Pagpapakilala ng Manunggul sa mga Batang Pinoy sa Italya

NASA pangalawang taon na ngayon ang “Proyektong Manunggul Jar” ng De La Salle University. Isa itong programa ng pagtuturo ng wika at kultura sa mga batang Filipino na ipinanganak o lumaki sa Italya dahil nandoon nagtatrabaho ang kanilang mga magulang. Isa itong proyektong naisasakatuparan sa pagtutulungan ng Departamento ng Filipino ng La Salle at ng Filipino Community sa Venezia, Italya.

Ito ang naging paksa ng Panayam Propesoryal Remedios Bosch Jimenez Chair in Music Studies noong Biyernes, Oktubre 7, ni Dr. Ernesto V. Carandang II, sa Faculty Center na pinamagatang “Ang Paglalayag ng/sa Manunggul Jar: Isang Case Study ng Proyektong Pangkomunidad ng Departamento ng Filipino, Pamantasang De La Salle.”  Si Nonon (Ang tawag ko kay Dr. Carandang) ay siyang tagapangulo ng Departamento ng Filipino at tagapamahala ng proyektong ito. Nitong Agosto ay kasama niya sina Dr. Rowell Madula, Prop. Lilibeth Oblena-Quiore at Prop. Efren Domingo na nagturo sa Venezia. Pagbabahagi ng kanilang karanasan ang panayam na ito.

May limang layunin ang programa: 1. Maipakilala ang kulturang Filipino sa mga kabataan sa Italya; 2. Mabigyan sila ng kasanayan sa paggamit ng wikang Filipino; 3. Magkaroon ng pagkakaisa, mapanatili ang identidad, at ipagmalaki ang pagiging Filipino; 4. Magkaroon ng interes upang makabalik sa Filipinas at kilalanin ang kulturang Filipino; at 5. Mabigyan sila ng mga pagpapahalagang Lasalyano bilang bahagi ng isang Filipinong mag-anak at komunidad.

Sa unang tingin masyadong ambisyoso ang limang layunin na ito kung iisipin na may tatlong linggo lamang ang mga gurong Lasalista na isagawa ito. Subalit sa pangalawang tingin ay makikitang magkakarugtong naman talaga ang hininga ng mga layuning ito. Maaari itong ibuod sa: Maipakilala ang pagka-Filipino sa mga batang Pinoy sa Italya.

Gaya ng iba pang mga batang Pinoy na ipinanganak o lumaki sa labas ng bansa, nakakalimutan na o hindi na talaga alam ng mga batang ito ang kulturang Filipino–kasama na rito ang mga tradisyonal na kaugalian at wika. Mayroong humigit-kumulang sa 150,000 mga Filipino ang naninirahan sa Italya, ligal man iligal. Sabi nga ni Nonon, Italyano na talaga ang wika ng mga ito at kung may alam mang wikang katutubo ay ang mga wika ng kanilang magulang tulad ng Bisaya at Ilokano. Hindi na raw alam ng mga ito ang Filipino. Naisip ko naman, mas mapalad pa rin ang may alam na wikang Bisaya at iba pang wikang katutubo. Bahagi naman ng wikang Filipino ang mga rehiyonal na wikang ito.

Naalala ko tuloy si Juliet. Unti-unti na niyang nakakalimutan ang Filipino. Natutuhan lang kasi niya ito sa mga teleserye at pelikula. Sa Antique kasi siya unang natutong magsalita at matatas ang kaniyang Kinaray-a. Kahit na lumipat na siya sa akin sa Pasig, Kinaray-a pa rin naman ang salita namin sa bahay. Bago siyang umalis pa-Sweden noong Enero 2014, tatlong wika ang alam niya: Kinaray-a, Filipino, at Ingles. Itong dalawang huling wika ay sa telebisyon niya lamang natutuhan.

Mabilis siyang natuto ng Svenska nang makarating siya ng Sweden. Wala pang anim na buwan ay matatas na siya. Noong Hunyo nga pagdating ko roon, napansin kong madaldal na siyang mag-Svenska at madalas pa niyang winawasto ang pagbigkas at gramar ng nanay niya, si Mimi, ang kapatid ko. Sabi ng brother in law kong si Jonas, mas magaling pa raw si Juliet mag-Svenska kaysa kaniya. May tendency raw kasi siyang gumamit ng diyalekto samantalang ang Svenska raw ni Juliet ay “standard” at “pang-university.” “Flawless” daw ang grammar at pronunciation ni Juliet.

Mabuti na lang kapag sila ni Mimi ang nag-uusap ay nagki-Kinaray-a sila. Gayundin kapag kami ni Sunshine ang kausap niya sa Facetime kada Sabado at Linggo. Nag-i-Ingles naman sila ni Jonas. Kaya matatas pa ring mag-Kinaray-a si Juliet at magaling din mag-Ingles. Ang nakakalimutan niya ngayon ay ang Filipino na Tagalog-based. Hindi na niya masyadong naiintindihan kung diretsong mag-Filipino ang kausap. Palibhasa ang dalawang Pinay na kaibigan ni Mimi sa Sweden na palaging nakakausap ni Juliet ay isang Sebwana at isang taga-Bacolod. Mga Bisaya rin.

Kuwento ni Nonon, mukhang uhaw daw ang maraming bata sa pag-aaral ng wika at kulturang Filipino. Noong 2015, 35 na bata lamang ang sumali sa programa. Ngayong 2016, naging 86 ito! Sa simbahang Katoliko idinaraos ang mga klase. Noong 2015 sa oratorio ng simbahan ng Fava ito ginanap. Ngayong taon naman, inilipat ito sa simbahan ng Santa Elena. Mas malaki ang venyu na ito. Ipinakita pa sa akin si Lilibeth ang larawan ng kabaong ni Reyna Elena (Oo, yung nasa Santa Cruzan) na nadoon sa simbahan. Masaya ang mga pari sa mga simbahang ito dahil nagagamit ang mga pasilidad ng simbahan. Nanganganib na kasing maisara ang mga simbahan sa Italya dahil kakaunti na lamang ang mga nagsisimba.

Maraming kaaya-ayang estratehiya silang ginagamit sa pagtuturo katulad ng mga laro, pagkanta, at paglikha ng sining tulad ng pagpipinta. Naiimadyin ko ang saya at gulo sa klasrum. Dito magaling si Lilibeth na naging kasama kong guro sa Miriam College noon. Si Lilibeth ang paboritong guro ng mga estudyanteng Koreana sa kolehiyo at ng mga bata sa Language Center.

Maganda ng ibinigay na reaksiyon ni Dr. Dolores Taylan sa panayam na iyon ni Nonon. Ibinahagi niya na may dalawa pang naunang mga proyekto ang La Salle sa Manunggul Jar sa pagtuturo ng wika at kulturang Filipino sa mga Pinoy sa labas ng bansa. Ginawa na rin ito sa mga Pinoy na estudyante sa kolehiyo sa Hawaii sa Estados Unidos at sa Singapore. Yung mga taga-Singapore daw ay pinapunta pa rito sa Filipinas upang maging ganap ang kanilang exposure.

Ipinaliwanag din ni Lhai (ang tawag ko kay Dr. Taylan) ang halaga ng simbolismo ng Manunggul. Ito ang banga na natagpuan sa mga kuwebang Tabon sa Palawan na naglalaman ng buto ng mga sinaunang Filipino. Naging simbolo ito ng Pambansang Museo. Ang takip nito ay may disenyo ng isang bangka na may dalawang nakaupong sakay. Ang nasa hulihan ay tagasagwan. Ang pasahero sa unahan ay isang kaluluwa na itinatawid sa kabilang buhay, ang buhay na walang hanggan.

Ang pagkatao umano ng mga batang Pinoy sa Italya ay isinasakay sa bangkang mag-uuwi sa kanila sa sariling wika at kultura, sa kanilang identidad bilang Filipino kahit na matagal na silang nawalay sa bansang Filipinas. Isang paghihiwalay na hindi nila pinili kung kaya di dapat silang pinababayaan.

Naisip kong muli si Juliet. Naalala ko ang paliligo namin sa malamig na tubig ng Lake Lenhovda. Balang araw, gusto ko ring gawin itong Proyektong Manunggul Jar sa Sweden.

[9 Oktubre 2016 Sabado
De La Salle University]

Ang Humanidades sa Panahon ng Internet

NAGING modereytor ako kanina ng talakayan namin dito sa De La Salle University hinggil sa halaga ng humanidades sa mga unibersidad. Marami ang naniniwala na nasa krisis ngayon ang humanidades.

Ang talakayang ito ay ang una sa seryeng Berde-han: Huntahan sa CLA na napagkasunduang organisahin ng mga departamento sa ilalim ng College of Liberal Arts. Buwanang talakayan ito ng mga napapanahong isyu at ngayong Oktubre kami sa Departamento ng Literatura ang nakatokang manguna. Ang klase ko sa Literature of the Visayas ang naatasang dumalo sa pagtitipon.

Ang mga naimbitahang magsalita ay sina Dr. Jeremy De Chavez ng Departamento ng Literatura, Prop. Naty Manawat ng Departamento ng Pilosopiya, at Dr. David San Juan ng Departamento ng Filipino. Kalaunan ay aktibo na ring nakisali sa talakayan si Dr. Cheryll Soriano na siyang tagapangulo ng Departameto ng Komunikasyon. Bukod sa mga estudyante ko, naroon din ang mga opisyal at kasapi ng Kultura, ang samahan ng mga estudyanteng undergrad na nagpapakadalubhasa sa literatura. Kapag ganito ang lupon ng mga magsasalita, malaki ang “panganib” na magiging nakaka-nosebleed ang usapan. Pero hindi ito ang nangyari. Naging masaya ang talakayan na puno ng tawanan kahit na mabigat ang paksang pinag-uusapan. Binigyan ng labinlimang minuto ang bawat tagapagsalita upang ilatag ang kanilang mga idea hinggil sa paksa.

Ayon kay Dr. De Chavez may panganib na magkaroon ng kompetisyon sa pagitan ng mga departamento ng humanidades dahil sa krisis na ito upang igiit kung anong departamento ba talaga ang mananatiling mahalaga sa panahon ng paghina ng humanidades sa unibersidad. Halimbawa kahit sa dami lamang ng mga kurso sa humanidades na ituturo. Ang mungkahi niya, dapat magkaroon ng “single utterance” ng mga halagahan ang mga departamento sa pagsulong halimbawa ng pagtuturo ng kritikal na pag-iisip o pagpapalawak ng kaalaman sa ating pagiging tao. Dapat ipaunawa sa mga magulang, estudyante, at mga administrador ng unibersidad ang praktikal na halaga ng huminadades.

Masyado raw pragmatic ang ganitong pananaw sabi ni Prop. Manawat. Sa kanila raw kasi sa Pilosopiya, “our heads are always high up there in the air” na umani ng tawanan sa mga nakikinig. May binanggit siyang isang departamento ng pilosopiya ng isang kolehiyo na isinara at nawalan ng trabaho ang mga propesor. Maaaring ang tinutukoy niya ay ang epekto ng pagbabago sa sistemang edukasyon tulad ng K to 12 at sa pagrebisa sa general education curriculum sa tersiyarya na sanhi ng pagiging kaunti ng mga GE na kurso. Ang humanidades ang unang tinamaan nito. Mahalaga umano ang humanidades dahil dito piang-aaralan ang pagpapakatao. Sinabi niya na hindi sapat ang matutuhan lamang ang mga teorya sa pilosopiya kundi pag-aralan dito kung paano magamit ang kaalaman sa pagbago ng daigdig tungo sa isang lipunang makatarungan at makatao. Kailangan daw makisangkot sa pagtataguyod ng social justice dahil ito lamang ang laban natin sa “dystopia” na isang realidad.

Ayon naman kay Dr. San Juan, ang humanidades kasama ng agham panlipunan ang magliligtas sa mundo. Hindi lamang daw sa Filipinas nanganganib ang humanidades kundi sa buong mundo na rin. Binanggit din niya ang malungkot na epekto ng K to 12 na maraming guro ng humanidades ang nawalan ng trabaho. Pati ang pagtuturo ng wikang Filipino ay nanganib na mawala at salamat na lamang sa TRO na ipinalabas ng Korte Suprema bunsod ng isinampang reklamo ng grupong Tanggol Wika na kinabibilangan niya. Dahil modereytor ako, pinigilan ko ang aking sarili na sumabat at sabihing ako ang Eksibit A ng guro ng Filipino na natanggal sa trabaho.

Maganda ang panukala ni Dr. San Juan. Mahalaga ang humanidades dahil dito natin matutuhan kung paano magkuwento dahil ito ang kailangan. Halimbawa pagdating sa pagbabago ng klima. Marami ang walang pakialam hinggil dito dahil wala naman, o kakaunti lamang, ang mga kuwento tungkol sa permanenteng epekto nito sa buhay ng mga tao. May binanggit din siyang mga brand ng damit na tinatangkilik ng marami (lalo na siguro ng mga estudyante at guro ng La Salle) dahil hindi naman nasusulat ang kuwento ng mga aping manggagawa sa Bangladesh at iba pang mahihirap na bansa na gumagawa ng mga damit na ito.

Pagkatapos magsalita ng tatlo, naging masaya ang palitan ng mga kurokuro. Napunta ang usapan hinggil sa social media lalo na sa panahon ngayon na marami ang nagmumurahan sa Facebook at Twitter dahil sa sitwasyong politikal ng bansa ngayon. Kapansin-pansin din na tila marami ang hindi nag-iisip na mga netizen. Marami ring mga maling impormasyon sa Internet.

Nagsalita si Dr. Soriano hinggil dito. Aniya sa kanila sa Komunikasyon, pinag-uusapan nila sa kanilang mga klase ang “essence of social media.” Bakit ba naririyan ang social media? Para saan ba ito? Paano ba ito gagamitin? Ano etiketa ba mayroon ang social media? Kailangan daw ng interrogation hinggil sa gamit at halaga ng social media na maaaring humanting sa responsableng paggamit nito.

Nagkasundo naman ang lahat na mahalaga ang social media kahit na ayon kay Dr. De Chavez ay binago nito ang sistema at istuktura ng pag-iisip natin. Halimbawa, apektado na raw ang kakayahan nating magmemorya dahil nandiyan naman ang kompiyuter na nagsisilbi nating memorya. Kung may gusto kang maalala, i-Google mo lang. Pero sabi naman ni Prop. Manawat, naging malaki at maganda rin naman ang papel ng social media sa Arab Spring at pati na rin sa Yellow Protest sa Hong Kong.

Bilang paglalagom, sinabi ko ang natutuhan ko sa isang oras at kalahati naming talakayan. Ganito ang halaga ng humanidades kahit na sasabihin pang nasa krisis ito ngayon: sa humanidades natin matutuhan ang pagkuwento ng mga karanasan at nararanasan nating mga tao. Sa humanidades natin matutuhan ang kritikal na pag-iisip na magigiya sa atin sa katotohanan at katarungan upang maging makatotohanan at makatarungan ang mga kuwento natin. At upang mapalaganap ang ating mga kuwento, magandang maging kasangkapan ang Internet. Sa ginitong paraan, maisusulong natin ang pagkakatao at pagiging tao na siyang esensiya ng humanidades.

[5 Oktubre 2016
De La Salle University]

Na-Great Wall sa La Salle

KAYA masarap  magturo kasi natututo ka rin sa iyong mga estudyante. Lalo na kung dalawang dekada na ang tanda mo sa kanila. Marami na silang alam na hindi mo alam. Kaya siguro ang magaling kong mga guro ay kahit nagretiro na nagtuturo pa rin. Saan ka ba naman makakakita ng trabaho na kumikita ka na natututo ka pa at tawa ka pa nang tawa.

Noong nakaraang linggo, tinalakay namin ang ilang tula ni Cirilo F. Bautista sa klase ko sa creative writing. Kasama sa tinalakay namin ang tulang “Ang Pusang Itim” na mula sa librong Sugat ng Salita na paborito kong libro ni Papa (ang tawag namin ng mga kaibigan ko sa aming literary father na si Bautista).

May grupo ng limang estudyanteng babae na inatasan kong basahin sa paraang dramatiko ang tula at pangunahan ang pagtalakay rito magmula sa mga simpleng tanong na sino ang nagsasalita sa tula, sino ang kaniyang kinakausap, ano ang kaniyang sinasabi tungkol sa buhay, at kung paano niya ito sinabi.

Madali lang namang intindihin ang tulang ito. Ang persona ay isang taong bigo sa pag-ibig. Kababasted lang sa kaniya ng nililigawan niya at umuwi siya ng bahay na mag-isa at luhaan. Ang nag-iisang pirasong isda na sana’y pagkain niya ay tinangay pa ng isang pusang itim. Sa inis, pinatay niya ang pusa at itinapon sa putikang estero. Kay ganda ng linyang, “Ang pusa sa aking durungawan ay / payat at itim gaya / ng iyong pag-ibig / sa akin.”

Napunta siyempre ang usapan sa pag-ibig. Nagtanong ako kung sino sa kanila ang nakaranas na ng pag-ibig at kabiguan at kung talaga bang parang “pusang itim” ito. Gusto ko kasing mapag-usapan namin kung ano ang halaga at function ng imahen ng pusang itim sa nilalaman ng tula.

May isang babaeng estudyante na nagtaas ng kamay at madamdaming nagsalita na, “Oo, Sir ako. Ang sakit-sakit maloko sa pag-ibig!” Nagtawanan ang buong klase. “Wow, hugot agad?” sabi ko sabay dagdag ng, “Sa ganda mong iyan niloloko ka pa?”

“Ay, Sir, broken hearted pa ‘yan ngayon. Fresh na fresh,” sabi ng isang katabi niyang babae. Siguro BFF niya. Nagtawanan muli ang buong klase.

“Well, masakit talaga ang mabigo sa pag-ibig. Pero masarap din naman ang umibig. Maniwala kayo sa akin, magpo-43 na ako sa November,” sabi ko.

“Talaga, Sir? Nai-in love din kayo? May love life ba kayo ngayon?” tanong ng isang estudyante kong guwapo na matangkad at kamukha ng isang artista sa ABS-CBN.

“Oo naman. Akala mo sa akin bato ang puso? Hay naku, hindi kasama sa silabus ang lovelife ko,” sagot ko.

“Sir, ang hirap kasi na paaasahin ka sa wala,” sabi nung may fresh broken heart.

“Ay, Girls, alam ninyo sa experience ko ‘yang mga lalaki mga paasa talaga ‘yan,” pabiro kong sabi.

Sabay-sabay na nagprotesta ang mga lalaki sa loob ng klasrum. Tumatango-tango namang nakangiti ang mga babae.

“Oo, Sir. Mahilig silang mang-Great Wall,” mabilis na sagot ni broken hearted. Dumagundong ang tawanan ng lahat.

Medyo di ko na-gets ang kaniyang sinabi. “Anong Great Wall?”

“Sir, di ba maraming Intsik dito sa La Salle. Ang mga ‘yan liligawan ka, tapos mai-in love ka naman. ‘Pag in love ka na, iiwan ka na nila. Di ka na papansinin. Na-Great Wall ka na,” paliwanag ng isang estudyanteng babae.

Ako naman ngayon ang tumawa nang napakalakas at natahimik sila. “Oh my God!” sabi ko, “naganiyan ako dito sa La Salle 20 years ago!”

Tumatawa pa ang mga estudyante ko nang maalala kong may isang estudyante pala akong guwapong Intsik. “Teka,” sabi ko, “hindi ba racist naman yang label ninyo na ‘Great Wall’?” Hinarap ko yung guwapong Intsik at tinanong na, “Do you think racist yung sinasabi nilang ‘Great Wall’? Puwede kang umalma kung na-offend ka.”

Mahiyain lang siyang tumawa at naging isang guhit na lamang ang kaniyang cute na mga mata. “I don’t know, Sir,” sabi niyang umiiling na tumatawa pa rin.

Habang nasa elevator ako pababa, iniisip ko ang “Great Wall.” Naisip ko, nagsinungaling ako sa aking mga estudyante. Hindi naman talaga ako na-Great Wall noon. Hindi naman siya Intsik. Tunog Kastila naman ang kaniyang apelyido. Pero totoo ang sinabi kong nangyari iyon dito sa La Salle.

“Move on na, Kataw. Matagal na iyon utang na loob,” sabi ko sa aking sarili nang magbukas ang pinto ng elevator.

[2 Oktubre 2016
Rosario, Pasig]

Hindi Ko Mahanap ang Aking Pag-ibig…

Number. As in. Simula kasi sa linggong ito, sa De La Salle University-Manila na muli ako magtuturo. Muli dahil pangatlong balik ko na ito sa La Salle. Actually parang pag-uwi sa La Salle ito para sa akin. Magmula kasi nang mag-aral ako sa La Salle ng Master of Fine Arts in Creative Writing noong Hunyo 1995, naging literary home ko na ang unibersidad na ito sa Taft Avenue. At noong Enero 1997, nagturo ako sa Departamento ng Literatura. Dalawampu’t apat na taong gulang pa lamang ako noon at hanggang ngayon naaalala ko pa kung gaano ako ka basa ng pawis sa unang araw ng pagharap ko sa mga estudyante kahit na malamig na malamig ang ercon na klasrum.

Matapos noon, naging peryodista ako sa Palawan. Noong 2000, bumalik muli ako sa La Salle at naging managing editor sa DLSU Press. Pagkatapos noong 2001, umuwi ako ng Lungsod Iloilo at nagturo sa University of San Agustin. Noong 2008, may hindi magandang nangyari sa akin sa San Agustin. Nag-full time writer muna ako sa baryo namin sa Antique ng isang taon. Ibig sabihin, naging palamunin sa bahay ng mga magulang. At noong Hunyo 2009, nagturo ako sa Miriam College sa Katipunan Avenue sa Lungsod Quezon at nagturo ng part-time sa La Salle sa loob ng isang trimester. At nitong 2016, may hindi uli magandang nangyari (at understatement ito) sa akin sa Miriam kung kaya simula noong Hunyo ay wala uli akong trabaho.

Dahil sosyal ako, nagbakasyon muna ako Europa magmula ng huling linggo ng Hunyo hanggang sa unang linggo ng Agosto. Ganiyan talaga kapag sosyal ka dito sa Filipinas, pumupunta ka ng Europa o America kapag nade-depress ka o may problema. Lalo na kapag corrupt politician ka o yumaman kayo dahil sa mga negosyo ninyong underpaid at endo ang mga empleado, o kaya’y artista kang nabuntis o nakabuntis. Sabi ko nga sa mga kaibigan kong nangangamusta sa akin matapos nilang mabalitaan sa Facebook na nawalan ako ng trabaho, “Oh, I have to go to Europe to recover.” Char na malaki! Press release. Dahil ang totoo, hindi kakayanin ng kapiranggot na hininga ng nakuha kong separation pay ang pagbakasyon sa Europa sa loob ng isang buwan at kalahati. Salamat sa aking kapatid na si Mimi, sa aking brother in law na si Jonas, at sa aking maganda at madaldal na pamangkin na si Juliet. Nagkaroon ako ng writing cabin sa Lenhovda sa Sweden. Isa itong log cabin na napapalibutan ng mga bulaklak at sa unahan ay may lawa na maaaring paliguan (kung kaya mong maligo sa tubig na parang galing sa ref tulad ni Juliet) at jogging path sa gitna ng gubat ng pino na may blueberries sa tabi-tabi.

Kagaya ng isang prodigal daughter, maluwag akong tinanggap ng Departamento ng Literatura nang muli akong mag-apply sa kanila. Kumakain ako ng isang malaking mangkok (kasi depress-depressan nga) ng preskang-preskang strawberry at raspberry nang makuha ko ang balita sa Facebook na tanggap na ako sa La Salle. Oo, sa panahon ngayon, ang mga importanteng balita ay malalaman lamang sa Facebook. At oo uli, gusto ko lang magyabang nang kaunti, may mga raspberry sa likod ng writing cabin ko sa Sweden.

Henewey, balik na ako rito sa madugo subalit magandang Metro Manila. Masaya ako dahil may bagong trabaho na at sa La Salle pa. Nag-attend ako sa Orientation for the New Faculty noong Biyernes sa isang kristal na silid sa gitna ng hardin sa tuktok ng Henry Sy Hall. Habang nakikinig sa mga nagsasalita, di ko maiwasang tumitig sa mga namumulaklak na lilang pandanggera sa labas. Naisip ko siyempre ang aking Sirenahus, ang pangalan ng aking writing cabin, sa Lenhovda kahit na wala naman talagang pandanggera doon.

Pagkatapos ng isang araw na orientation, medyo disoriented ako sa dami ng mga bagong impormasyon. May isang kasama akong propesor na galing sa UP Diliman. Sabi niya, lumipat daw siya na La Salle dahil may nagsabi sa kaniya na, “The grass is a lot greener in DLSU.” At hindi ang Green Archer ang tinutukoy niya o ang mga punongkahoy sa Diliman. At nang malaman nga namin kung gaano ka-green, nahilo ako. Lalo na sa larangan ng pananaliksik.

Siyempre nagsalita rin ang isang taga-Accounting Office. May form na ibinigay. Maraming impormasyon ang kailangan bukod sa bagong 2×2 picture na dahil pakiramdam ko pumapayat na ako ay excited na akong magpa-picture uli. Kailangang isumite ang mga sumusunod: SSS number, Philhealth number, TIN, at PAG-IBIG number. Naloka ako. Ang SSS ID ko lamang ang nasa pitaka ko. Dahil nga jobless ako nang magbiyahe pa-Europa, itong ID lang ang dala-dala ko bukod sa aking pasaporte. Sabi ng taga-Accounting,  hindi mapo-proseso ang aming unang suweldo kung hindi namin masusumite ang mga numerong ito. Mas maigi raw kung samahan namin xerox copy ng mga naturang ID.

Kay layo pa pala ng green grass na sinasabi nila. At kung ilang buwan ka nang walang trabaho at nakapag-shopping ka pa ng mga libro at ref magnet sa limang bansa sa Europa, kailangang-kailangan mo na talagang magharab ng lungtiang damo!

Kaya nandito ako sa Pasig ngayon. Kahapon pa ako nanghahalukay dito sa aking kuwarto. Salamat sa Diyos at nahanap ko ang aking Philhealth ID. Di ko maalala kung may TIN ID ako. Parang meron na parang wala. Buti na lang nakita ko ang kopya ng aking BIR 2316 form. Ito na lang ang isusumite ko. Ang malaking problema ko ngayon, di ko mahanap ang aking PAG-IBIG ID. Ang nahanap ko lang ay ang liham mula sa PAG-IBIG Cubao noong nakaraang taon na nagsasabing maaari akong mag-loan ng PhP12,000. Wala namang PAG-IBIG number ko na nakalagay. Ang tiyak lang, mayroon akong PAG-IBIG account. Ito na lamang ang ibibigay ko sa Accounting Office sa Martes.

Sasabihin ko na lamang sa kanila na hindi ko alam ang aking PAG-IBIG number. Ang alam ko lang ay ang numero ng aking mga sawing pag-ibig. And come to think of it, sa La Salle pala ako unang umibig nang bongga noong 1996. Sasabihin ko sa Accounting, “Miss, hindi ko po alam ang aking PAG-IBIG number. Hindi ko rin po alam kung paano pa ang umibig muli.” Sa mga pagkakataong ganito, wala ka naman talagang magagawa pa kundi ang humugot.

(11 Setyembre 2016 / Rosario, Pasig)

Salamat, Ireland!

NAPAIYAK ako habang pinanonood sa BBC World at Channel News Asia ang balita na 62.1% ang bumoto ng “Yes” sa referendum sa Ireland tungkol sa ligalisasyon ng kasal sa pagitan ng dalawang lalaki at dalawang babae. Vonggang 1,201,607 ang bumoto ng “Yes” at 734,300 naman ang bumoto ng “No.” Maliit lamang ang bansang Ireland na may populasyon na 4.8 milyon.

Marami na ring mga bansa sa mundo na ligal na ang homosexual marriage pero nauna ang Ireland na gumawa nito sa pamamagitan ng pagboboto ng kanilang mga mamamayan. Marami na ring bansa ang may same-sex civil partnership na hindi kasing galing ng homosexual marriage ngunit puwede na rin bilang simula.

Ang saya-saya nila—silang mga homoseksuwal at ang mga tagasuporta nila sa isang plasa sa Dublin. Ang iba kasama pa nila ang maliliit na anak sa pagbunyi. May mga bandera sila ng balangaw na siyang simbolo ng LGBT. May mga nag-iibigang parehong babae at parehong lalaki na napapaiyak sa saya at naghahalikan pa sa harap ng kamera upang makita ng buong mundo ang ligaya at ganda ng kanilang pagmamahalan.

Nag-iba tuloy ang paningin ko sa Dublin. Ang reference ko lang kasi ng Dublin ay ang kalipunan ng mga malulungkot na kuwento ni James Joyce na Dubliners. Ngayon ang larawan na ng Dublin sa aking puso’t isipan ay ang mga taong nagbubunyi sa plasa na puno ng mga banderang balangaw.

Habang pinapanood silang nagsasaya, nahahawa ako sa kanilang ligaya at may namumulaklak na inggit sa aking kasingkasing. Sana ang lahat ng bansa ay tulad nila. Sana ang Filipinas ay maging katulad nila na napakaabanse na ng sibilisasyon.

Masaya rin ang kanilang Prime Minister Edra Kenny sa resulta ng referendum. Aniya, ang pagkapanalo raw ng “Yes” ay nangangahulugang, “Yes to love.” Na-quote din siya ng CNN sa pagsabi na ang referendum ay, “Disclosed who we are—a generous, compassionate, bold and joyful people” na totoong-totoo. Ayon din sa balita, suportado raw ng lahat ng mga partidong politikal sa Ireland ang “Yes.” May isang grupo pa nga ng mga gay activist na nanghimok ng mga Irish na nasa ibang panig ng mundo na umuwi para bumoto ng “Yes.” At marami nga ang nagsiuwian upang bumoto—homoseksuwal man o hindi subalit naniniwala sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao.

Siyempre ang kontrabida ay ang Simbahang Katolika. Parang dito rin sa Filipinas na kontra nang kontra sa Batas Reproductive Health ngunit kung tutuusin halos wala namang ginagawa ang simbahan upang tulungan ang mahihirap na naghihirap dahil sa dami ng mga anak. Ginagawa pa ngang negosyo ng mga pari at madre ang simbahan (may fixed na bayad ang binyag, kasal, at misa sa patay), ang mga ospital (ang mga mamahaling ospital ay nakapangalan sa mga santo), at ang mga kolehiyo at unibersidad nila (na kadalasan nakapangalan din sa mga santo).

Walang nagawa ang mga obisbo roon dahil nadidismaya na rin ang maraming Irish dahil wala namang kongkretong ginagawa ang Simbahang Katolika roon sa mga kaso ng seksuwal na pang-aabuso ng mga pari sa mga bata roon. Parang dito rin sa atin. Kapag may pari na maeskandalo, tikom ang bibig ng mga madaldal na obispo at binabayaran na lamang nila ang biktima at pamilya nito upang tumahimik na lamang.

Sa mga kabulastugang ginagawa ng mga obispo at pari dito sa ating bansa, hindi malayong dadating ang araw na mawawalan na rin sila ng impluwensiya sa ating mga mamamayan. Hindi pa nga nila naipaliwanag ang eskandalo tungkol sa mga “Pajero Bishop” na tumanggap ng “donasyon” mula sa kurap na pamahalaan ni Gloria Macapagal Arroyo. Hindi pa rin nila naipaliwanag nang husto kung bakit tumatanggap sila ng limpak-limpak na donasyon mula sa mga katulad ni Janet Lim Napoles. Di ba nga’t nagpapatayan ang siyam na milyong deboto sa pagsampa sa karo ng Hesus Nazareno tuwing pista ng Quiapo subalit dinadala pala ang rebolto sa bahay ni Napoles kung maisipan nitong Pork Barrel Scam Queen na magdasal?

Alam ito ng mga obispo at kahit ng Vatican mismo kung kaya kailangan tayong bisitahin ng Santo Papa. Ang pagpunta rito ni Pope Francis ay isang malaking public relations tsenes. Tayo lang naman kasi ang may mayoryang Katolikong mamamayan sa Asya kaya dapat siguraduhin nilang mauuto nila tayo. Sa Europa at Estados Unidos, hindi na rin naman ganoon kalakas ang impluwensiya ng Vatican. Kung totoo kasing pumunta siya rito para sa mga mahihirap, bakit hindi niya pinagalitan kaagad ang mga kurap na politikong humalik sa kaniyang singsing pagbaba pa lamang niya ng eroplano? Kasi namumulitika siya. Kasi kailangan niyang mag-PR sa mga politiko. Kasi ang Santo Papa ay politiko rin naman.

Sa pagbisita ni Pope Francis dito sa Filipinas, naging bonggang opyo lamang siya.

Kung ako si Pope Francis, magtatalak ako na magtatalak habang nandirito ako sa Filipinas. Hindi ko pahahalikin sa aking singsing ang mga magnanakaw na politiko. At huwag siyang magtsenes na tulad ni Hesus ay nandito siya sa Filipinas para sa mga makasalanan. Milyon-milyong Filipino ang namamatay sa gutom at sakit, at namumuhay na walang dangal, dahil sa mga politikong ito na paboritong misahan ng kaniyang mga obispo at pari.

Ang punto ko ay—tigilan na natin ang ating Catholic hypocrisy. Ang nangyayari kasi, maraming baklang pari (at I’m sure may mga obispo rin) ang ginagamit ang pera ng simbahan at pati mismo ang mga kumbento upang mangkuflang ng mga lalaki. At dedma lamang ang mga obispo rito. Nagbubulag-bulagan sila habang sinasabi pa ring mapupunta sa impiyerno ang kaluluwa ng mga bakla.

Kaya dapat nating gawing halimbawa ang Ireland. Gawin nating irrelevant ang relihiyon sapagkat mga negosyo lamang talaga ito na nagtatago sa kapa ng Diyos. Tingnan natin ang mga lider ng Simbahang Katolika at iba pang mga Kristiyano kunong sekta. Di ba ang sarap ng buhay nila samantalang barya-barya lamang ang ipinamumudmod sa mga kasapi na dasal nang dasal pero mga dukha pa rin? Nakatira sila sa mga malapalasyong bahay, abrod nang abrod, magagara ang damit at alahas, at pang-royalty ang buhay. Pero ang mga faithful, mga uto-utong purita kalaw habambuhay.

Mga obispo, pari, at religious leader—pagmasdan ang Ireland! Tama lamang na pagpawisan kayo nang malagkit dahil malapit na ang araw na mawalan kayo ng saysay.

Salamat mga kapatid na Irish! Isang pakiusap lang. Sa inyong pagdiriwang, isipin ninyo kaming nandirito pa sa mga bansang balot pa ng kadiliman ng kamangmangan dahil sa mga kurap na politiko at sa mga mukhang perang lider ng mga simbahan ginagamit lamang ang pangalan ng Diyos.

[24 Mayo 2015 Linggo / NAIA Terminal 3]

Balay Kalinungan

NAHULI sa pagdating ang ulan ngayong taon. Pansiyam na tag-araw na ngayong dito ko inaabangan sa Balay Kalinungan ang pagdating ng ulan tuwing IYAS National Writers Workshop bilang panelist. Isang linggong palihan ito at kung minsan, sa ikalawa o ikatlong araw pa lamang ay umuulan na. Ngayong taon, sa hapon ng huling araw dumating ang ulan. At tamang-tama lang naman dahil unang araw ng Mayo. Pinaniniwalaan na banal at makapangyarihan ang unang ulang ng Mayo. May nasulat pa nga akong dula tungkol dito noon.

Retreat house ng University of St. La Salle (USLS) sa Lungsod Bacolod ang Balay Kalinungan. Salitang Hiligaynon ito na ibig sabihin ay “Bahay Kapayapaan.” Magandang gusali ito. Ang arkitektura ay parang Spanish villa. Gustong-gusto ko ang sahig na mistulang Vigan tiles. Marami rin itong mga pinto, mga pasilyo, at mga hagdanan na konektado. May malaking veranda ito kung saan ginagawa ang mga poetry reading at paglulunsad ng aklat na ang eksena ay para kayong nasa pelikulang Oro Plata Mata ni Peque Gallaga. Isang iconic na direktor ng mga pelikula na minsan namangha ako habang binabasa niya sa verandang ito ang epikong Sunlight on Broken Stones ng guro kong si Cirilo F. Bautista.

Ang isa pang gusto ko rito sa Balay Kalinungan, napapaligiran ito ng mga hardin. Maraming mga halaman, bulaklak, at mga punongkahoy sa paligid. Sa harap nito ay isang malawak na parking space na naliliman ng matataas na punongkahoy. Sa tabi nitong parking space ang oval kung saan ako nagwo-walking sa umaga. Dito sa IYAS Workshop, kailangan mong mag-ehersisyo araw-araw dahil bumabaha ang pagkain dito. Bukod sa pagwo-workshop, kain kayo nang kain. Unang gabi pa lamang pagdating dito, doon na kaagad ang welcome dinner sa maganda at eleganteng bahay ni Doc Elsie Coscolluela sa Santa Clara Subdivision at palaging may lechon. Talagang sisikip ang mga damit mo kung hindi ka mag-effort mag-exercise.

Dalawang taon nang na-rubberized ang oval ng USLS. Green siyempre ang kulay. Sa bubong ng grand stand, nakalagay ang malaking pangalan na Bro. Rolando Dizon, FSC Sports Complex. Naging presidente kasi siya rito at alam kong taga-Negros siya. Si Bro. Rolly ang presidente ng De La Salle University-Manila noong 2001 nang naging managing editor ako ng DLSU Press. Minsan, habang abala ako sa pag-e-edit, nabigla akong may nakatayo na pala sa harap ng aking mesa at nagtanong sa masaya at malakas na boses na, “Who is this big man here?” Nang tiningnan ko ay siya pala. Tumayo ako at nakipagkamay sa kaniya at ipinakilala ko ang aking sarili. Bigla ba namang sumabat ang isang babaeng lay-out artist sa kalapit na mesa na, “Big girl ‘yan, Brother.” Nakisabay sa pagtawa si Bro. Rolly sa mga kaopisina ko at tinapik ako sa balikat at ipinagpatuloy ang sorpresang inspeksiyon sa lathalaan ng unibersidad.

Parang ilang buwan lang pagkatapos noon, nag-leave si Bro. Rolly at nabalitaan kong may sakit siya. Kanser yata. Nagtaliwan na siya. At dito sa USLS, habang nagwo-walking sa oval na ipinangalan sa kaniya, lagi kong naaalala ang biglaang pagbisita niyang iyon sa aming opisina, na siya rin namang una at huling pag-uusap namin.

Kahapon habang binabasa ko ang evaluation ng mga fellow na isusumite sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na nagbibigay ng pondo para sa IYAS, may tatlo na nagsabing nakakatakot daw na venue ng palihan ang Balay Kalinungan. Marami kasi talagang mga kuwento ng kababalaghan dito. Noong isang taon nga, nagrereklamo ang isang kawani ng NCCA na nagmo-monitor ng palihan na hindi siya makatulog dahil may yumuyugyog sa kaniyang kama gayung mag-isa lang naman siya sa kaniyang kuwarto. Karaniwang kuwento lamang ito tungkol sa Balay Kalinungan.

Noong 2007, noong una akong naging panelist sa IYAS, may medyo weird din na nangyari sa kuwarto ko. Room 2001 iyon. Nauubos ang grapes ko sa kuwarto gayung hindi ko naman kinakain at araw-araw nauubos ang toilet paper sa aking banyo. Pero magmula noong 2008 hanggang ngayon, Room 2002 na palagi ang naka-assign sa akin at wala na akong nararamdamang kakaiba. At home na nga ako rito at ang pakiramdam ko ang kuwartong ito ay parang kuwarto ko na talaga rito sa Lungsod Bacolod. Balay Kalinungan na talaga ang bahay ko rito sa Negros Occidental.

Noong isang taon, mga ala-siyete ng umaga, habang papasok ko ng Balay Kalinungan mula sa aking pagwo-walking, sinalubong ako ni Ronald (Baytan) at sinabihang hinahanap ako ni Genevieve (Asenjo). Nang makita ko si Genevieve, parang nagpapanik siya at tinanong ako kung saan ako galing. Sabi ko nag-walking kanina pang ala-sais. Medyo natakot siya dahil may kumatok daw sa kaniyang pinto at narinig niya ang boses ko na tinawag ang kaniyang pangalan. Dali-dali siyang nagbihis at binuksan ang pinto at wala naman ako. Nasa unang palapag ang kaniyang kuwarto at umakyat pa siya sa ikalawang palapag at kinatok ako. Hindi naman daw ako sumasagot. Kasi nga, sabi ko, doon ako sa oval nagwo-walking at hindi ako kumatok sa ‘yo at lalong hindi kita tinawag.

May mga ganitong kawirduhan na nangyayari dito sa Balay Kalinungan. Mayroong nanggagaya sa akin. Subalit wala namang nagpaparamdam sa akin.

Siguro hindi ako minumulto rito dahil maraming tula na ang nasulat ko rito sa Balay Kalinungan. Mayroon na rin nga akong maikling kuwentong na ito ang setting. Ang mga taga-Kanlurang Bisayas ay may paniniwala tungkol sa “taglugar.” Isang nilalang ito na hindi nakikita na nagmamay-ari ng mga bagay-bagay sa kapaligiran tulad ng punongkahoy, ilog, batis, kuweba, bundok, at kahit isang tagong sulok sa bahay na madalang mabuksan o mapupuntahan. Maraming silid ang Balay Kalinungan at bilang isang retreat center, hindi araw-araw ay napupuno ito ng mga bisita. Karaniwan naman iyon sa mga silid na hindi palagi tinitirhan na tinitirhan na lamang ng mga espiritu.

Habang pinapanood ko ang ulan kahapon na nakaupo sa sopang kahoy na may lilok ng mga bulaklak sa isang maliit na pasilyo na nakaharap sa isang maliit na hardin na may estatwa ni Mother Mary, pakiramdam ko may nanonood sa akin na hindi ko nakikita. Ngunit hindi tumayo ang aking balahibo. Hindi ako natakot. Bagkus punong-puno ng pasasalamat ang aking kasingkasing. Malakas ang ulan at naiisip ko ang mga tanim na palay at tubo ng mga magsasaka. Naisip ko rin, kung isang kaluluwa ka mararamdaman mo pa ba ang mga tusok at haplos ng ulan?

May nakita akong matabang palaka na tumatalon-talon sa damuhan sa ilalim ng mga orkidyas na walang bulaklak. Napangiti ako. May ilang linya ng tula na sumasayaw-sayaw sa aking isipan: “Ang mga pangka / nga nagakinalakala / sa pag-abot kang una nga uran kang Mayo / mga anghel nga ginakanta / ang kaalwan kang Ginuo.”

Pagbalik ko sa Pasig, tatapusin ko ang tulang ito. Gagawin ko ito bilang bayad sa mga espiritu sa isang linggo kong pananahan sa Balay Kalinungan ngayong tag-araw at bilang pasasalamat na rin kay Mother Mary na siyang patron nito balay na palangga ko talaga rito sa Lungsod Bacolod.

[2 Mayo 2015 Sabado / 5:30 n.u. Balay Kalinungan]

Lee Kuan Yew, 1923-2015

HULING araw ko sa Jakarta, Indonesia nang marinig ko ang balitang nagtaliwan na si Lee Kuan Yew, and dating Punong Ministro ng Singapore, noong ika-23 ng Marso at umiyak ako. Isang bagay na hindi ko gagawin kung may mamamatay na presidente ng Filipinas.

Naging Punong Ministro ng Singapore si Lee Kuan Yew mula 1959 hanggang 1990. Ngayong 2015 ang ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng Singapore bilang isang bansa. Noong Bagong Taon, nasa ika-48 na palapag ako ng Marina Bay Sands at pinapanood ang fireworks. Sa Singapore River may higanteng lettering na yari sa mga lobong pula at puti na “SG@50.” Naisip ko, Diyos ko, ang Singapore 50 taong gulang pa lamang, ang Filipinas noong 1998 pa nagsentenaryo. Ano ang nangyari? Bakit ganito na kaulad ang Singapore? Bakit mahirap pa rin ang Filipinas?

Wala akong kongkretong sagot sa tanong kong iyon habang nagno-New Year sa Singapore. Ngayon, mayroon na. Si Lee Kuan Yew. Ilang araw ko nang pinapanood ang coverage ng Channel News Asia tungkol sa pagbuhos ng pakikiramay at pagdayaw sa dakilang lider na ito na Aseano. Bata at matanda, iniiyakan ang pagtaliwan niya. Walang reklamo silang pumipila hanggang sa walong oras makayukod lamang sa harap ng kabaong ng minamahal nilang lider.

Hindi kasi naging maganda sa imahinasyon ko ang Singapore. Noon kasing nasa kolehiyo ako, binitay si Flor Contemplacion. Isang domestic worker doon na pinagbintangang pumatay sa kaniyang alagang bata at kapuwa domestic worker. Maraming kuwento noon na na-set up lamang siya. Ang talagang pumatay raw ay ang amo niyang Singaporean. Habang binibitay sa Singapore si Contemplacion, sumabay ako sa pagsindi ng kandila sa bahay namin sa Maybato sa mga pagsinding pinangungunahan ng ABS-CBN at GMA7.

Mayroon din kaming ilang kamag-anak at kababaryo na DH sa Singapore.

Kinuwento ko ito kay Josephine Chia, isang Singaporean na manunulat na nakilala at naging kaibigan ko sa ASEAN Literary Festival sa Jakarta. Sabi ko sa kaniyan, kung alam ko lang na maganda pala ang Singapore at inaalagaan ng pamahalaan nila ang mga mamamayan nito, sana pala, noong bata pa ako nag-migrate na ako roon. Akala ko kasi ang Singapore, bansa ito kung saan binibitay ang mga Filipinong DH.

Tumawa lamang si Josephine at nagsabi, “Oh, they still hang a lot of people in Singapore. That’s why you should be careful when you are there.” Pero sa pag-uusap namin, alam kong masaya siya bilang Singaporean at ipinagmamalaki niya ito. Katatapos nga lang daw ng writing grant niya mula sa kanilang pamahalaan. Naging writer in residence siya sa Marina Bay Gardens—binigyan siya ng pera at pansamantalang tirahan si gitna ng mga tanim at bulaklak upang matiwasay na makapagsulat ng nobela. Ayaw man niyang ikuwento sa akin ang plot ng kaniyang katatapos na nobela subalit sinabi niyang magugustuhan ko ito dahil tungkol ito sa mga paruparo at bogambilya. Inaalagaan ng Singapore ang kanilang mga manunulat.

Unang beses kong nakapunta sa Singapore noong Disyembre at namangha ako sa kakaibang kalinisan at kaayusan nito. Bago umalis, pinaalalahanan ako ng ilang kaibigan na mag-ingat sa paninigarilyo at sa pagtatapon ng upos nito kung saan-saan dahil baka mamultahan o makulong ako. Kaya nagdesisyon ako na para maging safe, di na lang ako manigarilyo sa bakasyong iyon. Kaya ko namang tumigil sa paninigarilyo kahit anong oras na gustuhin ko. Bawal din daw dumura sa kalye sabi nila na hindi ko naman problema dahil hindi naman ako dumudura kung saan-saan. Biro nga nila, kung ang Lungsod Baguio ay “City of Pines,” ang Singapore naman daw ay “City of Fines.” Maraming bawal. Bahagi ng pagiging diktador ni Lee Kuan Yew. Pero naisip ko, ano naman ang masama kung huhulihin ka dahil nagtapon ka ng upos ng sigarilyo sa bangketa at dumura sa kalsada? Di ba dapat lang naman talaga?

Sa paliparan pauwi, may ibinibentang t–shirt na ang nakalagay, “I was fined in Singapore.” Na awa ng Diyos, dahil nag-behave ako, di naman ako namultahan. Sa Singapore, basta sundin mo lamang ang mga batas, wala namang mangyayari sa ‘yo.

Sabi ng dating estudyante ko sa San Agustin Iloilo na nagtatrabaho sa embahada natin sa Singapore, mahal daw masyado ang tax ng sasakyan at ng gasolina sa Singapore. Kaya kaunti ang may kotse, yung mga mayaman lang talaga. Kaya walang traffic sa Singapore. Sa tingin ko, okey lang. Maayos kasi ang sistema ng pampublikong tren nila. Hindi tulad ng MRT at LRT natin na sisiksikan palagi at palaging nasisira. Maayos din ang mga bus nila. Ang mga taxi drayber doon, hindi mandurugas. Hindi sila namimili ng pasahero, hindi nangongontrata, at hindi nanghoholdap. Kasi nga kung gagawa sila ng kabulastugan ay mahuhuli at maparurusahan agas sila. Kaya okey lang mag-commute. Hindi ka mase-stress masyado.

Noong Enero, may napanood akong serye ng dokumentaryo sa Channel News Asia tungkol sa kahirapan sa Singapore. Pinamagatan itong “Don’t Call Us Poor: Being Poor in Singapore.” Mayroon palang publikong kondominyum sa Bukit Merah kung saan nakatira ang mga mahirap—yung mga walang pambili o pangrenta ng bahay. Mahal kasi bumili at magrenta ng bahay sa Singapore. Sa unang palapag ng gusali, may opisina ang parang Department of Social Welfare and Development nila. Ito ang dahilan kung bakit walang Singaporean nakatira sa kariton o natutulog sa bangketa, o kaya may tagpi-tagping bahay sa mga ilalim ng tulay. Hindi pinababayaan ng kanilang pamahalaan na may mga kababayan silang maninirahan sa kalye. Hindi tulad dito sa atin na ang DSWD pa mismo ang naghakot sa mga pulubi sa kalye upang itago sa isang resort para hindi makita ng Santo Papa sa kaniyang pagbisita. Samakatwid, ang Singaporean counterpart ni Dinky Soliman ay talagang seryoso at sinsero sa kaniyang trabaho. Hindi nagpoporma lamang. Hindi sila nakikita sa TV na paiyak-iyak kapag may mga kalamidad at makikitang namimigay ng mga plastic bag ng relief goods at pagkatapos mababalita, marami ang hindi nakatanggap at may mga nakatanggap ng mga inuuod na de-lata at bigas.

Halos sabay na naging diktador sina Lee Kuan Yew at Ferdinand Marcos. Pero tingnan natin ang nangyari. Naging maunlad at respetadong bansa ang Singapore at ang Filipinas naman mahirap pa rin ngayon at wala pa rin tayong maipagmamalaki maliban na sa lamang sa larangan ng boxing at beauty contest. Vaket? Dahil si Marcos at ang kaniyang mga kaibigan ay nagpayaman lamang at inilibing sa utang ang ating bansa. Si Lee, nagtrabaho nang husto at ibinuhos ang buhay upang pagsilbihan ang lahat ng Singaporean. Pareho silang diktador subalit si Marcos ay makasarili samantalang makatao naman si Lee.

May nagsabi na sa ilalim ng pamamahala ni Lee Kuan Yew, walang kalayaan sa pamamahayag. Hindi mo raw pupuwedeng punahin ang pamahalaan nang ganun-ganun lamang. Naisip ko naman, kung wala ka namang irereklamo, bakit ka magrereklamo. Halimbawa, hindi mo naman lalaitin ang gobyerno ng Singapore dahil sa walang kuwentang MRT dahil napakagaling ng MRT nila. Hindi tulad dito sa atin na araw-araw na nasisira kundi mumurahin mo talaga ang mga inutil na mga tao sa gobyerno na dapat nagtityak na magiging maayos palagi ang MRT.

Ang kaibigan kong makatang Singaporean na si Alvin Pang ay may tulang “Merlign” sa antolohiyang Writing Singapore. Nilalait niya ang Merlion dahil artipisyal lamang ito at wala naman talagang kinalaman sa kanilang kultura kundi gawa-gawa lamang ng industriya ng turismo. Matagal ko nang nabasa ang maikling kuwento ni Catherine Lim na “The Taximan’s Story” na tungkol sa isang taxi drayber na nagkukuwento tungkol sa mga pagbabago ng halagahan ng kabataan sa Singapore dala ng paglago ng kanilang ekonomiya. Malaya pa rin naman ang mga manunulat nilang magsulat tungkol sa mga di kanais-nais na katotohanan sa Singapore.

Ngunit ito ang pamatay sa lahat. Krimen ang mga gawaing homoseksuwal sa Singapore. Sabi ni Alvin, isang lumang batas ito sa ilalim pa ng kolonyalismong British na hindi na-repeal. Sinubukan daw itong ipawalang-bisa ng mga grupong LGBT sampung taon na ang nakararaan ngunit hindi sila nagtagumpay. Hindi naman raw talaga istriktong ipinatutupad ang batas na ito subalit maaari pa ring gamitin laban sa isang homoseksuwal kung magkataon. Pero may libro akong nabili sa Bali, Indonesia noong 2012, ang Imagining Gay Paradise: Bali, Bangkok, and Cyber-Singapore ni Gary L. Atkins. Mayroon pa rin mga malayang espasyo ang mga kafatid kong bading sa Singapore.

Sa isang talumpati ni Lee Kuan Yew na paulit-ulit na pinalalabas sa Channel News Asia ngayong linggo, sinabi na kailangan niyang maging istrikto upang mapaunlad ang Singapore. Kailangan umano ng kakaibang disiplina ng mga Singaporean dahil ang liit na kanilang lupain at tanging talino at sipag lamang nila ang maaari nilang gamitin upang umunlad. At umunlad nga sila.

Kaya siniguro ni Lee Kuan Yew na maging maayos ang sistemang edukasyon ng Singapore—mula elementarya hanggang kolehiyo. Ang National University of Singaore at ang Nanyang Technological University ay ang dalawa sa nangungunang mga unibersidad sa Asya ngayon.

Bakit ba iniiyakan ko ang pagkamatay ni Lee Kuan Yew? Hindi naman ako Singaporean at hindi ko naman talaga siya kilala.

Ang talagang iniiyakan ko ay ang Filipinas. Iniiyakan ko tayong mga Filipino. Nakakaiyak dahil wala tayong naging presidente na ang inisip ay ang kapakanan nating mga Filipino. Mas matanda tayo di hamak kaysa Singapore ngunit bakit ang yaman-yaman nila at dukha naman tayo. Kasi ang mga naging presidente ng bansa at ang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan lamang nila ang yumaman. Naiwan ang karamihan sa atin sa lusak ng kahirapan. Kasi ninakawan lamang tayo ng mga politikong nangakong pagsilbihan tayo. Ito ang totoong rason kung bakit ako naiiyak.

Ang mga luha ko ay para sa pagsaludo sa isang dakilang Aseanong lider na si Lee Kuan Yew. Ang mga luha ko ay para sa inggit ko sa mga Singaporean sa pagkakaroon nila ng mga lider na hindi magnanakaw at talagang pinahahalagahan silang lahat. Ang mga luha ko ay para sa galit ko sa mga politiko nating walang hiya!

[27 Marso 2015 Biyernes
Rosario, Pasig]

May Dalawang Anak na Bading si Rio Alma sa Jakarta!

NAKAKALOKA ang ganda ng mga sarikulay na lampara na iba’t iba ang hugis. Mukha silang mga antigo. Nasa Jalan Surabaya kami sa Gitnang Jakarta kung saan makikita sa isang tabi ng kalsada ang mahabang hilera ng mga tindahan ng mga tradisyonal na Indonesian handicraft—maskarang cirebon, ukit na petrok, estatwang punakawan, mga puppet na golek, klitik, at kulit, at marami pang ibang mga likhang sining na yari sa kahoy, bato, goma, at metal mula sa Kalimantan, Surabaya, Java, Papua, Lombok, at Bali. Nakalalasing sa ganda ang kanilang mga kulay at disenyo.

Ang mga tindang puppet sa Kalye Surabaya sa Jakarta.

Pumunta kami roon sa Jalan Surabaya matapos kaming mananghalian noong Miyerkoles, ikatlong araw namin dito sa Jakarta. Dahil mainit, parang kami lang ang namimili roon kung kaya nasa amin ang antensiyon ng mga nagtitinda roon. Hindi nila kami nilulubayan.

Nandito kami sa Jakarta, Indonesia nina Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario at Kristian Sendon Cordero bilang mga opisyal na delegado mula sa Filipinas sa ASEAN Literary Festival 2015 na ginaganap ngayong Marso 15-22. Salamat sa Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining sa pagpapadala sa amin dito at sa Embahada ng Filipinas sa Indonesia sa pag-aasikaso sa amin. Pagdating pa lang namin dito noong Lunes, nilibre na kami ng dinner ni Embahador Maria Lumen B. Isleta sa isang napakagandang restawran na parang nagdala sa akin pabalik sa Ubud, Bali na ang ngalan ay Bebek Bengil na sa Ingles ay Dirty Duck Diner. Ang sarap ng piniritong bibi nila!

Malapit lamang ang Jalan Surabaya sa hotel kung saan kami nakatira sa Jalan Cikini. Itinuro ito sa amin ni Remee Alcazar, ang ating cultural attaché dito sa Indonesia, nang papunta kami sa Bebek Bengil. Sabi ni Remee, tawaran namin ng 50% palagi kapag bumili kami roon. Atat na atat na kami ni Kristian na bumili ng puppet.

Hindi talaga ako magaling tumawad. Hindi sa dahil mayaman ako kundi dahil parang naaawa kasi ako sa nagtitinda. Pero si Kristian ang galing-galing. May isang maliit na peynting ng mga payyo ng Bali akong gustong bilhin. Sabi sa akin ng bata at guwapong (kaya mas mahirap tumawad!) tindero, tig-350,000 rupiah daw. Ganiyan talaga rito sa Indonesia, libo-libo palagi ang usapan. Ang isang bote ng mineral water ay tig-4,000 rupiah.

Sina Kristian Cordero at National Artist Virgilio Almario, a.k.a. Rio Alma

Medyo namahalan ako kung kaya sabi ko kay Pogi balikan ko na lang. Habang papaalis ako, sumigaw siya na 300,000 rupiah na lang daw. Pero sabi ko babalik na lang ako. Matapos naming makapamili ng mga puppet at makapagpahinga sa isang restawran, binalikan namin ang peynting. Gusto ko talagang bilhin at mukhang puwede ko itong gamiting cover artwork ng susunod kong libro ng mga tula sa Kinaray-a na kasama ang mga tulang-Bali ko. Si Kristian ang tumawad. Sabi ni Kristian, “100,000 only!” Ayaw pumayag ni Pogi. Lugi raw siya. Sabi ni Kristian sa akin, “Ateng, huwag mong bilhin!” Isinalin pa niya sa Ingles para maintindihan ni Pogi. Mabilis na nag-isip at nagtanong si Pogi, “What is your good price?” Sabi ko, “200,000.” Sumigaw si Kristian, “No! Only 100,000!” Naiiyak na si Pogi. Sabi niya, “175,000” na lang daw. Sagot ko, “150,000.” Sabat ni Kristian na pasigaw, “Yes, 150,000!” Nakasimangot na umuo si Pogi at kinuha mula sa estante ang peynting, binalot ito sa papel at plastic bag at ibinigay sa akin. Tuwang-tuwa akong binayaran ito at feeling waging-wagi naman si Kristian. Nagpapiktyur pa kami kay Pogi na sa tingin ko ay luging-lugi na. Pero gaya nga ng sabi ng lola ko, wala namang nagpapatawad na tindera na nalulugi na. May kinita pa rin iyon.

Bumili kami ni Kristian ng isang set ng wayang klitik na Rama at Sita, isang flat at may disenyong batik na puppet. Mula 400,000 natawaran ni Kristian ng 200,000. Pinilit din ako ni Kristian na bilhin ang estatwa ng mag-asawang sirena dahil nakatadhana raw iyon sa akin. Tig-300,000 ang pares ngunit natawaran ni Kristian at naging 150,000. Siyempre, ipinamukha sa akin ni Kristian na napakalaki ng utang na loob ko sa kaniya matapos ng aming pamimili.

Ang Sirena at si Rio Alma

Naisip ko tuloy ngayon na kaya pala noong nasa Bali ako noong 2012, kapag bumibili ako ng mga kuning-kuning ay kusa akong binibigyan ng mga tindera ng isa o dalawang item na libre kasi hindi ako tumatawad. Baka nakokonsensiya rin sila. O baka naaawa sila sa akin dahil ang tanga-tanga kong mamimili.

Si Sir Rio, cool lang. Ayaw niyang mamili dahil ilang beses na siyang nakapunta dito sa Jakarta. Saka wala na raw espasyo sa maleta niya. Patingin-tingin lamang siya sa mga tindahan.

May isang matandang lalaki na hinila ako pabalik sa kaniyang tindahan na nadaanan ko na. Nagpahila naman ako at nang makapasok ako sa kaniyang tindahan ng mga lilok sa kahoy at puppet, itinuro niya sa akin ang mag-asawang estatwa na siguro isang piye ang taas. “Your Daddy say beautiful. Buy! Buy!” sabi niya sa akin na parang sinisigawan ako. Ilang segundo rin akong na-jar. Natawa ako nang natanto kong ang tinutukoy niyang “daddy” ko ay si Sir Rio!

Habang kumakain kami ni Kristian ng haluhalo sa isang Vietnamese restaurant sa kabilang kalsada at nagkakape naman si Sir Rio, naikuwento ko kay Sir Rio na napagkamalan ako ng tindero na anak niya.

“Kaya pala tawa sila ng tawa,” sabi ni Kristian habang pinaglalaruan ang klitik puppet na binili niya. “Ikaw ang pinagtatawanan nila, Rio dahil siguro sinasabi nila, kawawa naman ang mamang ito, may dalawang anak na bading!” dugtong pa niya sabay halakhak. “At kinukunsinti pa niya ang hilig sa puppet ng mga anak niyang bading!” ang sabi ko sabay tawa na rin.

“Oo nga ano?” sagot ni Sir Rio at sumabay na rin sa amin sa pagtawa. Matapos niyang tumawa, sumipsip muli siya ng kaniyang kape at pangiti-ngiti habang nag-iisip. Siguro iniimadyin niya ang headline sa mga tabloid sa Manila na tumitili: “National Artist may Itinatagong 2 Anak na Bakla sa Jakarta!” Siguro mapapangiti pati puwet ni Carlo J. Caparas at mapapasindi ng pink na kandila sa Quiapo si J. Neil C. Garcia.

Habang nginunguya ang makid-ël na sanga ng seaweed mula sa aking haluhalo at ninanamnam ang mapusyaw na lasa ng dagat, naisip ko, ano nga kaya kung naging anak ako ni Rio Alma? Hindi ni Virgilio Almario ha kundi ni Rio Alma talaga. Makasusulat pa kaya ako ng tula sa Kinaray-a?

Habang tinitingnan ko si Kristian, na literal na mahaba ang buhok, na pinaglalaruan pa rin ang puppet ni Rama, siguro kung naging kapatid ko siya, araw-araw kaming magsasabunutan!

[20 Marso 2015 Biyernes / Jakarta, Indonesia]