Spaghetti ang isa sa mga comfort food ko. Kapag depressed ako o may dinaramdam na sakit tulad ng trangkaso, spaghetti agad ang naiisip kong kainin. Kesehodang wala akong panlasa, napakalakas ng desire kong lumamon ng spaghetti! Agad akong magpapaluto kay Nanay. Siyempre, sweet spaghetti ito na parang sa Jollibee.
Hindi naman ako depressed ngayong araw pero nagluto ako ng spaghetti dahil pinadalhan ako ng kaibigan kong si Assad ng tatlong bote ng ginawa niyang tomato sauce. Tag-araw kasi at mura ang kamatis. Noong nakaraang Linggo, habang nag-i-e-tsismisan (kuwentuhan sa Zoom) kaming magbarkada, naghihiwa siya ng mga kamatis at bawang dahil nagka-canning siya ng tomato sauce. Nangako siyang papadalhan ako nito. At pinadalhan nga niya ako kahapon!
Oxford University trained economist si Assad na mahilig magluto. Pag-uwi niya galing UK matapos niyang mag-aral, ang unang binili niya ay malaking oven. Mahilig siyang mag-eksperimento sa pagluluto at kami ang tagatikim niya. May mga pagkakataon na habang pinapakin niya kami nang libre ay nilalait namin ang niluto niya. Siyempre mas maraming pagkakataon na takam na takam kami at sirang-sira ang diet namin! Sa katunayan, nakapaglathala na si Assad ng cookbook: Mga Tutul a Palapa: Recipe and Memories from Ranao (Gantala Press, 2017).

Marunong naman talaga akong magluto ng spaghetti. Lalo na ang resipi ni Nanay na matamis na version ng spaghetti bolognese o spaghetti with meat sauce na paborito kong kainin noong bata pa ako sa Cindy’s, isang homegrown restaurant sa town proper ng San Jose de Buenavista sa Antique. Nasa Metro Manila pa lamang ang Jollibee noon at hindi ko pa alam na may sikat palang fastfood chain na Cindy’s.
Heto ang resipi ng eksperimento ko ng spaghetti na gamit ang tomato sauce ni Assad. Pinangalanan ko itong “Vegetarian Spaghetti ng Sirena” na dedicated sa isang kaibigan naming si Cris na isang vegetarian.
Mga sangkap: 500 grams ng spaghetti pasta; mga 500 ml na homemade tomato sauce (tulad ng kay Assad); 500 ml tap water; tatlong piraso ng siling-bilog o pidada; tatlong piraso ng sibuyas bombay; isang piraso ng bawang; dalawampung piraso ng pitted olives (puwedeng green, puwedeng itim); lemon pepper shaker seasoning (Cape Herb and Spice mulang South Africa); dried ground basil (Santa Maria Basilika Basilikum mulang Sweden); rock salt; musvocado; grated quezo de bola; at virgin coconut oil o VCO.
1. Hiwain nang maliliit ang bawang, sibuyas, at pidada. Hatiin naman sa dalawa ang olives.

2. Lutuin ang pasta. Pakuluan ito ng sampung minuto at i-strain at ilagay sa tabi.
3. Gisahin nang mabilisan sa VCO ang bawang, sibuyas, pidada, at olives. Madalian para hindi ma-overcook. Mas crunchy mas maganda dahil mas intact ang nutrients.
4. Ilagay ang 500 ml na homemade tomato sauce.
5. Lagyan ng 500 ml na tubig galing sa gripo.
6. Pakuluin. Habang kumukulo, lagyan ng lemon pepper seasoning at dried ground basil. Depende ang dami sa panlasa mo. Maaari ding dagdagan ng asin at muscovado ayon sa gusto mo.
7. Ilagay ang nilutong pasta. Haluin habang kumukulo at hanggang sa ma-absorb ng pasta ang sauce.
8. Bago kainin, budburan ng grayed quezo de bola (o ng kahit anong cheese na trip mo).
Masarap ang resulta ng eksperimentasyon ko! Ito ang hapunan namin ni Sunshine ngayong Lunes. Pa-healthy ang lasa dahil puro veggies nga at VCO pa ang pinanggisa. Lasang panlaban sa COVID-19 dahil maraming bawang, sibuyas, at pidada. Nalalasahan ko talaga ang olives, lasang gustong-gusto ko lalo ngayon dahil sunod-sunod ang pagbabasa ko ng mga libro na tungkol sa o ang setting ay Meditteranean. Ang maganda pa sa resipi na ito, walang delatang ginamit.

May isa pa akong nanay na naalala sa niluto kong spaghetti. Si Nanay Dayang, ang nanay ko sa Puerto Prinsesa sa Palawan. Lagi niyang pinapakain sa akin kapag pinapasyalan ko siya noon sa hardin niya ng mga grande flora at bogambilya sa Kamarikutan Kape at Galeri ang “Kamarikutan Vegetarian Spaghetti.” Doon yata ako unang nakatikim ng pitted olives.
Maraming magagandang alaalang dala ang pagluluto at pagkain ng spaghetti. Matagal nang wala si Nanay, matagal na rin akong di nakakain sa Cindy’s sa Antique. Madalang na akong bumisita kay Nanay Dayang at matagal na ring nagsara ang Kamarikutan. Magandang banyos sa lungkot at pangungulila ang pagluluto at pagkain ng mga comfort food natin paminsan-minsan. Lalo na ngayong mahigit isang taon na ang kuwerentina dahil sa pandemya.
[Mayo 10, 2021 / Pasig]