Dahil simula pa noong Lunes nasa Check Republic na ako, at alam ng mga guro ang ibig sabihin nito, kailangan ko munang tumakas mula sa aking Tore at nag-early lunch ako sa Ilustrado sa Intramuros kasama ang isang prayle.

Tamang-tama, kinumusta ako ni Johnny sa Messenger noong Lunes at nagkasundo kaming mag-lunch date ngayong araw. Bukod sa kumustahan nang personal kailangan din naming i-celebrate ang kaniyang ordinasyon bilang deacon sa Order of Saint Augustine (OSA) sa ilalim ng Province of the Most Holy Name of Jesus of the Philippines sa San Agustin Intramuros noong Mayo 22. Hindi ako nakadalo dahil Sabado iyon at may inupuan akong dalawang dissertation defense at may klase ako sa hapon sa grad school. Abril 5 kasi ang orihinal na iskedyul nito kaso nag-MECQ uli sa Metro Manila kayâ naantala ang kanilang ordinasyon.
Editor-in-Chief si Johnny ng student publications sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo noon at ako ang kanilang moderator. Estudyante siya ng Political Science. Magaling magsulat si Johnny, matalino, masipag, mabait, at guwapo. Saan ka? Working student din siya na naka-assign sa Registrar’s Office. Nang maging editor siya, malaking ginhawa sa akin dahil napakaresponsable niya.
Pagka-graduate niya, nag-aral pa siya uli ng education at nang kumuha siya ng board exam, top 5 siya nang taong iyon. Kayâ nagturo din siya sa University of Iloilo at nang pumasok nga siya sa kumbento ng OSA, na-assign siya sa Colegio de San Agustin sa Makati.
Nang malaman ko noon na seryoso pala si Johnny na maging pari, ang sabi ko sa kaniya, bilisan niya para sa kaniya na ako mangungumpisal. Ang pabiro niyang sagot noon, “Naku huwag na, Sir. Alam ko na ang mga kasalanan mo at paulit-ulit lang din naman ang mga ‘yan.”
Bata pa ako noon nang maging moderator nila ako kayâ parang naging barkada ko na silang mga editor at staff ng diyaryong The Augustinian at magasing The Augustinian Mirror. Pup Pipol ang tawag nila sa kanilang grupo. Palagi ko silang nilulutuan ng adobong baboy at pinapakain sa apartment ko sa Iloilo. At dahil nag-aaral din noon sa San Agustin ang mga kapatid kong sina Mimi at Sunshine, naging kaibigan din nila sila. Sa katunayan, ninong ni Juliet si Johnny.
First time kumain ni Johnny sa Ilustrado kanina na dalawang bloke lang ang layo mula sa kumbento nila. Kapag may bisita raw kasi sila, sa Mitré o sa Barbara’s nila pinapakain. Sabi ko sa kaniya, sayang at hindi niya makikita ang loob ng dining hall at ng coffee shop nitong paborito kong restawran sa Intramuros dahil sa hardin lang ngayon puwedeng kumain bilang bahagi ng health protocol ngayong may pandemya.
Nag-brunch kami. Tocino ang kay Johnny, at tapa naman ang sa akin. Naubusan kasi sila ng longganisa. Nag-order din kami ng puto’t dinuguan. Ang sarap gid ng dinuguan nila! At ang surprise ko kay Johnny ay ang sampagita ice cream. Naaliw si Johnny sa ice cream na ito at natawa siya nang sinabi ko sa kaniya na ayon sa isang kaibigan kong manunulat, “lasang altar” ito.
Habang kumakain kami sinabi ko kay Johnny kung puwede bang dalhin niya ako sa courtyard ng San Agustin Museum at sa hardin ni Fr. Blanco. Gusto ko kasi uling makita ang mga ito. Sarado pa ang mga museum. Si Fray Manuel Blanco ang awtor ng Flora de Filipinas na listahan ng mga halaman na may magagandang illustrations noong 1837.

Gustong-gusto ko ang courtyard dahil walang tao. Gayundin ang Urdaneta Garden na maraming bogambilya at ang Fr. Blanco’s Garden. Parang nag-time travel lang ang peg. Si Fray Andres de Urdaneta naman ang navigator ni Miguel Lopez de Legazpi noon. Pamilyar na mga pangalan sila dahil may mga building sa University of San Agustin na nakapangalan sa kanila.

Ang balak ko talaga noong Lunes, alas-otso y medya pa lang ng umaga ngayong Huwebes ay magwo-walking na ako pa-Intramuros gaya ng madalas naming gawin ni Pietros. Magkasama sina Johnny at Pietros noon sa USA Publications. Pareho silang Pub Pipol. Ang kaso, pumorma si Bagyo Dante kahapon at kaninang umaga umuulan-ulan kayâ nag-GRAB na lang ako papuntang Intramuros.
Mga naka-5,700+ steps din ako ngayong araw. Matapos kasi ng San Agustin Intramuros tour ko kasama si Johnny, naka-2,500 pa lang ako. Kayâ naglakad-lakad muna bago umuwi.
Masaya ako na nagkita at nagkausap uli kami ni Johnny. Akala ko kasi nasa Lubuagan sa Kordilyera pa siya naka-assign. Na-reassign daw siya rito Intramuros para tapusin niya ang pag-aaral niya ng abogasya sa Pamantasang Lungsod ng Maynila. In the near future, magiging paring abogado siya.

Ngayong nandiyan na si Johnny sa Intramuros mas magiging madali na ang pagkikita namin. Masarap kasing kakuwentuhan si Johnny. Maaari akong maging honest sa sarili dahil naging saksi kami ni Johnny sa magaganda at di magagandang pangyayari sa buhay ng isa’t isa. At dahil nga prayle na siya ngayon, para na rin akong nangungumpisal.