Masyado ko yatang na-spoil ang aking sarili nang makipag-date ako sa sarili ko sa Greenbelt sa Lungsod Makati kahapon araw ng Linggo. Pero naisip ko, kaliwa’t kanan na literary events ang sinalihan ko noong nakaraang Abril, Buwan ng Panitikan, kung kayâ deserve ko namang i-pamper ang sarili kahit isang araw lang. Ang hirap din namang tumulong sa “nation building,” ang birong tawag ko para sa mga ginagawa ko bilang sekretaryo heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, workshop director ng IYAS National Writers Workshop, tagabigay ng mga lektura tungkol sa panitikan, at kasapi ngayong taon ng komite para sa Buwan ng Panitikan ng National Commission for Culture and the Arts, lalo na’t ang mga event ay nasa isang buwan lamang.

Sabado pa lamang ng gabi, nagki-crave na ako ng dinuguan. Kasama ko dapat si Pietros sa pagwo-walking ko dahil dito lang ako sa Tore ko sa Taft ngayong weekend. Normally sa Intramuros o CCP Complex kami nagwo-walking. Kaso sobrang mainit ngayon at naisip ko sa mall kami mag-walking para malamig. Hindi nakatulog nang maayos si Pietros noong Sabado ng gabi kayâ hindi na niya nakayanang samahan ako.
Mabuti at kaunti lang ang mga tao sa Greenbelt kahapon. Kahit kasi GCQ na ang quarantine status ng NCR+, bawal pa ring lumabas ang below 18 at above 65. Gusto ko ang mall kapag kaunti ang mga tao na siyempre ayaw ng mga may-ari ng mall at mga tindahan at kainan dito ang ganito. Mga 10 ng umaga nasa Greenbelt na ako at kabubukas lang nito. Siyempre H&M agad ang pinuntahan ko. Siguro mga kalahating oras din na mag-isa lang akong kostumer nila. At wala rin akong binili dahil may moratorium nga ako ngayong taon sa pagbibili ng damit.

Mayo na at mukhang successful ang self-imposed moratorium ko. Ang kaso, nilabag ko ito kahapon. Slight lang naman na paglabag dahil isang pirasong boxers shorts lang ang binili ko sa Muji. Saka kaya kong i-justify ito sa sarili ko. Kailangan ko kasi talaga ng mga bagong boxers shorts. Nitong WFH na kasi dahil sa pandemya, naka-boxers shorts lang ako dito sa bahay. Kapag nagtuturo ako online o may miting sa Zoom, nagpopolo ako pero naka-boxers shorts lang. Kayâ gamit na gamit ang mga ito. Di tulad ng mga pantalon at jogging pants ko na sobrang dalang na ang pagsuot ko sa mga ito ngayon. Mabilis na tuloy naluluma ang mga boxers shorts ko. Ilang linggo ko na ring naiisip na bibili na ako ng boxers shorts. Kaso wala akong nakikita na gusto ko. Hanggang sa pumasok ako sa Muji kahapon. Sikat ang Muji sa mga produkto nitong simple, sustainable materials ang gamit, at kumportable. May Indian cotton silang boxers shorts. Bumili muna ako ng isa para masubukan ko kung kumportable nga ito. At hindi ako nagkamali. Suot ko ito ngayon at masarap sa balat ang tela nito. Kapag magkaraket uli ako ay babalik ako roon at bibili ng dalawa o tatlo pa. May kamahalan pero sulit naman dahil masarap nga sa katawan.
Habang nag-iisip kung saan kakain doon, nagki-crave pa rin ako ng dinuguan. Hindi ko naman favorite ulam ito pero bakit bigla kong gustong kumain nito? Baka may iba talaga akong kini-crave na mas masarap at mas madugo pa kaysa dito at napagdiskitahan ko lang ang dinuguan? Siyempre naghanap ako ng restawran na may dinuguan. Meron sa Via Mare nang tinanong ko ang weyter na nakatayo sa pinto katabi ang poster ng menu nila. Gintsek ko sa aking iPhone kung nakailang steps na ako. 3,500 plus pa lang. Naisip kong maglakad muna at bumili ng bagong libro ni Haruki Murakami, ang ‘First Person Singular,’ sa Fully Booked. Gusto ko ring kunan ng larawan ang naka-display na mga libro namin sa Pawikan Press doon.
Hayun, dahil nga nasa Fully Booked ako, na-trigger ang pagiging adik ko sa libro. At kahapon nga, bukod sa bagong libro ni Murakami, may nakita pa akong isang libro na hindi maaaring hindi ko bilhin. Libro ito ng complete paintings ni Vincent van Gogh. Marami na akong libro ng mga painting ni Van Gogh. Pero sabi ko sa sarili ko, complete works ito. Hayun, kahit ang mahal, puwede na sanang pambayad sa isang buwan naming koryente sa Pasig, ay binitbit ko ang librong ito na kasing-laki at kasing-bigat ng isang hollow block patungo sa cashier at pikitmatang binayaran nang cash.

Tuwang-tuwa ang waiter sa Via Mare nang bumalik ako as promised. Ako lang ang kostumer nila. May tatlong dumating nang tapos na akong kumain at paalis na.
Dinuguan na may kanin siyempre ang inorder ko. Para may veggies, nag-order din ako ng isang lumpia ubod fresh. Mineral water na ang drinks ko para healthy. Habang kumakain, nagbabasa ako ng libro ni Murakami.

Dahil masarap ang dinuguan, naalala ko tuloy ang “the best dinuguan in the world” para sa akin. Mabibili ito sa isang turo-turo sa ilalim ng hagdan ng Baguio City Hall. Kapag umaakyat kami ni Papa CFB sa Baguio noon at pinupuntahan namin ang kaibigan naming si Gabie sa City Hall na information officer ng lungsod, bumibili talaga ako ng dinuguan doon. Minsan pinapabalot, minsan doon ko na mismo nilalantakan! Yes, sa ilalim ng hagdanan paakyat ng second floor ng Baguio City Hall.
Bago umuwi naisip kong magkape muna. Naisip ko agad ang Bizu Patisserie and Cafe. Gusto ko ang macarons nila. Pero excited na akong umuwi dahil naka-6,000+ steps na ako at excited na akong basahin ang dalawang librong binili ko.
Nang malapit na ako sa Bizu, nagdesisyon akong bumili na lamang ng tatlong piraso ng macarons at dadalhin ko ito pauwi. Ito na ang aking kakainin sa pag-inom ko ng kape mga alas-kuwatro ng hapon. Sa ganitong paraan, mas makakatipid ako, mas safe pa sa COVID, at makakauwi na ako agad at makapag-umpisa na sa pagbabasa ng mga bagong biling libro. Tatlong flavors ng macarons ang binili ko: rose, blueberry, at raspberry! Very European at very Swedish. Hapi ako.

In fairness, naka-8,133 steps din ako kahapon. Ayon sa nutritionix.com, 43 calories ang isang piraso ng French macarons. Not bad.
Sa tingin ko malaking tulong sa mental health natin kung paminsan-minsan i-date naman natin ang ating sarili at i-pamper ito. Matagal ko na itong ginagawa. Isa ito sa mga sekreto kung bakit nananatiling sariwa ang berdeng buntot ng Sirena.