
Thank God at hindi kailangan ng negative PCR test result. Char! Dahil naisumite ko na ang grades kahapon, bilang treat sa sarili, nag-walking ako sa Luneta kaninang umaga. Naka-12,000+ steps ako wala pa lunchtime.
Hindi ko alam kung dahil ba sa mga quarantine at na-miss ko lang ang Rizal Park, o dahil kakaunti ang tao roon kanina, o talagang inayos nila at maganda na ang pag-manage ng parke ngayon, dahil ang ganda, ganda ng Luneta sa mga mata at pakiramdam ko kanina! Malinis ito at well-maintained, at alagang-alaga ang mga damo at bulaklak. Mapalad ako at malapit ang tinitirhan kong condo rito sa Manila.
Hindi naman ganoon kalapit. Nang makarating ako sa gilid ng Luneta sa T.M. Kalaw Avenue, tiningnan ko ang pedometer sa iPhone ko at naka-4,274 steps ako, at 2.1 kilometro ang layo mula sa tinutuluyan kong kondominyum sa Taft Avenue sa tabi ng La Salle. Mga alas-siyete ng umaga ako umalis at 7:26 doon na ako. Medyo liesurely ang paglalakad ako kayâ inabot ng halos kalahating oras.
Dahil sa quarantine limitado pa lamang ang oras at ang bahagi ng Rizal Park na bukas sa publiko. Simula noong Mayo 17, bukas ang bahaging may fountain at monumento ni Jose Rizal mula 5:00 hanggang 9:00 ng umaga at 4:00 ng hapon hanggan 8:00 ng gabi para sa mga nag-eehersisyo. Bawal pa rin doon ang mga may edad 17 pababa at 65 pataas. May tatlong dalagita sa sumusunod sa akin sa gate na hindi pinapasok ng guard dahil 17 pa lang daw sila nang tinanong sila ng guard. Hindi naman sila puwedeng magsinungaling dahil sa totoo lang, mukha lang silang 12. Naawa naman ako sa kanila nang slight dahil mukhang excited pa naman silang mamasyal sa Luneta. Sabi pa ng isang mataray na babaeng guard, “Kayong mga bata dapat hindi lumalabas ng bahay. May quarantine pa!” COVID is real talaga ang peg.

Sa timog na geyt sa Ma. Orosa St. ang entrance. Doon may nagbabantay na na guard. Dito, may lababo na may sabon at running water at required kang maghugas ng kamay. Nakalimutan kong ilagay sa maliit kong sling bag ang rubbing alcohol kung kaya’t tuwang-tuwa ako na nag-install sila ng lababo roon. Pagpasok mo sa unahan, may mesa kung saan kailangan mong magpakuha ng temperature at magpa-register. Doon naharang ang mga tin-edyer.

May mga dispenser ng rubbing alcohol sa maraming bahagi ng parke. May mga guwardya ring nag-iikot na may yantok, kagaya ng mga yantok ng mga pulis na panukat daw para sa physical distancing, pero dahil kakaunti lang ang mga tao hindi naman nila nagagamit ito.

Ang sarap maglakad doon at magtunganga. May mga iron bench na nakaharap sa mga fountain. May mga speaker din sa mga sulok na nagpapatugtog ng mga awiting Filipino. Pagdating ko nga, “Manila” ng Hotdog ang tumutugtog. Pinipigilan ko ang mga paa ko na sumayaw habang nakikinig.
Luntiang-luntian ang parke. Ang lalakí at malalabay ang mga punongkahoy sa gilid na bumabakod sa parke. Namumulaklak ang mga puti at pink na bogambilya sa paligid ng mga fountain. Sa kortina ng tubig na binubuga ng isang fountain, may nabubuong bahaghari kapag nasisinagan ito ng silahis ng araw.

Sa bandang dulo malapit na monumento ni Rizal, may nadaanan akong dalawang babaeng nagho-hula hoop. May mga yantok na hula hoop doon na maaaring gamitin. Noong isang araw lang, napanood ko sa programang In Good Shape sa DW na magandang ehersisyo raw ito ngayong panahon ng pandemya dahil kayang-kayang gawin sa bahay. Maraming muscle daw ang nagagalaw kapag nagho-hula hoop. Ma-try nga ito minsan sa Luneta.

Ang pinakamagandang discovery ko kanina sa Luneta ay maraming CR na bukas at malinis. Kung minsan kasi ayaw kong mag-walking nang malayo sa umaga lalo na kapag hindi pa ako nakapag-gerbs (Ang gay lingo ng mga kaibigan kong babae na asal bakla para sa pagtatae. Hindi ko alam ang etymology dahil hindi ako bakla. Charot!) What if abutan ako sa kalye? Ito ang problema ko sa pagwo-walking sa CCP Complex. Walang public CR. Nakikiihi pa ako sa mga restawran sa Harbor Square na siyempre kailangan mong kumain ng something dahil nakakahiya namang makigamit ka lang talaga ng CR.


Ngayon hindi na akong magda-dalawang isip na mag-walking pa-Luneta sa umaga, naka-gerbs man ako o hindi pa, dahil civilized ang mga CR doon. CR pa lang, pinapalakpakan ko na ang mga namumuno at kawani ng National Parks Development Committee na nagma-manage ng Rizal Park.
Masikip, maingay, at marumi ang maraming bahagi ng Metro Manila. Pero in fairness, itong sentro ng Lungsod Manila, ay tila unti-unting gumaganda nitong mga nakaraang taon. O matagal na talagang maganda subalit hindi ko lang napapansin. Dito ako sa Malate nakatira at malapit sa green spaces tulad ng CCP Complex, Luneta, at Intramuros. Mga magandang lugar ito para mamasyal at mag-ehersisyo. Ako na adik sa walking, ay tuwang-tuwa sa nadiskubre, o muling nadiskubre ko, nitong panahon na pandemya.

Sa Manila man ay may paraiso rin. At iniisip ko ngayon, dapat kahit isang beses man lamang sa isang linggo ay mag-walking ako sa Rizal Park, may pandemya man o wala, o galing man ako sa Check Repablik o hindi.