chinese taro. Tuwang-tuwa sila kasi mahal ang benta nito. May nakita ako nito sa Robinsons Manila na maliit lang pero PhP350 ang presyo.

Ang matabang alibhon bago pinutol at binunot.

Ilang umaga at hapon ko ring hinataw ang pagbubungkal at paghahakot ng lupa. May mga pagkakataong naiisip ko na mag-hire na kayâ ako ng taong gagawa nito. Pero hindi ako sumuko. Naisip ko, mas magiging meaningful sa akin ang new look ng garden kung paghihirapan ko ito. Finally kahapon natapos ko ang pagpatag. Proud kong ipinakita ito kay Sunshine. Sabi ko, imagine, isang linggo ko ring ginawa ito? Sagot ni Sunshine, Kuya, kung nag-hire ka ng taong gumawa niyan isang araw lang ‘yan sana at PhP500 lang ang binayad mo.

Tumawa lang ako. PhP500 pala ha. Gin-treat ko tuloy ang sarili ko ng isang libro tungkol sa paghahardin na ilang araw nang nasa cart ng account ko sa Amazon. Bilang bayad sa sarili dahil sa pagpatag ko ng hardin binili ko na ito kahapon. Well, PhP1,800+ din ito dahil hardbound edition. Inisip ko na lang, aba, may PhD ako kayâ mataas ang rate ko! At pinagtawanan ko ang aking sarili.

Ang maganda dahil ako ang gumawa, hindi ko agad pinatay ang alibhon. May dalawang hapon pa ako last week na pagkatapos ng pagbungkal at paghakot ng lupa, nag-a-afternoon tea ako ng alibhon. Kumukuha ako ng isang dahon, yung yellow green pa ang kulay, di masyadong bata di rin masyadong matanda, huhugasan at ilagay sa mug at lagyan ng kumukulong tubig. At presto! Organic na amoy camphor tea na. From farm to table pa ang peg.

Nang kailangan ko nang bunutin ang alibhon, bigla akong nagkaroon ng brilliant idea! Isi-save ko ito. Pinutol ko ang dalawang sanga at ang puno nito na may mga ugat ay inilipat ko kung saan ko inilipat ang tambak ng lupa. Masaya ako dahil hindi ito namatay. May mga dahon na nga ngayon at may nagsaringsing pa na isang sanga pa. Ilang linggo lang, makakapag-alibhon tea uli ako.

Ang naisalbang alibhon. Buhay na buhay na!

Si Nanay ang naaalala ko sa pag-inom ng nilagang alibhon. Maliit pa lang ako nakikita kong umiinom siya nito kada hapon. Klaro pa sa akin ang tason niyang sartin na puti at pula ang lid. Nagagandahan ako sa yellow green na kulay ng tsaang ito. Tinikman ko minsan pero hindi ko nagustuhan. Umiinom si Nanay nito dahil diuretic ito, nagpapaihi. Mainam na herbal medicine laban sa kidney stones.

Ngayong medyo matanda na rin ako, nagugustuhan ko na ang lasa at amoy ng alibhon tea. Lalo na ngayon na gusto ko ng mga bagay na organic at sariwa.

Dito sa Metro Manila nakakakuha ako ng mga sariwang dahon ng alibhon sa hardin ng bahay nina Papá CFB sa Santa Mesa Heights. Marami at matataba ang alibhon doon. Kapag binibisita namin siya noong nabubuhay pa siya at hanggang wala na siya at binibisita pa rin namin si Ma’am Rose Marie, humihingi ako ng ilang pirasong dahon nito bago ako umalis. Kung nakakalimutan ko nga, si Ma’am Rose na ang nagpapaalala sa akin tubgkol sa alibhon. Palaging pito ang kinukuha ko. Bawal kasi ang even number sa mga halamang ginagamit ng mga manugbulong (traditional medicine wo/men) sa amin sa Antique. Inilalagay ko lang sa isang sisidlan ang mga dahon at itatago sa ref. Ilang araw din akong may sambong tea.

Kayâ nang may tumubong alibhon sa aming hardin dito sa Pasig ay tuwang -tuwa ako. Lalo na’t napalaki ko ito. Kayâ ganoon na lamang ang panghihinayang ko nang kailangan ko itong bunutin para sa carabao grass kung saan ako magga-grounding. At salamat sa mga diwata sa pagbulong sa akin kung paano ito maisasalba.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s