
Maganda at makulay na coincidence na kada Hunyo ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan ng ating bansa at buwan ng Hunyo rin ipinagdiriwang ang Pride Month ng maraming bansa sa buong mundo upang isulong ang mga karapatan at kalayaan ng LGBTQ+.
Sa pag-alaala natin ng ika-123 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Filipinas, huwag sana nating kalimutan na kasama sa mga kalayaang ito ay ang mamuhay nang malaya, ligtas, at marangal sa ating minamahal na arkipelago ang mga agî, lakin-ën, bakla, bayot, tomboy, lesbiyana, bi, trans, at kung ano-ano pang kulay ng pagnanasa at pagmamahal. Kayâ rainbow ang bandera ng LGBTQ+ kasi sari-sari ang mukha at anyo nito.
Ngayong Hunyo rin nangyari ang kahindik-hindik na pagkalbo at pagpahiya sa mga kasapi ng LGBT sa Ampatuan, Maguindanao dahil bawal daw ito sa relihiyon nila. Ganern? Relihiyon pa bang matatawag ang nang-aapi kayo at namamahiya ng dapat ay kapatid ninyo sa pananampalataya?
Kung ang relihiyon ko ay ikakahiya ako at aapihin ako dahil lamang sa pagnanasa at pagmamahal ko sa kapuwa lalaki, di bale na lang, hindi ko kailangan ng relihiyon! Kayâ nga may relihiyon para pagaanin ang buhay natin dito sa daigdig. Kung pinapahirapan ng relihiyon ang buhay natin, hindi na relihiyon iyon kundi kulto na o gang ng mga kriminal.
Thank God para kay Pope Francis. Siya ang Santo Papa na hindi homophobic at judgemental sa LGBTQ+. At least hindi na ako mapipilitang magpatayo ng sarili kong relihiyon dahil may mga obispong Katoliko pa rin na mistulang nabanhaw mula sa Dark Ages. Katoliko kasi ang minana kong relihiyon mula sa aking mga magulang. Pati edukasyon ko, 100% Katoliko ‘yan. Kayâ nagsisimba ako, nagrorosaryo, Marian devotee rin ako tulad ng namayapa kong ina, at bago ako lumabas sa pintuan nananalangin ako sa aking guardian angel na bantayan ako. Ngayon, kung mag-insist talaga ang Catholic Church na sa impiyerno ako mapupunta dahil bakla ako at dapat akong kalbuhin, hindi ako mangingiming itapon itong relihiyon ng aking angkan at magtatayo ako ng sariling relihiyon, kesehodang mag-isa lang akong kasapi, at patuloy pa rin akong magdadasal sa Diyos ng Kabutihan at Katarungan, kay Mother Mary, at hihingi pa rin ako ng proteksiyon sa mga anghel.
Speaking of pagkakalbo sa mga bading at trans, talagang bobo at gunggong iyong mga namahiya sa Maguindanao! Baket? Ano’ng iniisip nila? Kapag kinalbo mo ang bakla magiging lalaki na ito? Si Samson nga lalong lumalakas kapag mahaba ang buhok. Charot! Ang ibig kong sabihin, kalbuhin mo man ang mga baklang iyan, makakahanap ‘yan ng wig na iba-iba pa ang kulay kung trip talaga nilang magrampa na mahaba ang buhok. Ang isa pang point, hindi lahat ng bakla ay gusto ng mahabang buhok. Halimbawa ako, since 2000 pang semikalbo palagi ang buhok ko dahil mas presko ito, walang effort patuyuin pagkatapos maligo, at hindi ko na kailangang tingnan ang mukha ko sa salamin bago ako lumabas ng bahay kasi sure na ako na maganda ako!
Itong mga homophobic na taga-Maguindanao ay dapat matututo sa mga Teduray na nakatira sa kanilang kagubatan. Hindi isyu ang pagiging trans sa mga Teduray. Sa kultura nila, kapag nais ng isang lalaki na maging babae siya, walang problema. Magdamit babae, magkilos babae, at mamuhay na isang babae lang siya at babae na siya. Mentefulawey libun ang tawag nila rito. Ganoon din kung babae ka at gusto mong maging lalaki. Magdamit lalaki ka lang, magkilos lalaki, at mamuhay na isang lalaki at lalaki ka na. Mentefulawey lagey naman ang tawag nila rito.
Ang mga nangalbong iyon at ang mga nag-utos sa kanila at ang mga nanood lamang at walang ginawa at walang gagawin ay mga masyado nang napag-iwanan ng panahon! Humabol naman kayo sa 21st Century.
Henewey, mas maraming dapat ipagdiwang para ngayong Pride Month. Kahapon pag-uwi ko rito sa Pasig, nag-order si Sunshine para sa akin ng rainbow cupcakes na may buntot ng Sirena! Noong isang araw, gin-PM sa akin ni Mimi ang gawang rainbow flag poster ni Juliet para sa akin. Proyekto nila ito sa paaralan nila sa Sweden.

Kayâ love ko ang Sweden dahil bukod sa welfare state ito (libre ang health services at edukasyon), makatao at makakalikasan ang pamumuhay nila. Hindi acceptable sa kanila ang pagiging racist at homophobic. I’m sure may mga racist at homophobic din sa kanila subalit hindi nila ipangangalandakan ito dahil labag sa batas nila at sa kanilang pangkalahatang kultura. Talagang doon ko naramdaman kung paanong mamuhay ang isang cultured na bansa. At labis-labis ang aking pasasalamat sa Diyos sa araw-araw na dinala niya si Juliet doon.

Nagkataong nasa Stockholm ako noong tag-araw ng 2016 nang mag-Pride March doon. Kasama ko ang kapatid kong si Mimi, ang Swedish kong bayaw na si Jonas, at si Juliet. Namangha ako kasi may mga banderang balangaw sa lobby ng hotel naming tinirhan. Nang magkape kami sa Starbucks (Kapag kasama ko si Mimi kahit saan kami mapadpad kailangang pumunta ng Starbucks.) may mga rainbow flag sa cashier. Lahat ng restawran may rainbow flag. Pati sa mga bangko doon may rainbow flag. Ang isang malaking gusali ng American Embassy nabalutan ng higanteng rainbow flag. Ang mga bus may rainbow flag. May mga rainbow poster sa mga tren na ang nakalagay, “Visa Dina Rätta Färger!” na ang salin sa Ingles ay, “Show Your Correct Colors!”

Sa iconic na Central Station ng Stockholm nang bumaba ako ng tren, may nakita akong matabang matandang bakla. Siyempre parang nakita ko agad ang sarili ko may mga 20 years pa! May kapa siyang rainbow flag at may hawak-hawak siyang maliliit na rainbow flag at buong giliw siyang kumakendeng-kendeng at nakakahawa ang kaniyang saya. Hindi siya pinagtatawanan at hindi siya kinukutya. Napaiyak ako. Naiyak ako dahil sa saya para sa matandang iyon na kasing saya at ganda ng balangaw. At naiyak ako para sa aking sarili dahil kailan kayâ mangyayari ang ganito sa Filipinas? Na may lungsod kayâ sa aking bayang sawi na magwawagayway ng rainbow flag kapag Pride Month?
Alam ko namang bongga na ang Pride March sa Marikina. Noong 1996 nang mag-aral ako sa La Salle nasa Malate ang Pride March. Sumama kami nina Ronald Baytan, Nonon Carandang, Camillo Villanueva, at Roel Hoang Manipon sa paradang ito sa Malate na nagtapos sa Remedios Circle. Sumama kami sa dele-gay-tion ng La Salle, ang Pink Archers! Naalala ko, sinisipulan at kinakantiyawan kaming nagpaparada ng mga construction worker na nasa mga gusaling ginagawa pa lamang noon. Dedma kami at taas noo sa aming pagparada! As if naman hindi nagpapahada ang mga construction worker na ito.
Ngayon mas matapang at empowered na ang mga kabataang LGBTQ+ ng bansa. Unti-unti, mukhang masasaksihan ko na rin dito sa Filipinas ang nasaksihan ko sa Stockholm noon. Nitong pagbukas ng Hunyo lamang masayang-masaya akong makita sa post ng isang kaibigan sa Antique, si Jose Edison Tondares, na may rainbow ped xing sa town proper namin sa San Jose de Buenavista. Nakita ko rin sa FB page ni Mayor Jerry Treñas ng Lungsod Iloilo na naging rainbow bridge ang fly over sa harap ng alma mater kong University of San Agustin sa General Luna St. Maliliit na bagay pero napakalaking kontribusyon nito sa kilusang LGBTQ+ sa ating bansa.


Definitely hindi pa tayo tuluyang malaya bilang bansa sa ngayon. Kailangan pa rin nating kumapit sa China o sa Estados Unidos. Ang mga presidente natin, kung hindi tuta ng Tsino ay tuta ng Kanô. To the highest bidder ang mga lider natin.
Tuluyan lamang tayong magiging malaya kung wala nang nagugutom na kailangan pang pumila madaling araw pa lamang sa mga community pantry para lamang makakain, kung wala nang mamamatay dahil walang pampaospital at pambili ng gamot, kung lahat ng gustong mag-aral ay makapag-aral nang libre at kumportable, kung wala nang pagtatawanan at aapihin dahil lamang sa kulay ng kanilang balat, hugis ng katawan, at uri ng kanilang pagnanasa at pagmamahal.
Gayunpaman kailangan pa ring ipagdiwang natin ang Araw ng Kalayaan upang ipaalala sa ating lahat na kaya nating maging tunay na malaya kung magtulungan tayo, paghirapan natin ito, lawakan ang ating pang-unawa, at sama-samang isulong ang katotohanan at katarungan.