Ang Hardin ng Sirena

Sabi ni Cicero, kung mayroon kang hardin at library, nasa iyo na ang lahat ng kailangan mo. May mga hardin ako at mga library kung kaya’t di nakapagtataka na kuntentong-kuntento ako ngayon sa buhay ko.

Siyempre marami pa rin naman akong gusto sa buhay na hindi ko nakuha o nakamit, o alam kong hindi ko na makukuha pa o makakamit. Pero marami sa mga gusto kong ito ay hindi naman essential tulad ng lugaw. Char! Tumatanda na rin ako. Magpo-48 na ako ngayong taon at natutuhan ko nang maging simple at magkaroon ng kababaang loob na tanggapin na hindi lahat ng gusto ko makukuha ko. So why struggle. Magpasalamat na lang ako sa kung ano ang mayroon ako. Ito ang mga iniisip ko habang nagbubungkal ng lupa, nagbubuhat ng mga bato, at nagtatanim ng kung ano-ano nitong nakaraang mga linggo dito sa Pasig.

Nitong nakaraang buwan ay naging dibdiban ang pagsaayos ko sa maliit na hardin namin dito sa likod ng aming bahay sa Pasig. Nag-umpisa ang tilang kabaliwang ito nang makapanood ako sa YouTube tungkol sa halaga ng pagga-grounding (yung literal na pagtapak sa lupa) at nang mabasa ko ang isang sanaysay ni Sandra Cisneros tungkol sa paninirahan niya sa Hydra na isang isla sa Greece kung saan niya sinulat ang nobela niyang The House on Mango Street. May pandemya pa at hindi pa ako makauwi sa Antique o di kaya makapagbakasyon sa kung saan para makatapak sa lupa o buhangin at maka-stay sa mga resort o hotel na maganda ang hardin. Naiisip kong ayusin ang maliit na hardin namin na bagamat napakalayo sa isang resort ang sitwasyon ay puwede nang pagtiyagaan. Siyempre, Greece din ang gusto kong peg kayâ pininturahan ko ang pader ng puti. Sa totoo lang, first time ako nagpintura. Nakakapagod pala. Masakit sa wrist ang paghawak ng brutsa. Kayâ inabot rin ng isang linggo ang pagpipintura ko na siguro kung ginawa ng isang pintor ay baka isang araw lang.

Masaya ako sa naging resulta! Salamat sa online shopping at nakapag-order kami ni Sunshine ng garden bench, stone steps, at carabao grass. Nang makita ng kapatid naming si Mimi sa Sweden ang bagong look ng garden nang mag-Facetime kami, nag-volunteer siyang magpadala ng pera upang i-reimburse ang binayad ko sa bench. Ang mas maganda, pati ang stone steps at carabao grass ay covered na ng pinadala niyang pera. Nahiya naman akong singilin pa siya ng isang buwang labor ko ng pagbubungkal, pagpipintura, at pagtatanim. Isa pa, baka hindi rin niya kakayanin ang presyo ko! Ang saya maging panganay: may isang mauutusan kang mag-order online at may isang mauutusan mo namang bayaran ang mga ito. I’m just a lucky Sirena.

Ang hardin ng Sirena sa Pasig.

Kapag nandito ako sa bahay sa Pasig, umaga pa lang nasa hardin na ako. Dahil maliit lang naman ito. Kalahating oras lang nakakapagdilig na ako, naaayos ang dapat ayusin, at nakakapaglinis na. Mas maraming time magtambay dito, tumunganga, at mag-day dream. Saka magbasa.

Ang favorite daydreaming ko ay ang pagandahin ang hardin sa bahay namin sa Maybato, ang baryo namin sa Antique. Mas malawak ang bakuran namin doon. Iniisip ko ring mag-permaculture sa maliit na sakahan namin doon na nasa unahan ng likod ng bahay namin. Nitong mga nakaraang buwan din nanonood ako ng mga video online hinggil sa permaculture, ang pagtatanim at pag-aalaga ng mga hayop para kainin sa isang paraan na hindi mapanira sa kalikasan. Iniisip ko, pagagawa ako sa sakahan namin ng maliit na cottage na off the grid—yung hindi konektado sa grid ng koryente at tubig. Solar power lang ang gagamitin ko at magposo lang. Nanonood din ako ng mga video tungkol sa maliliit na bahay na off the grid. Paborito ko ang You Tube channel na Living Big in a Tiny House. Very informative, ang ganda ng video, at ang pogi pa ng host.

Ang bahay namin sa Maybato.

Ang kapatid naming si Gary ay nakabili na ng lupa sa Bataan dahil mukhang doon na siya magre-retire sa ngalan ng pag-ibig. How can you argue with love di ba? May mga lupa kasi kaming namana sa Antique at sa Palawan mula sa aming mga magulang, at mula kay Tita Neneng na isang matandang dalaga at nag-iisang kapatid ng aming ama. Hindi namin sana kailangang bumili pa ng lupa dahil hindi na nga namin naaasikaso nang maayos ang mga minana namin. Na-appoint na ako ng korte na special administrator ng estate ng parents namin at may kaunting sagabal pa pero nakakaya namang harapin. Ang mahalaga solid kaming magkakapatid at kaya naming mamuhay nang marangal kahit na wala pa kaming mamanahin. Pero yun nga, may mga minana kaming lupain. Hindi naman hasyenda level pero keri na.

Tempted na rin akong bumili ng lupa sa Bataan na katabi ng lupang binili ni Gary. Sa pagtanda namin gusto kong magkalapit kami ng bahay dahil madali ring utusan si Gary. Siya yung tipo ng mabait to a fault na puwedeng abusuhin. Pagawa rin ako ng maliit na off the grid na cottage—may pangalan na nga ako, “Bougainvillea Cottage”—na napapalibutan ng mga tanim na gulay na pangkunsumo at pang-donate na rin sa mga community pantry kung sobra-sobra ang aking maani.

Kapag retired na ako mula sa pagtuturo, at ang goal ko ay magretiro nang maaga, palipat-lipat ako sa mga hardin at mga tiny house ko—dito sa Pasig, sa Maybato, at sa Bataan. Natatawa ako kung naiisip ko ito. Talagang nakatadhana yata na tatlong bahay talaga ang mini-maintain ko. Isang bagay ito—na hindi ko alam kung maganda o pangit—na namana ko sa aking mga magulang. Maliit pa lang ako, dalawa na talaga ang bahay namin. Isa sa Maybato at isa rito sa Pasig. Bukod pa ito sa bahaykubo namin sa niyugan sa tabingdagat at may isa pa sa aming palayan. Nang maisipan ng mga magulang ko na mag-migrate sa Palawan noong 1998, nagkabahay rin kami sa Lungsod Puerto Prinsesa. Tatlong bahay ang mini-maintain nila noon.

Ganito na rin ako ngayon. Tatlong bahay na rin ang mini-maintain: dito sa Pasig, sa Maybato, at sa Tore ko sa Taft Avenue. Samakatwid, tigtatlong bill ng koryente at tubig ang binabayaran ko buwan-buwan! Ngayong online classes galore, dalawang bill ng internet ang binabayaran ko. Although kung minsan si Mimi naman ang nagbabayad sa Antique at si Sunshine dito sa Pasig. Middle class problem ito ng isang Sirena pero naisip ko lang, hanggang pag-retire ko ba tatlong bahay talaga ang imi-maintain ko? Kunsabagay nangako naman si Mimi na kung retired na ako siya ang bahala sa Maybato at si Sunshine naman dito sa Pasig.

Basta ako ang iniimadyin ko ang mga hardin ko sa mga bahay na ito. Ang nandito sa Pasig naayos ko na. Kung wala nang mga quarantine at makakauwi ako sa Antique aayusin ko ang bakuran namin sa likod. Ipapa-demolish ang damisag, imbakan ng palay, at ang dirty kitchen at patatambakan ko ng lupa para ma-prepare na para sa hardin at sa gitna nito magpapagawa si Mimi ng swimming pool para kay Juliet. Kung maaari nang magbiyahe papasyalan ko rin ang lupang binili ni Gary sa Bataan at titingnan kung saan itatayo ang off the grid kong tiny house na napapalibutan ng mga gulay at bulaklak. Malapit lang ang Bataan sa Manila. Habang nagtuturo pa ako sa La Salle, puwede kong maging weekend hideaway ito at bakasyunan kapag term break. Dahil sa mga travel ban nitong pandemic, parang nawala na ang desire at apettite kong magbakasyon abroad at maging sa mga local tourist attraction natin. Gusto ko lang ng maliit na bahay na punô ng mga libro at napapalibutan ng hardin. Ayaw ko nang magbiyahe. Kahit noon pa man, masungit na ako sa mga airport. Maraming ground crew, stewardes, at immigration officer na rin akong natarayan. Kung wala lang din ako sa classroom, wala akong pasensiya sa mga bratinela at mga bobong tanong kasi bratinela din ako at maganda bukod sa matalino. Char!

Kung magta-travel man ako abroad kung pupuwede na, sa Sweden na lamang ako pupunta dahil nandoon sina Mimi at Juliet. Worth ang stress, pagod, at gastos. At siyempre nandoon ang pang-apat kong tiny house, ang Sirenahus sa Lenhovda, na napapalibutan ng mga ilahas na bulaklak at sapinit o raspberi. Kapag tag-araw, ang buong Lenhovda ay isang hardin!

Ang Sirenahus

May hardin ako dito sa Pasig at napapabayaan ngayon ang hardin ko sa Maybato. Ang mga libro ko ay nakakalat din sa tatlong lugar: dito sa Pasig, sa Tore ko, at sa Maybato. Hindi ko alam kung maiintindihan ni Cicero itong kalagayan ko o di kaya kung pasók ba sa idea niya ng pagkakaroon ng hardin at library. Kunsabagay Romanong politiko, abogado, at pilosopo naman siya. I’m sure marami siyang bahay.

Maraming hardin ang Sirena subalit iisa lang naman talaga ito. Kung nasaan ang mga kapatid ko, nandoon ang hardin ko. Nakakalat man sa tatlong lugar ang mga libro ko, at home ako kung nasaan man sila. Kayâ at home ako rito sa Pasig, at home din sa Tore ko, at at home din sa Antique. Mga bugay ito mula sa Mahal na Makaaku na ipinapasalamat ko sa araw-araw.

Marami ngunit iisa lang naman talaga ang hardin ng Sirena sapagkat ang tunay na hardin ay nasa malawak niyang kasingkasing.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s