Ang Sirena Bilang Guro ng Literatura

Noong nakaraang linggo may natanggap akong mga tanong sa Messenger mula sa isang estudyante ng literatura sa Lungsod Baguio.

As a rule, dinidedma ko ang mga ganito lalo na kung ang mga tanong ay: Kailan at saan kayo ipinanganak? Ano-anong mga libro ang sinulat ninyo? Ano ang ibig sabihin ng tula mong “Ang Baboy?” Mga tanong na puwede nang i-Google ang mga sagot.

Mayroon pa ngang isa na parang sinisisi ako kung bakit hindi niya mahanap sa internet ang maikling kuwento kong “Ang Monyeka.” Sigurado daw na babagsak sila sa report nila sa klase. Tawang-tawa ako sa PM na ito. Siyempre dinedma ko. Naisip ko, una, wala akong akdang ganiyan. Siguro maikling kuwento ‘yan ni Alice Tan Gonzales na isinalin ko sa Filipino. Pangalawa, bisi ako sa buhay ko at pakialam ko kung babagsak sila sa report nila!

Ang winner talaga, may nag-PM din sa akin na gusto akong interbiyuhin dahil sabi raw ng titser nila GAMABA awardee ako. Sabi ko, baka nagkamali lang ang titser nila. Hindi ako Gawad Manlilikha ng Bayan Awardee at kailanman ay hindi ako magiging GAMABA. Nag-insist siya na GAMABA awardee ako. Sigurado daw siya. Natawa ako at pabiro siyang sinagot ng: Baka ang ibig mong sabihin National Artist ako? Pero hindi pa sa ngayon. Baka matagal pa iyon kasi bata pa ako. Pero nagmakaawa siyang magpainterbiyu na ako dahil kailangan daw talaga nilang mag-interbiyu ng isang GAMABA awardee. Hayun, blocked na!

Pero itong mga tanong na natanggap ko mula sa FB friend kong si Leo Fordan na estudyante ng BA Language and Literature sa University of the Philippines Baguio ay maayos na mga tanong. Mga tanong na gusto kong sagutin dahil hinggil ito sa pagtuturo ng panitikan. Para daw sa klase nila ito sa Teaching Language and Literature. Sabi ko kay Leo, sasagutin ko ang mga tanong niya sa aking blog at babanggitin ko na galing sa kaniya ang mga tanong. Mukhang na-excite naman siya.

Kayâ heto ang mga sagot ko sa siyam na tanong ni Leo hinggil sa mga karanasan ko bilang guro ng literatura at malikhaing pagsulat.

1. Ano-anong mga sabjek ng Panitikan ang tinuturo mo?

Ang mga paborito kong ituro sa undergrad ay ang Literatures of the Philippines, Literatures of the World, Literatures of the Visayas, at Philippine Materpieces.

Sa graduate school naman, gustong-gusto kong itinuturo ang Literary History of the Philippines, Vernacular Literatures, at Literary Translation.

Nag-develop din ako ng kurso sa grad school—ang Archipelagic Identities o Archipelagic Philippine Literature.

Nagtuturo din ako ng malikhaing pagsulat: tula, katha, sanaysay, at dula sa parehong undergraduate at graduate na programa.

2. Paano ka namimili ng mga tekstong gagamitin sa klase?

Hanggat maaari para sa akin, piliin ang akda ng mga Filipinong manunulat. O magsimula sa akdang Filipino.

Halimbawa, nang hiniling ng Graduate Program Coordinator namin na magturo ako ng Archipelagic Identities, panay mga librong Filipiniana ang mga babasahing ni-require ko tulad ng mga libro nina Merlie Alunan, Criselda Yabes, Ramon Muzones, Resil Mojares, Rio Alma, at Cirilo F. Bautista.

Kapag nagtuturo ako ng Philippine Literature, heavy ang readings ko sa mga akdang Bisaya. Lagi kong isinasama ang mga akda nina Leoncio Deriada, Merlie Alunan, Alice Tan Gonzales, at Magdalena Jalandoni. Pero sariling bias ko na ito bilang iskolar ng mga panitikan ng Kabisayaan.

Hindi ko rin kinakalimutan ang mga marginalized. Palagi kong isinasama ang mga bading na sanaysay ni Ronald Baytan. Isinasama ko rin ang ilang tula ng mga makatang Tsinoy na sina Grace Hsieh Hsing at Jameson Ong.

Ang mga tekstong itinuturo ko sa klase ay mga akdang gusto ko para mas maramdaman ng mga estudyante na masaya ako habang nagkaklase kami.

3. Bakit mo piniling maging guro ng Panitikan? May anumang inspirasyon ka ba?

Hindi ko talaga pinili na maging guro. Nag-aral ako ng B.S. in Biology sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo bago ako mag-M.F.A. in Creative Writing. Nang pumasok ako sa kolehiyo, ang ambisyon ko talaga ay maging doktor. Kayâ nag-premedicine course ako. Ang kaso, nadiskubre ko ang pagbabasa at pagsusulat ng literatura nang nasa kolehiyo na ako. Naging seryoso ako sa pag-attend sa mga writing workshop ni Leoncio P. Deriada na propesor sa University of the Philippines Visayas. Hayun, nawalan na ako nang gana sa Biology. Tinapos ko lang ito dahil sa mga barkada ko. Pagkatapos nito, nag-aral na ako ng creative writing sa La Salle.

Nang mag-M.F.A. ako sa La Salle, wala pa rin sa plano ko ang pagtuturo. Ang gusto ko noon ay magsulat full time. O umuwi ng Antique pagkatapos mag-aral at mag-farming. Pero nang minsang nangangailangan ng part time na guro ang Department of Literature ng La Salle, pina-teaching demo ako ng chair at hayun nga, sa batang edad na 23 ay naging guro ako.

Pinanindigan ko na ang pagiging guro. Isa pa, alam naman natin na ang hirap ng buhay ng isang full time na manunulat sa Filipinas. Lalo na kung tula o mga kuwento ang sinusulat mo. Maliban na lamang siguro kung magsulat ka para sa mga korap na politiko o ipagamit mo ang iyong talento sa pagsusulat upang pabanguhin ang imahen ng mga korporasyon (lokal man o multinasyonal) na mapang-api sa mga manggagawa nila at mapanira sa kapaligiran.

Pagtuturo na ang pinakamarangal na trabaho para sa isang manunulat sa ating bansa upang masigurong mabuhay siya nang marangal. Walang malasakit sa literatura ang bayang ito.

Sa personal na danas, masaya ako sa pagtuturo ng literatura at malikhaing pagsulat. Parang hindi ito trabaho para sa akin.

4. May personal na pilosopiya ka ba sa pagtuturo ng Panitikan? Gaya ng, halimbawa, paano mo ba bibigyang-kahulugan ang “panitikan”? Hindi teknikal ang hinihinging sagot.

Sa isang sesyon ng Iligan National Writers Workshop sa Lungsod Iligan maraming taon na ang nakakaraan, kasama kong panelist ang hinahangaan kong manunulat na Bisdak na si Merlie Alunan. Habang tinatalakay namin ang isang tula, may ibinahagi siyang kahulugan ng tula. Sabi niya? “What is poetry? Poetry is human speech.” Talagang napaisip ako. Napakasimpleng pagpapakahulugan sa tula subalit dahil si Ma’am Merlie ang nagsabi nito, alam ko sa puso’t isipan ko na hindi simple iyon. Ilang buwan o ilang taon ko ring pinagmunian iyon. Oo nga ano, kung ang tawag sa nagsasalita sa isang tula ay persona, maging tao ito, tanim, o dagâ, nagsasalitang tao pa rin talaga ang naririnig natin.

Kayâ kapag nagko-close reading kami ng mga estudyante ko sa klase, maging tula, katha, o sanaysay man ang tinatalakay, nagsisimula talaga ako doon sa tanong na sino ang nagsasalita sa akdang ito. Anong klaseng tao/nilalang siya? Ano ang sitwasyon niya habang nagsasalita? Ano ang sinasabi niya? Bakita niya sinasabi ito? Paano niya sinasabi ito? Bakit ganito ang paraan ng pananalita niya? Maraming nasasagot na tanong sa bahaging ito ng talakayan.

Kung gayon, ang isang likhang pampanitikan para sa akin ay tinig ng isang tao para sa kapuwa tao. Kayâ laging makatao ang isang akdang panliteratura. Ginagawa nitong mas makatao ang may-akda at mambabasa. Mas nagiging tao tayo kung nagsusulat tayo at nagbabasa.

5. Ano ba ang layunin sa pagtuturo ng Panitikan: kasiyahan, politika, o pilosopiya? (Inadap mula sa Showalter 2003)

Ang layunin sa pagtuturo ng literatura ay sa tingin ko katulad din sa layunin at halaga ng panitikan ayon kay Horace—dulce et utile. Ang magbigay ng aliw at aral sa mambabasa, at lalo na sa manunulat.

Gaya ng sinabi ko sa pang-apat na tanong, ang layunin talaga ng pagtuturo ng panitikan ay gagawing mas makatao at mas tao ang guro at estudyante sa pamamagitan ng pagbasa at pagtalakay sa isang akda.

Sa tingin ko ito ring ang tinutukoy ni Elaine Showalter na mga layunin ng pagtuturo ng panitikan—ang magbigay ng kasiyahan, na lagi itong politikal, at isang uri ng pamimisolopiya. Dahil ang isang muhasay o magandang akdang panliteratura ay naghahandog ng kasiyahan habang sinusulat at binabasa, mapagpalaya ito dahil makatotohanan at makatarungan, at isang pagmumuni-muni ito tungkol sa kalagayan nating mga tao.

6. Kung mayroon man, sino sa (mga) paborito mong awtor o iskolar ang sa tingin mo nakakaimpluwensiya sa iyong pagtuturo?

Ang mga guro ko sa pagsusulat ang mga nagturo din sa akin kung paanong maging mabuti at magaling na guro: Leoncio P. Deriada, Cirilo F. Bautista, Isagani R. Cruz, at Marjorie Evasco. Sina Deriada at Evasco ay nagawaran ng Metrobank Outstanding Teacher Award.

Natutuhan ko kina Deriada at Bautista na mahalaga ang personal na ugnayan ng guro at estudyante kahit sa labas ng klasrum. Sa katunayan, hindi ko talaga naging guro si Deriada sa klasrum. Sa mga workshop at lektura ko lamang siya naging guro. Mas marami akong natutuhan kay Bautista sa mga pagbabakasyon naming dalawa sa Lungsod Baguio. Kini-claim ko talaga na anak ako nina Deriada at Bautista.

Natutuhan ko kina Cruz at Evasco ang pagdisenyo nang mabuti sa mga klase para maging optimum ang pagkatuto ng mga estudyante.

7. Paano ka nagdidiskas ng mga tekstong pampanitikan? May partikular ka bang estratehiya? Mayroon bang mga gawain ng iba sa pagtuturong Panitikan na AYAW mo o sa tingin mo mali?

Base sa listahan ng apat na guro ko, may pagka-formalist talaga ang bias ko

bilang guro ng literatura. Kayã mahilig ako sa close reading dahil ito talaga ang training ko.

Ang ayaw ko sa mga guro ng literatura (at ng kahit anupamang asignatura) ay kung masyadong prescriptive sila. Iyong tono palagi ay sila lang ang magaling at tila bang may isang paraan lamang ng pagsulat at pagbasa ng literatura at ang nag-iisang paraang ito ay ang paraan nila. Nakakawalang gana ang mga gurong ganito.

8. Paano mo sinusukat ang pagkaunawa ng mga estudyante mo sa mga kinakailangang babasahín sa klase?

Para sa pagkompyut ng grado, nagbibigay ako ng essay type na mga exam. Dito malalaman ko kung nagbasa at nakinig sa talakayan ang isang estudyante.

Nalalaman ko rin kung nag-iisip ang estudyante kung mahirap ang mga tanong nito sa akin. At kung aktibo itong nakikilahok sa talakayan. May mga estudyante ring tapos na namin halimbawang talakayin ang isang tula ni Pablo Neruda subalit makikita kong may hawak-hawak na libro ni Neruda sa pagpasok sa klase.

Ang pinakaepektibong panukat ng pagkatuto o nalalaman kong nagtagumpay ako bilang guro ay kadalasang nalalaman ko kapag tapos na ang semestre at nasumite ko na ang grado. Halimbawa, bigla na lamang ako makakatanggap ng liham o email ng estudyanteng nagpapasalamat sa akin na naging masugid silang mambabasa o naging manunulat dahil na-inspire sila sa klase namin.

Minsan din, noong nagtuturo pa ako sa Miriam College, isang gabi may dating estudyante akong nakasalubong sa overpass sa pagitan ng Miriam at Ateneo sa Katipunan Avenue. Tuwang-tuwa siyang makita ako subalit nahihiya naman ako dahil hindi ko na siya matandaan. Sabi niya sa akin, nag-aaral siya ng M.A. sa Ateneo dahil na-inspire daw siya sa mga binasa namin sa klase.

Ang pinakasukatan sa akin na nagawa ko nang maayos o magaling ang trabaho ko bilang guro ng panitikan ay ang malaman na ang dating estudyante ko ay patuloy na nagbabasa ng literatura kahit na matagal nang tapos ang klase namin at kahit graduate na sila.

9. May payo ka ba sa isang bagong guro ng panitikan?

Magbasa nang magbasa. Magsulat din kung kaya. O mag-attend o mag-observe ng palihan sa mga pagsulat.

Mag-invest sa pagbili ng mga libro. Kailangang malawak ang pagbasa. In love dapat sa literatura. Kung wala pang pambili ng libro, magtambay sa mga library. (Huwag humingi ng libro sa mga manunulat. Karamihan sa amin ay hindi kumikita sa mga libro namin. Bibilhin pa namin ang sariling libro kung may gusto kaming bigyan.)

Sa klase namin noon sa The Teaching of Literature kay Isagani R. Cruz, sinabi niya na dapat daw manunulat ang guro ng panitikan. Halimbawa kung nagtuturo ka ng maikling kuwento, dapat daw naranasan mong magsulat ng maikling

kuwento. Karanasan lang naman. Hindi naman daw kailangang manalo ka ng Palanca o National Book Award. Ang mahalaga, maranasan mo ang proseso ng pagsulat para mas malalim ang pang-unawa mo sa mga akda.

Para sa akin, sapat nang wide reader ang isang titser ng literatura.

Closing Remarks sa Pagtatapos ng 3rd La Salle National CNF Workshop for Doctors

Kagaya ng naikuwento ko na sa inyo noong meet and greet natin para sa palihang ito, B.S. Biology graduate ako dahil ang gusto ko talaga noon, at gustong-gusto ng mga magulang ko, ay maging doktor ako. Yung totoong doktor kagaya ninyo at hindi doktor ng pilosopiya sa literatura.

Sa University of San Agustin ako sa Lungsod Iloilo nag-pre-medicine at nasa College of Liberal Arts kami gayung may College of Pharmacy at Medical Technology naman ang San Agustin kung saan marami ang nagta-top 10 sa mga board exam. Sa Liberal Arts sa San Agustin, kadalasang Biology major ang nagiging editor in chief ng student paper na L.A. Journal. Sa katunayan, pareho kami ng kaibigan kong manunulat na si Dr. Alice Sun-Cua na naging editor in chief ng L.A. Journal. Siguro mga 10 or 15 years apart! Depende sa aaminin ni Alice.

Malakas kasi sa humanities ang curriculum namin. Tadtad sa mga Filipino subjects na ako lang ang interesado sa batch namin, gayundin sa English at Literature subjects. Mabagsik din ang teacher namin sa Art Appreciation kayâ kabisado ko ang impressionism at expressionism na paborito yata niya. Mayroon din kaming Pharmaceutical Latin at namamangha ako dahil napakaraming English words pala ang nanggaling sa Latin. Nag-enjoy ako kahit masakit sa bangs ang mga declention: aromatica, aromaticos, aromaticarum, ganoon. Nakakanerbiyos din ang pagbabalasa ng class cards para sa tatawaging mag-recite ng ex-seminarian na guro naming parang palaging may hang-over ang itsura kapag pumapasok sa klase.

Sa kolehiyo noon parang given na ang karamihang magagaling na campus writer ay B.S. Biology. Kayâ labis akong natuwa sa isang lektura ni Propesor Felipe “Jun” de Leon, Jr. dito sa De La Salle University bago magpandemya. Naikuwento niya ang tungkol sa pag-develop nila ng pre-med curriculum na heavy sa humanities sa University of the Philippines, Diliman noon. Si Jun de Leon ay isang cultural worker at dating tagapangulo ng National Commission for Culture and the Arts. Gusto raw kasi nilang babad sa humanidades ang mga doktor ng bansa, na maging mas makatao ang mga ito, na hindi lamang katawan ng pasyente ang gagamutin kundi pati na rin ang kaluluwa. Naisip ko na siguro ang curriculum namin sa San Agustin noon ay ibinase sa kurikulum na dinivelop nila.

Siguro para sa 4th La Salle National CNF Workshop for Doctors ay imbitahan natin si Prop. de Leon na magsalita hinggil dito. At upang malaman din niya na mukhang natutupad nga ang pinangarap nila noon na magkaroon tayo ng mga doktor na makatao. Napatunayan na ninyong mga fellow sa palihang ito na mga doktor kayong in touch pa rin sa inyong pagiging tao. Ang wika, lalo na ang likhang-pampanitikan, ay siyang pangunahing patunay na tayong mga tao, kahit na nabibilang sa Kingdom Animalia, ay mas angat pagdating sa pagmamalasakit sa isa’t isa kaysa ibang mga hayop at káya nating ipahayag sa mabisang paraan ang mga pagmamalasakit nating ito. Hindi animal instinct lamang ang ating pagiging mabuti kundi pinagmumunian din natin ito gamit ang mga salita.

Ngayon, baka may nagtatanong sa inyo kung nagsisisi ba ako na hindi ako nag-proceed sa medicine proper noon. Ang sagot ko: slight. Nang ma-renal failure ang Nanay ko noon at naubos ang pera namin sa pagda-dialysis at sa kaniyang kidney transplant, parang nagsisisi ako dahil bilang guro ng literatura at manunulat, wala akong maiambag na perang pampagamot. Medyo nagsisisi rin ako kapag nakikita ko ang mga barkada ko noong kolehiyo na mga doktor na ngayon at ang yayaman na nila. Pero okey lang. Payamán na rin ako ngayon at mukhang makakahabol naman. Hindi salamat doktor kundi salamat La Salle.

Muli, pinasasalamatan ko ang guro kong si Professor Emeritus Marjorie Evasco na siya ring Writer in Residence namin sa Bienvenido N. Santos Creative Writing Center, sa pag-direct ng palihang ito. Madamu gid nga salamat sa dalawang panelist natin na sina Dr. Joti Tabula at Dr. Lance Catedral. Maraming salamat din sa inyong doctor-fellows sa pagbahagi ng inyong sarili sa palihang ito. Batid kong palaging kulang sa oras at pahinga ang mga doktor. Nagpapasalamat din ako sa BNSCWC staff na sina May Raquepo at Hannah Pabalan na kung wala sila, baka kakailanganin ko na ng psychiatrist (May endocrinologist at cardiologist na po ako!) sa dami ng mga miting at aktibidades na kung minsan ay nag-o-overlap pa nitong buwan ng Nobyembre.

Magandang gabi sa ating lahat at naway bugayan tayo lagi ng Mahal nga Makaaku!

The fellows and panelists of the 3rd La Salle National CNF Workshop for Doctors

Opening Remarks sa Earth Jam: A Poetry Recital 2022

Nang ilunsad ang Intergovernmental Panel on Climate Change report sa New York sa Estados Unidos ng Abril ng taong ito, sinabi na ni United Nations Secretary General Antonio Guterres na mayroon na tayong climate emergency. Ayon sa mga siyentipikong pag-aaral, pabilis nang pabalis na ang pagdating ng mga climate disaster sa maraming bahagi ng mundo: malalaking lungsod na kakainin ng dagat, sobrang mainit na klima, napakalakas na bagyo, matinding kakulangan ng tubig na maiinom, at pagkawala ng mga species ng hayop at halaman. Sabi pa ni SecGen Guterres, hindi ito kathang-isip lamang o pagmamalabis. Ito ang sinasabi ng siyensiya na magiging resulta ng kasalukuyang mga polisiya hinggil sa enerhiya sa mundo.

Noong isang araw lamang nagpinid ang COP27 sa Egypt o ang 27th Conference of the Parties to the United Nations Framework Convention on Climate Chage. Pagpupulong ito ng mga bansa hinggil sa mga dapat gawin upang mapigilan o mapabagal ang pagdating ng climate disaster. May dalawang bagay na napagkasunduan dito. Ang una, ang ipagpatuloy ang target na 1.5 degrees celsius na limit sa pagtaas ng temperatura ng mundo na bahagi ng Paris Agreement at muling ipinagtibay sa COP26 sa Glasgow. Ngunit para maabot ang 1.5 degrees celsius na target, kailangang magbawas ng global carbon emissions ng 45% sa loob ng dekadang ito. Mga mayayaman at industriyalisadong bansa ang may pinakamaraming carbon emissions at ayaw pa rin nilang bawasan nang malaki o i-phase out na ang paggamit ng fossil fuel. Kayâ siguro ang pangalawang napagkasunduan sa COP27 ay ang pagtatag ng “loss and damage fund” para sa mga mahirap na bansang labis na naaapektuhan na ngayon ng climate change tulad na lamang sa Pakistan na binabaha sa ngayon. Dito sa atin sa Filipinas nakikita na nating palakas nang palakas ang mga pagbayo ng bagyo.

Buong mundo ang sakop ng climate emergency. Walang exempted kapag dumating na ang climate disaster na sinasabi ni UN SecGen Guterres. Alam na rin nga ng mga siyentista natin dito sa De La Salle University na ilang dekada na lamang maaaring babawiin na ng Manila Bay ay ating Taft Campus. Kailangang may gawin kahit sa maliit nating kakayahan lamang.

Kayâ ang Bienvenido N. Santos Creative Writing Center ay palaging nakikiisa sa College of Liberal Arts Green Initiatives. Muli inoorganisa itong Earth Jam: A Poetry Recital upang itanghal ang pagmamalasakit sa kapaligiran sa pamamagitan ng literatura. Sabi nga ni Horace hinggil sa papel ng literatura—dulce et utile. Papel ng panitikan ang magbigay aliw at aral sa manunulat at mambabasa. Ang pagsulat para sa kapaligiran ay tunay na nagdadala ng kasiyahan at kabuluhan.

Malugod ko kayong inaanyayahan na manood ng mga orihinal na tula at video na kalahok sa Earth Jam: A Poetry Recital, online edition, natin ngayon. Binabati ko at pinasasalamatan ang lahat ng lumahok. Kahit na may itatanghal na mga panalo, panalo pa rin lahat dahil lahat tayo ay panalo kopag may ginagawa tayo para sa ating kapaligiran.

Pinasasalamatan ko ang student organization na CULTURA, sa pangunguna nina Raisa Bettina de los Reyes at Caitlyne Erika Cue, sa pakikipagtukungan sa proyektong ito. Masaya ako sa kanilang aktibong pakikilahok na kahit weekend ay talagang nagtrabaho sila. Kung ang lahat ng kabataan sa mundo ay kasing sipag at talino nila, may pag-asang malampasan natin ang anumang climate disaster. Salamat din sa mga BNSCWC Associates na naglaan ng panahon kahit mabilisan ang request sa kanila na magsilbing mga hurado: Kina Dr. Clarissa Militante, Mr. Genaro Gojo Cruz, at Mr. Mark Adrian Ho. Salamat din siyempre sa BNSCWC staff na sina May Raquepo at Hannah Pabalan sa pag-overtime upang maisakatuparan lamang ang proyektong ito.

Simple lamang ang Earth Jam: A Poetry Recital ngayong taon dahil may pandemya pa. Pero hindi simple ang mithiing nasa likod nito dahil kumplikado at mahirap na mithi ang ipaglaban ang ating kapaligiran.

Duro gid nga salamat kaninyo nga tanan. God bless!

Kapag Sumulat ang Doktor: Opening at Closing Remarks sa Pagbubukas ng The 3rd La Salle National CNF Writers’ Workshop for Doctors, 9 Nobyembre 2022

Ayon sa Romanong makata na si Quintus Horatius Flaccus (o Horace sa Ingles), may dalawang halaga o silbi ang pagtutula o ang malikhaing pagsulat sa kabuoan—dulce et utile. Tamis at gamit. Ibig sabihin ang mga likhang pampanitikan ay dapat maghahandog ng aliw at aral. Talagang magkasama. Kung aliw lang, e di mababaw lang iyon, isang entertaiment lang. Kung aral lang ang meron ay boring naman ‘yun. Magiging didaktiko ito.

Anuman ang tema o konteksto ang mga palihan ng malikhaing pagsulat ang sasalihan natin, maganda pa ring alalahanin palagi ang bilin ni Horace, ang dulce et utile. Nakakaaliw basahin ang ating mga akda at may matutuhan ang mga mababasa rito.

Kapag sinabi kong nakakaaliw, hindi lamang feel good reading ito. Ang pagpahayag ng isang karanasan sa mabisang paraan ay isa ring uri ng pag-alay ng kasiyahan. Kapag sinabi kong may aral o silbi, ang pagpahayag o pagtalakay ng mga pangamba o pagkalito ay paraan din ng pagtulong sa mga mambabasa sa pagharap ng sarili nilang mga pangamba at kalituhan.

Itong dulce et utile ay laging isinasaalang-alang sa mga palihang inoorganisa ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center katulad nitong creative nonfiction workshop para sa mga doktor.

May tatlong layunin ng Pambansang Palihan ng La Salle sa Pagsulat ng Sanaysay para sa mga Doktor:

Una, patatagin ang ugnayan at pag-ibayuhin ang kritikal at malikhaing ugnayan sa pagitan ng mga siyentista at mga alagad ng sining;

Pangalawa, bigyang kasanayan ang mga nasa larangan ng medisana sa larangan ng sining ng malikhaing pagsulat;

At pangatlo, ang tumulong upang maitala para sa mga susunod na henerasyon ang mga karanasan ng mga medical frontliner sa panahon ng pandemyang COVID-19.

***

Bakit mahalagang magsulat ng kolum ang isang doktor? O bakit kailangang magsulat ang isang doktor? Ito ang tanong na sinagot ni Dr. Gideon Lasco para sa atin ngayong gabi.

Heto ang ilang punto na akong naitala mula sa kaniyang lektura kasama ang ilang realisasyon ko.

Una, sa panahon ng paglaganap ng fake news kailangan natin ng mga public intellectual na may kredibilidad tulad ng mga doktor.

Pangalawa, ang pagsusulat sa mga diyaryo ay paraan ng pagpalaganap ng adbokasiya. Malaking tulong ito sa pag-educate ng publiko at nakita natin ang halaga nito ngayong panahon ng pandemya na malaganap ang vaccine hesitancy. Kailangan nating baguhin halimbawa ang mga nagsasabi na ang kaibigan ng kakilala ng pinsan ng kababata ng kaibigan ng kapitbahay nila ay namatay nang magpabakuna.

Ang gusto ko sa pagbabahagi ngayong gabi ni Dr. Lasco ay binibigyan niya tayo ng tips at idea na marami tayong magiging paksa para sa mga sulatin natin, nagtatrabaho man tayo, nagbibiyahe, o nagma-mountain climbing! Kailangan nating lumabas sa ating sarili at sa ating lungga upang marami tayong masulat.

Ang pagsulat ng kolum ay inihambing niya sa pagpipinta, na ang papel o computer screen natin ay ang magiging kambas natin. Ang pagsulat at pagpipinta gamit ang mga salita.

Higit sa lahat, gusto ko na ang pagbabahagi ni Dr. Lasco ng kaniyang passion sa pagsusulat ay halos walang kinalaman o parang walang kinalaman sa kaniyang pagiging doktor kundi nagbabahagi siya bilang isang manunulat. Ganoon naman kasi talaga ang pagsusulat—lahat tayo anuman ang trabaho o propesyon natin—may karapatan magsulat.

Naalala ko tuloy ang sinabi ng makatang Merlie Alunan tungkol sa pagtula. Sabi niya, “What is poetry? Poetry is human speech.” Sa tingin ko, ang lahat ng uri ng pagsulat ay pagtanghal sa tinig natin bilang tao. At oo, tao muna tayo bago isang doktor. Doktor man tayo ng medisina o literatura.

Duro-duro gid nga salamat, Dr. Gideon Lasco sa pagbahagi ng iyong buhay manunulat ngayong gabi.

Buenos dias, Dr. Lasco na nasa Columbia ngayon. At magandang gabi sa ating lahat na nandirito ngayon sa ating kaawa-awa ngunit napakagandang arkipelago ng Filipinas nating mahal.

Mabuhay ang mga manunulat ng ating bayan!

Ang Flora at Fauna ng Filipinas sa Aking Planner 2023

Oktubre 2022 pa lamang ngunit nakabili na ako ng 2023 planner ko. Paano, hindi ako nakatiis nang makita ko noong nakaraang linggo sa school and office supplies section ng SM Department Store sa Mall of Asia ang bulaklaking planner na ang nakalagay sa pabalat ay “The Flora and Fauna of the Philippines: 2023 Planner.”

Kadalasan bumibili ako ng planner para sa susunod na taon sa aking kaarawan tuwing Nobyembre 14. Ang palagi ko kasing regalo sa sarili ko ay ang pagbili ng mga librong gusto ko sa Fullybooked (Madalas sa Bonifacio High Street branch dahil ito ang pinakamalaki) at kasama na rito ang Paulo Coelho Planner na inilalathala ng Vintage International. Anim na taon ko nang binibili ang planner na ito na may tema at mga quotation mula sa mga akda ni Coelho. Napakaganda sa mata ang disenyo at makulay na mga likhang-sining dito na gawa ni Catalina Estrada na taga-Barcelona.

Nag-iisip na akong bumili ng Paulo Coelho Planner sa kaarawan ko sa susunod na buwan. Ngunit yun nga, nakita ko itong planner na disenyo at may mga likhang sining ni Raxenne Maniquiz. Paano ko madededma ang isang planner o notebook na may mga bulaklak, ibon, at paruparo sa cover? Lalo na’t mga lokal na flora at fauna ito?

Siguro kapag may makakita sa akin na nagbubuklat ng planner ang nasa thought bubble niya ay, “Kailangan pa bang magsulat sa papel na planner sa panahon ng Google Calendar?” Baka palihim o harap-harapan akong pagtawanan. Kapag makita nga ng mga kaibigan ko ang mga photo album ko ng mga printed na larawan, pinagtatawanan nila ako dahil sa panahon daw ng Facebook at Instagram, kailangan pa ba talagang may hardcopy na album?

Old fashioned lang talaga ako. Ang dayari ko, hardbound notebook pa rin kahit na may dalawang blog naman akong mini-maintain. Hindi pa rin ako kumportable sa pagbabasa ng mga e-book. Kapag mag-order ako sa Amazon, mas gusto ko pa rin ang hardbound edition maliban na lamang kung sobrang mahal na talaga kumpara sa softbound edition. Never akong nag-order ng e-books na di hamak na mas mura sana at matatanggap mo agad.

Oh well, sabi nga ni Mario Vargas Llosa, kailanman ay hindi mapapalitan ng computer screen ang pahinang papel. Oo nga naman. Kakaiba pa rin ang kasiyahan kapag naaamoy at nahahaplos mo ang papel.

Napakaganda ng larawan ng mga painting ni Maniquiz. May mga impormasyon din ito na makakapagpalawak sa kaalaman hinggil sa mga tanim at hayop ng mga gumagamit nito. Halimbawa sa bahaging November. Sa separator nito ay may larawan ng orkidyas sa kanang pahina. Nakalagay ang scientific name nito na Paphiopedilum acmodontum. Sa kaliwang pahina nito, may impormasyon hinggil sa orkidyas na ito. Kung anong family at species ito. May tala rin kung saan ito matatagpuan sa bansa at kung ano ang mga katangiang pisikal nito. May maliit pa ngang mapa ng ating arkipelago at makikita na P. acmodontum ay matatagpuan sa Isla Negros.

Ang masaya pa, may kasamang stickers ng mga bulaklak at paruparo ang planner na nakalagay sa parang pouch sa inside back cover! Magagamit ko itong pandikit ng kung ano-ano tulad ng mga resibo at larawan sa aking dayari.

Pagdating sa presyo mas mura din ito. Kung di ako nagkakamali, ang Coelho Planner ay mga PhP900. Itong Maniquiz Planner ay PhP599 lamang. Nakatipid ako.

Tamang-tama rin ang pagkadiskubre ko nitong “The Flora and Fauna of the Philippines: 2023 Planner” ni Raxenne Maniquiz dahil ang lagi kong iniisip ngayon ay ang permaculture farm na gagawin ko sa Antique. Tungkol sa mga tanim at punongkahoy na indigenous sa Filipinas ang binabasa ko ngayon. Sana sa magkaroon uli ng ganitong planner sa 2024.

+Dr. Antonio Recodo

Hindi pa siya ganap na doktor nang maging estudyante niya kami sa programang B.S. in Biology sa University of San Agustin (USA) sa Lungsod Iloilo. Nag-aaral pa lamang siya noon ng medisina sa West Visayan State University kayâ kung minsan nagkaklase siya sa amin na nakauniporme pa ng isang medical student.

Si Sir Tony (Sir Recodo talaga ang tawag namin sa kaniya) ang mukha ng isang terror na propesor. Siya ang nagtuturo ng mahihirap naming subject tulad ng Human Anatomy, Cell Biology, at Genetics. Kailangan mong magpamisa ng pasasalamat sa USA Chapel kapag makapasa ka sa mga subject na ito kung siya ang guro.

Hindi ko makalimutan ang final exam namin sa Genetics. Alam ko na sana kung paano ma-solve ang problem na ibinigay niya na gamit ang ANOVA na manual (Ngayon kasi may computer program na para sa ANOVA o analysis of variance!). Nang umpisahan ko nang gawin, biglang sumigaw si Sir at ang upuan ko ay nasa harap ng mesa niya. Kung sa Kinaray-a pa, natagban gid ako kang espiritu! Napatalon ang kaluluwa ko. Galit na galit si Sir. May nahuli pala siyang kaklase namin na may kodigo sa likod. Sinigawan niya ito na lumabas ng klasrum at nang lumabas ang kaklase namin, sinipa nito ang basurahan sa may pintuan at mabilis na tumayo si Sir at nilapitan ang nagwawalang kaklase namin at ang akala ko talaga ay magsusuntukan sila!

Sa gulat at takot, hindi ko na na-solve yung problem na iyon. Nainis ako sa kaklase naming iyon. Sa mga subject kasi namin kay Sir, marami kaming mga kaklase na hindi namin ka-batch. Mga overstaying na iyon sa kolehiyo dahil pangatlo o pang-apat na beses na nilang pagkuha ng Genetics ay hindi pa rin sila nakakapasa. Ngayong guro na rin ako, naiintindihan ko na kung bakit nag-breakdown ang kaklase naming iyon! Kayâ inis din ako kay Sir noon. Kasi alam ko na sanang sagutin yung problem. Ginulat niya lang ako kayâ nagblangko rin ang isipan ko!

Matapos nang mahigit isang dekada na nag-graduate ako sa San Agustin, bumalik ako doon para magturo ng literatura. Katatapos ko lang ng MFA Creative Writing noon sa La Salle. Minsan nadaanan ko si Sir Recodo na nagkaklase at laking gulat ko na nakangiti at patawa-tawa na siya habang nagtuturo. Siya na ang chair ng Biology Department nang panahong iyon. Nang makasalubong ko siya sa hallway tinanong ko siya: “Sir, bakit nakangiti na kayo magklase ngayon at hindi na parang si Incredible Hulk na galit palagi?” Tumawa siya at ang sagot niya sa Kinaray-a dahil taga-Guimbal siya ay, “Ay ti ano gid tana atën dya sa ibabaw kang kalibutan haw?” Ang ibig niyang sabihin, dumadaan lang tayo sa mundong ito at pointless maging terror na guro. Hindi ko napigilan ang sarili ko at talagang sinumbatan siya. Sabi ko, “Sir, naging stressful ang college life ko dahil sa ‘yo! Bakit ngayon ka lang naging mabait?” Malakas na halakhak lang ang isinagot niya sa akin.

Mabait din naman sa amin Sir kahit na terror siya. Nag-aaral siya ng medicine noon kayâ siguro stressed din palagi kapag nagtuturo sa amin. Saka bata pa siya noon. Kababalik lang niya noon sa San Agustin matapos niyang mag-masters ng Biology sa UP Diliman. Ito ang panahon na kakaunti pa sa mga guro namin ang may master’s degree. E siya bongga dahil UP Diliman pa. Noong bata pa akong guro parang terror din ako, or may tendency maging terror.

May soft side din naman si Sir. Dahil medical student nga siya kapag may nararamdaman kami nagpapakunsulta kami sa kaniya. Minsan, dahil sa kapupuyat ng kame-memorize ng makapal naming textbook para sa klase niya, nagkatrangkaso kami ng BFF kong si Ooy (na isa nang nueroanesthesiologist ngayon). Pinasalat namin sa kaniya ang leeg namin para malaman niyang may sakit kami at baka may ipainom siyang gamot. Ang sagot niya, “Naku, 24 hours flu lang ‘yan. Self-limiting na sakit. Uminom kayo ng maraming tubig at magpahinga.” Sa isip ko, pahinga? May exam kami sa ‘yo!

Kayâ halos hindi ako makapaniwala na nang mag-graduate kami noong Abril 1994 at nagkayayaan ang batch namin na magbakasyon sa Boracay ay sumama siya. Parang wala sa karakter niya na sasama siyang magbakasyon sa amin. Alam kasi namin na after graduation maghiwa-hiwalay na kami kung kayâ magbabakasyon kaming magkasama. Ang isang kaklase naming si Merell Joy, may resort sa Boracay ang tiya niya. Pinahiram sa amin ang isang malaking cottage na kawayan at nipa (Yes, wala pang mga pangit na konkretong building sa Boracay noon) sa resort nilang Mona Lisa.

Sa Boracay, parang naging kuya namin si Sir Recodo. Parang agad kong nakalimutan na terror prof namin siya sa loob ng apat na taon! Siya ang nagsasaing at nagluluto. Purita kami noon at pumunta kami sa Boracay na may dalang bigas, daing, at sardinas. Kayâ madali lang din naman ang pagluluto. Ang saya-saya pa rin namin kahit na sa world famous na isla kami at pangmahirap ang pagkain namin! Hindi kasi namin kayang kumain sa mga restawran doon.

Hindi ko na gusto ang Boracay ngayon. Nasisikipan na ako at naiingayan. Ngayon sana may pera na ako at kaya ko nang magbakasyon palagi sa Boracay pero hindi ko ginagawa. Magsasayang lang ako ng oras at pera. Ang idea ko pa rin ng Boracay ay ang Boracay namin nina Sir Recodo noon. Magkakalayo ang mga resort at environment friendly ang mga materyales ng mga kubo. Sa likod ng Boracay, may gubat pa at hindi siksikan ang mga traysikel at mga tao. Sa mga ilang beses kong pagpunta ng Boracay para magsalita sa mga kumperensiya o magsulat ng artikulo sa Mabuhay magazine, hinahanap ko pa rin ang dating Boracay.

May sense of humor din si Sir. Noong nagtuturo na ako sa San Agustin, kada graduation march, kahit na nakatoga na kami lahat, kapag makita niya akong nagmamartsa kasama ang mga kaguro sa English Department, sinisigawan niya ako ng, “John Iremil! Bakit nandiyan ka sa English Department? Dito ka sa amin sa Biology!”

Naging guro din ng bunsong kapatid namin si Sunshine si Sir Recodo. Mas close sila ni Sunshine dahil hindi na terror prof si Sir noon. Sa mga larawan nila nina Sunshine sa mga pag-a-attend nila ng mga kumperensiya tulad ng sa Buguio, ang saya-saya nila sa mga larawan. Nang magturo si Sir sa isang medical school sa Antigua (at kung di ako nagkakamali ay naging dean pa yata siya doon), nagtsa-chat sila ni Sunshine sa Facebook at Messenger.

Wala na akong balita masyado kay Sir Recodo nang umalis ako sa San Agustin noong 2008 at lumipat na si Miriam College at hanggang dito na sa La Salle. Kahapon, nakita ko na lamang sa FB posts ng ilang kailala sa San Agustin na namatay si Sir. Nang tingnan ko ang kaniyang FB, ni hindi pala kami friends. Nalaman kong nag-retire na pala siya sa San Agustin at naging doktor sa bayan ng Tubungan, Iloilo para sa Department of Health.

Labis akong nalungkot sa balita at hinanap ko ang photo album ko ng pagbakasyon naming iyon sa Boracay. Wala pa akong detalye kung ano ang sanhi ng kaniyang pagpanaw. Labis akong nalulungkot. Nitong nakaraang halos tatlong taon ng pandemya, marami akong mga kaibigan at kakilala na namatay. Hindi nakakasanayan ang mawalan ng mga kaibigan, kakilala, at kamag-anak.

Sumalangit nawa ang kaluluwa ng minamahal naming guro at kaibigan na si Dr. Antonio Recodo.

Mensahe sa Leoncio P. Deriada Literary Prize 2021 Awarding Ceremonies

MAAYAD-AYAD gid nga hapon kaninyo nga tanan!

Nang makita ko ang imbitasyon na magbibigay ako ng mensahe para sa awarding ceremonies ng kaunaunahang Leoncio P. Deriada Literary Prize bilang “donor,” naisip ko na maganda kapag uumpishan ko ang aking talumpati sa ganito:

“Nag-donate ako ng five million pesos para sa Leoncio P. Deriada Literary Prize upang maibahagi ko ang aking kayamanan sa mga naghihikahos na mga manunulat at mapaparangalan ko ang aking ama sa panulatan.”

Kayâ lang, hindi totoong may limang milyon akong pang-donate. Pero totoo na gusto kong parangalan ang aking literary father bilang pasasalamat hindi lamang sa mga nagawa niya para sa akin bilang unang guro ko sa pagsulat kundi para na rin sa nagawa niya para sa literatura ng Kanlurang Bisayas at ng buong bansa. At oo, kung mayaman lang sana ako—halimbawa anak ako ng isang diktador na mandarambong o korap na politiko o matapobreng pangit na senadora na ginawang subdivision ang mga palayan kung kaya galit siya sa unli-rice o ganid na negosyante o drug lord na bahagi ng Triad—hindi lamang limang milyon ang ido-donate ko sa opisina ni Eliod upang gamitin sa pagpapalaganap ng legacy ni Dr. Deriada. Baka bilhin ko pa ang paborito kong Hotel Del Rio at gawing The Leoncio P. Deriada Creative Writing Center. ‘Ika nga nila, libre ang mangarap.

Dahil isa lamang akong mahirap na manunulat, magkukuwento na lamang ako. Sa kuwento, bilyonaryo ako at sigurado ako rito. Sabi ni Dulce, na siyang “real daughter” at ako naman ang “favorite daughter,” puwede raw akong magkuwento sa loob ng tatlong oras at kayang-kaya ko yan. Mana yata ako kay Leoncio!

Rëgya sa kampus nga dya kang UPV ako tinudluan ni Leoncio P. Deriada kon paano magsulat kang binalaybay kag mga sugidanën. Bëkët pa amo ka dya kanami ang kampus kang tiyempo nga to—1991 asta 1994, kang estudyante pa ako sa University of San Agustin.

Ang mga nagwagi (L-R): Orland Solis, Jhio Jan Navarro, Jessa Payofelin, Liane Carlo Suelan, Domingo Aguillon III, at Rodmar Arduo

Estudyante ako kang B.S. in Biology kato. Naga-escape ako sa laboratory classes namën kag mag-agto kay Tito Leo sa campus nga dya. Nagapadara abi ako kay Dr. Deriada kang mga poems ko para HomeLife magazine nga tana ang literary editor. May poem gani ako nga gin-feature na sa anang regular column nga “Poetry Workshop with Tito Leo.” Sa marginal notes niya sa isang tula kong ni-reject niya, sinabihan niya akong bisitahin siya sa kaniyang opisina sa UPV upang i-one on one workshop niya ako. Hindi ko pinalampas ang pagkakataon. Parang inabuso ko pa nga. Kada may bagong tula ako, punta agad ako sa opisina niya para ipabasa ito sa kaniya. Ni minsan hindi ko naramdaman na nakakaistorbo ako sa kaniya. To think na sumusugod ako sa opisina niya na walang appointment.

Noong una kong punta, ang bagsik ng sekrekrta niya. Si Mommy Sidna na kalaunan ay naging kaibigan ko na. Sabi ko sa kaniya, “Ma’am ara si Tito Leo?” Gin-akigan niya ako dayon. Siling ‘ya, “Ano nga Tito Leo? Indi ini opisina sang HomeLife magazine. UP ini. Dr. Deriada ina siya diri!” Nang magsimula akong manalo ng awards, dinadalhan ko na si Mommy Sidna ng cake kayâ naging close kami at Mommy Sidna na nga ang tawag ko sa kaniya.

Marami akong quotable quotes ni Dr. Deriada. Karamihan matataray. Bukod sa sikat na “You, idiot!” kapag hindi niya nagustuhan ang sinabi o ginawa mo. Pero in fairness, hindi niya ako natawag nang ganiyan!

Ang favorite ko na lagi kong naaalala kapag nagdidirek ako ng San Agustin Writers Workshop ay hindi siya makatiis at talagang magba-butt in kapag may fellow na magpapakilala nang ganito: “Ako gali si…” Agad sasabat si Dr. Deriada ng, “Anong ako gali? Ngaa nalipat ka sa ngalan mo?”

Minsan nataranta kami ni Isidoro Cruz sa San Agustin nang may inorganisa kaming conference. May isang may edad nang guro ang nagsalita sa open forum at nagtanong kung ano ang gagawin niya dahil ang mga estudyante niya ay hindi nakakaintindi kapag ang binabasang teksto ay Hiligaynon. Ang sagot ni Dr. Deriada, “I find the question rather dumb. Don’t try to impress by saying that your students can understand English but not Hiligaynon.” Talagang kinausap namin ang teacher na ‘yun at kami na ang humingi ng dispensa!

Ilang beses ding nag-usap ang nanay ko at si Dr. Deriada. Minsan yata nagkita sila sa airport. Hindi ko maimadyin kung paaano mag-usap ang dalawang madaldal! They share a language—Sebwano. Tubong-Davao del Sur kasi ang nanay ko.

Minsan, noong hindi pa sila magkakilala, nagsabi ako kay Nanay na bilhan niya ako ng round trip ticket to Manila kasi mag-a-attend ako ng workshop sa National Arts Center. Pinagalitan ako ng nanay ko kasi puro daw gasto ang naiisip ko. Biga raw ako nang biga.

“Nay, bëkët biga. Writing workshop!” sabi ko.

“Hay amo man ria gihapon. Ang workshop-workshop ko nga ria, biga man ria gihapon!” hambal ni nanay. “Mabiga ikaw kag ako ang magastuhan.”

“Nay, hambal ni Dr. Deriada, that’s what parents are for,” sabat ko.

“E kon ibunggo ko ang ulo n’yo ni Deriada nga ria?” sagot ni Nanay. Matapos siyang magtalak, binilhan naman niya ako ticket.

Nang ikuwento ko ito kay Dr. Deriada, tawa siya nang tawa. Ikinukuwento pa nga niya ito sa iba.

Nasa kolehiyo ako nang mag-umpisa ako manalo ng mga award at malathala sa mga magasin. Kapag ipakita ko ito kay Nanay, agad niya itong kukunin sa akin at iikutin niya ang bahay ng mga kamag-anak at kakilala namin sa Maybato at ipakita ang mga ito-“Bag-o nga award ni Junjun! Na-publish liwan si Junjun!”

Kapag ganito hiyang-hiya ako. E kung pigilan ko naman si Nanay, sisigawan niya ako. Pabayaan ko raw siya. E di sana raw hindi ko na ipinakita sa kaniya kung nahihiya lang din naman ako.

Minsan pagbisita ko kay Dr. Deriada, kinuwento ko ito sa kaniya at sinabi kong hiyang-hiya ako sa ginagawa ng nanay ko at kung ano ang gagawin ko. Pinagtawanan lang ako ni Dr. Deriada at sinabihang, “Oh, give those little privileges to mothers.”

Hindi ako nag-aral sa UPV pero bilang isang manunulat, pakiramdam ko produkto ako ng UP. Dahil ito sa kaalwan ni Dr. Deriada.

Darayawon gid dyang buruhatën sa pagpasidëngëg kay Deriada. Nagadayaw kag nagapasalamat gid ako sa UPV, kapin pa gid sa UPV Sentro ng Wikang Filipino, sa pagpatigayon kadyang Leoncio P. Deriada Prize.

Hiling sa UPV Sentro ng Wikang Filipino—gawing annual ang Leoncio P. Deriada Literary Prize at gawin itong regional in scope.

Duro gid nga salamat kag sa liwat maayad-ayad nga hapon kanatën tanan.

[Binigkas noong 19 Agosto 2022 sa UPV Sentro ng Wikang Filipino, University of the Philippines Visayas, Iloilo City Campus.]

Ang “favorite daughter” at ang “real daughter ni Leoncio.

Opening Remarks for the Forum ‘Philippine Queer Studies: Problems and Perspectives’

Yesterday when I consulted Dr. Ronald Baytan about my opening remarks on today’s graduate research forum, he reminded me not to talk about myself for I am not important. Since I’m very afraid of him I just answered, “Yes, Ateng I promise not to talk about myself.”

Of course promises are made to be broken just like the 20 peso per kilo of rice or the Tallano gold. Now that I have the floor, or the screen, and Dr. Baytan cannot do anything to stop me now without creating a scandal in Zoom, I will talk about myself. Aftell all, the topic is queerness. When we talk of gay writing and queer studies here at De La Salle University, how can I not talk about myself? For talking about queer studies in La Salle, I will be talking about Ronald Baytan and since Ronald Baytan is my Ateng, it only follows that I will also be talking about myself. It’s a family affair, duh. And besides, kakaunti lang naman kami ang mga willing magladlad dito sa La Salle. Of course maraming pamintang durog pero kakaunti ang willing magsulat about their gayness. So brace yourself and stop your eyebrows from arching too much. The Graduate Program Coordinator (GPC) Dr. Tiny Arogo said I have one hour for my opening remarks!

Isa pa, our invited resource person today, Dr. J. Neil C. Garcia, is already famous and need no introduction. It is safe to assume everyone here have read his work—be it a poem or critical essay. So why should I waste time talking about him? I call Dr. Garcia, “Mama Neil” because I decided to become a gay writer after reading and rereading Ladlad 1 from cover to cover the whole night a long time ago in Antique when I was still a virgin. So imagine the effect to my body and soul of that book! Kayâ naman sa Ladlad 2 kasama na ang mga bastos kong tula. Whether Mama Neil like it or not, he became my literary mother. Neil and Ronald are BFFs. I’m related to both of them. So I have all the right to talk about myself in this opening remarks.

Ganito kasi iyon. Kasama ako sa unang batch ng Master of Fine Arts in Creative Writing noong 1996. Fresh from the farm and seashore ako ng Antique. Unang Holy Week ko dito sa La Salle, na huwag nating kalimutan ay isang Catholic university, Lunes Santo, ang itinatanghal ng Harlequin Theatre Guild ay trilogy ng gay one act plays. It was there that I saw the young Wanggo Gallaga taking a bath on stage naked. Br. Andrew Gonzalez was the University President then. Isang linguist at literary person kayâ siguro malaya ang sining at pagsusulat sa kampus. Sabi ko noon sa sarili ko, bongga ang La Salle. This is the perfect university for me.

Sa Playwriting Class namin kay Isagani R. Cruz pabonggahan ng pagiging mahalay sa mga dula namin. May kaklase kaming ang bida sa dula ay isang baklang nakikipagsex sa pedicab driver sa loob mismo ng pedicab na nasa ilalim ng LRT. Sa workshop, pinagtulungan namin ang may-akda kasi sabi namin paano naman ‘yan i-stage kung ang kangkangan ay nasa loob ng pedikab? Yes, we use the word “kangkangan” in front of The Isagani R. Cruz! May kaklase kaming crush na crush ko (at in love pa yata ako) na ang bida sa dula niya ay isang Lasallian student leader na sa isang retreat nila ay hinada niya ang co-student leader niya at biglang nagpakita si Mother Mary na umiiyak at nagsasabing, “Why are you doing this, my son? You are hurting me, my son.” Ugh, speaking of Catholic guilt! Sabi ng mataray kong kaklase sa akin, “Sige baklang taga-Antique, ipagtanggol mo ang dula niya at sasampalin kita.” Yung sa dula ko naman, baklang pilay na naka-wheel chair ang bida na nakipagtalik sa half-brother niya at nag-suicide ang tatay nang maaktuhan mismo na nagsi-sex ang dalawang anak. Pinagtulungan din ako ng mga bakla sa klase. Sabi nila, double murder case ang ginawa mo! Bakla na pilantod pa!

Iyon din ang panahon na isinumite ni Dr. Baytan and thesis niya tungkol sa dissident desires in Philippine gay poetry. Ako lang ang estudyanteng binigyan ni Cirilo F. Bautista ng karapatan na gamitin ang mesa niya sa Department kapag wala siya. Minsan isang gabi habang nagbabasa ako lumapit sa akin si Ateng. Hindi ko pa siya kilala noon. “Bakla, anong ginagawa mo?” tanong niya. Sabi ko, “Nagbabasa po.” At sabi niya, “Halika tulungan mo akong i-sort out ang photocopy ng thesis ko at papakainin kita mamaya.” Mahirap na estudyante lang ako noon at umuo kaagad ako dahil sa libreng hapunan. Siyempre, pinahugas muna niya ako ng kamay at pinagamit ng alcohol bago ko mahawakan ang kaniyang thesis na as if naman malinis at banal ang paksang tinalakay niya. Nang gabing iyon, at wala pang Google noon, kinunsulta ko ang dictionary kung anong ibig sabihin ng dissident. Nang panahon ding iyon itinuturo na ni Ateng ang Gay and Lesbian Literature dito sa La Salle, may isa o dalawang taon pagkatapos umpisahang ituro ni Mama Neil ang Philippine Gay Writing sa UP Diliman.

Ang forum na ito ay bahagi ng Rainbow Initiative ng Department of Literature. Ayon sa poster ng forum, “The DLSU Asia-Pacific Rainbow Initiative Established in 2017 by the Department of Literature. This initiative aims to discuss the latest developments, theories, and issues in LGBTQIS studies; and to provide perspectives on concerns and problems affecting LGBTQIA communities in the country and in the region.”

Meaning, and I would like to underscore this, for those of you graduate students of the Department of Literature who would like to write your thesis or dissertation on queerness, whether critical or creative, you are in a good place here in our sad, sad archipelago. La Salle is a friendly environment for you young queer scholars and writers.

On behalf of the Department of Literature and the Bienvenido N. Santos Creative Writing Center, I would like to formally welcome you all to this graduate research forum, “Philippine Queer Studies: Problems and Perspectives” featuring our beloved J. Neil C. Garcia, and our very own Ronald Baytan and Johann Espiritu.

Now on to my second task this afternoon—to introduce our main speaker—my Mama Neil. But before that, I would also like to give a very brief introduction to our very own queer studies scholars. In her email last Monday to remind me about this forum, Dr. Arogo requested me to also give a brief introduction to Dr. Baytan and Dr. Espiritu. My thought bubble was, Baket? Why would I introduce them? They are not important. Well, that is quoting Dr. Baytan himself on his theory on importance and non-importance. But since I am also afraid of our GPC, I will do the task.

Dr. Baytan is the director of the Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. As proof of his queerness, he authored two shamelessly gay books entitled The Queen Sings the Blues (a poetry collection) and The Queen Lives Alone: Personal Essays. Now you know why in the Literature Department the highest royal title I can aspire for is for me to be a princess because we already have a queen. Which I don’t really mind because in fairy tales, the princess would always look younger and more beautiful than the queen!

Dr. Johann Vladimir Espiritu, despite his macho-war freak (You know, Ukraine and Russia) and very spiritual sounding name wrote a dissertation on Philippine gay music. Gay na music pa. As one of the young fairies in the Department, he is already making a name for himself as a queer studies expert. In fact he recieved recently the St. Miguel Febres Cordero Research Award for Outstanding Published Scholarly Article in Filipino for guess what, a paper on gay OPM (not oh promise me but original Filipino music) in Diliman Review. In spite of his achievements, paborito pa rin namin ni Ateng na i-bully si Johann. Of course I’m not endorsing bullying here. It is a major offense here in La Salle. But you have to understand that in our alternate rainbow universe, the queen and the princess have the divine right to bully a commoner. (We love you Johann. 😅✌️)

[Then I ended my speech reading a prepared brief bio of Mama Neil published in the FB announcement of the forum.]

Bása Tayo (4): Dagat ang Dugo ng mga Kataw

Ang librong Made of Saltwater ni James Prudenciado (Balangay Books, 2022) ay isang dagat na kung lalanguyin natin ay magiging kataw o sirena tayo. Hindi natin kailangang maging agi, bayot, o bakla para mangyari ito dahil kasama sa taglay na kapangyarihan ng tula ang kausapin ang ating katawan at kaluluwa na hiwalay sa mga kategoryang gawa-gawa lamang ng ating lipunan. Laging unibersal ang birtud ng sining. Tumatagos sa ating kalamnan.

Ang libro ay binubuo ng 65 na tula na nahati sa dalawang seksiyon na may mga pamagat na “The Bruising” at “The Loving.” Ang unang bahagi ay kalipunan ng mga tula tungkol sa mga kahirapan at trauma na naranasan at nasaksihan ng isang bayot na lumaki sa laylayan ng lipunan. Ang ikalawang bahagi naman ay mga tula ng bading o kataw na pag-ibig. Mga lirikong tula ito na simple ang mga salitang ginamit subalit matingkad ang mga imaheng nalilikha sa isipan ng mambabasa.

Unang libro ito ni James na 25 taong gulang pa lamang. Ibig sabihin marami pa siyang susulating mga tula. Lagi kong aabangan ang mga tula niya tungkol sa kaniyang islang sinilangan at nilakhan— ang Tagapul-an, Samar. Pangalan pa lamang ng isla nila, tunog tula na. Nagtapos si James ng Tourism Management sa Northwest Samar State University sa Lungsod Calbayog.

Mahigit dalawang taon na akong hindi nakakauwi sa amin sa Antique. Ang bahay namin sa Maybato ay malapit sa dagat. Kapag tahimik na sa gabi, naririnig ko ang lagaslas ng mga alon habang nakahiga ako sa aking kuwarto. Kayâ ganoon na lamang ang sarap na nararamdaman ko habang binabasa ang librong ito ni James. Maaaring may pagka-bias ako bilang mambabasa dahil ang librong ito ay naka-dedicate sa aming mga sirena. Mga tula ito ng sirena para sa iba pang mga sirena. Wala naman siguro kokontra pa kung iki-claim ko na ako ang pinakamalaking kataw sa mga isla ng Kabisayaan at arkipelago ng Filipinas. At maging si Timogsilangang Asya siguro.

Sa ngayon may tatlong paboritong tula ako sa librong ito: “Brown Lover,” “At the Beach in the Far North, I Lost My Hanafunda Earrings, Lost My Eyeglasses, and in the Blinding Darkness of the Night, I Found a Boy,” at “About the Body.”

Siguro obvious kung bakit itong tatlo ang paborito ko. Sirena’s choice kumbaga, mga tula kasi ng kataw para sa kapuwa kataw. Selebrasyon ng katawan ng mangingibig at iniibig at ng nag-iibigan. Poetikong pagtatanghal sa katawang nananahan sa lupa at dagat, sa hangin at tubig. Katawang ginapalangga ng araw at niyayakap ng maalat na tubig.

Sa “Brown Lover” halimbawa, “Kayumanggi ang aking mangingibig—anak na lalaki ng Samar, / anak ng dagat. Di tulad ng mga maambong na lalaki / sa lungsod, mga kuko at ngipin lang niya / ang puti sa kaniya. Biro niya kung minsan / kapid siya ng kaniyang anino.” Sinong sirena ang di magmamahal sa ganitong lalaki?

Sa “At the Beach in the Far North” naman, “Ginbëklas na ako sa alima / kag ginguyod padagat. // Mainit ang përës na nga lawas, masarangan ako hakwatën/ Abi ko / sangka gamay tana nga adlaw… / Nanamian rën ako nga hambalan ang akën kaugalingën nga wara ako // nagaisarahanën.”

Sa “About the Body” naman paborito ko ang number 4: “Insakto gid ang aton mga lola, indi kita dapat mapilasan samtang nagasaka ang taub—kay ang aton kalawasan nagasugpon sa dagat, ginabutong sang bulan ang aton dugo halin sa bukas nga pilas sang tubig.”

Sa Ingles man nakasulat ang mga tula ng kataw na si James Pridenciado, naaamoy, nalalasahan, nararamdaman, naririnig, at nakikita pa rin natin ang mga dagat at isla ng Kabisayaan. Kayâ napakadali para sa akin na isalin ito, o lubadën, sa Kinaray-a at Hiligaynon. Dahil dagat ang dugo ng mga kataw, walang teritoryo ang mga tula ng mga sirena sapagkat sakop ng sining ng mga sirena ang sangkaragatan!