Bása Tayo (1) : Labanan sa Marawi

Kapag ang peryodistang si Criselda Yabes ang magsulat ng libro hinggil sa isang pangyayari, lalo na ang may kinalaman sa militar, kahit na anyong investigative journalism ito o isang libro ng creative nonfiction, nagmimistula itong nobela na masyadong nakaaaliw at nakaiintriga na kapag umipisahan mong basahin ay hindi mo na bibitawan hanggang sa huling pahina.

Ito muli ang nangyari sa akin nang binasa ko ang pinakahuling libro niyang The Battle of Marawi (Pawikan Press, 2020) na tungkol sa binansagang “siege of Marawi” noong 2017, ang laban sa pagitan ng militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa mga magkapatid na Maute na kasabwat ng Islamic State of Iraq at al-Shalam o ISIS.

Naalala ko ang pelikulang Saving Private Ryan ni Steven Spielberg habang binabasa ang librong ito. Matingkad ang pagsasalaysay at ang paglalarawan ng labanang iyon. Dahil malanobela ang paraan ng pagsasalaysay, bilang mambabasa para ka talagang nandoon sa tabi ng mga karakter na militar sa tabi ng kanilang binabaril na sasakayan, o gumagapang sa mga bakanteng bahay at di makagalaw masyado at lalong di makalabas dahil nakaabang ang mga sniper sa di kalayuan o sa kabilang gusali. Parang kang nanonood ng pelikula habang nagbabasa.

Halimbawa ng matingkad na paglalarawan ang unang talata ng tsapter na pinamagatang “View From a Spiper’s Hole,” “The trees had no leaves. There was one as huge as an acacia where the birds flocked, strangely, from where they could better see what was happening in the main battle area. I couldn’t distinguish them from the zoom lens of my camera, watching from a sniper’s hole in an occupied house in the neighbordhood of Raya Saduc, just across the river in the army’s safe zone (132).”

Maganda rin ang paglalarawan ng lunan katulad ng isang tipikal na bahay ng isang maykayang Marënaw sa Marawi: “We were in the third story of a house that was typical of a middle-class Maranao family’s home. Any of the houses could have in their storage a stash of guns, bullets, jewelry, cash, or any heirloom. The city lived by its rules, and it was the power of guns that made them the ‘untouchables’ under years of warlord governance.”

Ito ang librong mahirap i-summarize dahil parang walang pangyayari at detalye kang pakakawalan. Kailangan talaga itong basahin nang buo upang tuluyang malasahan ang linamnam ng pagkasulat nito.

Naalala ko noong linggo na may labanan sa Marawi, naghahapunan kami sa isang vegetarian restaurant sa Makati nina Cris (na isang vegetarian) at Yasmin (ang pabliser ng Pawikan Press) at siyempre ang nangyayari sa Marawi ang pinag-uusapan namin habang abala ako sa pagti-text upang kumustahin ang mga kaibigan kong manunulat at guro sa Mindanao State University sa mga  Iligan Instiute of Technology campus at main campus sa Marawi. Si Cris naman, abala sa pakikipag-unayan sa mga kontak niya sa AFP upang makisakay sa susunod na mga flight papuntang Cagayan de Oro para makapunta na siya sa Marawi at ma-cover ang labanan. Ibang klase!

Kunsabagay, hindi ito nakapagtataka. Isang beteranang journalist siya na ilang libro na rin ang nasulat hinggil sa military. Klasiko na ang kaniyang The Boys from the Barracks: The Philippine Military After EDSA (Anvil, 1991, 2009) na ulat niya tungkol sa mga kudeta noong panahon ni Cory Aquino. Para itong nobela ni Gabriel Garcia Marquez na ang mga karakter ay ang mga militar at korap na mga politiko ng Filipinas. Magic realism ang peg halimbawa ng pagsa-shopping ni Imelda Marcos sa Beijing noong 1982 ng rug na balat ng tigre para sa apartment niya sa New York, hindi sa Cubao kundi sa Estados Unidos. Ang isang genuine na rug ay US$17,000. Ang isang rug naman na peke na yari sa balat ng aso ay tag-US$5,000. Nahirapang mag-decide si Madam. Para hindi na maghirap ang kaniyang kalooban, binili niya pareho! Ang kuwentong ito ay nasa unang pahina ng The Boys from the Barracks.

At dahil magic realism nga ito, ang shopping alalay ni Imelda sa Biejing noon na nagkuwento nito ay si Ricardo Morales na 33 taong gulang na kapitan ng militar noon na nahindik sa paggasta na iyon ni Imelda sa pera ng bayan, isang bayan na marami ang naghihirap, kung kaya sumali ito sa papatalsik mula sa Malakanyang sa diktador na si Marcos sa sa imeldific nitong Unang Ginang. At presto! Zoom to 2020, panahon ng COVID-19 pandemic, retiradong heneral na si Morales at na-appoint ng isa pang mala-diktador na presidente bilang presidente ng PHILHEALTH at napilitan itong mag-resign sa gitna ng mga akusasyon ng malawakang kurapsiyon sa ahensiyang ito na napakalaki ng papel na ginagampanan, o dapat gampanan, ngayong may pandemya.

Ang isa pang libro ni Cris tungkol sa mga militar ay ang Peace Warriors: On the Trail with Filipino Soldiers (Anvil, 2011) na tungkol naman sa mga kuwento ng ilang militar na nakadestino sa Mindanao na nagsusumikap na makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa bahaging ito ng bansa.

Kung mayroon man tayong matatawag na manunulat na eksperto sa militar ng bansa lalo na sa military sa Mindanao, walang iba ito kundi si Criselda Yabes. Iniisip ko ngang magturo ng isang graduate seminar class tungkol sa kaniyang mga libro. Magandang mabasa nang maigi ng mga estudyante ng peryodismo at malikhaing pagsulat ang kaniyang mga akda. Mga madandang modelo kasi ito ng sipag at tiyaga sa pananaliksik, maingat at eleganteng paggamit ng wika, at matalim na paghimay at pagtahi ng mga pangyayari. Kung ganito siguro ang pagkasulat ng mga aklat na pangkasaysayan natin, tiyak na mas maraming estudyante ang maeengganyo sa pag-aaral ng kasaysayan.

Ang isa pa sa gusto ko sa mga libro tungkol sa AFP ni Cris, nayu-humanize niya ang ilang mga sundalo sa kaniyang mga libro. Halimbawa dito sa The Battle of Marawi, gusto ko ang mala-bromance na kuwento ng pagkakaibigan ng dalawang sundalong sina Alladin at Six-Eight. Nakakakilig. Pang-BL series. Huwag nating kalimutan na homosocial institusyon ang military kahit na may ilang mga babae nang nagsu-sundalo ngayon. Para malaman ang kuwento nila, kailangan ninyong bilhin at basahin ang librong ito.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s