Ang Parayaw ni Nong Mel

Ribyu ng libro ng mga Tulang Aklanon ni Melchor F. Cichon na Raya Rang Pasalig, Parayaw

“Ag halin makaron, / Tan-awon eon naton ro pagbutlak it adlaw / Ag ro pagbutlak it buean. (At magmula ngayon / Panoorin natin ang pagsikat ng araw / At ang pagsikat ng buwan. – akin ang salin),” ang sabi ng persona sa tulang “Sikaeum” o “Dapithapon” sa pinakabagong libro ng mga tulang Aklanon ni Melchor F. Cichon na Raya Rang Pasalig, Parayaw (Ito ang Pangako Ko, Mahal) na inilathala ng Kasingkasing Press ngayong 2018. Binubuo ng tatlumpong tulang nasa Aklanon at may ilang nasa Ingles na may salin sa Filipino ni Sharon C. Masula.

Ang tulang ito ang una kong nabasa nang buklatin ko aklat na ito sa unang pagkakataon. Napangiti ako, si Melchor Cichon sa edad na 72 ay naglathala ng isang libro ng mga tulang pag-ibig. Noong 2010 pa siya nag-retire bilang librarian sa University of the Philippines Visayas sa Miag-ao campus.

Pangalawang libro na ito ng mga tulang Aklanon ni Nong Mel (Ang tawag ng maraming mga batang manunulat kay Cichon na tinitingalang “Ama ng Literaturang Aklanon.”). Ang una ay ang Ham-at Madueom Ro Gabii? (Bakit Madilim ang Gabi?) na inilathala ng makata noong 1999 at may sarili niyang salin sa Filipino. Ang librong ito, lalo na ang tulang “Ham-at Madueom Ro Gabii, Inay? (Bakit Madilim ang Gabi, Inay?)” na pinaghanguan ng pamagat ng libro, ay itinuturing nang klasiko hindi lamang sa literaturang Aklanon kundi sa buong literatura ng Kanlurang Bisayas. Marami na ring mga antolohiyang na-edit si Nong Mel. Bilang pagkilala sa kaniyang ambag bilang manunulat, ginawaran siya ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas ng Gawad Alagad ni Balagtas noong 2001. Siya ang una at nag-iisa pa lamang na Aklanong manunulat na magsusulat sa wikang Aklanon ang nakatanggap ng gawad na ito.

Ang pinakagusto kong tula sa librong ito ay ang “Para kay Bing” na siyang unang tula sa koleksiyon. Si Nong Mel ang persona sa tulang ito at direkta niyang kinakausap ang kaniyang asawa at ginamit pa niya sa pamagat ang palayaw nito. Simple ang wika at pakasulat ng tulang ito. At dahil sa pagiging simple nito naging dakila ang tula at kaibig-ibig. Para sa akin na hirap umibig at hindi na naniniwalang may forever, napapadalawang-isip ako nang mabasa ang tulang ito. Hindi man ako makukumbinsi ni Nong Mel, naiinggit naman ako sa kaniya bilang mangingibig dahil natagpuan niya ang kaniyang forever at sumulat pa siya ng tula hinggil dito.

Sinasabi ng persona sa simula ng tula na kung nag-iisa siya at kabilugan ng buwan ay iniisip at naaalala niya ang addressee. Susundan ito ng mga linyang, “Ginapanumdom ko / Ro gabii nga daywa eang kita / Galingkod sa Tambak / Gatan-aw ku humbak / Nga nagapaeapit katon. Gapamati ku kanta it baeod / Nga amat-amat nga nagapalinong / Ku atong paminsaron. (Nakaupo sa dalampasigan / Nakatingin sa hampas ng alon / Na papalapit sa ating dalawa. / Nakikinig sa awitin ng alon, / Na unti-unting nagpapakalma / Sa ating isipan. – salin ni Masula). Romantiko ang mga linyang ito subalit susundan ito ng mga linya tungkol sa mga realistikong detalye ng buhay mag-asawa tulad ng kahit umuulan ang binibilhan ng addressee ang persona na gamot, at madilim pa sa umaga’y bumabangon na ang addressee upang ipagluto ng agahan at baon sa trabaho nito ang persona. Dagdag pa ng persona, nawawala ang kaniyang pananabik at pangungulila, at tumitibay ang kaniyang ligaya kapag inaalala niya ang mga detalyeng ito sa kanilang buhay ng addressee. May kagat ng malungkot na kagandahan ang huling tatlong linya: “Pero kon umabot ro oras / Nga indi eon ako makadumdom, / Panumdumon mo man ako. (Pero kung dumating ang oras / Na hindi na ako makakaalala, / Alalahanin mo rin ako. – akin ang salin). Makikita rito ang hinog na pag-iisip ng persona na si Nong Mel naman talaga. Makikita rito ang kaniyang kaaram bilang mangingibig, bilang tao, na bagamat may forever, mayroon pa ring hanggahan ang alaala ng isang mangingibig. Lahat naman talaga, pati na ang mga dakilang pag-ibig, ay may katapusan sapagkat may katapusan ang katawan ng tao.

Muli kong naalala ang papakahulugan ni Merlie Alunan sa tula. Aniya, “poetry is human speech.” Kayâ siguro gustong-gusto ko ang tulang ito ni Nong Mel dahil simple ito, taong-tao ang nagsasalita—isang taong natagpuan, nakilala, at inalagaan ang pag-ibig. Nasa tula ring ito ang hinahanap lagi sa tula ni Leoncio Deriada na “sincerity.” Magandang halimbawa ang tulang “Para kay Bing” upang gawing halimbawa sa mga nagsisimulang sumulat ng tula ang konsepto ng “human speech” at “sincerity.”

Ang iba pang tulang gusto ko sa koleksiyong ito ay ang “Raya Rang Pagsalig, Raya Rang Kabuhi (Ito ang Pangako Ko, Ito ang Buhay Ko)” na sa tingin ko ay para pa rin kay Bing. Katangian pa rin ng tulang ito ang pagiging simple, ang pagiging tapat, ang pagiging tao. Nabanggit din ni Nong Mel sa tulang ito ang salitang “parayaw,” isang luma at magandang salitang Aklanon para sa “mahal” o “giliw.”

Gusto ko rin ang “Indi Ko Masueat Rang Pinakamasubo nga Binaeaybay (Hindi Ko Masulat ang Pinakamalungkot na Tula)” na nagpapaalala sa akin ng isang sikat na tula ni Pablo Neruda.

Malaking kontribusyon din sa kakaunti pa lamang na naisasaling mga Aklanong akda ang ginawa ni Masula sa librong ito. Subalit kailangan pang mas gawing pulido sa pamamagitan ng editing at pagiging mas tapat ang kaniyang mga salin. Sabi nga ng guro ko sa Literary Translation, mas mainam palaging ipabasa at ipa-workshop ang nagawang salin bago ito ilathala. Sana ipinaliwanag din ni Masula ang kaniyang proseso ng pagsasalin sa kaniyang Introduksiyon upang mas maging makabuluhan ito sa mga mambabasa lalo na sa mga mag-aaral ng literaturang Aklanon at sining ng pagsasalin.

Inilunsad ang aklat na ito (kasama ng aklat ng isa pang Akalanong manunulat na si John Barrios) sa NAM it Aklan 2018 (National Literature Month in Aklan) na itinaguyod ng National Commission for Culture and the Arts, Hubon Manunulat, Municipality of Kalibo, Province of Aklan, at Aklan Historical Society at idinaos sa Northwestern Visayan Colleges sa Kalibo Aklan noong Pebrero 23-24, 2018. Sa interesadong bumili ng kopya makipag-ugnayan lamang sa kasingkasingpress@yahoo.com at bumisita sa http://kasingkasingpress.com.

 

Trip Ko ng Piniritong Baboy

#gitnang_uring_fantasya_notes_ng_sirena

UNANG araw ng klase noong Miyerkoles at pagkatapos ng panghuling klase ko, bigla akong nagkaroon ng desire na kumain ng piniritong baboy. Ang lakas ng desire kong kumain ng baboy kahit na sinasabihan ko ang sarili ko na gastos lang ‘yan at hindi pa healthy at maglaga na lamang ako ng saging na saba pagdating ko ng condo.

Tao lang po ang Sirena at bumigay din ako sa aking desire. Naalala ko bigla ang sinabi ng lola kong si Oscar Wilde na, “The only way to get rid of temptation is to yield to it.” Habang nasa elevator pababa ng Andrew Building, napapangiti ako sa aking biglaang trip. Bakit piniritong baboy? Bakit hindi adobo? Basta ang gusto ko pinirito. Hindi naman ako depressed. Medyo may sinat lang at inuubo. Parang may mild na trangkaso. At kapag ganito, gusto kong kumain o bigla na lamang akong may maiisip na gustong kainin. Madalas sweet spaghetti. Pero noong isang araw, piniritong baboy talaga.

Bago tuluyang lumabas ng building ay dumaan ako sa ATM upang bawasan ang aking milyones ng pambili ng minimithing baboy. Nakita ko na ang unang suweldo ko ngayong taon. Tumaas nga dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN! Vonggah. Kahit isang buong lechon de leche ay puwede kong bilhin kada suweldo. Kaso ayaw ko nga ng lechon. Pritong baboy lang talaga ang pinagnanasahan ko.

Nang nasa kalsada na ako ng Agno, bigla akong nagkaroon ng problema kung saan bibili ng baboy na piprituhin. Sisigaw sana ako ng, “Yaya, you buy nga one kilo of baboy and make prito it agad!” Kaso, wala akong yaya at kung gusto kong kumain ng piniritong baboy ako ang bibili, ako ang magpiprito, at siyempre ako ang maghuhugas ng kawaling pinagprituhan at ng mga pinggan at kubyertos na ginamit.

Saan ako bibili ng baboy? Sa Save More sa katabing building sa kanan, o sa paborito kong Korean convenience store sa katabing building sa kaliwa? Ayaw kong mag-Save More. Late afternoon na at maraming tao. Ayaw kong pumila sa counter, you know, rubbing elbows with the masa. Masama ang pakiramdam ko. Kaya naisip ko, sa tindahang Koreano na ako pupunta. Parang may nakita akong mga karne sa isang ref nila minsan. Sa tindahang ito ako bumibili ng frozen dumplings at tofu. Masarap din ang cookies nila. Minsan may blueberry jam sila na talagang may mga buong blueberries na gustong-gusto ko dahil naaalala ko ang Lenhovda.

Pagdating ko sa Korean store dumiretso agad ako mga ref nila sa likurang bahagi. May mga karne nga. Akala ko karne ng ng baboy, yun pala, karne ng baka. Baboy lang ang gusto ko. Tinanong ko ang isang babaeng nagbabantay kung bakit wala silang baboy. Ngiti lang ang sagot niya at nagkaroon ako ng desire na sabunutan siya. Ayaw ko pa ring pumunta sa Save More. Sa katabing ref, may napansin akong parang baboy na nakabarbikyu. Sa pabalat nito may larawan nitong iniihaw. Mukhang baboy pero di ako sigurado. Nasa Koreano kasi ang nakasulat. Pero naisip kong iyon na lang ang bibilhin ko. Puwede na siguro iyon. Sa isa pang ref ay kumuha ako ng isang balot ng vegetable dumplings. At habang papunta ng counter dumampot pa ako ng isang malaking box ng Kleenex. Sinisipon kasi ako at baka maubusan ako ako tisyu.

Naloka ako dahil bakit PhP1,098 ang babayaran ko! Tatlong item lang naman. Siyempre hindi ako nagpahalata sa kahera na nawindang ako sa isang libo. Mamaya iisipan niya purita kalaw ako. Hayun, binayaran ko at noong nasa labas na tiningnan ko ang resibo. PhP725 pala ang letseng nakabarbikyu na inaakala kong baboy! Gusto kong tadyakan ang sarili ko habang naglalakad ako pauwi sa bulding namin. Sa elevator, gusto ko pa ring sabunutan ang sarili ko kahit wala naman talaga akong buhok. Ph725? Mahigit tatlong kilo na sanang baboy ‘yun!

Pagdating ko ng condo, mabilis akong nagbihis. Agad akong nagsaing. Binuksan ko ang barbikyu at naisip na baka ginto naman ang istik kaya mahal. Anim na piraso lang ang letse. Mahigit isandaan ang bawat piraso. Nagprito ako ng dalawang istik at itinago ko na sa freezer ang apat na natira.

Medyo masarap naman ang Korean barbikyu ko. Parang may pagkalongganisa ang lasa kaya nagustuhan ko naman. Habang naghahapunan na nagkakamay (Nagkakamay ako kumain sa bahay lalo na kapag walang bisita) nanonood ako ng 24 Oras.

May gin-interbyu sila na lalaking nagtatrabaho bilang assistant cook sa isang restawran hinggil sa epekto ng TRAIN. Sabi ng lalaki, minimum wage ang suweldo niya at matagal na siyang exempted sa pagbabayad ng tax. Kaya nag-aalala siya ngayon sa napipintong pagtaas ng mga bilihin at gastusin dahil sa TRAIN. Tataas ang kaniyang pamasahe, tataas ang koryente. Parang nawalan ako ng gana nang kaunti. PhP512 lang yata ang minimum wage sa Maynila. My God, paano ka mabubuhay nang disente sa suweldong PhP512 kada araw?

Ibinalita rin ang ipinagmamalaki ni Budget and Management Secretary Benjamin Diokno na PhP28.8 bilyon sa national budget ngayong taon para sa conditional cash transfer para as sampung milyong pinakamahirap na pamilya na tumataginting na PhP200 kada buwan. Oo, 200 peysuses kada buwan! As in. Hindi ba sila natatawa rito? Joke ba ‘to? Pero seryoso si Diokno at ang gobyernong ito.

Tuluyan akong nawalan ng gana. Ang PhP725 na binili ko ng Korean barbikyu tatlong pamilya na pala ang mabibiyayaan sana sa loob ng isang buwan. Gusto kong matawa at maiyak.

Masaya pa rin  ako siyempre na lalong lumaki ang aking take home pay lalo na kung sarili ko lang ang aking iniisip. Mas madali ko ngayon maabot ang FG2018 ko. Kaso magtataas na rin naman ang singil sa GRAB. Magmamahal na rin daw ang koryente.  Dalawang bill ng koryente pa naman ang binabayaran ko–dito sa condo at sa bahay sa Pasig. Pero ayaw ko nang magreklamo. Iniisip ko na lamang ang milyon-milyong kababayan na minimum wage earner, lalo na ang mga walang permanenteng trabaho. Mas kawawa sila. Mababaw lang actually ang aking problema kumpara sa mga problema nila. Ang mga problema ko, madaling makalimutan makakain lang ako ng aking comfort food tulad ng piniritong baboy.

Sa bansang ito, babuyan lang talaga. Binababoy lang palagi ng mayayaman at makapangyarihan ang mga mahirap. Of course, sinasabi ko ito with all due respect sa mga totoong baboy.

Enero 12, 2018 Biyernes
De La Salle University

 

 

 

Batong-Bato sa ‘Ang Larawan’

#gitnang_uring_fantasya_notes_ng_sirena

SA Ayala Malls The 30th sa Meralco Avenue, Lungsod Pasig ako nanood ng Ang Larawan for the second time. Unang tapak ko rin sa mall na ito na noong Enero 2017 lang din pala nagbukas. May sosyal kasi akong kaibigang si Y. na tambayan pala iyon kaya doon kami nag-Christmas date noong Disyembre 30.

Maganda ang mall na ito na kung hindi matrapik, mga sampung minuto lamang ang layo mula sa bahay ko sa Rosario, Pasig. Dahil bakasyon, PhP129 lang ang binayaran ko sa Grab. Hindi na masama at medyo maliit lamang ang impact sa aking financial goal ngayong 2018 (FG2018). Medyo leyt na kami nag-Christmas date ni Y. kasi maaga siyang umuwi for Christmas sa Lungsod Davao upang ayusin ang kabibili lamang niyang condo roon.

Gusto ko ang Ayala Malls The 30th dahil maliit lang ito na mall na maraming sosing restawran. Pagpasok mo pa lang sasalubungin ka ng isang lungtiang hardin na may eskultura ng isang kalabaw na yari sa mga alambre. Kaunti rin ang mga tao at mukhang panay mga mapera ang itsura. Magagara ang mga damit at bag, at dedma na ako kung magmumukhang basahan ang aking Sagada slingbag. Iniisip ko na lang, indigenous Pinoy tsenes with international appeal ang peg ng aking OOTD. Sa pagdadala lang ‘yan, sabi ko sa aking sarili. Kaya kong maglakad sa mall na parang prinsesa ng isang mahirap na kaharian.

Henewey, sa isang Asian restawran (nakalimutan ko ang pangalan) sa unang palapag kami kumain kasi nakita namin sa karatula sa may kristal na pintuabn na may laksa sila at Vietnamese grilled pork. Tsalap! At nagalak kami nang bongga nang malaman na may eat all you can promo pala sila. PhP400 something lang at puwede mo nang orderin lahat. Basta ubusin mo dahil kapag may natira, regular na ang itsa-charge nila sa pagkain na di naubos. Mukhang fair naman na rule. At least hindi wasteful.

Matapos maglafang at magkape sa isang sosi na bakery sa ikalawang palapag (as useless, nakalimutan ko uli ang pangalan), naghiwalay na kami ni Y. Maggo-grocery pa siya sa Rustan’s at ako naman muling nanood ng Ang Larawan.

Salamat sa Diyos at itinanghal itong Best Film sa Gabi ng Parangal ng MMFF. Bumalik ito sa mga sinehan. Pero hindi ito nawala sa Ayala Mall The 30th dahil may popular perception na pangsosyal ang pelikulang ito at siyempre di mawawala sa sosyal na mall. Nagulat ako at ang ganda pala ng sinehan doon. Maluwag ang mga upholstered na upuan at puwede kang sumayaw sa lawak ng leg room. Puwede mo pang i-extend ang upuan at parang nakahiga ka na talaga. Parang nasa bahay ka lang! Masama kasi sana ang loob ko na magbayad ng PhP400 dahil iniisip ko ang aking FG2018.

In fairness, dahil sa mahika ng bandwagon effect ng Best Film award, medyo marami na ang nanonood. Siguro naintriga sila. Sa aking tabi, may chubby na magkasintahan. Siguro in their late 20s sila. Malaki ang baon nilang popcorn at inumin. Mukhang mga geek na yuppie dahil pareho silang nakasalamin. Kaya lang, pagkaupo nila habang kumakain at naghaharutan ay nakatutok sila sa kanikanilang cellphone. Talking about multi-tasking!

Pagdilim ng sinehan at pag-umpisa ng pelikula, para akong nag-e-ecstasy uli. Gustong-gusto ko kasi talaga ang pelikula. Hayun, habang kumakanta na sina Bitoy, Paula, at Candida, nararamdaman kong hindi na mapakali ang dalawa. Nang lingunin ko, nagtitinginan sila habang hawak-hawak ang kanilang cellphone. “Bakit ganito ‘to?” tanong ng lalaki. “Ewan ko nga e,” sagot ng babae. Sa mukha nila, parang nawiwirduhan sila sa pelikula. Siguro dahil kumakanta ang mga karakter at period film pa pala?

Natawa ako. Naisip ko, ilan kaya ang mga tulad nila na batong-bato ngayon sa panonood ng Ang Larawan sa mga sinehan sa buong bansa? Itinanghal kasing Best Film kaya siguro akala nila para itong Sisterakas o Enteng Kabisote. Pero parang naaawa rin ako sa kanila. Ang mahal pa naman ng binayad nila. Sa kalagitnaan ng pelikula nang muli ko silang lingunin, nakangangang natutulog ang lalaki. Si babae naman, engrossed na engrossed sa kaniyang cellphone habang nilalantakan ang kanilang popcorn. Nang patapos na ang pelikula, naka-holding hands na silang natutulog. Oh how sweet! Talagang bagay sila. Ang sarap naman kasi talagang tulugan ang mga upuan doon.

Bilang guro naisip ko, mahirap siguro talagang ma-appreciate ang mga pelikulang gaya ng Ang Larawan kung di ka nagbabasa. Bagamat tight naman ang kuwento ng pelikula kahit di mo nabasa ang A Portrait of the Artist as Filipino ni Nick Joaquin, makatutulong  pa rin sa appreciation ng pelikula kung nabasa mo ito. Lalo na kung nabasa mo rin ang mga maikling kuwento ni Joaquin, ang mga libro niya tungkol sa Maynila, sa Intramuros, at ang nobela niya. Staple naman sa mga textbook ng Philippine Literature ang “May Day Eve” at “The Summer Solstice.” Pero tamad na kasing magbasa ang mga estudyante ngayon. Parusa na para sa kanila ang magbasa ng maikling kuwento. Ang reklamo nila palagi, ang haba raw. Mukhang status update na lamang sa Facebook o post sa Twitter ang gusto nilang basahin.

Sa CR sa labas ng sinehan may dalawang guwapong Tsinoy na nag-uusap sa harap ng salamin. “Naintindihan mo ba ang pinanood natin?” tanong ng isang kamukha ni Daniel Wu sa kasamang kamukha ni Dao Ming Shi. “Hinde,” nakangiting sagot ni Dao Ming Shi. Sabay silang tumawa at magkaakbay na lumabas.

Sekreto akong napangiti na parang si Paula kapag kaharap si Tony Javier na si Paolo Avelino naman talaga. Matanda ka na, Sirena, sabi ko sa aking sarili.

Pagkalabas ko ng CR, nandoon nakatayo sa lobby ng sinehan ang chubby na magkasintahan. Tulala pa rin sila at mukhang litong-lito matapos “manood” ng Ang Larawan. Parang hindi na nila alam kung ano ang susunod nilang gagawin doon sa sosyal na mall.

 

Enero 8, 2018
De La Salle University

 

Ang Larawan ng Pelikula Bilang Filipino

DALAWANG beses kong pinanood ang pelikulang Ang Larawan at nagpaplano pa akong panoorin uli ito. Sana magkaroon agad ito ng DVD upang paulit-ulit ko pang panoorin.

Halos memoryado ko ang mga kanta sa pelikula sapagkat nang itinanghal ito sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas noong 1997, may nagregalo sa akin ng CD nito at naging paborito kong pakinggan. Kayâ habang nanonood ako sa sinehan, pinipigilan ko ang sariling kumanta kagaya nang manood ako ng pelikulang Les Misérables.

Dahil isang musical talaga ang sinulat at dinirehe ni Rolando Tinio noon, inip na inip ako kung bakit hindi kaagad kumakanta si Bitoy sa umpisa ng pelikula. Naging mala-sarsuwela kasi ang porma ng pelikula na tama lang naman dahil kung kakantahin ang lahat ng diyalogo ay malamang aabutin ng tatlong oras ang palabas, na wala akong problema subalit malaking problema ito sa iskedyul ng screening ng mga sinehan. Makasasama ito sa pagnenegosyo nila. Tandaan natin, negosyo ang pelikula kung kayâ “showbiz” ang tawag nila rito.

May mga pasaringan pa sa social media nang i-pull out sa mga sinehan ang Ang Larawan sa ikalawang araw pa lamang ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2017 at marami ang nagrereklamo at nagmumura kung bakit ang magandang pelikula pa ang na-pull out at ang mga walang kuwenta ang naiiwang palabas. Ang ganitong mga reklamo ay elitist daw ang pananaw. Lalo raw lumalaki ang pagitan ng mayaman at mahirap sa lipunang Filipino.

Siyempre obvious naman ang rason kung bakit gin-pull out ito agad. Mas pinipilahan ang mga walang kuwentang pelikula. Nagnenegosyo ang mga mall at sa pagnenegosyo mas mahalaga ang kita at dedma na ang sining. May nagpost pa nga na kung gusto raw ng mga elitist, gumawa na lamang sila ng sarili nilang festival ng mga art film at huwag nang pakialaman ang MMFF na pangmasa.

Nakakatawa ang ganitong mga pronouncement dahil alam mong isang ihip lang ng common sense ay mawawasak na ang kanilang mga argumento. Halimbawa ay ang akusasyong elitist ang Ang Larawan at ang may mga gusto nito ay elite lamang. Nahiya naman ako na tawagin ang sarili kong elite. Saka, bakit parang sigurado sila sa kanilang mga claim?

Ano kayâ ang di masasakyan ng masa sa pelikulang Ang Larawan? Kuwento ito ng magkapatid na matandang dalaga—sina Candida at Paula Marasigan—na bagamat dating marangya ay mahirap na ngayon. Di nakakabayad sa bills nila at isa sa pinakakinatatakutan nila ay ang maputulan sila ng koryente. Ang maputulan ng koryente ay problemang masa.

Kung ang isang manonood ay mahirap, hindi ba makikita niya sa pelikula ang mga rason kung bakit siya naghihirap? Halimbawa ang mga mayamang karakter sa Ang Larawan ay wala naman talagang pakialam sa mahihirap. Ang mga tulad ni Doña Loleng na asawa ng isang senador ay wala namang inaatupag kundi ang magpatahi ng damit at dumalo ng mga sayawan. Sina Pepang at Manolo Marasigan ay abala rin sa pagmamadyong at pagkakarera, at dahil walang pera ang dalawa nilang kapatid na sina Candida at Paula ay aalilain na lamang nila ang mga ito. Maiisip ng isang mahirap na manonood, bago mag-Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay ganito na pala ang mayayaman. Hanggang ngayon ay ganito pa rin ang karamihan sa kanila—makasarili at walang pakialam. Malay natin biglang maisip ng isang mahirap na manonood na mali ang ganitong kalakaran, na dapat itong baguhin, at paano kayâ ito mababago? Sabi nga ni National Artist Bienvenido Lumbera sa kaniyang librong Re-Viewing Filipino Cinema, “[H]indi libangan lamang ang sine. Isa rin itong eskuwelahan.”

Ang pagdating ng digmaan ang historical backdrop ng kuwento ng A Portrait of the Artist as Filipino ni National Artist Nick Joaquin na pinagbasehan ng Ang Larawan ng isa pang National Artist na si Tinio. Sa mga giyera at iba pang sakuna, natural man o kagagawan ng tao, ang mga mahirap lamang tulad nina Candida at Paula ang matatamaan nang bongga. Ang mga mayaman, madaling maka-survive at maka-recover. Halimbawa sa giyera sa Marawi, kung Mëranaw ka at may mansiyon naman sa Iligan, o Cayagan de Oro, o dito sa Maynila, hindi gaano ka saklap ang pagkawasak nitong lungsod. Kahit sa mga bagyo at baha, ang mga dukha lamang ang nagtitiis sa mga tent at mga siksikang klasrum. Nagho-hotel o nakikitira sa mayaman din nilang kamag-anak ang mga biktimang mayaman. Ganun lang ‘yun at maaaring ituro ang katotohanang ito ng mga pelikula gaya ng Ang Larawan.

Hindi kalabisan na masyadong mataas ang ini-expect ko sa MMFF. Ang karamihan kasi sa mabababaw na argumento ng mga nagtatanggol sa mga walang kuwentang pelikula sa MMFF, Pasko lang daw kasi may ekstrang pera ang mahihirap at gusto lang nilang magrelaks at mag-enjoy kahit sa loob lamang ng dalawang oras ng panonood ng pelikula halimbawa nina Vic Sotto, Kris Aquino, at Vice Ganda. Gusto lang nilang matakasan pansamantala ang mahirap na buhay.

Stop me! As in tigilan ako. Bukod sa nakaiinsulto ito sa mga mahirap dahil tahasang sinasabi na mababaw sila at walang taste, duda ako kung káya nga ng mga mahirap manood ng sine gayung PhP250 ang pinakamurang tiket sa takilya. Ang totoo niyan, ang gitnang uring mahilig mag-fantasya ang mayoryang audience ng MMFF. Hindi naman nanonood ng pelikulang Filipino ang mga elite, nababaduyan sila. Saka isa pa, ang mga totoong mayaman ay hindi naman talaga makapag-MMFF dahil nasa abroad sila o nasa Boracay at Balesin during Christmas break.

Matagal na ang MMFF at maraming magaling na pelikula ang unang itinanghal sa festival na ito. Nitong mga nakaraang taon, bumubulusok ang kalidad ng mga kalahok na pelikula. Sabi nga ng isang kaibigan kong direktor, nagiging “festival of idiots” na ito.

Bilang guro, masaya ako sa Ang Larawan dahil nadagdagan na naman ang mga pelikulang Filipino na magagamit ko sa klase. Parusa kaya sa mga estudyante ngayon ang pabasahin sila ng mga tekstong pampanitikan kasama na rito ang A Portrait of the Artist as Filipino ni Nick Joaquin. Kaya nga matagal ko nang hindi ginagamit sa klase ang tekstong ito dahil mukhang ako lang mag-isa ang nag-e-enjoy. Pero matapos kong panoorin ang pelikulang ito, kating-kati na akong ituro muli ito ngayong papasok na termino.

Ang dalawang pelikulang paulit-ulit kong ginagamit sa klase ay ang José Rizal ni Marilou Diaz Abaya at ang Dekada ’70 ni Chito Roño. Ang José Rizal ay nanalong Best Picture noong 1998 at nanalo namang Second Best Picture ang Dekada ’70 noong 2002. Ang mga pelikulang ito ang mga sukatan ko kapag nagre-review ako ng mga palabas sa MMFF.

Bilib ako kina Celeste Legaspi at Rachel Alejandro na nagsumikap upang mabuo ang pelikulang ito. Ang malasakit nila bilang mga artista at prodyuser ng orihinal na teatrong musical na Filipino ay nasa pelikula na ngayon. May isa pang musical si Alejandro na paulit-ulit kong pinapakinggan ang double cassette tape nito noon—ang Alikabok. Sana gagawin din nilang pelikula ito.

Ang galing ng lahat ng mga nagsiganap sa pelikula. Hindi kataka-taka na nanalo ng Best Actress si Joanna Ampil sa Gabi ng Parangal. Ang breakdown scene niya nang malaman nilang hindi pala sila naputulan ng koryente kundi dahil may practice black out lamang bilang preparasyon sa napipintong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay sa tingin ko pinakamagaling na breakdown scene sa pelikulang Filipino. Nakakatakot na Tony Javier si Paulo Avelino. Ang guwapo niya kasi at bumagay sa kaniyang papel ang medyo sintunado niyang pagkanta. Para talaga siyang demonyo habang nilalandi niya si Paula at hindi masisisi si Paula kung bibigay siya. Nakatutuwa rin sina Cris Villonco bilang Susan at Aicelle Santos bilang Violet at muntik ko na silang di makilala dahil mukha talaga silang mga gagang artista ng bodabil. Walang duda ang pagiging versatile na aktor ni Nonie Buencamino bilang Manolo. Needless to say, ang poging Bitoy Camacho si Sandino Martin na sensitibo rin ang pagganap.

Ganito pala ang resulta kapag ang dalawang henyo na mga Pambansang Alagad ng Sining ang magsanib ng werpa: isang petmalung pelikula! Napapanahon nang hirangin na rin bilang National Artist si Ryan Cayabyab at maihanay na siya kina Nick Joaquin at Rolando Tinio.

Siyempre hindi perpekto ang Ang Larawan. Wala naman kasing perpekto sa mundong ito. Halimbawa, mukhang masyado nang matanda na si Zsa Zsa Padilla para sa papel na Elsa Montes at mukhang hirap pa siyang sumayaw. Pero madali ko itong mapalampas dahil si Padilla ang Paula sa entablado at isang pagsaludo na lamang ang paglabas niya sa pelikula ito. Sana hindi na rin ipinakita ang mukha ni Don Lorenzo el Magnifico sa katapusan ng pelikula. Sana tulad ng kaniyang ipinintang larawan, hindi rin siya makikita ng mga manonood. Sa dula kasi ni Joaquin, nasa 4th wall ang larawan, ang imaginary na dinding sa pagitan ng entablado at manonood. Kayâ nga medyo napangiwi ako nang medyo nakita ang larawan sa isang eksena. At muli, dahil halos kabisado ko nga ang bersiyong musical, bitin na bitin ako sa finalé. Mahaba ang kantang ito pero sa pelikula naging isang saknong lamang! Que horror! Mga maliit na bagay lamang ang mga ito kung tutuusin. Hindi kabawasan ang mga ito sa pagkadakila ng pelikula.

Ang pelikulang Ang Larawan ang dapat na maging larawan ng tunay, maganda, nakaaaliw, at makabuluhang pelikulang Filipino.

 

Enero 3, 2018
Rosario, Pasig

Ang Tula Kong “Panti at Bra”

May isang taga-Mindanaw at isang taga-Sentral Luzon ang nag-PM sa akin sa Facebook na nagtatanong kung saan makakuha ng kopya ng tula kong “Panti at Bra.” Tatalakayin daw nila sa kanilang klase.

Ang tulang ito ay bahagi ng koleksiyon kong “Ako’y Isang Ina, Etsetera” na ginawaran ng Cultural Center of the Philippines Literature Grant noong 1993. Nasa ikatlong taon ako sa kolehiyo noon sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo. Dalawampung taong gulang lamang at nag-uumpisa pa lamang dumalo sa mga palihan na ibinibigay (nang libre) ni Leoncio P. Deriada noon. Estudyante kasi ako noon ng B.S. Biology sa San Agustin at nagka-cutting classes ako para lamang pumunta sa opisina ni Dr. Deriada sa University of the Philippines Visayas sa Lungsod Iloilo upang magpabasa sa kaniya ng mga bagong tula na sinulat ko.

Si Dr. Deriada siyempre ang nagtúlak sa akin na magsumite ng entri para sa CCP Literature Grant. Nang manalo ako noon, hindi ko maintindihan kung bakit. Pero siyempre masaya ako dahil may premyo itong PhP15,000 at may streamer pa sa pader ng San Agustin na inaanunsiyo sa buong mundo ang pagkapanalo ko. May pera na, sikat pa. Well, ito ang feeling ko noon.

Sa pagkaalala ko, nasa Kinaray-a ang orihinal nitong tula. At parang nalathala sa magasing Hiligaynon. Oo, pinapablis noon sa Hiligaynon ang mga tulang Kinaray-a ko. Hiligaynon ang unang nagpablis ng mga akda ko. Naalala ko, napasigaw at napasayaw ako sa saya sa bordinghaws namin sa Iloilo nang una kong makita ang tula at pangalan ko na nakaimprenta sa pahina ng isang magasin.

Nang binubuo ko na ang koleksiyon ko para sa CCP, isinalin ko sa Filipino ito upang isama. Mga tula kasi tungkol sa mga isyu ng kababaihan ang koleksiyon ko.

Nalathala ang “Panti at Bra” sa libro kong Babaye: Mga Tulang Filipino, Hiligaynon, at Kinaray-a (Libro Agustino, 2004) na matagal nang out of print kung kayâ naisip kong i-post ito rito sa aking blog para hindi na mahirapan ang mga naghahanap.

Flattered siyempre ako na may mga klase palang gumagamit ng aking tula. Pero parang naaalangan din ako dahil lumang tula na itong “Panti at Bra” at kay bata ko pa nang sinulat ko ito. Sa tingin ko, marami na akong ibang tula na mas karapatdapat gamitin sa mga klasrum.

Henewey, hindi ko naman klase iyon. (Saka kung klase ko iyon, hindi ko gagamitin ang sariling akda. Isang personal na paninindigan.) Kayâ, for whatever it’s worth, ina-upload ko rito sa aking blog ang tulang ito.

Panti at Bra

Sige lang, nay
kung wala kang datung
na ipabaon sa akin
pabalik sa eskwelahan
okey lang yan, nay
ititinda ko na lang
ang aking pinakaingat-ingatang
panti at bra.

sus, si nanay, oo
sige lang
ibili lang iyan
ng isang pirasong pinakas
at isang hakup
ng bigas
para me kakainin kayo
sa loob ng isang semana.

sige, nay
aalis na ako
kasi magtitinda pa ako
ng aking panti at bra
para hindi mahinto
sa pag-eskwela.

sus, si nanay naman, oo
lunukin mo
ang iyong mga luha,
ayokong
magbaon niyan.

Simbang Gabi sa La Salle

PUNÔ ng mga puting bituin ang buong kampus—nasa mga damo, nakasabit sa sanga ng malalabay na punongkahoy, nakasabit sa kisame ng mga pasilyo, at nagpapalamuti sa higanteng Christmas tree sa harap ng Henry Sy Sr Hall. Sa tabi nito, ang malalaking letrang puti rin na bumubuo ng katagang PEACE.

Kapayapaan ang tema ng selebrasyon ng Pasko sa DLSU ngayong taon. Siguro bilang tugon sa magulong politika ng bansa ngayon, sa libo-libong EJK, sa katatapos pa lamang na giyera sa Marawi, sa Martial Law sa Mindanao, sa nanganganib na giyerang nukleyar sa North Korea, sa kalunos-lunos na kalagayan ng mga Rohingya sa Myanmar at mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya, sa mga terorismo sa Europa, sa kaguluhan sa Jerusalem dahil sa iresponsableng presidente ngayon ng America.

Kayâ kapayapaan para sa Filipinas at sa buong mundo ang panalangin ko habang nagsisimbang gabi sa Cory Aquino Democratic Space sa La Salle. Pang-Miss Universe man ang peg ay pinanindigan ko na. Makasalanan man ang puso ko’t isipan (pati ang seksi kong katawan), kapal mukha ko pa ring hiniling sa Panginoon na biyayaan ng kapayapaan ang buong daigdig ngayong Pasko. Napapangiwi nga lang ako sa koro ng entrance hymn na “Rejoice, rejoice, rejoice oh Israel / To thee shall come Emmanuel.” Umaalingawngaw talaga sa isipan ko ang tanong na, “Paano ang Palestine?” Mabilis ko ring sinasabi sa sarili na, “Simbolismo ang tawag dyan, tanga!”

Masaya ako dahil magmula noong Disyembre 17 hanggang noong Disyembre 23 ay nakapag-Simbang Gabi ako. Well, hindi ko nakumpleto ang siyam na misa. Nakalimutan ko kasi noong Disyembre 16 at ngayong Disyembre 24 ay nandito na ako sa Pasig. Ang layo kasi ng bahay namin sa simbahan ng Rosario.

Naalala ko tuloy si Tita Neneng. Kung buháy lamang siya ngayon, matutuwa iyon kung magsi-Simbang Gabi kami tuwing umaga sa La Salle. Noong maliit pa ako sa Antique, palagi iyon nagsi-Simbang Gabi. Kung minsan nakakasama ako sa kaniya. Noong nasa Iloilo kami nakatira, nagsi-Simbang Gabi rin kami sa chapel ng University of San Agustin. Nitong nasa Pasig na kami, hindi na siya nakapag-Simbang Gabi dahil hindi kami pamilyar sa Rosario.

Gusto ko ang Simbang Gabi sa La Salle kasi simple at walang garbo. Naalala ko kasi sa San Jose Cathedral sa Antique, pabonggahan ang mga offering. Pabonggahan din ang mga damit ng mga local elite at feeling elite. Buti na lang si Nanay kung magsimba noon ay naka-uniform siya ng blue na pang-novena niya kay Mother of Perpetual Help. Ang ayaw ko sa lahat ay kapag binabasa ang pangalan ng mga sponsor sa katapusan ng misa. Nagmumukhang cultural variety show ang Simbang Gabi.

Ang maganda pa sa Simbang Gabi sa La Salle, may munting agahan pagkatapos ng misa. Simple lamang pero masarap at nakabubusog sa kaluluwa dahil pagkakataon itong makita at mabati ang ilang kakilala habang kumakain ng goto, o kaya biko, o ensaymada at humihigop ng mainit na kape.

Bukás ang mga tarangkahan ng La Salle alas-singko pa lamang ng madaling-araw para sa lahat ng gustong magsimba, taga-La Salle man o hindi. Noong unang gabi nga, dinala ko pa ang ID ko dahil kailangang i-scan kapag pumapasok ng kampus. Aba, hindi pala kailangang magpa-scan ng ID para mag-Simbang Gabi. Very refreshing ito kapag naranasan mo nang pumasok ng La Salle na wala kang La Salle ID dahil para kang dumadaan sa immigration counter.

Nagsisimba siyempre ang mga La Salle Brother. Kapag nagsisimba kasi ay mahilig akong maupo sa harap. Nasa pangatlong row naman ako umuupo sa bandang kanan para mas malapit sa altar. Doon din umuupo ang mga brother. Noong ikalawang gabi, sa harap lang na upuan ko nakaupo si Br. Armin Luistro. Parang gusto kong magpakilala sa kaniya at sabihan siya ng, “Isa po ako, Brother sa mga biktimang guro ng K to 12 program ninyo.” Kaso baka sagutin niya ako ng, “O di ba mas masaya ka naman dito sa La Salle?” Na totoo naman. Inabandona ko na lamang ang aking balak dahil totoo namang hindi hamak na mas masaya ako ngayon sa La Salle. Bukod sa suweldo (na mahigit sa doble) ay nasa La Salle naman talaga ang mga matalik kong kaibigan. Marami rin akong masayang alaala sa La Salle bilang batang manunulat. Kayâ bulong ko na lamang sa aking sarili, “Move on na, Sirena. Move on. Forgive and forget. Kapayapaan para sa sandaigdig! I thank you!”

Kayâ sa pagsi-Simbang Gabi ko ngayong Pasko, wala akong hiniling na para lamang sa aking sarili. Bukod sa magandang kalusugan at ligtas na pamumuhay para sa aking kapamilya at mga kaibigan, world peace lang talaga ang hiling ko. Para sa aking sarili, taos na pasasalamat lamang sa Panginoon para sa mga biyayang natanggap nitong taong 2017. Alam ko kasing alam naman ng Diyos ang mga pangangailangan ko, ang mga gusto ko, ang mga pangarap ko. Mahirap man para sa isang siguristang tulad ko na ipasa-Kaniya na lamang ang lahat sa buhay ko, nananalangin ako na biyayaan niya ng ibayong kababaang-loob na tanggapin nang buong puso na ang kalooban lamang Niya ang dapat masunod.

Marami na akong unos, pagsubok, at kabiguang natamo sa búhay ko at palagi akong nakakabangon dahil ni minsan hindi ako pinabayaan ng Diyos.

Medyo jarring lang sa aking paningin ang malaking estatwa ni Mother Mary sa tabi ng entablado kung nasaan ang altar. Bongga kasi ang kaniyang kapa at sobrang laki ng kaniyang gintong korona. Mas gusto ko pa rin ang simpleng imahen niya. Simpleng babae lamang kasi siya na nagtiwala sa Diyos at pinakatiwalaan na maging ina ng Diyos. Siyempre reyna naman talaga siya. Reyna ng langit. Pero naiisip ko, mahalaga pa ba talaga ang mga korona, ang mga titulo, sa langit? Hindi ako sigurado kung natutuwa ba talaga si Mother Mary na overdressed palagi ang mga rebulto niya rito sa mundo.

Sa totoo lang nahihiya akong manalangin para sa kapayapaan dahil alam ko sa sarili ko na hirap akong magpatawad. Kayâ bukod doon sa kantang nagbabanggit ng Israel, napapangiwi rin ako kapag inaawit ang “Ama Namin” lalo na sa bahaging “Patawarin mo kami sa aming mga sala / Para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.” Sirena man ay tao pa rin ang puso ko’t isipan na hirap sa pagpapatawad lalo na kung ang nagkakasala sa akin ay di naman humihingi ng tawad at gumagawa pa rin ng masama sa akin.

Kayâ nahihiya akong tawagin ang sarili ko na Kristiyano. Madali lang kasing magsimba araw-araw, madali lang mag-Bible study o sumali sa mga prayer meeting. Madali lang mag-quote (o mag-misquote) ng Bibliya. Pero ang pangangatawanan ang pagiging isang tunay na Kristiyano ay napakahirap. Sa “Our Father” pa lang bagsak na ang Sirena.

Henewey, siguro ang pagiging Kristiyano ay isang layunin na panghabambuhay—isang patuloy na proseso ito na hindi madali sapagkat ito talaga ang nag-iisang tunay na layunin nating mga tao rito sa daigdig. Siguro parang pagiging makata rin ito. Sa bawat araw, sa bawat tula na sinusulat, natuto ka naman talaga kung ano ang tula at unti-unti mong nauunawaan ang halaga at kahulugan nito. Siguro parang pagbubuo rin ito ng bansa na isang di natatapos na proyekto subalit kailangang gawin dahil wala namang ibang alternatibo.

Paunti-unti, maaaring gawin. Halimbawa kaninang umaga habang nagkakape ako, naisip ko ang isang kaibigan na gin-unfriend ko sa Facebook dahil Dutertard at inaakusahan niya akong Yellowtard. Naisip kong batiin siya ng Merry Christmas dahil Pasko naman at nami-miss ko siya. Hayun, mabilis siyang sumagot at sinabing mas na-miss daw niya ako. Paakyat daw siya ng Baguio pagkatapos ng Pasko at bibilhan niya ako ng statis. Magla-lunch date kami bago matapos ang taon. Hapi ako.

Hindi man tuluyang magiging mapayapa ang buong daigdig ngayong 2017, walang mawawala kung ipagdasal natin ang kapayapaan. Magiging mapayapa rin ang lahat-lahat sa panahong itatakda ng Poong Maykapal.

 

[Disyembre 24, 2017
Rosario, Pasig]

Bakla Yata si Sharon Cuneta

MULI kong pinanood ang Tayong Dalawa at Una Kang Naging Akin ni Sharon Cuneta nitong nagdaang bakasyon sa Undas. Ang realisasyon ko this time, bakla yata si Sharon Cuneta. Baklang-bakla ang mga karakter na ginampanan niya sa dalawang pelikulang ito.

Ang panonood ng mga lumang pelikula ay isa sa mga bisyo ko kapag may ilang araw na bakasyon mula sa trabaho. Siyempre, dahil rabid Sharonian ako, di ako nagsasawa na paulit-ulit pinanonood ang mga lumang pelikula niya. Salamat at available ang mga ito sa DVD. Yes, nasa panahon pa ako ng DVD. Di pa nagmo-move on sa Netflix o pamimirata ng mga pelikula online.

Speaking of DVD ng mga pelikula ni Sharon, hanggang ngayon itinatago ko pa rin ang mga VHS tape ng mga pelikula niya. Siyempre mayroon din akong mga VCD. At kung cassette tapes ng mga kanta ni Sharon ang pag-uusapan, may laban itong koleksiyon ko.

Magkasunod kong pinanood noong besperas ng Undas ang Tayong Dalawa at Una Kang Naging Akin. In fairness, si Laurice Guillen pala ang nagdirehe ng mga ito. Kapag nanonood kasi ako noon ng mga pelikula ni Sharon sa sinehan, pakialam ko kung sino ang direktor o ang sumulat ng iskrip. Ang gusto ko lang mapanood si Sharon. Ni wala nga akong pakialam kung sino ang leading man niya. Si Sharon lang talaga ang concern ko. Bunos na lamang na palaging pogi at seksi ang mga katambal niyang lalaki. Sa dalawang pelikulang ito, si Gabby Concepcion ang katambal niya. Si Guillen ang direktor na isa sa mga pinakamagaling nating direktor ngayon. Ngayong siniseryoso ko na ang pagiging manunulat, natutuwa ako kapag nababasa ko sa iskrin na si Butch Dalisay pala ang sumulat ng kuwento at dulang pampelikula ng Tayong Dalawa at si Orlando Nadres naman ang sumulat ng dulang pampelikula ng Una Kang Naging Akin na base sa kuwento sa komiks ni Helen Meriz.

Samakatwid, big names larangan ng literatua ang nasa likod ng dalawang pelikulang ito ni Sharon.

Lumabas sa mga sinehan ang dalawang pelikulang ito noong 1991, nasa unang taon ako ng kolehiyo sa Lungsod Iloilo, at apat na taon matapos maghiwalay sina Sharon at Gabby.

Kadalasan, hindi masyadong nakikipaghalikan (“torrid kissing” ang tawag sa mga movie magazine na binabasa ko noon) o nakikipag-bed scene si Sharon sa mga leading man niya sa pelikula. Pero siguro dahil ex-husband naman niya si Gabby at ama ng kaniyang anak, bongga ang mga halikan at bed scene ni Sharon dito.

May tatlo o apat na bed scene yata sa Tayong Dalawa at kung makipag-lips to lips si Sharon kay Gabby ay wagas. Sa Una kang Naging Akin, gustong-gusto ko ang eksenang naka-itim na sarong lamang si Sharon at pinuntahan si Gabby sa kubo nito sa tabi ng dagat isang gabi at nagtsuktsak sila! Baklang-bakla ang eksena. May linya pa siyang, “Hinahanap kita. Kailangan kita.” Saka sa pagyakapan at halikan nila unti-unting lalakas ang kantang “Kung Kailangan Mo Ako” na si Sharon siyempre ang kumakanta. Ako namang si Gaga, kinikilig pa rin. Pakiramdam ko ako si Sharon.

Ang tsuktsakang eksenang ito sa kubo sa tabingdagat ay mapupunta sa eksena ng landian at suyuan sa dagat hanggang sa paglalakad na magkahawak-kamay sa dalampasigan habang papalubog ang araw. Ngayon, sinong bakla ang di madadala sa ganitong eksena?

Kung hindi ko lang alam na babae si Guillen, iisipin ko bakla ang direktor ng pelikulang ito.

Ang ganda-ganda ni Sharon sa Una Kang Naging Akin bilang si Diosa, isang pintor na nakatira sa isang isla sa Palawan dahil nabigo na siya minsan. Galit siya sa lalaki dahil ang dati niyang pilotong boyfriend ay may asawa pala sa isang bansa sa Europa. Nadiskubre na lamang niya ito nang mag-crash ang eroplano ng boyfriend.

Isang araw, umuwi ang marine biologist na ama ni Diosa sa isla na may kasamang pogi at seksing lalaki, si Darwin na si Gabby Concepcion siyempre. May amnesia ito at ang totoo ay isang mayamang negosyante na nag-crash ang helicopter sa isang gubat sa Palawan. Inalagaan siya ng mag-anak na Batak hanggang sa lumakas. Tinulungan nito ang ama ni Diosa nang maagawan ng bag sa bayan. Pero dahil nga galit sa mga lalaki si Diosa, galit siya siyempre kay Darwin. Ayaw niyang nakatira sa kanilang bahay ang poging lalaki.

Isang araw, habang nagpipinta si Diosa sa isang tagong puting dalampasigan, kinausap siya ni Darwin na may dala-dalang hunting shotgun at nahuli nitong malaking bayawak. Tinanong niya kung bakit galit si Diosa sa kaniya. Siyempre naimbudo si Diosa dahil naistorbo siya sa kaniyang pagpipinta. Iniligpit ang kaniyang mga gamit paminta at ang kanbas, at nag-walk out habang tinatalakan si Gabby ng, “You’re fake. You’re a liar! Niloloko mo lang kami,” tsu-tsu to that effect. At bigla siyang tinutukan ni Gabby ng baril. Ang buong akala ni Diosa, at kitang-kita ito sa reaksiyon ng mukha ni Sharon, babarilin siya ni Darwin. Pumutok ang baril. May nalaglag na may kalakihang python sa tabi ni Diosa. Nakalambitin pala ang sawa sa isang sanga ng kahoy kung saan siya nakatayo. Dahil doon, naging magkaibigan na sila. Pakiramdam ni Diosa ay iniligtas ni Darwin ang buhay niya. A little kindness from a boy, bitag ng pag-ipig para sa mga baklang marurupok ang damdamin.

Naisip ko lang, sana hindi totoo ang ahas at ang bayawak na pinatay sa pelikula. Buti noon hindi pa masyadong aktibo ang mga animal rights group. Naalala ko tuloy ang pelikulang Oro na noong nakaraang Metro Manila Film Festival ay nagkaroon ng malaking eskandalo ang eksenang may kinatay na aso.

Fast forward. Nagpakasal sina Diosa at Darwin kahit na may amnesia pa ang lalaki. Nabuntis si Diosa at sa araw ng panganganak niya, nadisgrasya ang bus na sinasakyan ni Darwin sa pagsundo sa doktor sa Puerto Princesa. Natauhan ito at naging si Nicholas Soriano Adriano III uli, umuwi sa Maynila, at pinakasalan ang fiancé nitong socialite na si Dawn Zulueta. Si Dawn ay isang “young patroness of art” na nangungulekta ng mga peynting ni Diosa. Binisita pa nga minsan ni Dawn si Diosa sa isla. Nang mag-attend si Diosa sa kasal nina Dawn at Darwin na si Nick na ngayon, sumamâ ang loob ni Diosa. Umuwi siya kaagad at umiyak nang umiyak habang kalong-kalong ang baby nila. Pinayuhan siya ng kaniyang matandang dalagang tiya na ginagampanan ni Charito Solis. Pinayuhan siya na awat na at mag-move on na dahil wala na si Darwin. Ayaw makinig ni Diosa. Gusto niyang ipaglaban ang karapatan ng anak niya. Heto ang sabi sa kaniya ng tiya, “Hindi ka pa ba nagsasawa sa mga kaguluhan sa buhay mo dahil sa mga lalaki?” Bakla lang ang pinagsasabihan nang ganito! Siyempre ang creative writing teacher in me nagtatanong, akala ko ba isang lalaki lang ang nanloko sa kaniya? Yung pilotong patay na?

Kinuha ng nanay ni Nick si Diosa na magpinta ng mga portrait nila. Hayun, nahulog ang loob sa isa’t isa nina Nick at Diosa at naging kerida ni Nick si Diosa. Ang love nest nila isang bonggang bahay sa Tagaytay over looking Lake Taal. Halikan galore uli doon. Henewey, nahuli sila ni Dawn at nagkaroon ng eskandalo kaya balik sa isla nila sa Palawan si Diosa. Sinundan siya doon ni Nick. Afterall may helicopter si Nick. Isang umaga, sumugod si Dawn at ginawang hostage ang anak ni Diosa. Matapos ng madramang eksena, sinundan pa ito ng mas madramang eksena nang sabihin ni Diosa kina Nick at Dawn na anak nila ni Nick na si Darwin noon si Darwin Jr. Pinakita rin niya ang wedding photos nila at marriage contract. Then, gaya ng lahat ng mga pelikula ni Sharon noon, bahagi ng kaniyang declamation piece sa katapusan ng pelikula ang pagsambit niya ng pamagat ng pelikula. Humahagulgol na sinabi niya kay Nick ang, “Una kang naging akin!” Purfect!

At dahil Sharon-Gabby movie ito, required siyempre na sila ang magkatuluyan sa huli. Dahil kung hindi, baka magkarebulosyon sa buong bansa na magsisimula sa mga sinehan sa mga key city ng Filipinas. Nang akala ng mga manonood at pati ni Diosa na sumakay sa helikopter si Nick kasama si Dawn at uuwi na sila ng Maynila, biglang tinawag ni Nick, ni Darwin, ang pangalan ni Diosa na nakatayo sa tabingdagat karga ang anak at pinanonood ang papalayong helikopter. Nagyakapan uli sila, naghalikan, at muli naging masaya at perpekto ang mundo hindi lamang ng pelikula kundi ng ilusyon din ng mga bakla at asal-baklang mga Sharonian sa buong uniberso.

Bakla rin ang karakter ni Sharon sa Tayong Dalawa. Siya si Carol na isang head ng marketing arm ng isang malaking kompanya. Nainlab siya sa isang nag-ayos ng coffee maker ng kanilang opisina na si Tonchie na si Gabby siyempre. Naalala ko tuloy ang kaibigan kong si Jigger kapag kinukuwento ko sa kaniya na may bago akong dini-date. Ang reaksiyon niya, “Ikaw talaga, you are really a real Augustinian. You have the heart for the poor and the marginalized!”

Pero hindi naman dito poor na poor si Tonchie. Mas poor lang siya kumpara kay Carol na isang executive. May kaunting minana naman si Tonchie ngunit ibinenta niya ito lahat at ibinili ng isang sail boat na ang pangalan ay Nirvana, hango sa pangalan ng bar kung saan nakilala niya at nagtatrabaho ang isang hostess na singer na ginagampanan ni Bing Loyzaga. Binatang ama si Tonchie at isang si Loyzaga ang ina ng anak niya. Iniwan sa kaniya ang anak dahil itong si singer ay kung minsan sa Japan kumakanta.

Hindi nakapa-graduate ng engineering si Tonchie dahil naging ama agad. Sa halip, nagraraket ito bilang tagapag-ayos ng mga appliances at kung ano-ano pa. Kayâ siya ang nag-ayos ng nasirang coffeemaker sa opisina nina Carol.

Henewey, nang malaman na ng mga tao sa paligid nila na magdwoya na sina Carol at Tonchie, ang unang na-shock siyempre ang donyang nanay ni Carol. Natuwa naman ang lola ni Tonchie at anak nito pero hindi hapi si Loyzaga kahit naman may kinakalantari na itong isang politiko. Sinugod nito si Carol sa opisina at ineskandalo. Hindi pa ito nagkasya at sinugod pa si Carol sa condo nito upang laslasin ang mukha. Lumaban siyempre na parang tigre si Carol. Ang eksena ng away nila ay eksenang away-bakla.

Siyempre, dahil Sharon-Gabby movie nga ito, sila pa rin ang nagkatuluyan sa katapusan ng pelikula kahit na sa totoong buhay ay magkahiwalay na sila. Nakakaloka di ba?

Kayâ siguro naging Sharonian ako dahil baklang-bakla ang mga karakter ni Sharon Cuneta sa mga pelikula niya. Hanggang ngayon, kahit nag-MFA na ako at may PhD in Literature na nga, at tumaas nang kaunti ang taste sa mga pelikula, paulit-ulit ko pa ring pinanonood ang mga lumang pelikula niya. Dedma na ako kahit na parang nawawalan ang saysay at niyuyurakan ang mga element of fiction na pinag-aralan ko. Hanggang ngayon, iniidolo ko pa rin si Sharon. E ano ngayon kung mataba siya? Mataba na rin naman ako ngayon!

Ngayong asawa na siyang ng isang senador, kung minsan naiisip ko rin, parang ayaw ko na sa mga high school graduate lamang. Parang gusto ko na rin ng isang senador na abogado at nag-masters sa Harvard. Ang mga high school graduate, palaging maraming pangangailangan. Sharonian yata ako and I deserve the best. Charot! Sabay sampal sa sarili nang tatlong beses.

 

[Nobyembre 2, 2017 Huwebes
Rosario, Lungsod Pasig]

Tikatik ng Ulan sa Yerong Bubong

NAHIDLAW pala ako sa lanton ng tikatik ng ulan sa yerong bubong.

Bisperas ng Todos Los Santos at tatlong araw na akong “nagbabakasyon” dito sa bahay namin sa Rosario, Pasig. Hindi naman talaga ito masasabing “staycation” dahil simula pa noong Setyembre ng nakaraang taon, doon na ako nakatira sa nirerentahan kong condo sa Taft Avenue sa tabi ng De La Salle University na pinagtuturuan ko ngayon. Parang iyon na ang tirahan ko sa ngayon.

Kada Linggo ng umaga na lamang ako umuuwi dito sa Pasig upang dalhin ang maruruming damit ko para malabhan at kunin naman ang malilinis kong damit. Linggo kasi ang iskedyul ng labandera namin. Kadalasan pagkatapos ng pananghalian ay bumabalik na ako sa aking condo. Marami kasing dapat gawin. Kailangang maglinis at mag-ayos nang kaunti sa condo. Kailangang mag-grocery para sa buong linggo. Kailangang mag-ayos ng mga damit sa aparador at mamalantsa kung kinakailangan. May mga papel ng estudyante na kailangan ko ring basahin at bigyan ng grado. Higit sa lahat, kailangan ko ng mga sandaling maupong nakatulala lamang para magkaroon ako ng lakas na harapin ang sandamakmak na trabaho sa loob ng linggo.

Nakakapaglagi lamang ako ng ilang gabi rito sa Pasig kung term break, lalo na kung Pasko at wala akong pupuntahang ibang lugar. Bakasyon ngayon para sa Undas kung kayâ nandito ako. Dito muli ako nagsusulat sa mesang-sulatan ko rito sa aking kuwarto. Nami-miss kong sumulat dito.

Maulanin ngayong linggo. May low pressure yata sa Kabisayaan. Papunta ang low pressure sa Palawan at pagdating daw nito sa Dagat Sulu, magiging bagyo ito sabi ni Mang Tani, ang resident weather forcaster ng GMA. Dalawang araw nang umuulan. Mahinang ulan lamang. Yung tinatawag nilang “binabaeng” ulan. May pagka-sexist lang kasi “lalaking ulan” siyempre ang malakas at “babaeng ulan” ang mahina. Sa gitna ng malakas at mahina naman ang “binabae” o “baklang ulan.”

Ang sarap maupo rito sa kuwarto ko at tumunganga habang pinapakinggan ang tikatik ng ulan sa aming yerong bubong at sa bubong ng kapitbahay namin. Marami akong dapat gawin—tatlong proyekto!—subalit tila ang tamad-tamad ko. Gusto ko lang tumunganga o magbasa. Kahapon nga, muli kong binasa ang nobelitang Death in Venice ni Thomas Mann. At kanina, pinanood kong muli ang dalawang lumang pelikula ni Sharon Cuneta—ang Tayong Dalawa at Una Kang Naging Akin.

Pagsasayang ba ito ng oras? Hindi naman. Feeding my soul ang tawag ko rito. Pinayayaman ko lamang ang aking damdamin at isipan. Mahalagang gawain kung kailangan kong magpatuloy sa pagsusulat.

Kanina, habang nakatunganga ako, pinapakinggan ko ang tikatik ng ulan. Nang mga sandaling iyon ko lang natanto na nahidlaw pala ako sa tunog ng ulan. Sa condo ko kasi, kahit malakas ang ulan, hindi ko naririnig ang tikatik nito. Kapag mahangin, medyo nababasâ ang bintana ko pero iyon lang. Kung minsan nagugulat ako na pagbaba ko at paglabas ng condo may baha sa Taft Avenue.

Sa condo natutulog ako na dinuduyan ng hagong ng lumang aircon. Nakakatulugan ko rin ang pakikinig sa eskandalosong pagbubusina ng mga dyip, bus, at motorsiklo na dumadaan sa harap ng aming condo. Ito ang rason kung bakit ako nag-i-aircon kahit na parang sapat naman ang lamig na dulot ng elektrikpan. Kung binubuksan ko kasi ang bintana sa aking kuwarto, ang ingay talaga ng mga sasakyan. Buong magdamag. Kapag malalim na ang gabi, tumitingkad ang ingay sapagkat tahimik na ang paligid. Kahit na sa ika-18 na palapag ako nakatira, parang nasa labas lang ng bintana ko dumadaan ang mga sasakyan.

Ito ang malaking pagkakaiba ng bahay namin dito sa Pasig at sa condong nirerentahan ko sa Taft bukod sa espasyo. Dito sa Pasig, tahimik kasi medyo looban kami sa aming cluster dito sa Flexi Homes. Wala akong naririnig na busina ng mga sasakyan dito.

Sabi ni Mang Tani, magiging maulan pa ang panahon sa loob ng dalawang araw. Dahil wala naman akong kailangang dalawin sa mga sementeryo dito sa Kamaynilaan, dito lang ako sa bahay.

Dalawang araw na maulan. Dalawang araw pa ako rito sa bahay namin sa Pasig bago bumalik sa Taft Avenue sa condo ko. Dalawang araw pa itong pagkakataon na tumunganga at makinig sa tikatik ng ulan sa yerong bubong. Kapag ganito, nagkakaroon ako ng pakiramdam na kuntento na ako sa aking buhay.

 

[Oktubre 31, 2017 Martes
Rosario, Lungsod Pasig]

Kasal/Sakal/Sambo at Ilang Tsenes Hinggil sa Same-sex Marriage

NOONG hapon ng Oktubre 24, 2017 naimbitahan ako na magsalita sa isang klase sa Theology hinggil sa same-sex marriage. May tatlong linggo na yata ang nakararaan nang kinumbida ako ni Tiffany Ko, isang advertising major, na estudyante ko sa creative writing. Dahil hindi ko mahindian ang paksa, agad kong tiningnan ang aking Paulo Coelho Planner at umuo nang makita kong wala pa akong nakaiskedyul na gagawin sa araw na iyon. Day off ko sana kapag Martes pero hindi ko pa rin palalampasin ang pagkakataong magsalita hinggil sa isang paksa na malapit sa aking puso. Salamat sa grupo ni Tiffany sa pag-imbita sa akin at sa kanilang guro na si Bb. Mylene Icamina ng Theology and Religious Studies Department na nang mag-usapa kami ay nadiskubre kong taga-Aklan pala ang mga magulang niya. Malapit ito sa Antique. Salamat sa buong klase na mukhang nakinig naman lahat sa akin. Ito ang binasa kong sanaysay nang hapong iyon.

***

LUMAKI ako na nakikita ang bestfriend ng Nanay ko na si Mama P. na may kinakasamang tomboy, si Tita S. May bahay silang yari sa kawayan at nipa sa lilim ng niyugan sa tabingdagat ng barangay namin sa Maybato sa Antique. Tambayan iyon ng ina ko lalo na’t pagkatapos ng pananghalian. Pag-uwi ko mula sa eskuwelahan, sa Assumption mind you, kapag wala si Nanay dali-dali akong bibihis at magpapahatid sa kasambahay namin papunta kina Mama P.

Nagluluto si Mama P. ng maruya o kaya ng ginataan na itinitinda niya sa isang tolda sa harap ng kaniyang bahay. Nadadatnan ko sila palagi doon ni Nanay na nag-uusap ng tungkol sa kung ano-ano at kahit ganoon sila sa lahat ng araw ng ginawa ng Diyos, tila hindi sila nauubusan ng pinag-uusapan. Siyempre, nakikinig ako sa tsismisan nila habang nilalantakan ang maruya o ginataan, dapende kung ano ang niluto ni Mama P. nang araw na iyon.

Second cousin ng tatay ko si Mama P. Sa baryo naman namin sa Maybato, halos magkakamag-anak ang mga tao. Ang nanay ko taga-Davao del Sur. Dayo siya roon at ang naging matalik niyang kaibigan ay si Mama P. Kapitan ng barko ang ama namin at palaging nasa biyahe abrod. Sa tingin ko palaging nalulungkot si Nanay kung kayâ doon siya palagi nagtatambay kina Mama P.

Parehong maingay sina Nanay at Mama P. Parang kanyon ang mga bunganga. Ang tataray at tatapang nila. Kawawa ang kung sino man ang aawayin nila.

Tahimik naman ang tomboy na si Tita S. Tagakabilang baryo ang pamilya nila at malayong kamag-anak din namin. Isa siyang magsasaka. Maliit siya kung tutuusin kaysa kay Mama P. na medyo tabain. Buong araw ay nasa palayan siya kung kayâ sunog sa araw ang kaniyang balat. Siya ang nagsasaka ng palayan ng kanilang pamilya. Takipsilim na kapag umuuwi siya akay-akay ang kaniyang kalabaw na itinatali niya sa isang puno ng niyog malapit sa kanilang kusina. Kadalasan papalubog na araw kung uuwi kami ni Nanay. Bilang paalam ay nagmamano ako sa kanilang dalawa.

Alam ng buong baryo na nagsasama sina Mama P. at Tita S. bilang mag-asawa. Alam din namin itong magpipinsan. Pero parang hindi ito naging isyu sa pagkakaalam ko. Awtomatikong tanggap namin lahat na ang bána, Bisaya para sa husband, ni Mama P. ay tomboy o ang tawag namin sa Kinaray-a, lakin-ën o “babae na parang lalaki.” Wala naman kaming narinig na masamang sinabi tungkol sa relasyon nila mula sa mga nakakatanda sa amin. Lalo na sa Nanay ko. Parang wala lang na ang asawa ng bestfriend niya ay tomboy.

Tumanda sina Mama P. at Tita S. na mag-asawa. Hanggang ngayon, kahit na paulit-ulit nang naso-stroke si Tita P. ay magkasama pa rin sila. Ang nanay namin, noon pang 2007 pumanaw. Nang huli akong umuwi sa amin may dalawang taon na nakalilipas, medyo mabagal nang kumilos si Mama P. dahil nagpapagaling sa una niyang stroke. Parang nabawasan ang kaniyang tapang at katarayan. Naglambing pa nga siya sa akin at humingi ng electric fan at pambili ng maintenance medicine.   Ngayon kapag nagkakasakit siya, ang mga pamangkin niya ang tulong-tulong sa pagpapagamot at pag-aalaga sa kaniya dahil wala naman siyang anak. Mayroon silang adopted na batang babae subalit ipinadala niya ito sa Maynila sa kaniyang kapatid nang palagi na siyang nagkakasakit. Mabuti at ang bahay nina Mama P. ay napapalibutan ng mga bahay ng mga pamangkin niya. Si Tita S. naman ay nagsasaka pa rin. Noong bumibisita pa ako sa farm namin, kung minsan nakakasalubong ko siya sa pilapil o nadadaanan na nakayuko at tinatanggal ang mga ligaw na damu sa tanim niyang palay.

Ngayong malaki na ako at bilang manunulat ay kilala nang “gay writer” at nagpapakadalubhasa rin sa panitikang gender-based, gusto ko sanang lalong mas maintindihan ang buhay mag-asawa, ang buhay pag-ibig, nina Mama P. at Tita S. Gusto ko sana silang interbyuhin pero di ko magawa. Hindi ko alam kung takot ba ako o nahihiya na tanungin si Mama P. tungkol sa kaniyang love life. Siguro wala lang talaga akong aesthetic distance para magawa ang proyektong ito. Iniisip ko, susulat na lamang ako ng nobela at doon maaari ko silang ilagay. Puwedeng isang tsapter o mahigit pa.

Ngayon nauuso na ang pag-uusap hinggil sa same-sex marriage lalo na kapag may mga bansang nagiging legal na ito tulad halimbawa nitong mga nakaraang taon tulad sa Ireland, Estados Unidos, at Germany. Dito nga sa atin sa Filipinas may pending na rin na bill sa Kongreso hinggil dito.

Para sa mga may gusto ng same-sex marriage, malaking balakid ang pagiging Katoliko at Islam ng karamihan sa ating mga Filipino. Kasalanan sa parehong relihiyon ang homoseksuwalidad. Kasalanang mortal na nga ang makipagtalik sa pareho mong lalaki o babae e ang pagpapakasal pa kayâ?

Naalala ko noong 1995 nang mag-aral ako ng MFA Creative Writing dito sa La Salle may isang lesbiyanang faculty sa Literature Department na nagpakasal sa isang lesbiyana ring faculty ng Physics Department. Iniimadyin ko, siguro nagkita sila sa CR isang araw at walang magawa si Kupido at pinana ang kanilang mga ano! Joke ito siyempre. Nang mga panahon kasing iyon, parehong nasa William Hall ang mga faculty room ng College of Liberal Arts at College of Science.

Sa Ilustrado Restaurant sa Intramuros ang kanilang kasal. Naging ninong pa yata ang mga guro kong sina Isagani R. Cruz at Cirilo F. Bautista. May isang matandang dalagang guro na prim ang proper ang nakita kong nag-blush nang matanggap ang wedding invitation. Sabi niya, “My God, this is the first time that I was invited to a lesbian wedding!” Sa pagkakaalam ko, umattend din siya.

“Puwede pala iyon? Magpakasal ang mga tomboy?” tanong ko sa mga kaibigan kong batang baklang guro (Siyempre, dyonda na rin sila ngayon.) sa Literature Department. Fresh from the province kasi ako no’n, batam-bata pa, at para sa akin ay kamangha-mangha iyon. “Siyempre it is not legal. It’s just a ceremony, a celebration,” paliwanag ng isa sa akin.

Ang isa pang kinamamanghaan ko, pinapayagan ang ganoon dito sa La Salle. Kayâ masaya at proud ako na dito ako nag-graduate school sa La Salle. Masaya at proud din ako na dito na rin ako nagtuturo ngayon. Kahit Katolikong unibersidad tayo, hindi tayo parochial. Halimbawa noong 1995 din, itinuturo na rin ng Literature Department ang kursong GALELIT o Gay and Lesbian Literature. Sa buong Filipinas, University of the Philippines Diliman at DLSU lang ang gumagawa nito.

Noong una kong Holy Week dito sa La Salle, siguro April 1996 iyon, namangha rin ako nang mabasa ang poster ng Harlequin Theatre Guild. Holy Monday at Holy Tuesday ay tatlong gay one-act plays ang kanilang ipalalabas. Siyempre nanood ako at doon ko nakita si Wanggo Gallaga, na freshman pa lamang noon, na naliligo (na hubad siyempre) sa stage sa Willam Shaw Theater sa isang dula. Very progressive! Very radical! Yes, I’m in the right university! Sabi ko sa sarili ko. Ito ang panahon na si Br. Andrew Gonzalez, FSC and presidente ng DLSU. Malawak ang kaniyang pang-unawa dahil isa siyang lingguwist at mapagkalinga sa literatura at malalayang sining. Kung para sa inyo ngayon ang Andrew ay isang building na pila sa elevator, para sa akin ay boss siya namin noon sa De La Salle University Press na binibigyan lagi kami ng UAAP tiket kapag may laro ang Green Archer sa Araneta Coliseum.

Noong 2008, itinanghal din ng Harlequin Theatre Guild ang gay full-length play ko na Unang Ulan ng Mayo. Puno palagi ang mga palabas nila dahil maraming Lasallian ang gustong manood ng dalawang lalaking naghahalikan. Apat na taon na itinanghal ng Harlequin ang dula kong ito.

Ganito tayo sa La Salle. Malawak ang pananaw sa buhay, lalo na sa mga isyung LGBT. Halimbawa, kung titser ka rito at aminin mo na bading ka o lesbiyana, hindi ito magiging dahilan na matanggal ka sa trabaho. Ngunit hindi La Salle ang buong Filipinas. Konserbatibo pa rin ang karamihan sa ating mga Filipino. Ang mga arsobispo natin ay napapa-susmaryahusep pa rin kapag tinatanong tungkol sa posibilidad ng same-sex marriage.

Palagi ko ngang sinasabi, mas naging konserbatibo pa tayo kaysa mga taong nagdala ng Katolisismo dito sa atin. Huwag nating kalimutan na ang Katolisismo ay hindi katutubo sa atin. Dinala lamang ito ng mga Kastila sa atin, epekto ng kulang-kulang sa apat na siglong kolonyalismo na sinundan naman ng kolonyalismong Americano na nagdala ng mas koserbatibo na relihiyong Protestante. Ngayon tingnan natin, ang Espanya, noong 1995 pa may same-sex marriage sa kanila. Tingnan natin ang Estados Unidos, noong nakaraang taon pa nagsabi ang kanilang Korte Suprema na ang kasal ay karapatan ng lahat pati ng mga homoseksuwal. Tayo, naiwan sa kangkungan ng konserbatismo.

Iniisip ko lang, naging mas masaya, mas maganda, at mas maayos ba ang pagsasama nina Mama P. at Tita S. kung ikinasal sila? Mas nagtagal kayâ sina Ms. Literature at Ms. Physics kung ligal ang naging kasal nila? Mayroon ba talagang forever para sa mga nagsasamang parehong lalaki at parehong babae kung may blessing ng estado ang kanilang pagsasama? Siyempre ang sagot ng mga bitter na katulad ko, wala naman talagang forever!

Ngayon kung tatanungin ninyo ako kung for o against ba ako sa same-sex marriage, na siyempre dahil bading ako, for ang aking awtomatikong sagot at siguro ito rin ang inaasahan ninyong sagot ko.

Pero ang talagang sagot ko ay ayaw ko sa same-sex marriage. Lalo na ngayong pinagmumuni-munian ko na ito. Ayoko ng kasal. Naniniwala ako na para lamang ito sa pagitan ng babae at lalaki. Isa itong sakramento sa konteksto ng isang relihiyon. Napakaheteroseksuwal nitong ritral. Ang gusto ko, domestic partnership na legal.

Ganito kasi iyon. Noong tag-araw ng nakaraang taon binisita ko sa Sweden ang kapatid ko at ang pamangkin kong si Juliet. Dalawang taon din siyang iniwan sa akin ng kaniyang ina sa bahay ko sa Pasig. Anim na taong gulang siya nang kunin at dalhin sa Sweden kung saan nakapangasawa ng isang Swede ang kaniyang nanay. Magpipitong taong gulang na siya last year nang bisitahin ko.

Isang hapon, habang naglalakad kami sa loob ng gubat ng mga pino at paminsan-minsan ay namumulot ng mga bluberi na agad kinakain namin, nag-usap kami ni Juliet.

“John, may sasabihin ako sa ‘yo pero sana huwag kang magalit.” John lang talaga ang tawag niya sa akin. Dalawa pa lamang ang mga pamangkin ko at iyon ang gusto kong itawag nila sa akin. Take note na sa Kinaray-a kami nag-uusap ni Juliet.

Tinanong ko siya kung ano ‘yon. Natawa ako na kinabahan. “John, puwede bang hindi ka na lang bakla,” sabi niya.

“Ha? Ang hirap naman niyang hinihingi mo, Be. Bakit naman iyan ang naisip mo? Sa Pasig pa lang tayo established na rin naman natin na bakla ako. Wala namang problema. Okey naman sa ‘yo,” sabi ko na medyo nagulat sa sinabi niya.

“Gusto ko sana kasi magkaroon ng tito na lalaki at hindi bakla,” sabi pa niya.

“Ha? Nandiyan naman si Tito Gary mo at si Tito Eric mo? Lalaki naman sila. Sila na lang. Bakit ako? Mako-confuse ako, Be kung bigla akong maging lalaki at hindi na ako bakla,” sabi ko. Si Gary ang nakababata kong kapatid at si Eric naman ang nakababatang kapatid ng Swedish niyang ama.

“Sige na nga, okey na lang din,” sabi niya na medyo malungkot. Niyakap niya ako at sinabihan ng, “I love you, John.”

Siyempre ang sagot ko, “I love you too, Bebe ko.”

“Sabagay,” sabi ni Juliet matapos niyang makapag-isip, “yung teacher nga naming babae, babae rin ang asawa niya.”

“Paano mo nalaman na babae rin ang asawa niya?” tanong ko at natawa ako bigla.

“Nakikita namin. Kapag hinahatid siya sa school sa umaga, naghahalikan sila—lips to lips—bago siya bumaba ng kotse,” sabi niya na hininaan ang boses na para namang may makakarinig sa amin sa gitna ng gubat. Maliban na lamang kung may tainga ang mga punong pino sa Sweden?

“Bongga,” sagot ko at patuloy na kaming naglakad ni Juliet na magkahawak-kamay.

Sa Sweden may tinatawag silang “sambo” na ang ibig sabihin ay “domestic partnership” o puwede ring simpleng pagli-live in lamang. Puwede i-formalize ang pagsa-sambo. Halimbawa sa pagpaparehistro ng sambo upang maging “registered partnership” required na pareho kayo ng address ng bahay na tinitirhan kasi nga sa iisang bahay kayo nakatira dapat. Maaari itong maging legally binding pagdating sa monogamy at mga property. Ang sambo ay maaaring sa pagitan ng babae at lalaki o sa pagitan ng lalaki at lalaki, at babae at babae. Noong 1994 ito inaprobahan ng kanilang Parlamento. Iba ito sa kasal. Klaro kasi sa Sweden ang separation of state and church. Noong 2009 lamang naging “gender neutral” ang kasal doon. Sweden ang pampitong bansa na legal ang same-sex na kasal. Ang mga nasa registered partnership ay maaaring magpakasal sa huwes man o sa simbahan kung nanaisin nila. Pero hindi na masyadong big deal sa mga taga-Sweden ang kasal.

Bilang isang bading, itong gender neutral na domestic partnership lamang ang gusto ko. Hindi para sa sarili ko sapagkat, well, I’m not the marrying type, kundi para sa mga may gusto nito. Legalidad kasi ang pinag-uusapan dito.

Halimbawa, may isang magdyowang bading—kunwari isang engineer at isang accountant—na magdadalawampung taon nang may relasyon. Siyempre magka-live in lang sila. Hindi legally binding. Si Engineer biglang nagkasakit. May AIDS. Siyempre nang malaman ng pamilya, shakelya sila. Hindi nila matanggap. Malala na ang sakit ni Engineer at nasa hospital na. Mukhang wala na ring pag-asa sabi ng mga doktor. Ngayon, nagdesisyon ang mga magulang at kapatid ni Engineer na kung wala na rin lang namang pag-asa na gumaling pa, ititigil na nila ang pagbibigay ng gamot dahil gagastos pa sila. Hintayin na lamang kung ano talaga ang kalooban ng Diyos. Ngayon, may pera naman si Accountant. Gusto pa ring ipagpatuloy ang pagbibigay ng gamot kay Engineer na parang asawa na talaga niya. Gusto niyang bigyan ng laban pa. Baka sakaling may himala. Sino ang susundin ng mga doktor sa hospital? Siyempre ang mga magulang at kapatid ni Engineer. Wala namang legal na relasyon sina Engineer at Accountant. Kahit sa pagkuha ng bangkay ni Engineer kalaunan sa morge ng hospital at ang paglilibing sa kaniya at ang pagmana ng kung ano mang ari-arian ang mayroon siya ay sa mga magulang at kapatid pa rin ang legal na karapatan. Backstroke si Accountant.

Samakatwid, walang legal na laban si Accountant dahil hindi naman sila kasal ni Engineer at wala ring legal na domestic partnership. Kahit na parang mag-asawa sila ay wala pa rin siyang legal na karapatan dahil parang mag-asawa nga lang sila.

Sa librong Same Sex Intimacies: Families of Choice and Other Life Expectations (New York: Routledge, 2001) nina Jeffrey Weeks, Brian Heaphy, at Catherine Donovan sinabi ng isang gin-interbyu nilang lesbiyana na si Martina na:

It’s about being a citizen. It’s about having full rights as a citizen really, and other citizens—every citizen has the right to certain things you know. It feels like, as lesbians, we haven’t got the right to, you know, publicly declare or have a state sanction for a relationship. So it feels like it’s almost depriving me of an aspect of my citizenship, really.

            Ang operative concept dito ay “equal citizenship.” Kaya ayaw ko sa same-sex marriage dahil may bagahe ito ng usaping moralidad, ng relihiyon. Kaya ang gusto ko ay same-sex domestic or registered partnership dahil usaping legal ito at ang saligan nito ay pagkakapantay-pantay nating mga Filipino sa batas ng ating estado.

Hanggang dito na lamang muna ang pagmumuni ko hinggil sa isyung ito ng same-sex marriage. Isa itong masalimuot na paksa lalo na sa ating mga Filipino. Ang mahalaga, iba-iba man ang paniniwala natin hinggil dito, kailangang handa tayong makinig sa isa’t isa at laging bukas ang puso natin at isipan upang sa pagdating ng panahon, mapagkasunduan natin kung ano ang makabubuti para sa ating lahat.

 

[Oktubre 24, 2017 Martes
Tore kang Katáw]