Simbang Gabi sa La Salle

PUNÔ ng mga puting bituin ang buong kampus—nasa mga damo, nakasabit sa sanga ng malalabay na punongkahoy, nakasabit sa kisame ng mga pasilyo, at nagpapalamuti sa higanteng Christmas tree sa harap ng Henry Sy Sr Hall. Sa tabi nito, ang malalaking letrang puti rin na bumubuo ng katagang PEACE.

Kapayapaan ang tema ng selebrasyon ng Pasko sa DLSU ngayong taon. Siguro bilang tugon sa magulong politika ng bansa ngayon, sa libo-libong EJK, sa katatapos pa lamang na giyera sa Marawi, sa Martial Law sa Mindanao, sa nanganganib na giyerang nukleyar sa North Korea, sa kalunos-lunos na kalagayan ng mga Rohingya sa Myanmar at mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya, sa mga terorismo sa Europa, sa kaguluhan sa Jerusalem dahil sa iresponsableng presidente ngayon ng America.

Kayâ kapayapaan para sa Filipinas at sa buong mundo ang panalangin ko habang nagsisimbang gabi sa Cory Aquino Democratic Space sa La Salle. Pang-Miss Universe man ang peg ay pinanindigan ko na. Makasalanan man ang puso ko’t isipan (pati ang seksi kong katawan), kapal mukha ko pa ring hiniling sa Panginoon na biyayaan ng kapayapaan ang buong daigdig ngayong Pasko. Napapangiwi nga lang ako sa koro ng entrance hymn na “Rejoice, rejoice, rejoice oh Israel / To thee shall come Emmanuel.” Umaalingawngaw talaga sa isipan ko ang tanong na, “Paano ang Palestine?” Mabilis ko ring sinasabi sa sarili na, “Simbolismo ang tawag dyan, tanga!”

Masaya ako dahil magmula noong Disyembre 17 hanggang noong Disyembre 23 ay nakapag-Simbang Gabi ako. Well, hindi ko nakumpleto ang siyam na misa. Nakalimutan ko kasi noong Disyembre 16 at ngayong Disyembre 24 ay nandito na ako sa Pasig. Ang layo kasi ng bahay namin sa simbahan ng Rosario.

Naalala ko tuloy si Tita Neneng. Kung buháy lamang siya ngayon, matutuwa iyon kung magsi-Simbang Gabi kami tuwing umaga sa La Salle. Noong maliit pa ako sa Antique, palagi iyon nagsi-Simbang Gabi. Kung minsan nakakasama ako sa kaniya. Noong nasa Iloilo kami nakatira, nagsi-Simbang Gabi rin kami sa chapel ng University of San Agustin. Nitong nasa Pasig na kami, hindi na siya nakapag-Simbang Gabi dahil hindi kami pamilyar sa Rosario.

Gusto ko ang Simbang Gabi sa La Salle kasi simple at walang garbo. Naalala ko kasi sa San Jose Cathedral sa Antique, pabonggahan ang mga offering. Pabonggahan din ang mga damit ng mga local elite at feeling elite. Buti na lang si Nanay kung magsimba noon ay naka-uniform siya ng blue na pang-novena niya kay Mother of Perpetual Help. Ang ayaw ko sa lahat ay kapag binabasa ang pangalan ng mga sponsor sa katapusan ng misa. Nagmumukhang cultural variety show ang Simbang Gabi.

Ang maganda pa sa Simbang Gabi sa La Salle, may munting agahan pagkatapos ng misa. Simple lamang pero masarap at nakabubusog sa kaluluwa dahil pagkakataon itong makita at mabati ang ilang kakilala habang kumakain ng goto, o kaya biko, o ensaymada at humihigop ng mainit na kape.

Bukás ang mga tarangkahan ng La Salle alas-singko pa lamang ng madaling-araw para sa lahat ng gustong magsimba, taga-La Salle man o hindi. Noong unang gabi nga, dinala ko pa ang ID ko dahil kailangang i-scan kapag pumapasok ng kampus. Aba, hindi pala kailangang magpa-scan ng ID para mag-Simbang Gabi. Very refreshing ito kapag naranasan mo nang pumasok ng La Salle na wala kang La Salle ID dahil para kang dumadaan sa immigration counter.

Nagsisimba siyempre ang mga La Salle Brother. Kapag nagsisimba kasi ay mahilig akong maupo sa harap. Nasa pangatlong row naman ako umuupo sa bandang kanan para mas malapit sa altar. Doon din umuupo ang mga brother. Noong ikalawang gabi, sa harap lang na upuan ko nakaupo si Br. Armin Luistro. Parang gusto kong magpakilala sa kaniya at sabihan siya ng, “Isa po ako, Brother sa mga biktimang guro ng K to 12 program ninyo.” Kaso baka sagutin niya ako ng, “O di ba mas masaya ka naman dito sa La Salle?” Na totoo naman. Inabandona ko na lamang ang aking balak dahil totoo namang hindi hamak na mas masaya ako ngayon sa La Salle. Bukod sa suweldo (na mahigit sa doble) ay nasa La Salle naman talaga ang mga matalik kong kaibigan. Marami rin akong masayang alaala sa La Salle bilang batang manunulat. Kayâ bulong ko na lamang sa aking sarili, “Move on na, Sirena. Move on. Forgive and forget. Kapayapaan para sa sandaigdig! I thank you!”

Kayâ sa pagsi-Simbang Gabi ko ngayong Pasko, wala akong hiniling na para lamang sa aking sarili. Bukod sa magandang kalusugan at ligtas na pamumuhay para sa aking kapamilya at mga kaibigan, world peace lang talaga ang hiling ko. Para sa aking sarili, taos na pasasalamat lamang sa Panginoon para sa mga biyayang natanggap nitong taong 2017. Alam ko kasing alam naman ng Diyos ang mga pangangailangan ko, ang mga gusto ko, ang mga pangarap ko. Mahirap man para sa isang siguristang tulad ko na ipasa-Kaniya na lamang ang lahat sa buhay ko, nananalangin ako na biyayaan niya ng ibayong kababaang-loob na tanggapin nang buong puso na ang kalooban lamang Niya ang dapat masunod.

Marami na akong unos, pagsubok, at kabiguang natamo sa búhay ko at palagi akong nakakabangon dahil ni minsan hindi ako pinabayaan ng Diyos.

Medyo jarring lang sa aking paningin ang malaking estatwa ni Mother Mary sa tabi ng entablado kung nasaan ang altar. Bongga kasi ang kaniyang kapa at sobrang laki ng kaniyang gintong korona. Mas gusto ko pa rin ang simpleng imahen niya. Simpleng babae lamang kasi siya na nagtiwala sa Diyos at pinakatiwalaan na maging ina ng Diyos. Siyempre reyna naman talaga siya. Reyna ng langit. Pero naiisip ko, mahalaga pa ba talaga ang mga korona, ang mga titulo, sa langit? Hindi ako sigurado kung natutuwa ba talaga si Mother Mary na overdressed palagi ang mga rebulto niya rito sa mundo.

Sa totoo lang nahihiya akong manalangin para sa kapayapaan dahil alam ko sa sarili ko na hirap akong magpatawad. Kayâ bukod doon sa kantang nagbabanggit ng Israel, napapangiwi rin ako kapag inaawit ang “Ama Namin” lalo na sa bahaging “Patawarin mo kami sa aming mga sala / Para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.” Sirena man ay tao pa rin ang puso ko’t isipan na hirap sa pagpapatawad lalo na kung ang nagkakasala sa akin ay di naman humihingi ng tawad at gumagawa pa rin ng masama sa akin.

Kayâ nahihiya akong tawagin ang sarili ko na Kristiyano. Madali lang kasing magsimba araw-araw, madali lang mag-Bible study o sumali sa mga prayer meeting. Madali lang mag-quote (o mag-misquote) ng Bibliya. Pero ang pangangatawanan ang pagiging isang tunay na Kristiyano ay napakahirap. Sa “Our Father” pa lang bagsak na ang Sirena.

Henewey, siguro ang pagiging Kristiyano ay isang layunin na panghabambuhay—isang patuloy na proseso ito na hindi madali sapagkat ito talaga ang nag-iisang tunay na layunin nating mga tao rito sa daigdig. Siguro parang pagiging makata rin ito. Sa bawat araw, sa bawat tula na sinusulat, natuto ka naman talaga kung ano ang tula at unti-unti mong nauunawaan ang halaga at kahulugan nito. Siguro parang pagbubuo rin ito ng bansa na isang di natatapos na proyekto subalit kailangang gawin dahil wala namang ibang alternatibo.

Paunti-unti, maaaring gawin. Halimbawa kaninang umaga habang nagkakape ako, naisip ko ang isang kaibigan na gin-unfriend ko sa Facebook dahil Dutertard at inaakusahan niya akong Yellowtard. Naisip kong batiin siya ng Merry Christmas dahil Pasko naman at nami-miss ko siya. Hayun, mabilis siyang sumagot at sinabing mas na-miss daw niya ako. Paakyat daw siya ng Baguio pagkatapos ng Pasko at bibilhan niya ako ng statis. Magla-lunch date kami bago matapos ang taon. Hapi ako.

Hindi man tuluyang magiging mapayapa ang buong daigdig ngayong 2017, walang mawawala kung ipagdasal natin ang kapayapaan. Magiging mapayapa rin ang lahat-lahat sa panahong itatakda ng Poong Maykapal.

 

[Disyembre 24, 2017
Rosario, Pasig]

Bakla Yata si Sharon Cuneta

MULI kong pinanood ang Tayong Dalawa at Una Kang Naging Akin ni Sharon Cuneta nitong nagdaang bakasyon sa Undas. Ang realisasyon ko this time, bakla yata si Sharon Cuneta. Baklang-bakla ang mga karakter na ginampanan niya sa dalawang pelikulang ito.

Ang panonood ng mga lumang pelikula ay isa sa mga bisyo ko kapag may ilang araw na bakasyon mula sa trabaho. Siyempre, dahil rabid Sharonian ako, di ako nagsasawa na paulit-ulit pinanonood ang mga lumang pelikula niya. Salamat at available ang mga ito sa DVD. Yes, nasa panahon pa ako ng DVD. Di pa nagmo-move on sa Netflix o pamimirata ng mga pelikula online.

Speaking of DVD ng mga pelikula ni Sharon, hanggang ngayon itinatago ko pa rin ang mga VHS tape ng mga pelikula niya. Siyempre mayroon din akong mga VCD. At kung cassette tapes ng mga kanta ni Sharon ang pag-uusapan, may laban itong koleksiyon ko.

Magkasunod kong pinanood noong besperas ng Undas ang Tayong Dalawa at Una Kang Naging Akin. In fairness, si Laurice Guillen pala ang nagdirehe ng mga ito. Kapag nanonood kasi ako noon ng mga pelikula ni Sharon sa sinehan, pakialam ko kung sino ang direktor o ang sumulat ng iskrip. Ang gusto ko lang mapanood si Sharon. Ni wala nga akong pakialam kung sino ang leading man niya. Si Sharon lang talaga ang concern ko. Bunos na lamang na palaging pogi at seksi ang mga katambal niyang lalaki. Sa dalawang pelikulang ito, si Gabby Concepcion ang katambal niya. Si Guillen ang direktor na isa sa mga pinakamagaling nating direktor ngayon. Ngayong siniseryoso ko na ang pagiging manunulat, natutuwa ako kapag nababasa ko sa iskrin na si Butch Dalisay pala ang sumulat ng kuwento at dulang pampelikula ng Tayong Dalawa at si Orlando Nadres naman ang sumulat ng dulang pampelikula ng Una Kang Naging Akin na base sa kuwento sa komiks ni Helen Meriz.

Samakatwid, big names larangan ng literatua ang nasa likod ng dalawang pelikulang ito ni Sharon.

Lumabas sa mga sinehan ang dalawang pelikulang ito noong 1991, nasa unang taon ako ng kolehiyo sa Lungsod Iloilo, at apat na taon matapos maghiwalay sina Sharon at Gabby.

Kadalasan, hindi masyadong nakikipaghalikan (“torrid kissing” ang tawag sa mga movie magazine na binabasa ko noon) o nakikipag-bed scene si Sharon sa mga leading man niya sa pelikula. Pero siguro dahil ex-husband naman niya si Gabby at ama ng kaniyang anak, bongga ang mga halikan at bed scene ni Sharon dito.

May tatlo o apat na bed scene yata sa Tayong Dalawa at kung makipag-lips to lips si Sharon kay Gabby ay wagas. Sa Una kang Naging Akin, gustong-gusto ko ang eksenang naka-itim na sarong lamang si Sharon at pinuntahan si Gabby sa kubo nito sa tabi ng dagat isang gabi at nagtsuktsak sila! Baklang-bakla ang eksena. May linya pa siyang, “Hinahanap kita. Kailangan kita.” Saka sa pagyakapan at halikan nila unti-unting lalakas ang kantang “Kung Kailangan Mo Ako” na si Sharon siyempre ang kumakanta. Ako namang si Gaga, kinikilig pa rin. Pakiramdam ko ako si Sharon.

Ang tsuktsakang eksenang ito sa kubo sa tabingdagat ay mapupunta sa eksena ng landian at suyuan sa dagat hanggang sa paglalakad na magkahawak-kamay sa dalampasigan habang papalubog ang araw. Ngayon, sinong bakla ang di madadala sa ganitong eksena?

Kung hindi ko lang alam na babae si Guillen, iisipin ko bakla ang direktor ng pelikulang ito.

Ang ganda-ganda ni Sharon sa Una Kang Naging Akin bilang si Diosa, isang pintor na nakatira sa isang isla sa Palawan dahil nabigo na siya minsan. Galit siya sa lalaki dahil ang dati niyang pilotong boyfriend ay may asawa pala sa isang bansa sa Europa. Nadiskubre na lamang niya ito nang mag-crash ang eroplano ng boyfriend.

Isang araw, umuwi ang marine biologist na ama ni Diosa sa isla na may kasamang pogi at seksing lalaki, si Darwin na si Gabby Concepcion siyempre. May amnesia ito at ang totoo ay isang mayamang negosyante na nag-crash ang helicopter sa isang gubat sa Palawan. Inalagaan siya ng mag-anak na Batak hanggang sa lumakas. Tinulungan nito ang ama ni Diosa nang maagawan ng bag sa bayan. Pero dahil nga galit sa mga lalaki si Diosa, galit siya siyempre kay Darwin. Ayaw niyang nakatira sa kanilang bahay ang poging lalaki.

Isang araw, habang nagpipinta si Diosa sa isang tagong puting dalampasigan, kinausap siya ni Darwin na may dala-dalang hunting shotgun at nahuli nitong malaking bayawak. Tinanong niya kung bakit galit si Diosa sa kaniya. Siyempre naimbudo si Diosa dahil naistorbo siya sa kaniyang pagpipinta. Iniligpit ang kaniyang mga gamit paminta at ang kanbas, at nag-walk out habang tinatalakan si Gabby ng, “You’re fake. You’re a liar! Niloloko mo lang kami,” tsu-tsu to that effect. At bigla siyang tinutukan ni Gabby ng baril. Ang buong akala ni Diosa, at kitang-kita ito sa reaksiyon ng mukha ni Sharon, babarilin siya ni Darwin. Pumutok ang baril. May nalaglag na may kalakihang python sa tabi ni Diosa. Nakalambitin pala ang sawa sa isang sanga ng kahoy kung saan siya nakatayo. Dahil doon, naging magkaibigan na sila. Pakiramdam ni Diosa ay iniligtas ni Darwin ang buhay niya. A little kindness from a boy, bitag ng pag-ipig para sa mga baklang marurupok ang damdamin.

Naisip ko lang, sana hindi totoo ang ahas at ang bayawak na pinatay sa pelikula. Buti noon hindi pa masyadong aktibo ang mga animal rights group. Naalala ko tuloy ang pelikulang Oro na noong nakaraang Metro Manila Film Festival ay nagkaroon ng malaking eskandalo ang eksenang may kinatay na aso.

Fast forward. Nagpakasal sina Diosa at Darwin kahit na may amnesia pa ang lalaki. Nabuntis si Diosa at sa araw ng panganganak niya, nadisgrasya ang bus na sinasakyan ni Darwin sa pagsundo sa doktor sa Puerto Princesa. Natauhan ito at naging si Nicholas Soriano Adriano III uli, umuwi sa Maynila, at pinakasalan ang fiancé nitong socialite na si Dawn Zulueta. Si Dawn ay isang “young patroness of art” na nangungulekta ng mga peynting ni Diosa. Binisita pa nga minsan ni Dawn si Diosa sa isla. Nang mag-attend si Diosa sa kasal nina Dawn at Darwin na si Nick na ngayon, sumamâ ang loob ni Diosa. Umuwi siya kaagad at umiyak nang umiyak habang kalong-kalong ang baby nila. Pinayuhan siya ng kaniyang matandang dalagang tiya na ginagampanan ni Charito Solis. Pinayuhan siya na awat na at mag-move on na dahil wala na si Darwin. Ayaw makinig ni Diosa. Gusto niyang ipaglaban ang karapatan ng anak niya. Heto ang sabi sa kaniya ng tiya, “Hindi ka pa ba nagsasawa sa mga kaguluhan sa buhay mo dahil sa mga lalaki?” Bakla lang ang pinagsasabihan nang ganito! Siyempre ang creative writing teacher in me nagtatanong, akala ko ba isang lalaki lang ang nanloko sa kaniya? Yung pilotong patay na?

Kinuha ng nanay ni Nick si Diosa na magpinta ng mga portrait nila. Hayun, nahulog ang loob sa isa’t isa nina Nick at Diosa at naging kerida ni Nick si Diosa. Ang love nest nila isang bonggang bahay sa Tagaytay over looking Lake Taal. Halikan galore uli doon. Henewey, nahuli sila ni Dawn at nagkaroon ng eskandalo kaya balik sa isla nila sa Palawan si Diosa. Sinundan siya doon ni Nick. Afterall may helicopter si Nick. Isang umaga, sumugod si Dawn at ginawang hostage ang anak ni Diosa. Matapos ng madramang eksena, sinundan pa ito ng mas madramang eksena nang sabihin ni Diosa kina Nick at Dawn na anak nila ni Nick na si Darwin noon si Darwin Jr. Pinakita rin niya ang wedding photos nila at marriage contract. Then, gaya ng lahat ng mga pelikula ni Sharon noon, bahagi ng kaniyang declamation piece sa katapusan ng pelikula ang pagsambit niya ng pamagat ng pelikula. Humahagulgol na sinabi niya kay Nick ang, “Una kang naging akin!” Purfect!

At dahil Sharon-Gabby movie ito, required siyempre na sila ang magkatuluyan sa huli. Dahil kung hindi, baka magkarebulosyon sa buong bansa na magsisimula sa mga sinehan sa mga key city ng Filipinas. Nang akala ng mga manonood at pati ni Diosa na sumakay sa helikopter si Nick kasama si Dawn at uuwi na sila ng Maynila, biglang tinawag ni Nick, ni Darwin, ang pangalan ni Diosa na nakatayo sa tabingdagat karga ang anak at pinanonood ang papalayong helikopter. Nagyakapan uli sila, naghalikan, at muli naging masaya at perpekto ang mundo hindi lamang ng pelikula kundi ng ilusyon din ng mga bakla at asal-baklang mga Sharonian sa buong uniberso.

Bakla rin ang karakter ni Sharon sa Tayong Dalawa. Siya si Carol na isang head ng marketing arm ng isang malaking kompanya. Nainlab siya sa isang nag-ayos ng coffee maker ng kanilang opisina na si Tonchie na si Gabby siyempre. Naalala ko tuloy ang kaibigan kong si Jigger kapag kinukuwento ko sa kaniya na may bago akong dini-date. Ang reaksiyon niya, “Ikaw talaga, you are really a real Augustinian. You have the heart for the poor and the marginalized!”

Pero hindi naman dito poor na poor si Tonchie. Mas poor lang siya kumpara kay Carol na isang executive. May kaunting minana naman si Tonchie ngunit ibinenta niya ito lahat at ibinili ng isang sail boat na ang pangalan ay Nirvana, hango sa pangalan ng bar kung saan nakilala niya at nagtatrabaho ang isang hostess na singer na ginagampanan ni Bing Loyzaga. Binatang ama si Tonchie at isang si Loyzaga ang ina ng anak niya. Iniwan sa kaniya ang anak dahil itong si singer ay kung minsan sa Japan kumakanta.

Hindi nakapa-graduate ng engineering si Tonchie dahil naging ama agad. Sa halip, nagraraket ito bilang tagapag-ayos ng mga appliances at kung ano-ano pa. Kayâ siya ang nag-ayos ng nasirang coffeemaker sa opisina nina Carol.

Henewey, nang malaman na ng mga tao sa paligid nila na magdwoya na sina Carol at Tonchie, ang unang na-shock siyempre ang donyang nanay ni Carol. Natuwa naman ang lola ni Tonchie at anak nito pero hindi hapi si Loyzaga kahit naman may kinakalantari na itong isang politiko. Sinugod nito si Carol sa opisina at ineskandalo. Hindi pa ito nagkasya at sinugod pa si Carol sa condo nito upang laslasin ang mukha. Lumaban siyempre na parang tigre si Carol. Ang eksena ng away nila ay eksenang away-bakla.

Siyempre, dahil Sharon-Gabby movie nga ito, sila pa rin ang nagkatuluyan sa katapusan ng pelikula kahit na sa totoong buhay ay magkahiwalay na sila. Nakakaloka di ba?

Kayâ siguro naging Sharonian ako dahil baklang-bakla ang mga karakter ni Sharon Cuneta sa mga pelikula niya. Hanggang ngayon, kahit nag-MFA na ako at may PhD in Literature na nga, at tumaas nang kaunti ang taste sa mga pelikula, paulit-ulit ko pa ring pinanonood ang mga lumang pelikula niya. Dedma na ako kahit na parang nawawalan ang saysay at niyuyurakan ang mga element of fiction na pinag-aralan ko. Hanggang ngayon, iniidolo ko pa rin si Sharon. E ano ngayon kung mataba siya? Mataba na rin naman ako ngayon!

Ngayong asawa na siyang ng isang senador, kung minsan naiisip ko rin, parang ayaw ko na sa mga high school graduate lamang. Parang gusto ko na rin ng isang senador na abogado at nag-masters sa Harvard. Ang mga high school graduate, palaging maraming pangangailangan. Sharonian yata ako and I deserve the best. Charot! Sabay sampal sa sarili nang tatlong beses.

 

[Nobyembre 2, 2017 Huwebes
Rosario, Lungsod Pasig]

Tikatik ng Ulan sa Yerong Bubong

NAHIDLAW pala ako sa lanton ng tikatik ng ulan sa yerong bubong.

Bisperas ng Todos Los Santos at tatlong araw na akong “nagbabakasyon” dito sa bahay namin sa Rosario, Pasig. Hindi naman talaga ito masasabing “staycation” dahil simula pa noong Setyembre ng nakaraang taon, doon na ako nakatira sa nirerentahan kong condo sa Taft Avenue sa tabi ng De La Salle University na pinagtuturuan ko ngayon. Parang iyon na ang tirahan ko sa ngayon.

Kada Linggo ng umaga na lamang ako umuuwi dito sa Pasig upang dalhin ang maruruming damit ko para malabhan at kunin naman ang malilinis kong damit. Linggo kasi ang iskedyul ng labandera namin. Kadalasan pagkatapos ng pananghalian ay bumabalik na ako sa aking condo. Marami kasing dapat gawin. Kailangang maglinis at mag-ayos nang kaunti sa condo. Kailangang mag-grocery para sa buong linggo. Kailangang mag-ayos ng mga damit sa aparador at mamalantsa kung kinakailangan. May mga papel ng estudyante na kailangan ko ring basahin at bigyan ng grado. Higit sa lahat, kailangan ko ng mga sandaling maupong nakatulala lamang para magkaroon ako ng lakas na harapin ang sandamakmak na trabaho sa loob ng linggo.

Nakakapaglagi lamang ako ng ilang gabi rito sa Pasig kung term break, lalo na kung Pasko at wala akong pupuntahang ibang lugar. Bakasyon ngayon para sa Undas kung kayâ nandito ako. Dito muli ako nagsusulat sa mesang-sulatan ko rito sa aking kuwarto. Nami-miss kong sumulat dito.

Maulanin ngayong linggo. May low pressure yata sa Kabisayaan. Papunta ang low pressure sa Palawan at pagdating daw nito sa Dagat Sulu, magiging bagyo ito sabi ni Mang Tani, ang resident weather forcaster ng GMA. Dalawang araw nang umuulan. Mahinang ulan lamang. Yung tinatawag nilang “binabaeng” ulan. May pagka-sexist lang kasi “lalaking ulan” siyempre ang malakas at “babaeng ulan” ang mahina. Sa gitna ng malakas at mahina naman ang “binabae” o “baklang ulan.”

Ang sarap maupo rito sa kuwarto ko at tumunganga habang pinapakinggan ang tikatik ng ulan sa aming yerong bubong at sa bubong ng kapitbahay namin. Marami akong dapat gawin—tatlong proyekto!—subalit tila ang tamad-tamad ko. Gusto ko lang tumunganga o magbasa. Kahapon nga, muli kong binasa ang nobelitang Death in Venice ni Thomas Mann. At kanina, pinanood kong muli ang dalawang lumang pelikula ni Sharon Cuneta—ang Tayong Dalawa at Una Kang Naging Akin.

Pagsasayang ba ito ng oras? Hindi naman. Feeding my soul ang tawag ko rito. Pinayayaman ko lamang ang aking damdamin at isipan. Mahalagang gawain kung kailangan kong magpatuloy sa pagsusulat.

Kanina, habang nakatunganga ako, pinapakinggan ko ang tikatik ng ulan. Nang mga sandaling iyon ko lang natanto na nahidlaw pala ako sa tunog ng ulan. Sa condo ko kasi, kahit malakas ang ulan, hindi ko naririnig ang tikatik nito. Kapag mahangin, medyo nababasâ ang bintana ko pero iyon lang. Kung minsan nagugulat ako na pagbaba ko at paglabas ng condo may baha sa Taft Avenue.

Sa condo natutulog ako na dinuduyan ng hagong ng lumang aircon. Nakakatulugan ko rin ang pakikinig sa eskandalosong pagbubusina ng mga dyip, bus, at motorsiklo na dumadaan sa harap ng aming condo. Ito ang rason kung bakit ako nag-i-aircon kahit na parang sapat naman ang lamig na dulot ng elektrikpan. Kung binubuksan ko kasi ang bintana sa aking kuwarto, ang ingay talaga ng mga sasakyan. Buong magdamag. Kapag malalim na ang gabi, tumitingkad ang ingay sapagkat tahimik na ang paligid. Kahit na sa ika-18 na palapag ako nakatira, parang nasa labas lang ng bintana ko dumadaan ang mga sasakyan.

Ito ang malaking pagkakaiba ng bahay namin dito sa Pasig at sa condong nirerentahan ko sa Taft bukod sa espasyo. Dito sa Pasig, tahimik kasi medyo looban kami sa aming cluster dito sa Flexi Homes. Wala akong naririnig na busina ng mga sasakyan dito.

Sabi ni Mang Tani, magiging maulan pa ang panahon sa loob ng dalawang araw. Dahil wala naman akong kailangang dalawin sa mga sementeryo dito sa Kamaynilaan, dito lang ako sa bahay.

Dalawang araw na maulan. Dalawang araw pa ako rito sa bahay namin sa Pasig bago bumalik sa Taft Avenue sa condo ko. Dalawang araw pa itong pagkakataon na tumunganga at makinig sa tikatik ng ulan sa yerong bubong. Kapag ganito, nagkakaroon ako ng pakiramdam na kuntento na ako sa aking buhay.

 

[Oktubre 31, 2017 Martes
Rosario, Lungsod Pasig]

Kasal/Sakal/Sambo at Ilang Tsenes Hinggil sa Same-sex Marriage

NOONG hapon ng Oktubre 24, 2017 naimbitahan ako na magsalita sa isang klase sa Theology hinggil sa same-sex marriage. May tatlong linggo na yata ang nakararaan nang kinumbida ako ni Tiffany Ko, isang advertising major, na estudyante ko sa creative writing. Dahil hindi ko mahindian ang paksa, agad kong tiningnan ang aking Paulo Coelho Planner at umuo nang makita kong wala pa akong nakaiskedyul na gagawin sa araw na iyon. Day off ko sana kapag Martes pero hindi ko pa rin palalampasin ang pagkakataong magsalita hinggil sa isang paksa na malapit sa aking puso. Salamat sa grupo ni Tiffany sa pag-imbita sa akin at sa kanilang guro na si Bb. Mylene Icamina ng Theology and Religious Studies Department na nang mag-usapa kami ay nadiskubre kong taga-Aklan pala ang mga magulang niya. Malapit ito sa Antique. Salamat sa buong klase na mukhang nakinig naman lahat sa akin. Ito ang binasa kong sanaysay nang hapong iyon.

***

LUMAKI ako na nakikita ang bestfriend ng Nanay ko na si Mama P. na may kinakasamang tomboy, si Tita S. May bahay silang yari sa kawayan at nipa sa lilim ng niyugan sa tabingdagat ng barangay namin sa Maybato sa Antique. Tambayan iyon ng ina ko lalo na’t pagkatapos ng pananghalian. Pag-uwi ko mula sa eskuwelahan, sa Assumption mind you, kapag wala si Nanay dali-dali akong bibihis at magpapahatid sa kasambahay namin papunta kina Mama P.

Nagluluto si Mama P. ng maruya o kaya ng ginataan na itinitinda niya sa isang tolda sa harap ng kaniyang bahay. Nadadatnan ko sila palagi doon ni Nanay na nag-uusap ng tungkol sa kung ano-ano at kahit ganoon sila sa lahat ng araw ng ginawa ng Diyos, tila hindi sila nauubusan ng pinag-uusapan. Siyempre, nakikinig ako sa tsismisan nila habang nilalantakan ang maruya o ginataan, dapende kung ano ang niluto ni Mama P. nang araw na iyon.

Second cousin ng tatay ko si Mama P. Sa baryo naman namin sa Maybato, halos magkakamag-anak ang mga tao. Ang nanay ko taga-Davao del Sur. Dayo siya roon at ang naging matalik niyang kaibigan ay si Mama P. Kapitan ng barko ang ama namin at palaging nasa biyahe abrod. Sa tingin ko palaging nalulungkot si Nanay kung kayâ doon siya palagi nagtatambay kina Mama P.

Parehong maingay sina Nanay at Mama P. Parang kanyon ang mga bunganga. Ang tataray at tatapang nila. Kawawa ang kung sino man ang aawayin nila.

Tahimik naman ang tomboy na si Tita S. Tagakabilang baryo ang pamilya nila at malayong kamag-anak din namin. Isa siyang magsasaka. Maliit siya kung tutuusin kaysa kay Mama P. na medyo tabain. Buong araw ay nasa palayan siya kung kayâ sunog sa araw ang kaniyang balat. Siya ang nagsasaka ng palayan ng kanilang pamilya. Takipsilim na kapag umuuwi siya akay-akay ang kaniyang kalabaw na itinatali niya sa isang puno ng niyog malapit sa kanilang kusina. Kadalasan papalubog na araw kung uuwi kami ni Nanay. Bilang paalam ay nagmamano ako sa kanilang dalawa.

Alam ng buong baryo na nagsasama sina Mama P. at Tita S. bilang mag-asawa. Alam din namin itong magpipinsan. Pero parang hindi ito naging isyu sa pagkakaalam ko. Awtomatikong tanggap namin lahat na ang bána, Bisaya para sa husband, ni Mama P. ay tomboy o ang tawag namin sa Kinaray-a, lakin-ën o “babae na parang lalaki.” Wala naman kaming narinig na masamang sinabi tungkol sa relasyon nila mula sa mga nakakatanda sa amin. Lalo na sa Nanay ko. Parang wala lang na ang asawa ng bestfriend niya ay tomboy.

Tumanda sina Mama P. at Tita S. na mag-asawa. Hanggang ngayon, kahit na paulit-ulit nang naso-stroke si Tita P. ay magkasama pa rin sila. Ang nanay namin, noon pang 2007 pumanaw. Nang huli akong umuwi sa amin may dalawang taon na nakalilipas, medyo mabagal nang kumilos si Mama P. dahil nagpapagaling sa una niyang stroke. Parang nabawasan ang kaniyang tapang at katarayan. Naglambing pa nga siya sa akin at humingi ng electric fan at pambili ng maintenance medicine.   Ngayon kapag nagkakasakit siya, ang mga pamangkin niya ang tulong-tulong sa pagpapagamot at pag-aalaga sa kaniya dahil wala naman siyang anak. Mayroon silang adopted na batang babae subalit ipinadala niya ito sa Maynila sa kaniyang kapatid nang palagi na siyang nagkakasakit. Mabuti at ang bahay nina Mama P. ay napapalibutan ng mga bahay ng mga pamangkin niya. Si Tita S. naman ay nagsasaka pa rin. Noong bumibisita pa ako sa farm namin, kung minsan nakakasalubong ko siya sa pilapil o nadadaanan na nakayuko at tinatanggal ang mga ligaw na damu sa tanim niyang palay.

Ngayong malaki na ako at bilang manunulat ay kilala nang “gay writer” at nagpapakadalubhasa rin sa panitikang gender-based, gusto ko sanang lalong mas maintindihan ang buhay mag-asawa, ang buhay pag-ibig, nina Mama P. at Tita S. Gusto ko sana silang interbyuhin pero di ko magawa. Hindi ko alam kung takot ba ako o nahihiya na tanungin si Mama P. tungkol sa kaniyang love life. Siguro wala lang talaga akong aesthetic distance para magawa ang proyektong ito. Iniisip ko, susulat na lamang ako ng nobela at doon maaari ko silang ilagay. Puwedeng isang tsapter o mahigit pa.

Ngayon nauuso na ang pag-uusap hinggil sa same-sex marriage lalo na kapag may mga bansang nagiging legal na ito tulad halimbawa nitong mga nakaraang taon tulad sa Ireland, Estados Unidos, at Germany. Dito nga sa atin sa Filipinas may pending na rin na bill sa Kongreso hinggil dito.

Para sa mga may gusto ng same-sex marriage, malaking balakid ang pagiging Katoliko at Islam ng karamihan sa ating mga Filipino. Kasalanan sa parehong relihiyon ang homoseksuwalidad. Kasalanang mortal na nga ang makipagtalik sa pareho mong lalaki o babae e ang pagpapakasal pa kayâ?

Naalala ko noong 1995 nang mag-aral ako ng MFA Creative Writing dito sa La Salle may isang lesbiyanang faculty sa Literature Department na nagpakasal sa isang lesbiyana ring faculty ng Physics Department. Iniimadyin ko, siguro nagkita sila sa CR isang araw at walang magawa si Kupido at pinana ang kanilang mga ano! Joke ito siyempre. Nang mga panahon kasing iyon, parehong nasa William Hall ang mga faculty room ng College of Liberal Arts at College of Science.

Sa Ilustrado Restaurant sa Intramuros ang kanilang kasal. Naging ninong pa yata ang mga guro kong sina Isagani R. Cruz at Cirilo F. Bautista. May isang matandang dalagang guro na prim ang proper ang nakita kong nag-blush nang matanggap ang wedding invitation. Sabi niya, “My God, this is the first time that I was invited to a lesbian wedding!” Sa pagkakaalam ko, umattend din siya.

“Puwede pala iyon? Magpakasal ang mga tomboy?” tanong ko sa mga kaibigan kong batang baklang guro (Siyempre, dyonda na rin sila ngayon.) sa Literature Department. Fresh from the province kasi ako no’n, batam-bata pa, at para sa akin ay kamangha-mangha iyon. “Siyempre it is not legal. It’s just a ceremony, a celebration,” paliwanag ng isa sa akin.

Ang isa pang kinamamanghaan ko, pinapayagan ang ganoon dito sa La Salle. Kayâ masaya at proud ako na dito ako nag-graduate school sa La Salle. Masaya at proud din ako na dito na rin ako nagtuturo ngayon. Kahit Katolikong unibersidad tayo, hindi tayo parochial. Halimbawa noong 1995 din, itinuturo na rin ng Literature Department ang kursong GALELIT o Gay and Lesbian Literature. Sa buong Filipinas, University of the Philippines Diliman at DLSU lang ang gumagawa nito.

Noong una kong Holy Week dito sa La Salle, siguro April 1996 iyon, namangha rin ako nang mabasa ang poster ng Harlequin Theatre Guild. Holy Monday at Holy Tuesday ay tatlong gay one-act plays ang kanilang ipalalabas. Siyempre nanood ako at doon ko nakita si Wanggo Gallaga, na freshman pa lamang noon, na naliligo (na hubad siyempre) sa stage sa Willam Shaw Theater sa isang dula. Very progressive! Very radical! Yes, I’m in the right university! Sabi ko sa sarili ko. Ito ang panahon na si Br. Andrew Gonzalez, FSC and presidente ng DLSU. Malawak ang kaniyang pang-unawa dahil isa siyang lingguwist at mapagkalinga sa literatura at malalayang sining. Kung para sa inyo ngayon ang Andrew ay isang building na pila sa elevator, para sa akin ay boss siya namin noon sa De La Salle University Press na binibigyan lagi kami ng UAAP tiket kapag may laro ang Green Archer sa Araneta Coliseum.

Noong 2008, itinanghal din ng Harlequin Theatre Guild ang gay full-length play ko na Unang Ulan ng Mayo. Puno palagi ang mga palabas nila dahil maraming Lasallian ang gustong manood ng dalawang lalaking naghahalikan. Apat na taon na itinanghal ng Harlequin ang dula kong ito.

Ganito tayo sa La Salle. Malawak ang pananaw sa buhay, lalo na sa mga isyung LGBT. Halimbawa, kung titser ka rito at aminin mo na bading ka o lesbiyana, hindi ito magiging dahilan na matanggal ka sa trabaho. Ngunit hindi La Salle ang buong Filipinas. Konserbatibo pa rin ang karamihan sa ating mga Filipino. Ang mga arsobispo natin ay napapa-susmaryahusep pa rin kapag tinatanong tungkol sa posibilidad ng same-sex marriage.

Palagi ko ngang sinasabi, mas naging konserbatibo pa tayo kaysa mga taong nagdala ng Katolisismo dito sa atin. Huwag nating kalimutan na ang Katolisismo ay hindi katutubo sa atin. Dinala lamang ito ng mga Kastila sa atin, epekto ng kulang-kulang sa apat na siglong kolonyalismo na sinundan naman ng kolonyalismong Americano na nagdala ng mas koserbatibo na relihiyong Protestante. Ngayon tingnan natin, ang Espanya, noong 1995 pa may same-sex marriage sa kanila. Tingnan natin ang Estados Unidos, noong nakaraang taon pa nagsabi ang kanilang Korte Suprema na ang kasal ay karapatan ng lahat pati ng mga homoseksuwal. Tayo, naiwan sa kangkungan ng konserbatismo.

Iniisip ko lang, naging mas masaya, mas maganda, at mas maayos ba ang pagsasama nina Mama P. at Tita S. kung ikinasal sila? Mas nagtagal kayâ sina Ms. Literature at Ms. Physics kung ligal ang naging kasal nila? Mayroon ba talagang forever para sa mga nagsasamang parehong lalaki at parehong babae kung may blessing ng estado ang kanilang pagsasama? Siyempre ang sagot ng mga bitter na katulad ko, wala naman talagang forever!

Ngayon kung tatanungin ninyo ako kung for o against ba ako sa same-sex marriage, na siyempre dahil bading ako, for ang aking awtomatikong sagot at siguro ito rin ang inaasahan ninyong sagot ko.

Pero ang talagang sagot ko ay ayaw ko sa same-sex marriage. Lalo na ngayong pinagmumuni-munian ko na ito. Ayoko ng kasal. Naniniwala ako na para lamang ito sa pagitan ng babae at lalaki. Isa itong sakramento sa konteksto ng isang relihiyon. Napakaheteroseksuwal nitong ritral. Ang gusto ko, domestic partnership na legal.

Ganito kasi iyon. Noong tag-araw ng nakaraang taon binisita ko sa Sweden ang kapatid ko at ang pamangkin kong si Juliet. Dalawang taon din siyang iniwan sa akin ng kaniyang ina sa bahay ko sa Pasig. Anim na taong gulang siya nang kunin at dalhin sa Sweden kung saan nakapangasawa ng isang Swede ang kaniyang nanay. Magpipitong taong gulang na siya last year nang bisitahin ko.

Isang hapon, habang naglalakad kami sa loob ng gubat ng mga pino at paminsan-minsan ay namumulot ng mga bluberi na agad kinakain namin, nag-usap kami ni Juliet.

“John, may sasabihin ako sa ‘yo pero sana huwag kang magalit.” John lang talaga ang tawag niya sa akin. Dalawa pa lamang ang mga pamangkin ko at iyon ang gusto kong itawag nila sa akin. Take note na sa Kinaray-a kami nag-uusap ni Juliet.

Tinanong ko siya kung ano ‘yon. Natawa ako na kinabahan. “John, puwede bang hindi ka na lang bakla,” sabi niya.

“Ha? Ang hirap naman niyang hinihingi mo, Be. Bakit naman iyan ang naisip mo? Sa Pasig pa lang tayo established na rin naman natin na bakla ako. Wala namang problema. Okey naman sa ‘yo,” sabi ko na medyo nagulat sa sinabi niya.

“Gusto ko sana kasi magkaroon ng tito na lalaki at hindi bakla,” sabi pa niya.

“Ha? Nandiyan naman si Tito Gary mo at si Tito Eric mo? Lalaki naman sila. Sila na lang. Bakit ako? Mako-confuse ako, Be kung bigla akong maging lalaki at hindi na ako bakla,” sabi ko. Si Gary ang nakababata kong kapatid at si Eric naman ang nakababatang kapatid ng Swedish niyang ama.

“Sige na nga, okey na lang din,” sabi niya na medyo malungkot. Niyakap niya ako at sinabihan ng, “I love you, John.”

Siyempre ang sagot ko, “I love you too, Bebe ko.”

“Sabagay,” sabi ni Juliet matapos niyang makapag-isip, “yung teacher nga naming babae, babae rin ang asawa niya.”

“Paano mo nalaman na babae rin ang asawa niya?” tanong ko at natawa ako bigla.

“Nakikita namin. Kapag hinahatid siya sa school sa umaga, naghahalikan sila—lips to lips—bago siya bumaba ng kotse,” sabi niya na hininaan ang boses na para namang may makakarinig sa amin sa gitna ng gubat. Maliban na lamang kung may tainga ang mga punong pino sa Sweden?

“Bongga,” sagot ko at patuloy na kaming naglakad ni Juliet na magkahawak-kamay.

Sa Sweden may tinatawag silang “sambo” na ang ibig sabihin ay “domestic partnership” o puwede ring simpleng pagli-live in lamang. Puwede i-formalize ang pagsa-sambo. Halimbawa sa pagpaparehistro ng sambo upang maging “registered partnership” required na pareho kayo ng address ng bahay na tinitirhan kasi nga sa iisang bahay kayo nakatira dapat. Maaari itong maging legally binding pagdating sa monogamy at mga property. Ang sambo ay maaaring sa pagitan ng babae at lalaki o sa pagitan ng lalaki at lalaki, at babae at babae. Noong 1994 ito inaprobahan ng kanilang Parlamento. Iba ito sa kasal. Klaro kasi sa Sweden ang separation of state and church. Noong 2009 lamang naging “gender neutral” ang kasal doon. Sweden ang pampitong bansa na legal ang same-sex na kasal. Ang mga nasa registered partnership ay maaaring magpakasal sa huwes man o sa simbahan kung nanaisin nila. Pero hindi na masyadong big deal sa mga taga-Sweden ang kasal.

Bilang isang bading, itong gender neutral na domestic partnership lamang ang gusto ko. Hindi para sa sarili ko sapagkat, well, I’m not the marrying type, kundi para sa mga may gusto nito. Legalidad kasi ang pinag-uusapan dito.

Halimbawa, may isang magdyowang bading—kunwari isang engineer at isang accountant—na magdadalawampung taon nang may relasyon. Siyempre magka-live in lang sila. Hindi legally binding. Si Engineer biglang nagkasakit. May AIDS. Siyempre nang malaman ng pamilya, shakelya sila. Hindi nila matanggap. Malala na ang sakit ni Engineer at nasa hospital na. Mukhang wala na ring pag-asa sabi ng mga doktor. Ngayon, nagdesisyon ang mga magulang at kapatid ni Engineer na kung wala na rin lang namang pag-asa na gumaling pa, ititigil na nila ang pagbibigay ng gamot dahil gagastos pa sila. Hintayin na lamang kung ano talaga ang kalooban ng Diyos. Ngayon, may pera naman si Accountant. Gusto pa ring ipagpatuloy ang pagbibigay ng gamot kay Engineer na parang asawa na talaga niya. Gusto niyang bigyan ng laban pa. Baka sakaling may himala. Sino ang susundin ng mga doktor sa hospital? Siyempre ang mga magulang at kapatid ni Engineer. Wala namang legal na relasyon sina Engineer at Accountant. Kahit sa pagkuha ng bangkay ni Engineer kalaunan sa morge ng hospital at ang paglilibing sa kaniya at ang pagmana ng kung ano mang ari-arian ang mayroon siya ay sa mga magulang at kapatid pa rin ang legal na karapatan. Backstroke si Accountant.

Samakatwid, walang legal na laban si Accountant dahil hindi naman sila kasal ni Engineer at wala ring legal na domestic partnership. Kahit na parang mag-asawa sila ay wala pa rin siyang legal na karapatan dahil parang mag-asawa nga lang sila.

Sa librong Same Sex Intimacies: Families of Choice and Other Life Expectations (New York: Routledge, 2001) nina Jeffrey Weeks, Brian Heaphy, at Catherine Donovan sinabi ng isang gin-interbyu nilang lesbiyana na si Martina na:

It’s about being a citizen. It’s about having full rights as a citizen really, and other citizens—every citizen has the right to certain things you know. It feels like, as lesbians, we haven’t got the right to, you know, publicly declare or have a state sanction for a relationship. So it feels like it’s almost depriving me of an aspect of my citizenship, really.

            Ang operative concept dito ay “equal citizenship.” Kaya ayaw ko sa same-sex marriage dahil may bagahe ito ng usaping moralidad, ng relihiyon. Kaya ang gusto ko ay same-sex domestic or registered partnership dahil usaping legal ito at ang saligan nito ay pagkakapantay-pantay nating mga Filipino sa batas ng ating estado.

Hanggang dito na lamang muna ang pagmumuni ko hinggil sa isyung ito ng same-sex marriage. Isa itong masalimuot na paksa lalo na sa ating mga Filipino. Ang mahalaga, iba-iba man ang paniniwala natin hinggil dito, kailangang handa tayong makinig sa isa’t isa at laging bukas ang puso natin at isipan upang sa pagdating ng panahon, mapagkasunduan natin kung ano ang makabubuti para sa ating lahat.

 

[Oktubre 24, 2017 Martes
Tore kang Katáw]

Pakikinig sa May-ari ng La Salle

“HABANG naghahayag lumalalim ang kaalaman. Habang nagpapaliwanag, lalong naliliwanagan. Habang nagbibigay-dunong, tumatanggap ng karunungan. Habang nagtuturo, lalong natututo.” Ito ang hiwaga ng pagtuturo ayon sa may-ari ng De La Salle University, ang ekonomistang si Dr. Tereso Tullao, Jr.

Noong Biyernes siya ang tagapagsalita namin sa pang-umagang sesyon ng aming ALDP (Academic Leadership Development Program) hinggil sa ministri ng pagtuturo.

Mahigit na apat na dekada nang nagtuturo si Dr. Tullao sa La Salle.

Noong 1996 habang nag-aaral ako ng MFA Creative Writing at nagtatrabaho bilang proofreader sa DLSU Press at research assistant ni Dr. Isagani R. Cruz, naririnig ko na ang pangalang Dr. Tullao na dekano na yata nang mga panahong iyon ng College of Business and Economics o tagapangulo ng Department of Economics. May mga libro na rin siya noon na inilalathala ng DLSU Press.

Kasama niya sa Society of Fellows ang mga guro kong sina Dr. Cruz, Dr. Cirilo Bautista, Dr. B.S. Medina Jr., at Dr. Marjorie Evasco. Ang mga sikat lamang, magaling, at respetadong propesor ang nagiging bahagi ng Society of Fellows sa La Salle.

Noon pa man, kilala ko na si Dr. Tullao bilang propesor sa La Salle na sumusulong sa paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo at wika ng pananaliksik. Masigasig siya sa pagsusulat ng mga libro sa ekonomiks sa Filipino tulad ng Tungo sa Patakarang Industriyal ng Pilipinas (DLSU Press, 1993). Noong 2012 sa kaniyang ika-60th na kaarawan inilunsad ng Opisina ng Presidente ng DLSU ang kaniyang ika-17 na libro, ang 25 Taon Tungo sa Intelektuwalisasyon ng Filipino: 25 Piling Sanaysay sa Ekonomiks na binubuo ng kaniyang mga propesoryal na panayam magmula noong 1987.

Kinuwento sa amin ni Dr. Tullao kung bakit sa wikang Filipino siya nagsusulat at nagtuturo, maliban na lamang kung nagtuturo o naglelektura siya sa ibang bansa. Kababalik pa lamang daw niya noon sa La Salle mula sa patuturo sa isang unibersidad sa China at nagkataong Linggo ng Wika. Napagkasunduan na ang gagamiting wikang panturo nang linggong iyon ay Filipino. May nagreklamo umano siyang estudyante kung bakit sa Filipino sila nagkaklase e nagbayad siya para sa Ingles. Nairita si Dr. Tullao at simula noon Filipino na ang ginamit niya sa klasrum lalo na sa kaniyang mga panayam propesoryal.

Nagsusulat at nagtuturo si Dr. Tullao sa Filipino kahit na magaling naman siyang mag-Ingles. Nag-aral siya sa Stanford University, The Fletcher School of Law and Diplomacy, at Tufts University sa Estados Unidos.

Sabi ni Dr. Tullao, gusto niya kasing makapag-ambag sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino. Impluwensiya umano ito ng mga mentor at kaibigan niyang lingguwist na sina Br. Andrew Gonzales, FSC at Dr. Bonifacio Sibayan. Kayâ sumulat siya ng textbuk na Unawain Natin ang Ekonomiks sa Wikang Filipino na sinundan pa ng maraming libong panturo.

Maraming ibinahagi sa amin si Dr. Tullao na mga karanasan at natutuhan niya tungkol sa pagtuturo, partikular sa pagiging guro sa La Salle. Halimbawa, sinabi niya na itinuturing niyang bilang mga “pamangkin” ang kaniyang mga estudyante. Agad niyang pabirong idinagdag na ngayong matanda na siya, baka “apo” na nga siguro.

Bilang gurong Lasalyano ito ang kaniyang mga hangarin para sa kaniyang mga estudyante: “Nais ko silang matuto. Ginagawa ko ang lahat upang sila ay matuto. Hinahamon ko sila upang matuto. Nagtuturo ako sa loob at labas ng silid-aralan. Tinutulungan ko silang makamit ang kanilang hangganan.”

Lihim ako na napaiyak sa galak at pasasalamat dahil ganito nga ang naranasan ko bilang estudyante sa La Salle. Hindi ako itinuring na iba ng aking mga guro sa MFA na sina Cirilo Bautista, Isagani R. Cruz, at Marjorie Evasco. Naalala ko nang minsang magkita ang aking ina at si Dr. Bautista sa isang simpleng awarding ceremony sa Bayview Hotel nang manalo ako sa Panorama Literary Awards. Sinabi ni Sir (Actually, “Papá” ang tawag namin sa kaniya ng mga kaibigan ko kapag wala siya.) kay Nanay na, “O, itong si John parang anak ko na ‘yan dito sa La Salle ha.”

Ginawa nitong mga guro ko ang lahat para matuto ako, hinamon nila ako, tinuruan nila ako hindi lamang sa loob ng klasrum kundi sa labas din. Naalala ko palagi akong dinadala ni Dr. Bautista noon sa Baguio kung saan siya nagsusulat. Si Dr. Cruz ginagawa akong assistant sa malalaking kumperensiyang kaniyang inoorganisa kayâ naging hiyang ako sa stress. Si Marj (Marj lang talaga ang tawag ko sa kaniya.) ginagawa akong panelist sa mga palihan na pinamumunuan niya tulad ng Iyas National Writers Workshop. Kahit na nitong nagpi-PhD ako at mga dating kaklase at mga kaibigan ko na ang naging guro na sina Dr. Ronald Baytan, Dr. Shirley Lua, at Dr. Genevieve Asenjo, nadarama ko pa rin ang mga ganitong pag-aalaga at panghahamon upang maging magaling ako. Ngayong guro na ako rito sa La Salle, sinisikap kong maging katulad ako ng mga naging guro ko.

Ang pinakagusto siyempre naming kuwento ni Dr. Tullao ay kung paano siya naging kilala bilang may-ari ng La Salle. Noon pa man ay kilala na ang pagiging istrikto ng mga guwardiya sa geyt na La Salle. (Subukan ninyong pumunta sa La Salle na wala kang DLSU ID, parang kang dumadaan sa immigration.) Kababalik lamang daw niya noon mula sa Estados Unidos. Naiinis siya dahil paulit-ulit siyang tinatanong ng guwardiya kung sino siya. Kayâ nang minsang tanungin uli siya, sinabi niya na siya si Tereso De La Salle! Sumagot pa yata ang guwardiya ng, “Ka-apelyido n’yo po si San Juan Bautista de La Salle?” Sagot naman daw ni Dr. Tullao, “Hindi mo ba nakikita na magkamukha kami? Lolo siya ng lolo ko!” Kung naniwala man ang guwardiyang iyon o hindi, di na alam ni Dr. Tullao. Basta simula noon, hindi na siya tinatanong ng mga guwardiya kung sino siya. Kumalat na rin ang tsismis na siya ang may-ari ng La Salle. Hanggang ngayon, kahit sa mga pahayagang Lasallian at Plaridel ay tinatawag na siyang “may-ari ng La Salle.”

Hindi lamang sa DLSU kilala si Dr. Tullao. Naging konsultant din siya ng World Bank, UNESCO, Opisina ng Pangulo ng Filipinas, at Board of Investments. World class siyang gurong Lasalyano at mapalad ako na matuto sa kaniya kahit sa loob ng isang umaga lamang.

Noong 2015 nakasama ko si Dr. Tullao bilang hurado sa Gawad Balmaceda ng Komisyon sa Wikang Filipino. Pumili kami ng pinakamagaling na panggradwadong tesis at disertasyon na nakasulat sa Filipino. Magaan na kasama bilang hurado si Dr. Tullao. Kahit siya ang pinaka-senior sa amin, hindi siya mayabang at dominante. Malumanay siyang nakikipagtalo. Ako ang nahirang na sumulat ng citation sa mga nanalo. Siyempre gin-email ko ito sa mga kasama kong hurado para sa mga puna nila. Baka kako mayroon silang gustong idagdag o ibawas sa sinulat ko. Mabilis na sumagot si Dr. Tullao. Aniya, “Magaling ang pagkasulat. Wala na akong ibabawas o idadagdag pa.” Ngumiti pati puwet ko pagkabasa nito.

Mapalad ako na dito na ako sa La Salle nagtuturo ngayon. Dito nagturo o dito pa rin nagtuturo ang mga gurong hinahangaan ko.

 

[Oktubre 22, 2017 Linggo
Tore kang Katáw]

Táub sa Aking Kasingkasing

ILANG oras ding mabigat ang aking dibdib matapos kong panoorin ang pelikulang High Tide na sinulat at dinirehe ni Tara Illenberger. Sobrang personal kasi sa akin ang dating ng pelikula.

            Unang-una, nasa wikang Hiligaynon ang pelikula. Sa wikang ito ako nagpapakadalubhasa bilang kritiko ng literatura. Pangalawa, ang setting ay tabingdagat sa Iloilo. At pangatlo, ang hirap sa buhay na inilatag sa pelikula ay buhay na nasaksihan ko sa baybayin ng Maybato, ang baryo sa Antique na kinalakihan ko.

            Personal din siyempre sa akin na ang bunsong kapatid naming si Sunshine ay isa sa mga bida sa pelikula. Kayâ nanood ako. Tamad kasi akong pumunta ng mall para manood ng sine. Kapag Linggo o holiday ay mas gusto kong nasa bahay lang ako upang magbasa at magsulat. Ni hindi ko nga napanood ang Beauty and the Beast at ang Wonderwoman kahit na nang mapanood ko ang mga trailer nito sa TV ay na-excite ako na manood.

            Kayâ hindi ribyu itong sinulat ko. Noon pa mang nagreribyu ako ng mga pelikula para sa GMANEWS Online, as a rule hindi ko nireribyu ang mga pelikulang kasama ni Sunshine gaano man ka liit ang ginagampanan niyang papel. Subalit kagabi ko pa gustong sumulat tungkol sa High Tide. Parang nasa loob kasi ng aking dibdib ang pagtaas ng tubig-dagat.

            “Táub” ang high tide sa Hiligaynon. Kayâ nagtataka nga ako kung bakit hindi ito ang ginawang pamagat ng pelikula at salin na lamang sa Ingles ang “high tide.”

            Personal sa akin ang pelikula sapagkat ang kahirapan sa buhay ng mag-asawang Tibor (Arthur Solinap) at Ligaya (Dalin Sarmiento) at ng kanilang dalawang anak na sina Laila (Riena Christal) at Dayday (Mary Demaisip) ay ang kahirapang nasaksihan ko sa Maybato noong maliit pa ako. Siyempre hindi ako maláy noon sa kahirapang ito bilang bata. Marami akong mga kalaro ang tulad nina Laila at Dayday.

            Habang nakaupo ako sa loob ng madilim na sinehan, bumalik sa akin ang tanawin, ang amoy, ang tunog, ang hagod ng kahirapang ito. Bigla akong napaisip. Sulat ako nang sulat tungkol sa kung ano-ano—inaayos ko ngayon ang dalawang libro ko ng mga sanaysay at isang libro ng mga tula tungkol sa Europa—subalit ang Maybato pala hindi ko pa naisusulat.

            Personal sa akin ang kuwento ng karakter ni Mercy na ginagampanan ni Sunshine. Asawa siyang nag-iisa dahil ang bana ay nagtatrabaho sa light house sa isla na makikita mula sa bintana ng kanilang hayub-hayub sa tabi ng dagat. Gabi-gabi, pinagmamasdan niya ang patay-sindi na ilaw ng parola at sapat na iyon na tanda para sa kaniya na buháy pa at okey ang kaniyang bana.

            Sobra-sobra ang hirap ni Mercy. Mahirap ang buhay, mahirap pa ang sitwasyon nilang mag-asawa na pinaghiwalay ng hanapbuhay. Ang tanging kasama niya ay ang pamangkin na si Unyok (Kyle Buscato) na naulila sa mga magulang na namatay dahil sa malakas na bagyo na dumaan sa kanilang isla. Dahil sa trauma hindi nagsasalita ni Unyok.

            Naiiyak ako sa mga eksena nilang magtiya sa may bintana. Si Mercy kinakausap ang di nagsasalitang si Unyok habang pareho silang nakatitig sa dagat—si Mercy sa patay-sinding ilaw ng parola, si Unyok sa islang tahanan na naging libingan ng mga magulang. Parang táub na di mapigilan ang kanilang pangungulila.

            Ang maganda sa istilo ng pagkukuwento ni Illenberger, hindi niya hinahayaang malunod ang manonood sa dagat ng lumbay at lungkot. Sa paulit-ulit kasing mga eksenang ito sa may bintana, biglang maalala ni Mercy ang pasalubong niyang tinapay sa pamangkin na palagi niyang nakakalimutang nakalagay sa bulsa niya sa puwet at nauupuan. Pinagsasaluhan nila ang naupuang tinapay.

            Nadya-jar ako siyempre sa mga eksena ni Mercy. Mukha kasi ni Sunshine ang nakikita ko at boses niya ang naririnig ko. Pamilyar din sa akin ang mga damit na suot niya dahil ito ang kaniyang mga pambahay. Minsan nasabi ni Mercy kay Unyok na ang sitwasyon nila ng kaniyang bana ay parang sitwasyon ng mag-asawang magkahiwalay dahil nasa abrod ang bana, maliit nga lang daw ang suweldo. Madalang silang magkita at sabik siya sa pagdating ng Pasko upang magsama din silang mag-asawa kahit ilang araw lang.

            Bigla kong naalala si Nanay. Magkamukha sila ni Sunshine. Ilang beses ko ring nakita noon ang Nanay ko na nangungulila sa aming Tatay na kapitan ng barko at minsan lang sa dalawang taon kung umuuwi sa Antique.

            Maraming seaman, karpintero sa Saudi, at domestic helper sa Hong Kong at Singapore sa amin sa Maybato. Magkakakilala at halos magkakamag-anak kami lahat sa aming barangay. Ngayong malaki na ako, ngayon ko lang nakilala ang mga lungkot at pangungulilang nasaksihan ko noong bata pa ako.

            Maraming Tibor sa amin sa Maybato. Mga tatay na sunog sa araw ang katawan at bugbog sa trabaho subalit kakarampot pa rin ang kita. Maraming mga Ligaya na nagkakasakit sa sobrang trabaho para din sa kakarampot na kita. Maraming Mercy na inaaliw ang sarili upang maibsan ang kalungkutan.

            Ilang beses kong narinig ang mga kuwento tungkol sa pamumrublema ng pera na pambayad sa ospital. Marami ngang maysakit sa amin na tinitiis na lang kasi kahit pamasahe pa-ospital ay wala sila. May mga maysakit na hinihintay na lang na mamatay sa bahay dahil wala namang pangpagamot.

            Maraming naghihirap at kaunti lamang ang maginhawa ang búhay. Kayâ hirap si Tibor dahil kahit nagkakandakuba na siya sa pagtatrabaho sa palaisdaan, kakarampot ang suweldo niya kahit na malaki ang kinikita ng amo. Masyadong makasarili ang mga panginoong maylupa at walang pakialam sa mahihirap ang pamahalaan.

            Noong isang linggo lang, naimbitahan akong umupo sa isang workshop ng pagsulat ng maikling kuwento. Bilang preparasyon, binasa kong muli ang libro nina Laurence Perrine at Thomas Arp tungkol sa pagsulat ng kuwento. Aniya, may dalawang uri ng kuwento. Una, kuwentong pang-aliw upang takasan pansamantala ang buhay, at ang pangalawa, kuwento na lalong magpapaigting sa pagpadanas sa atin ng totoong buhay. Mahirap at masalimuot ang totoong buhay. Klarong nasa pangalawang uri ang High Tide.

            Biglang dumilim sa eksenang matapos tumaob ang sirang bangka na sinasakyan ng tatlong bata sa gitna ng nangangalit na dagat. Pumunta kasi sila sa isla nina Unyok, na bawal nang puntahan dahil mapanganib, upang mamulot ng mga kabibeng ibebenta nila upang makatulong sa pambayad sa ospital nang inoperahan si Ligaya. Ilang segundo ring dumilim at takot na takot akong baka lalabas na ang credits ng pelikula. Kung mangyari iyon, sasampalin ko si Tara Illenberger kung magkita kami. Kung maging ganoon kasi ang katapusan, mukhang kailangan kong maghanap ng psychologist sa La Salle upang magpa-debriefing!

            May paborito akong pinsan na nawala sa dagat at hanggang ngayon ay wala kaming balita. May ninong akong di na nakauwi dahil inabutan ng bagyo sa laot ang bangkang pangisda. May kamag-anak kaming nalunod dahil inatake ng epilepsy habang nangunguha ng punaw na mag-isa upang ibenta sana para makabili ng bigas.

            Nagtapos ang pelikula sa mass wedding na sinalihan nina Mercy at ng bana nito. Ang kasal ay nasa katihan at bahagi ng aktibidad ng kasalan ay ang pagtatanim ng bagong kasal ng mga gutok ng bakawan. Masaya sila. Masaya ang pamilya nina Tibor. Nagsasalita na muli si Unyok. Mahirap pa rin ang buhay nila pero kaya nilang ngumiti at tumawa at harapin ang mahirap na buhay.

            Parang Maybato nga. Maraming kahirapan, maraming kalungkutan. May mga pag-aaway, may mga eskandalo. Pero mayroon ding piyesta na masaya basta wala lang magsaksaksan sa sayawan. Kapag eleksiyon, may nag-aaway na mga kamag-anak dahil sa pagkakaiba sa mga partidong politikal na sinusuportahan subalit agad na nagdadamayan kapag may namatayan. Kada Pasko, bumabaha ang pagkain at parang daluyong ang halakhakan sa mga korni na palaro.

            Sa Robinson Galleria kami nanood ng mga kaibigan ko. Kaunti lang ang nanonood dahil kaunti naman talaga ang nanonood ng mga indie film. Pero laking tuwa namin na nang bumukas ang ilaw ay nandoon si Unyok—si Kyle Buscato—sa harap naming. Siyempre nagpakuha kami ng litrato kasama siya. Natsika ko ang nanay niya na kaklase pala sa kolehiyo ng kaklase ko noon sa elementarya. Nang sinabi ko sa kanila na kapatid ko si Sunshine, “Uy, magmano ka sa kapatid ni Nanay Mercy mo,” sabi ng kaniyang tatay. Ang sorpresang ito ay malaking kabawasan sa bigat sa dibdib na nararamdaman ko.

            Nanalong Best Film ang High Tide sa The 2nd Tofarm Film Festival. Nanalo rin ito ng Best Cinematography, Best Editing, at Special Jury Prize para sa Best Ensemble ng tatlong batang artista. Si Sunshine nominado sa Best Supporting Actress. Maganda nga ang pelikula! Sayang at hindi ko ito maihahambing sa ibang pang entries dahil itong High Tide lang ang napanood ko.

            May dalawang pelikulang Hiligaynon akong binabalikbalikan. Ang Wanted Border ni Ray Defante Gibraltar (tumulong ako sa pagsulat ng dulang pampelikula nito at si Illenberger din ang editor) at Yanggaw ni Richard Somes. Maidagdag ko na itong High Tide. Naisip ko nga, parang gusto ko nang mag-develop ng isang kurso para sa ELECLIT (literature elective) namin dito sa La Salle na Hiligaynon Films.

            Ngayong dito na ako sa Metro Manila nagtatrabaho at pabakasyon-bakasyon na lamang ako sa Panay, ang mga pelikulang gaya ng High Tide ang nagbabalik ng kaluluwa ko sa islang kinagisnan. Naiisip ko ngayon na panahon na yatang sulatin ko na ang nobelang matagal ko nang iniisip gawin. Tungkol ito sa kabataan ko sa Antique, sa Maybato, sa mga kaibigan at kamag-anak na iniwan, sa isang masalimuot at masayang lumipas na kabataan ko. At oo, susulatin ko ito sa Kinaray-a. May pamagat na nga ako. Buti na lamang hindi ginamit ni Tara Illenberger ang “Táub.” Taëb kag Hënas ang pamagat ng susulatin kong nobela. Schwa ‘yan kaya “ë.”

            Ang pagsulat ng nobelang ito ang tanging paraan para maibsan ang nararamdaman kong táub ng pangungulila sa aking kasingkasing sa baryong kinagisnan at iniwan. 

[Hulyo 17, 2017
De La Salle University]

Mga Tula ni Juliet

NAGSUSULAT si Juliet ng tula!

Nang minsang maglinis si Mimi ng kuwarto ni Juliet, may nakita siyang mga piraso ng papel na may nakasulat ng tula. Marami daw. Nasa Svenska. Natuwa man ako ay nalungkot ako nang kaunti bigla. Di ko pala mababasa. Kailangan ko nang seryosohin ang pag-aaral ko ng wikang ito.

Tuwang-tuwa si Miming ibinalita sa amin ito. Agad siyang nag-PM ng larawan ng mga obra maestra ni Juliet. Ang ilang pahina, may kasama pang mga drowing.

“Ang ganda ng mga tula niya. Gagawin ko itong libro!” ang sabi ni Mimi. Stage mother na agad-agad? Masyadong excited?

“Relax,” sabi ko. “Magwawalong taon pa lang si Juliet ngayong taon. Hindi kailangang  magmadali. Di kailangang manalo agad ng Nobel Prize next year. Sa Stockholm lang naman ‘yan ibinibigay.”

Siyempre, tuwang-tuwa rin ako. Kung magiging makata nga si Juliet, magiging proud talaga ako. Kung si Mimi, naiisip agad na ipalibro ang mga tula ni Juliet, ako nagpaplano na na isasalin ang mga ito sa Kinaray-a at Filipino. Stage tita rin yata ako.

Kung magiging manunulat si Juliet sa Sweden, mapalad siya. Talagang pinapahalagahan sa Sweden at sa buong Europa ang mga manunulat nila.

Naalala ko tuloy nang pumunta kami sa Krakow sa Poland tag-araw noong nakaraaang taon. Binisita ko ang puntod ni Wislawa Szymborska sa Cmentarz Rakowicki upang magbigay-pugay sa hinahangaang makata. Dinalhan ko siya ng bulaklak. Pag-uwi ko sa hotel kinagabihan, ipinakita ko kina Mimi at Jonas ang larawan ko ng puntod ni Szymborska. Inagaw ni Juliet ang iPad ko at tiningnan ang mga larawan.

“John, sino siya? Yang nakalibing dyan? Bakit mo siya dinalhan ng bulaklak?” tanong niya. Nagki-Kinaray-a siya.

“Lola mo, Be dito sa Krakow. Kaya dinalhan ko ng bulaklak,” seryosong sagot ko.

“Ha? May lola ako rito sa Krakow?”

“Oo naman.”

“E bakit di mo ako isinama? Sana nakabisita rin ako sa lola ko?”

“E di ba gusto mong mag-shopping ng laruan? Saka naglakad lang ako papuntang sementeryo. Medyo malayo. Nagrereklamo ka kapag malayo ang nilalakad.”

“A, may lola pala ako dito sa Krakow,” sabi niya at nahiga sa malaking kama habang tinitingnan pa rin ang mga larawang kuha ko sa sementeryo.

Lihim kaming tumatawa ni Mimi. Kuya, mamaya maniwala ‘yan ha, sabi ni Mimi. Hayaan mo, sagot ko.

Habang nakahiga na kami sa sarili naming kuwarto sa hotel, tinanong ako ni Juliet. “John, ano nga uli ang pangalan ng lola ko dito sa Krakow?”

“Wislawa Szymborska.” Siyempre, binigkas kong “v” ang “w.”

“John, bakit ang pangit ng pangalan niya?” Mapaklang-mapakla ang kaniyang itsura nang lingunin ko siya.

Hindi ko na mapigilan ang pagtawa. Tumaas ang kilay ni Juliet habang tinitingnan akong tumatawa. Kaso, antok na antok na siya para makahirit pa.

Ang pag-uusap naming ito ang unang naalala ko nang makita ko ang larawan ng mga tula ni Juliet na nakita sa kuwarto niya ng kaniyang nanay. Naisip ko, ganiyan ang budding poet. Nanlalait ng mga Nobel Prize winner.

[13 Hunyo 2017
De La Salle University]

Burnham Park

SA unang gabi namin sa Lungsod Baguio, kinukulit na niya akong pumunta kami ng Burnham Park. Maganda raw ito. Maraming punongkahoy. Maraming bulaklak. Puwede rin daw magrenta ng bisekleta at magbangka sa lawa sa gitna. Masaya raw doon. Maraming tao. Ang linis pa ng malamig na hangin. Isang sakay lang daw ito sa dyip mula sa hotel na tinutuluyan namin.

Natawa lang ako. Unang akyat kasi niya ng Lungsod Baguio.

“Bakit ka natatawa?” tanong niya.

“Kasi, ilang beses na akong nakapunta sa Burnham Park,” sagot ko.

“Maraming beses? Ilang beses?”

“Hindi ko na mabilang.”

“Bakit?”

“Anong bakit?”

“Bakit maraming beses ka nang nakapunta sa Burnham Park?”

“Dahil Baguio ito. At pabalik-balik ako rito.”

“A basta. Punta tayo doon bukas,” sabi niya habang tinitingnan niya ang mga larawan ng Burnham Park sa kaniyang cellphone.

Nasa Lungsod Baguio kami noong nakaraang linggo. Naimbitahan akong magbigay ng panayam sa mga guro hinggil sa kung paano ituro ang 21st Century Philippine Literature. Nitong nakaraang tag-araw, nakatatlong paglalakbay din ako dahil sa mga panayam na ganito. Itong sa Baguio ang pinakahuli.

Sanay naman ako sa ganitong uri ng paglalakbay. May mag-iimbita na magbibigay ako ng panayam o umupo bilang panelist sa mga palihan saka susulitin ko na rin ang pagkakataon na magbakasyon. Subalit napapansin ko nitong mga nakaraang taon na masyado na akong nalulungkot na magbiyahe mag-isa. Ngayon, kasama ko na siya.

Habang nagbibigay ako ng panayam sa unang araw namin doon, nagliwaliw naman siya. Sabi ko sa kaniya, tandaan lamang niya ang pangalan ng hotel namin. Kapag maligaw siya, mag-taxi na lamang siya pabalik.

Naabutan siya ng ulan sa kaniyang paglalagalag sa Baguio. Nag-uumpisa na kasi ang tag-ulan. Hapon-hapon habang nandoon kami, umuulan. Malakas pa naman.

Pagod na pagod at antok na antok ako sa unang gabi namin sa Baguio dahil madaling araw kami nagbiyahe mula Maynila at buong hapon ako nagbigay ng lektura. Medyo malapad ang kama para sa aming dalawa. Ang sarap na lamig. Gusto ko ang init ng kaniyang braso sa aking tagiliran.

Natatawa ako dahil tuwang-tuwa siya sa Burnham Park. Magrerenta na raw sana siya ng bisekleta subalit biglang umulan.

“Alam mo ba, may piktyur ang Nanay at Tatay ko sa kanilang honeymoon sa Burnham Park? Pareho pa nga ang kulay narangha nilang polo na may disenyo ng mga bulaklak. Bell bottom pa ang kanilang pantalon,” kuwento ko sa kaniya.

“Talaga?”

“Oo. Baka nga dito pa ako ginawa sa Baguio.”

Tumagilid siya at yumakap sa akin. Napahikab naman ako.

“Antok ka na ba?”

“Oo. Antok na antok.”

Ang sarap pala talaga kapag may kayakap sa Baguio, naisip ko.

“Maraming tula rin akong nasulat tungkol sa Burnham Park. Para kay Shirley na minsan pumasyal kami doon habang umuulan, at para kay Luisa na nagsagwan nang sumakay kami sa bangka. Ang nanay pa yata niya ang may-ari ng ilang bangka na pinarerentahan doon,” kuwento ko sa kaniya.

“Wow,” mahinang sabi niya.

Gusto ko rin sanang ikuwento pa sa kaniya ang tungkol kay R.L. Nainlab ako sa lokong iyon sa Burnham Park. O doon nag-umpisa sa Burnham Park. Bata pa kasi ako noon. Marami pang mga ilusyon. May pinasyalan kami noong hardin ng mga dilaw na dalya. Kumain din kami ng istroberi habang naglalakad sa Session Road. Kaya akong si gaga ay nainlab.

Subalit tinatamad na ako. Antok at pagod ako. Isa pa, matagal na iyon. Dalawang dekada na. Ikukuwento ko pa ba?

Naisip ko, baka kinabukasan habang namamasyal kami sa Burnham Park ay ikukuwento ko ito sa kaniya. Pero baka hindi na rin. May mga alaalang mas mainam na ibulong na lamang sa mga bulaklak.

[3 Hunyo 2017
De La Salle University]

Ang mga Tula ni Jameson Ong

NAGING matulain ang pagdiriwang ko ng Chinese New Year ngayong 2017. Dumalo kasi ako ng paglulunsad ng librong Selected Poems of Jameson Ong in Trilingual (Hongkong Fung Nga Publishing, 2017) sa Solidaridad Bookshop ngayong hapon ng Enero 28. Mga piling tula ito mula sa mga naunang librong nalathala ni Ong sa wikang Mandarin. Sa edisyong ito may kasamang salin sa Ingles at Filipino ang mga tula na ginawa nina Lourdes Lim Wang at Joaquin Sy. Si National Artist Virgilio Almario naman ang nagsulat ng introduksiyon.

Ngayon dalawa na ang gusto kong makatang Chinoy na nagsusulat sa Mandarin—sina Ong at ang matagal ko nang hinahangaang si Grace Hsieh-Hsing. Gusto ko ang hinahon sa kanilang mga tula at damang-dama ko pa rin ito kahit na mga salin lamang ang aking kayang basahin. Gusto ko rin ang sensibilidad nila bilang mga Filipino na Chino ang etnisidad. Walang dudang Filipino ito kahit na banyaga pa rin ang turing ng karamihan sa mga Chinoy.

Ipinanganak si Ong sa China subalit dito na sa Filipinas nagbinata at nagkapamilya. Nagsimula siyang sumulat ng tula nang 16 taong gulang pa lamang siya noong 1983. Naging literary editor siya ng ilang mga diyaryong Chinoy at kolumnista siya ng World News, ang nangungunang pahayagang Chino ng Filipinas. Itinuturing siyang isa sa mga pangunahing makatang Chinoy sa bansa ngayon.

Noong nakaraang taon ko unang nabasa ang ilang tula ni Ong sa Facebook na pinopost ni Joaquin Sy na kasama kong board of director sa UMPIL at nagugustuhan ko ang mga ito. Kaya nang mabasa ko sa email ang imbitasyon sa paglulunsad ng librong ito, hindi ko ito pinalampas. Sabik akong mabasa ang iba pang tula ni Ong at gusto kong marinig na basahin niya ang kaniyang mga tula sa orihinal nitong Mandarin.

Hindi nga ako nabigo. Nagbasa nga siya sa paglulunsad ng kaniyang aklat. Binasa naman ng kaniyang tagasalin na si Lim Wang, na kaniya ring maybahay, ang mga bersiyon sa Ingles at Filipino.

Ang unang tulang binasa ay ang “Ilaw ng Puso,” isang tulang tigib ng pag-asa. Napapanahon ang tula sapagkat tungkol ito sa pagsindi ng ilaw sa puso sa panahon ng kadiliman, at ang liwanag ng ilaw na ito ay isang paggigiit may makakita man o wala. Aniya sa huling bahagi ng tula: “Sa gitna ng dilim / Magsindi ng ilaw / Tanglawan ang bawa’t sulok ng puso / Paggising ng araw sa umaga / Hindi na mahalaga / Kung ang ilaw   Nakasindi pa / Dahil   Iyon din ay sariling / paggigiit.”

Binasa rin ang maikling tulang “Sayaw ng Leon.” Maikli lamang ang tula subalit kay lawak ang sinakop ng talinghaga nito. Sa anim na linya lamang naisatinig ni Ong ang mahikang nag-uugnay ng hininga ng mga Chino sa Filipinas na mula sa iba’t ibang lugar sa China. Walang ibang nag-uugnay sa dalawang mundong ito ng mga Chinoy kundi ang tulay ng Ongpin sa Chinatown, na wala sa China kundi nasa Filipinas.

Narito ang buong tula ni Ong: “Ako ay Leong-Timog / Ikaw ay Leong-Hilaga / Nagkatagpo / sa tulay ng Ongpin // Nang mag-usap / ay sa wikang Filipino.” Ano pa ba ang mas hihigit pang pruweba na ang mga Chinoy ay Pinoy kundi ang wikang pambansa? Hindi aksidente na ang librong ito ni Ong ay may salin sa Filipino at ang mga nagsalin ay mga Chinoy rin.

Naalala ko tuloy ang tulang “Kalye Ongpin” ni Hsieh-Hsing na nagsimula sa saknong na: “Nasa Chinatown ang Kalye Ongpin. / Tuwing naiisip ko ang Tsina / Sa Ongpin nagpupunta” at nagtapos sa saknong na: “Ang Chinatown ay hindi nasa Tsina, / Ang Chinatown ay hindi Tsina.” Si Sy rin ang nagsalin ng mga tula ni Hsieh-Hsing sa Filipino.

Habang binabasa ko ang aklat ni Ong, masayang-masaya ako dahil gusto ko yata ang lahat ng tula sa libro ito. Sa muli pagturo ko ng creative writing, gagamitin ko ang kaniyang mga tula bilang halimbawa. Marami pa naman kaming mga estudyanteng Chinoy sa La Salle. Na-master kasi ni Ong ang istilong matimpi ang tono at matipid sa salita subalit matingkad ang imahen kung kaya tumatatak sa puso at utak ang kaniyang mga tula.

Tulad halimbawa ng kaniyang tulang “Niyog” na gustong-gusto ko. Masiste ang tono ng unang saknong na, “Kung ito ang bumagsak / sa ulo ni Newton / Ano ang maiisip niya?” Natawa ako dahil napakatingkad ng litratong sa utak na nilikha ng saknong. Naiimadyin ko si Newton na nakaupo sa ilalim ng niyugan sa baryo ng aking kabataan sa Antique. Kung nabagsakan siya ng niyog sa ulo, tiyak walang Newton’s Law of Gravity!

Hindi ako handa sa ikalawang saknong nitong tula. Pakiramdam ko ako si Newton na nabagsakan ng niyog sa ulo sa mga linyang ito: “Kung ako, makikita ko / ang mga mata ni Ina / sa kalangitan.” Naiyak ako. Bigla kong naalala ang aking yumaong ina. At naisip ko, kailan pa ba ang huling pagtingala ko sa kalangitan upang panoorin ang mga bituin?

Ganito ang gusto kong mga tula. Tagos sa puso’t kaluluwa. Sana maraming kabataang Filipino ang makakabasa ng mga tula ni Jameson Ong, isang tunay na makatang Chinoy na Pinoy na Pinoy.

[28 Enero 2017
De La Salle University-Manila]