
Narito ang mga mungkahi kong maaaring gawin kapag pumasyal sa Aningalan sa San Remigio, Antique. Base ito sa sariling mga karanasan ko. Marami pang lugar sa Aningalan na hindi ko pa napupuntahan kayâ hindi pa kasama sa listahan kong ito.
Kapag nasa Aningalan ako napapansin kong mas marami ang nagdi-day tour lamang. Lalo na kung weekend o holiday. Okey lang din naman ito dahil mga isang oras na biyahe lang naman paakyat sa Aningalan mula sa sentro ng San Jose de Buenavista. Puwede talagang balikan lang ang biyahe.
Pero para ma-enjoy talaga ang Aningalan, ang maranasan ang pagbagsak ng temperatura kapag palubog na ang araw, ay dapat mag-overnight. Mas maganda kung mag-stay dalawang araw para hindi mabitin. Sa gabi bumabagsak sa 19 degrees ang temperatura.
Narito ang mga paborito kong ginagawa kapag nasa Aningalan ako.
1. Kumain o magkape sa Banglid Dos habang pinapanood ang kabundukan na mistulang luntiang dambuhalang pader. The best ang tsokolate de batirol dito. Paborito kong ulam dito ay ang sinigang na baboy o salmon dahil masarap humigop ng sabaw dahil malamig ang simoy ng hangin. Masarap din ang green salad nila na siyempre ang mga gulay ay inani lang sa Aningalan. Ito ang mga tinatawag na mga “gulay Baguio” pero itinatanim na sa mga bukirin doon.
2. Pumasyal sa Highland Strawberry Garden. Ito ang unang may taniman ng mga strawberry sa Aningalan. Marami rin silang mga halaman at bulaklak. Maganda rin ang restawran nila dahil on a clear day makikita ang mga bayan ng Sibalom at San Jose de Buenavista, at ang Sulu Sea. Ang pinakamaganda sa lahat may cellphone signal dito at gumagana ang LTE! May isyu lang ako sa simentong giant strawberry nila at sa ilang estatwa na masakit sa aking mga mata pero marami talaga silang magagandang halaman at bulaklak lalo na ang mga nasa tarangkhan nila.
3. Akyatin ang Igbaclag Cave at kung suwertihin ka at may bumukadkad na rafflesia, puwedeng mag-trek kasama ang local guide sa loob ng gubat sa paligid nitong kuweba para makakita ng rafflesia. Diyembre hanggang tag-araw daw ang panahon ng pag-bloom ng mga rafflesia. Nitong Disyembre 25 lang nakakita ako ng Rafflesia lobata, ang uri ng rafflesia na maliit lang, kasing laki ng pinggan.

4. Magmuni-muni sa Danao Lake. May mga upuan at mesa sa tabi ng malaking pond (hindi talaga ito lake) na maraming mga halaman at bulaklak. Masarap lang umupo roon at tumunganga. Puwede ring magbalsa kung trip mo. At mas maganda kung lakarin ito mula sa highway. Siguro mga isang kilometro lang naman at paglalakad sa rough road na nilililiman ng mga punongkahoy. May bonggang resthouse na sa bungad at mukhang ilang taon na lang mapupunô na ng mga bahay at resort doon. Kayâ ngayon pa lang i-enjoy na ang nature walk doon.
5. Pumasyal sa HOBB8 ng pamilya Morano para magkaroon ng Lord of the Rings moment sa mala-Shire nilang property. May walong hobbit houses! Marami ring bulaklak at halaman. May malawak din silang pond na maaaring magkayak. May mga ATV din sila na maaaring rentahan para mag-ikot s apat na ektaryang private resort ng walong magkakapatid na nagpagawa ng hobbit houses nila noong pandemic. Bukas na ito sa publiko ngayon.

6. Puwede ring mamasyal sa hardin ng mga bulaklak ng Cozalandia at The Villagers View Point. Maganda at malawak ang hardin ng mga gulay at bulaklak sa Cozalandia. Kahit na medyo masakit sa mga mata ko ang simentong Noah’s Ark at ang mga estatwa ng camel at zebra sa Villager’s View Point, admittedly isa ito sa pinaka-Instagrammable na lugar sa Aningalan. Saka kaharap lang ng Banglid Dos ang Cozalandia. Ang Villager’s View Point naman ay katabi ng Banglid Dos. Pareho ang view ng tatlong lugar na ito.
7. Mag-overnight sa Aningalanja, isang maliit na resort may tatlong cottages na yari sa container van tulad ng makikita sa tiny houses videos sa Youtube. Ang isang cottage ay may dalawang double bed kung kayâ puwede sa apat na tao. May maliit na itong kusina na maaaring magluto gamit ang butane camping stove. Malaki ang banyo nito at masarap mag-shower kung kaya mo ang lamig. May malaking balkonahe rin ito na dito puwedeng ilabas ang mesa at mga upuan dahil masarap kumain at tumambay rito. Maganda rin ang view ng highway, kabundukan, at ang taniman ng mga pine tree sa lote sa kabilang kalsada. Nasa Upper Aningalan ang Aningalanja kung kuyâ wala pang linya ng koryente. May solar power system naman ito kayâ may ilaw sa gabi at maaaring mag-charge ng cellphone at laptop. Wala nga lang cellphone at internet signal doon.


8. Bago bumaba, dumaan sa Barangay Information Center at bumili ng mga bagong aning gulay tulad ng lettuce, cucumber, kamatis, carrots, at sayote. May mga halaman at bulaklak din silang tinitinda.
Ano pa’ng hihintay ninyo? Planuhin na ang pamamasyal sa Aningalan!
[Ang lahat ng mga larawan ay kuha ni July Farol/Panay Viaje.]
































