Pakikinig sa May-ari ng La Salle

“HABANG naghahayag lumalalim ang kaalaman. Habang nagpapaliwanag, lalong naliliwanagan. Habang nagbibigay-dunong, tumatanggap ng karunungan. Habang nagtuturo, lalong natututo.” Ito ang hiwaga ng pagtuturo ayon sa may-ari ng De La Salle University, ang ekonomistang si Dr. Tereso Tullao, Jr.

Noong Biyernes siya ang tagapagsalita namin sa pang-umagang sesyon ng aming ALDP (Academic Leadership Development Program) hinggil sa ministri ng pagtuturo.

Mahigit na apat na dekada nang nagtuturo si Dr. Tullao sa La Salle.

Noong 1996 habang nag-aaral ako ng MFA Creative Writing at nagtatrabaho bilang proofreader sa DLSU Press at research assistant ni Dr. Isagani R. Cruz, naririnig ko na ang pangalang Dr. Tullao na dekano na yata nang mga panahong iyon ng College of Business and Economics o tagapangulo ng Department of Economics. May mga libro na rin siya noon na inilalathala ng DLSU Press.

Kasama niya sa Society of Fellows ang mga guro kong sina Dr. Cruz, Dr. Cirilo Bautista, Dr. B.S. Medina Jr., at Dr. Marjorie Evasco. Ang mga sikat lamang, magaling, at respetadong propesor ang nagiging bahagi ng Society of Fellows sa La Salle.

Noon pa man, kilala ko na si Dr. Tullao bilang propesor sa La Salle na sumusulong sa paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo at wika ng pananaliksik. Masigasig siya sa pagsusulat ng mga libro sa ekonomiks sa Filipino tulad ng Tungo sa Patakarang Industriyal ng Pilipinas (DLSU Press, 1993). Noong 2012 sa kaniyang ika-60th na kaarawan inilunsad ng Opisina ng Presidente ng DLSU ang kaniyang ika-17 na libro, ang 25 Taon Tungo sa Intelektuwalisasyon ng Filipino: 25 Piling Sanaysay sa Ekonomiks na binubuo ng kaniyang mga propesoryal na panayam magmula noong 1987.

Kinuwento sa amin ni Dr. Tullao kung bakit sa wikang Filipino siya nagsusulat at nagtuturo, maliban na lamang kung nagtuturo o naglelektura siya sa ibang bansa. Kababalik pa lamang daw niya noon sa La Salle mula sa patuturo sa isang unibersidad sa China at nagkataong Linggo ng Wika. Napagkasunduan na ang gagamiting wikang panturo nang linggong iyon ay Filipino. May nagreklamo umano siyang estudyante kung bakit sa Filipino sila nagkaklase e nagbayad siya para sa Ingles. Nairita si Dr. Tullao at simula noon Filipino na ang ginamit niya sa klasrum lalo na sa kaniyang mga panayam propesoryal.

Nagsusulat at nagtuturo si Dr. Tullao sa Filipino kahit na magaling naman siyang mag-Ingles. Nag-aral siya sa Stanford University, The Fletcher School of Law and Diplomacy, at Tufts University sa Estados Unidos.

Sabi ni Dr. Tullao, gusto niya kasing makapag-ambag sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino. Impluwensiya umano ito ng mga mentor at kaibigan niyang lingguwist na sina Br. Andrew Gonzales, FSC at Dr. Bonifacio Sibayan. Kayâ sumulat siya ng textbuk na Unawain Natin ang Ekonomiks sa Wikang Filipino na sinundan pa ng maraming libong panturo.

Maraming ibinahagi sa amin si Dr. Tullao na mga karanasan at natutuhan niya tungkol sa pagtuturo, partikular sa pagiging guro sa La Salle. Halimbawa, sinabi niya na itinuturing niyang bilang mga “pamangkin” ang kaniyang mga estudyante. Agad niyang pabirong idinagdag na ngayong matanda na siya, baka “apo” na nga siguro.

Bilang gurong Lasalyano ito ang kaniyang mga hangarin para sa kaniyang mga estudyante: “Nais ko silang matuto. Ginagawa ko ang lahat upang sila ay matuto. Hinahamon ko sila upang matuto. Nagtuturo ako sa loob at labas ng silid-aralan. Tinutulungan ko silang makamit ang kanilang hangganan.”

Lihim ako na napaiyak sa galak at pasasalamat dahil ganito nga ang naranasan ko bilang estudyante sa La Salle. Hindi ako itinuring na iba ng aking mga guro sa MFA na sina Cirilo Bautista, Isagani R. Cruz, at Marjorie Evasco. Naalala ko nang minsang magkita ang aking ina at si Dr. Bautista sa isang simpleng awarding ceremony sa Bayview Hotel nang manalo ako sa Panorama Literary Awards. Sinabi ni Sir (Actually, “Papá” ang tawag namin sa kaniya ng mga kaibigan ko kapag wala siya.) kay Nanay na, “O, itong si John parang anak ko na ‘yan dito sa La Salle ha.”

Ginawa nitong mga guro ko ang lahat para matuto ako, hinamon nila ako, tinuruan nila ako hindi lamang sa loob ng klasrum kundi sa labas din. Naalala ko palagi akong dinadala ni Dr. Bautista noon sa Baguio kung saan siya nagsusulat. Si Dr. Cruz ginagawa akong assistant sa malalaking kumperensiyang kaniyang inoorganisa kayâ naging hiyang ako sa stress. Si Marj (Marj lang talaga ang tawag ko sa kaniya.) ginagawa akong panelist sa mga palihan na pinamumunuan niya tulad ng Iyas National Writers Workshop. Kahit na nitong nagpi-PhD ako at mga dating kaklase at mga kaibigan ko na ang naging guro na sina Dr. Ronald Baytan, Dr. Shirley Lua, at Dr. Genevieve Asenjo, nadarama ko pa rin ang mga ganitong pag-aalaga at panghahamon upang maging magaling ako. Ngayong guro na ako rito sa La Salle, sinisikap kong maging katulad ako ng mga naging guro ko.

Ang pinakagusto siyempre naming kuwento ni Dr. Tullao ay kung paano siya naging kilala bilang may-ari ng La Salle. Noon pa man ay kilala na ang pagiging istrikto ng mga guwardiya sa geyt na La Salle. (Subukan ninyong pumunta sa La Salle na wala kang DLSU ID, parang kang dumadaan sa immigration.) Kababalik lamang daw niya noon mula sa Estados Unidos. Naiinis siya dahil paulit-ulit siyang tinatanong ng guwardiya kung sino siya. Kayâ nang minsang tanungin uli siya, sinabi niya na siya si Tereso De La Salle! Sumagot pa yata ang guwardiya ng, “Ka-apelyido n’yo po si San Juan Bautista de La Salle?” Sagot naman daw ni Dr. Tullao, “Hindi mo ba nakikita na magkamukha kami? Lolo siya ng lolo ko!” Kung naniwala man ang guwardiyang iyon o hindi, di na alam ni Dr. Tullao. Basta simula noon, hindi na siya tinatanong ng mga guwardiya kung sino siya. Kumalat na rin ang tsismis na siya ang may-ari ng La Salle. Hanggang ngayon, kahit sa mga pahayagang Lasallian at Plaridel ay tinatawag na siyang “may-ari ng La Salle.”

Hindi lamang sa DLSU kilala si Dr. Tullao. Naging konsultant din siya ng World Bank, UNESCO, Opisina ng Pangulo ng Filipinas, at Board of Investments. World class siyang gurong Lasalyano at mapalad ako na matuto sa kaniya kahit sa loob ng isang umaga lamang.

Noong 2015 nakasama ko si Dr. Tullao bilang hurado sa Gawad Balmaceda ng Komisyon sa Wikang Filipino. Pumili kami ng pinakamagaling na panggradwadong tesis at disertasyon na nakasulat sa Filipino. Magaan na kasama bilang hurado si Dr. Tullao. Kahit siya ang pinaka-senior sa amin, hindi siya mayabang at dominante. Malumanay siyang nakikipagtalo. Ako ang nahirang na sumulat ng citation sa mga nanalo. Siyempre gin-email ko ito sa mga kasama kong hurado para sa mga puna nila. Baka kako mayroon silang gustong idagdag o ibawas sa sinulat ko. Mabilis na sumagot si Dr. Tullao. Aniya, “Magaling ang pagkasulat. Wala na akong ibabawas o idadagdag pa.” Ngumiti pati puwet ko pagkabasa nito.

Mapalad ako na dito na ako sa La Salle nagtuturo ngayon. Dito nagturo o dito pa rin nagtuturo ang mga gurong hinahangaan ko.

 

[Oktubre 22, 2017 Linggo
Tore kang Katáw]

Táub sa Aking Kasingkasing

ILANG oras ding mabigat ang aking dibdib matapos kong panoorin ang pelikulang High Tide na sinulat at dinirehe ni Tara Illenberger. Sobrang personal kasi sa akin ang dating ng pelikula.

            Unang-una, nasa wikang Hiligaynon ang pelikula. Sa wikang ito ako nagpapakadalubhasa bilang kritiko ng literatura. Pangalawa, ang setting ay tabingdagat sa Iloilo. At pangatlo, ang hirap sa buhay na inilatag sa pelikula ay buhay na nasaksihan ko sa baybayin ng Maybato, ang baryo sa Antique na kinalakihan ko.

            Personal din siyempre sa akin na ang bunsong kapatid naming si Sunshine ay isa sa mga bida sa pelikula. Kayâ nanood ako. Tamad kasi akong pumunta ng mall para manood ng sine. Kapag Linggo o holiday ay mas gusto kong nasa bahay lang ako upang magbasa at magsulat. Ni hindi ko nga napanood ang Beauty and the Beast at ang Wonderwoman kahit na nang mapanood ko ang mga trailer nito sa TV ay na-excite ako na manood.

            Kayâ hindi ribyu itong sinulat ko. Noon pa mang nagreribyu ako ng mga pelikula para sa GMANEWS Online, as a rule hindi ko nireribyu ang mga pelikulang kasama ni Sunshine gaano man ka liit ang ginagampanan niyang papel. Subalit kagabi ko pa gustong sumulat tungkol sa High Tide. Parang nasa loob kasi ng aking dibdib ang pagtaas ng tubig-dagat.

            “Táub” ang high tide sa Hiligaynon. Kayâ nagtataka nga ako kung bakit hindi ito ang ginawang pamagat ng pelikula at salin na lamang sa Ingles ang “high tide.”

            Personal sa akin ang pelikula sapagkat ang kahirapan sa buhay ng mag-asawang Tibor (Arthur Solinap) at Ligaya (Dalin Sarmiento) at ng kanilang dalawang anak na sina Laila (Riena Christal) at Dayday (Mary Demaisip) ay ang kahirapang nasaksihan ko sa Maybato noong maliit pa ako. Siyempre hindi ako maláy noon sa kahirapang ito bilang bata. Marami akong mga kalaro ang tulad nina Laila at Dayday.

            Habang nakaupo ako sa loob ng madilim na sinehan, bumalik sa akin ang tanawin, ang amoy, ang tunog, ang hagod ng kahirapang ito. Bigla akong napaisip. Sulat ako nang sulat tungkol sa kung ano-ano—inaayos ko ngayon ang dalawang libro ko ng mga sanaysay at isang libro ng mga tula tungkol sa Europa—subalit ang Maybato pala hindi ko pa naisusulat.

            Personal sa akin ang kuwento ng karakter ni Mercy na ginagampanan ni Sunshine. Asawa siyang nag-iisa dahil ang bana ay nagtatrabaho sa light house sa isla na makikita mula sa bintana ng kanilang hayub-hayub sa tabi ng dagat. Gabi-gabi, pinagmamasdan niya ang patay-sindi na ilaw ng parola at sapat na iyon na tanda para sa kaniya na buháy pa at okey ang kaniyang bana.

            Sobra-sobra ang hirap ni Mercy. Mahirap ang buhay, mahirap pa ang sitwasyon nilang mag-asawa na pinaghiwalay ng hanapbuhay. Ang tanging kasama niya ay ang pamangkin na si Unyok (Kyle Buscato) na naulila sa mga magulang na namatay dahil sa malakas na bagyo na dumaan sa kanilang isla. Dahil sa trauma hindi nagsasalita ni Unyok.

            Naiiyak ako sa mga eksena nilang magtiya sa may bintana. Si Mercy kinakausap ang di nagsasalitang si Unyok habang pareho silang nakatitig sa dagat—si Mercy sa patay-sinding ilaw ng parola, si Unyok sa islang tahanan na naging libingan ng mga magulang. Parang táub na di mapigilan ang kanilang pangungulila.

            Ang maganda sa istilo ng pagkukuwento ni Illenberger, hindi niya hinahayaang malunod ang manonood sa dagat ng lumbay at lungkot. Sa paulit-ulit kasing mga eksenang ito sa may bintana, biglang maalala ni Mercy ang pasalubong niyang tinapay sa pamangkin na palagi niyang nakakalimutang nakalagay sa bulsa niya sa puwet at nauupuan. Pinagsasaluhan nila ang naupuang tinapay.

            Nadya-jar ako siyempre sa mga eksena ni Mercy. Mukha kasi ni Sunshine ang nakikita ko at boses niya ang naririnig ko. Pamilyar din sa akin ang mga damit na suot niya dahil ito ang kaniyang mga pambahay. Minsan nasabi ni Mercy kay Unyok na ang sitwasyon nila ng kaniyang bana ay parang sitwasyon ng mag-asawang magkahiwalay dahil nasa abrod ang bana, maliit nga lang daw ang suweldo. Madalang silang magkita at sabik siya sa pagdating ng Pasko upang magsama din silang mag-asawa kahit ilang araw lang.

            Bigla kong naalala si Nanay. Magkamukha sila ni Sunshine. Ilang beses ko ring nakita noon ang Nanay ko na nangungulila sa aming Tatay na kapitan ng barko at minsan lang sa dalawang taon kung umuuwi sa Antique.

            Maraming seaman, karpintero sa Saudi, at domestic helper sa Hong Kong at Singapore sa amin sa Maybato. Magkakakilala at halos magkakamag-anak kami lahat sa aming barangay. Ngayong malaki na ako, ngayon ko lang nakilala ang mga lungkot at pangungulilang nasaksihan ko noong bata pa ako.

            Maraming Tibor sa amin sa Maybato. Mga tatay na sunog sa araw ang katawan at bugbog sa trabaho subalit kakarampot pa rin ang kita. Maraming mga Ligaya na nagkakasakit sa sobrang trabaho para din sa kakarampot na kita. Maraming Mercy na inaaliw ang sarili upang maibsan ang kalungkutan.

            Ilang beses kong narinig ang mga kuwento tungkol sa pamumrublema ng pera na pambayad sa ospital. Marami ngang maysakit sa amin na tinitiis na lang kasi kahit pamasahe pa-ospital ay wala sila. May mga maysakit na hinihintay na lang na mamatay sa bahay dahil wala namang pangpagamot.

            Maraming naghihirap at kaunti lamang ang maginhawa ang búhay. Kayâ hirap si Tibor dahil kahit nagkakandakuba na siya sa pagtatrabaho sa palaisdaan, kakarampot ang suweldo niya kahit na malaki ang kinikita ng amo. Masyadong makasarili ang mga panginoong maylupa at walang pakialam sa mahihirap ang pamahalaan.

            Noong isang linggo lang, naimbitahan akong umupo sa isang workshop ng pagsulat ng maikling kuwento. Bilang preparasyon, binasa kong muli ang libro nina Laurence Perrine at Thomas Arp tungkol sa pagsulat ng kuwento. Aniya, may dalawang uri ng kuwento. Una, kuwentong pang-aliw upang takasan pansamantala ang buhay, at ang pangalawa, kuwento na lalong magpapaigting sa pagpadanas sa atin ng totoong buhay. Mahirap at masalimuot ang totoong buhay. Klarong nasa pangalawang uri ang High Tide.

            Biglang dumilim sa eksenang matapos tumaob ang sirang bangka na sinasakyan ng tatlong bata sa gitna ng nangangalit na dagat. Pumunta kasi sila sa isla nina Unyok, na bawal nang puntahan dahil mapanganib, upang mamulot ng mga kabibeng ibebenta nila upang makatulong sa pambayad sa ospital nang inoperahan si Ligaya. Ilang segundo ring dumilim at takot na takot akong baka lalabas na ang credits ng pelikula. Kung mangyari iyon, sasampalin ko si Tara Illenberger kung magkita kami. Kung maging ganoon kasi ang katapusan, mukhang kailangan kong maghanap ng psychologist sa La Salle upang magpa-debriefing!

            May paborito akong pinsan na nawala sa dagat at hanggang ngayon ay wala kaming balita. May ninong akong di na nakauwi dahil inabutan ng bagyo sa laot ang bangkang pangisda. May kamag-anak kaming nalunod dahil inatake ng epilepsy habang nangunguha ng punaw na mag-isa upang ibenta sana para makabili ng bigas.

            Nagtapos ang pelikula sa mass wedding na sinalihan nina Mercy at ng bana nito. Ang kasal ay nasa katihan at bahagi ng aktibidad ng kasalan ay ang pagtatanim ng bagong kasal ng mga gutok ng bakawan. Masaya sila. Masaya ang pamilya nina Tibor. Nagsasalita na muli si Unyok. Mahirap pa rin ang buhay nila pero kaya nilang ngumiti at tumawa at harapin ang mahirap na buhay.

            Parang Maybato nga. Maraming kahirapan, maraming kalungkutan. May mga pag-aaway, may mga eskandalo. Pero mayroon ding piyesta na masaya basta wala lang magsaksaksan sa sayawan. Kapag eleksiyon, may nag-aaway na mga kamag-anak dahil sa pagkakaiba sa mga partidong politikal na sinusuportahan subalit agad na nagdadamayan kapag may namatayan. Kada Pasko, bumabaha ang pagkain at parang daluyong ang halakhakan sa mga korni na palaro.

            Sa Robinson Galleria kami nanood ng mga kaibigan ko. Kaunti lang ang nanonood dahil kaunti naman talaga ang nanonood ng mga indie film. Pero laking tuwa namin na nang bumukas ang ilaw ay nandoon si Unyok—si Kyle Buscato—sa harap naming. Siyempre nagpakuha kami ng litrato kasama siya. Natsika ko ang nanay niya na kaklase pala sa kolehiyo ng kaklase ko noon sa elementarya. Nang sinabi ko sa kanila na kapatid ko si Sunshine, “Uy, magmano ka sa kapatid ni Nanay Mercy mo,” sabi ng kaniyang tatay. Ang sorpresang ito ay malaking kabawasan sa bigat sa dibdib na nararamdaman ko.

            Nanalong Best Film ang High Tide sa The 2nd Tofarm Film Festival. Nanalo rin ito ng Best Cinematography, Best Editing, at Special Jury Prize para sa Best Ensemble ng tatlong batang artista. Si Sunshine nominado sa Best Supporting Actress. Maganda nga ang pelikula! Sayang at hindi ko ito maihahambing sa ibang pang entries dahil itong High Tide lang ang napanood ko.

            May dalawang pelikulang Hiligaynon akong binabalikbalikan. Ang Wanted Border ni Ray Defante Gibraltar (tumulong ako sa pagsulat ng dulang pampelikula nito at si Illenberger din ang editor) at Yanggaw ni Richard Somes. Maidagdag ko na itong High Tide. Naisip ko nga, parang gusto ko nang mag-develop ng isang kurso para sa ELECLIT (literature elective) namin dito sa La Salle na Hiligaynon Films.

            Ngayong dito na ako sa Metro Manila nagtatrabaho at pabakasyon-bakasyon na lamang ako sa Panay, ang mga pelikulang gaya ng High Tide ang nagbabalik ng kaluluwa ko sa islang kinagisnan. Naiisip ko ngayon na panahon na yatang sulatin ko na ang nobelang matagal ko nang iniisip gawin. Tungkol ito sa kabataan ko sa Antique, sa Maybato, sa mga kaibigan at kamag-anak na iniwan, sa isang masalimuot at masayang lumipas na kabataan ko. At oo, susulatin ko ito sa Kinaray-a. May pamagat na nga ako. Buti na lamang hindi ginamit ni Tara Illenberger ang “Táub.” Taëb kag Hënas ang pamagat ng susulatin kong nobela. Schwa ‘yan kaya “ë.”

            Ang pagsulat ng nobelang ito ang tanging paraan para maibsan ang nararamdaman kong táub ng pangungulila sa aking kasingkasing sa baryong kinagisnan at iniwan. 

[Hulyo 17, 2017
De La Salle University]

Mga Tula ni Juliet

NAGSUSULAT si Juliet ng tula!

Nang minsang maglinis si Mimi ng kuwarto ni Juliet, may nakita siyang mga piraso ng papel na may nakasulat ng tula. Marami daw. Nasa Svenska. Natuwa man ako ay nalungkot ako nang kaunti bigla. Di ko pala mababasa. Kailangan ko nang seryosohin ang pag-aaral ko ng wikang ito.

Tuwang-tuwa si Miming ibinalita sa amin ito. Agad siyang nag-PM ng larawan ng mga obra maestra ni Juliet. Ang ilang pahina, may kasama pang mga drowing.

“Ang ganda ng mga tula niya. Gagawin ko itong libro!” ang sabi ni Mimi. Stage mother na agad-agad? Masyadong excited?

“Relax,” sabi ko. “Magwawalong taon pa lang si Juliet ngayong taon. Hindi kailangang  magmadali. Di kailangang manalo agad ng Nobel Prize next year. Sa Stockholm lang naman ‘yan ibinibigay.”

Siyempre, tuwang-tuwa rin ako. Kung magiging makata nga si Juliet, magiging proud talaga ako. Kung si Mimi, naiisip agad na ipalibro ang mga tula ni Juliet, ako nagpaplano na na isasalin ang mga ito sa Kinaray-a at Filipino. Stage tita rin yata ako.

Kung magiging manunulat si Juliet sa Sweden, mapalad siya. Talagang pinapahalagahan sa Sweden at sa buong Europa ang mga manunulat nila.

Naalala ko tuloy nang pumunta kami sa Krakow sa Poland tag-araw noong nakaraaang taon. Binisita ko ang puntod ni Wislawa Szymborska sa Cmentarz Rakowicki upang magbigay-pugay sa hinahangaang makata. Dinalhan ko siya ng bulaklak. Pag-uwi ko sa hotel kinagabihan, ipinakita ko kina Mimi at Jonas ang larawan ko ng puntod ni Szymborska. Inagaw ni Juliet ang iPad ko at tiningnan ang mga larawan.

“John, sino siya? Yang nakalibing dyan? Bakit mo siya dinalhan ng bulaklak?” tanong niya. Nagki-Kinaray-a siya.

“Lola mo, Be dito sa Krakow. Kaya dinalhan ko ng bulaklak,” seryosong sagot ko.

“Ha? May lola ako rito sa Krakow?”

“Oo naman.”

“E bakit di mo ako isinama? Sana nakabisita rin ako sa lola ko?”

“E di ba gusto mong mag-shopping ng laruan? Saka naglakad lang ako papuntang sementeryo. Medyo malayo. Nagrereklamo ka kapag malayo ang nilalakad.”

“A, may lola pala ako dito sa Krakow,” sabi niya at nahiga sa malaking kama habang tinitingnan pa rin ang mga larawang kuha ko sa sementeryo.

Lihim kaming tumatawa ni Mimi. Kuya, mamaya maniwala ‘yan ha, sabi ni Mimi. Hayaan mo, sagot ko.

Habang nakahiga na kami sa sarili naming kuwarto sa hotel, tinanong ako ni Juliet. “John, ano nga uli ang pangalan ng lola ko dito sa Krakow?”

“Wislawa Szymborska.” Siyempre, binigkas kong “v” ang “w.”

“John, bakit ang pangit ng pangalan niya?” Mapaklang-mapakla ang kaniyang itsura nang lingunin ko siya.

Hindi ko na mapigilan ang pagtawa. Tumaas ang kilay ni Juliet habang tinitingnan akong tumatawa. Kaso, antok na antok na siya para makahirit pa.

Ang pag-uusap naming ito ang unang naalala ko nang makita ko ang larawan ng mga tula ni Juliet na nakita sa kuwarto niya ng kaniyang nanay. Naisip ko, ganiyan ang budding poet. Nanlalait ng mga Nobel Prize winner.

[13 Hunyo 2017
De La Salle University]

Burnham Park

SA unang gabi namin sa Lungsod Baguio, kinukulit na niya akong pumunta kami ng Burnham Park. Maganda raw ito. Maraming punongkahoy. Maraming bulaklak. Puwede rin daw magrenta ng bisekleta at magbangka sa lawa sa gitna. Masaya raw doon. Maraming tao. Ang linis pa ng malamig na hangin. Isang sakay lang daw ito sa dyip mula sa hotel na tinutuluyan namin.

Natawa lang ako. Unang akyat kasi niya ng Lungsod Baguio.

“Bakit ka natatawa?” tanong niya.

“Kasi, ilang beses na akong nakapunta sa Burnham Park,” sagot ko.

“Maraming beses? Ilang beses?”

“Hindi ko na mabilang.”

“Bakit?”

“Anong bakit?”

“Bakit maraming beses ka nang nakapunta sa Burnham Park?”

“Dahil Baguio ito. At pabalik-balik ako rito.”

“A basta. Punta tayo doon bukas,” sabi niya habang tinitingnan niya ang mga larawan ng Burnham Park sa kaniyang cellphone.

Nasa Lungsod Baguio kami noong nakaraang linggo. Naimbitahan akong magbigay ng panayam sa mga guro hinggil sa kung paano ituro ang 21st Century Philippine Literature. Nitong nakaraang tag-araw, nakatatlong paglalakbay din ako dahil sa mga panayam na ganito. Itong sa Baguio ang pinakahuli.

Sanay naman ako sa ganitong uri ng paglalakbay. May mag-iimbita na magbibigay ako ng panayam o umupo bilang panelist sa mga palihan saka susulitin ko na rin ang pagkakataon na magbakasyon. Subalit napapansin ko nitong mga nakaraang taon na masyado na akong nalulungkot na magbiyahe mag-isa. Ngayon, kasama ko na siya.

Habang nagbibigay ako ng panayam sa unang araw namin doon, nagliwaliw naman siya. Sabi ko sa kaniya, tandaan lamang niya ang pangalan ng hotel namin. Kapag maligaw siya, mag-taxi na lamang siya pabalik.

Naabutan siya ng ulan sa kaniyang paglalagalag sa Baguio. Nag-uumpisa na kasi ang tag-ulan. Hapon-hapon habang nandoon kami, umuulan. Malakas pa naman.

Pagod na pagod at antok na antok ako sa unang gabi namin sa Baguio dahil madaling araw kami nagbiyahe mula Maynila at buong hapon ako nagbigay ng lektura. Medyo malapad ang kama para sa aming dalawa. Ang sarap na lamig. Gusto ko ang init ng kaniyang braso sa aking tagiliran.

Natatawa ako dahil tuwang-tuwa siya sa Burnham Park. Magrerenta na raw sana siya ng bisekleta subalit biglang umulan.

“Alam mo ba, may piktyur ang Nanay at Tatay ko sa kanilang honeymoon sa Burnham Park? Pareho pa nga ang kulay narangha nilang polo na may disenyo ng mga bulaklak. Bell bottom pa ang kanilang pantalon,” kuwento ko sa kaniya.

“Talaga?”

“Oo. Baka nga dito pa ako ginawa sa Baguio.”

Tumagilid siya at yumakap sa akin. Napahikab naman ako.

“Antok ka na ba?”

“Oo. Antok na antok.”

Ang sarap pala talaga kapag may kayakap sa Baguio, naisip ko.

“Maraming tula rin akong nasulat tungkol sa Burnham Park. Para kay Shirley na minsan pumasyal kami doon habang umuulan, at para kay Luisa na nagsagwan nang sumakay kami sa bangka. Ang nanay pa yata niya ang may-ari ng ilang bangka na pinarerentahan doon,” kuwento ko sa kaniya.

“Wow,” mahinang sabi niya.

Gusto ko rin sanang ikuwento pa sa kaniya ang tungkol kay R.L. Nainlab ako sa lokong iyon sa Burnham Park. O doon nag-umpisa sa Burnham Park. Bata pa kasi ako noon. Marami pang mga ilusyon. May pinasyalan kami noong hardin ng mga dilaw na dalya. Kumain din kami ng istroberi habang naglalakad sa Session Road. Kaya akong si gaga ay nainlab.

Subalit tinatamad na ako. Antok at pagod ako. Isa pa, matagal na iyon. Dalawang dekada na. Ikukuwento ko pa ba?

Naisip ko, baka kinabukasan habang namamasyal kami sa Burnham Park ay ikukuwento ko ito sa kaniya. Pero baka hindi na rin. May mga alaalang mas mainam na ibulong na lamang sa mga bulaklak.

[3 Hunyo 2017
De La Salle University]

Ang mga Tula ni Jameson Ong

NAGING matulain ang pagdiriwang ko ng Chinese New Year ngayong 2017. Dumalo kasi ako ng paglulunsad ng librong Selected Poems of Jameson Ong in Trilingual (Hongkong Fung Nga Publishing, 2017) sa Solidaridad Bookshop ngayong hapon ng Enero 28. Mga piling tula ito mula sa mga naunang librong nalathala ni Ong sa wikang Mandarin. Sa edisyong ito may kasamang salin sa Ingles at Filipino ang mga tula na ginawa nina Lourdes Lim Wang at Joaquin Sy. Si National Artist Virgilio Almario naman ang nagsulat ng introduksiyon.

Ngayon dalawa na ang gusto kong makatang Chinoy na nagsusulat sa Mandarin—sina Ong at ang matagal ko nang hinahangaang si Grace Hsieh-Hsing. Gusto ko ang hinahon sa kanilang mga tula at damang-dama ko pa rin ito kahit na mga salin lamang ang aking kayang basahin. Gusto ko rin ang sensibilidad nila bilang mga Filipino na Chino ang etnisidad. Walang dudang Filipino ito kahit na banyaga pa rin ang turing ng karamihan sa mga Chinoy.

Ipinanganak si Ong sa China subalit dito na sa Filipinas nagbinata at nagkapamilya. Nagsimula siyang sumulat ng tula nang 16 taong gulang pa lamang siya noong 1983. Naging literary editor siya ng ilang mga diyaryong Chinoy at kolumnista siya ng World News, ang nangungunang pahayagang Chino ng Filipinas. Itinuturing siyang isa sa mga pangunahing makatang Chinoy sa bansa ngayon.

Noong nakaraang taon ko unang nabasa ang ilang tula ni Ong sa Facebook na pinopost ni Joaquin Sy na kasama kong board of director sa UMPIL at nagugustuhan ko ang mga ito. Kaya nang mabasa ko sa email ang imbitasyon sa paglulunsad ng librong ito, hindi ko ito pinalampas. Sabik akong mabasa ang iba pang tula ni Ong at gusto kong marinig na basahin niya ang kaniyang mga tula sa orihinal nitong Mandarin.

Hindi nga ako nabigo. Nagbasa nga siya sa paglulunsad ng kaniyang aklat. Binasa naman ng kaniyang tagasalin na si Lim Wang, na kaniya ring maybahay, ang mga bersiyon sa Ingles at Filipino.

Ang unang tulang binasa ay ang “Ilaw ng Puso,” isang tulang tigib ng pag-asa. Napapanahon ang tula sapagkat tungkol ito sa pagsindi ng ilaw sa puso sa panahon ng kadiliman, at ang liwanag ng ilaw na ito ay isang paggigiit may makakita man o wala. Aniya sa huling bahagi ng tula: “Sa gitna ng dilim / Magsindi ng ilaw / Tanglawan ang bawa’t sulok ng puso / Paggising ng araw sa umaga / Hindi na mahalaga / Kung ang ilaw   Nakasindi pa / Dahil   Iyon din ay sariling / paggigiit.”

Binasa rin ang maikling tulang “Sayaw ng Leon.” Maikli lamang ang tula subalit kay lawak ang sinakop ng talinghaga nito. Sa anim na linya lamang naisatinig ni Ong ang mahikang nag-uugnay ng hininga ng mga Chino sa Filipinas na mula sa iba’t ibang lugar sa China. Walang ibang nag-uugnay sa dalawang mundong ito ng mga Chinoy kundi ang tulay ng Ongpin sa Chinatown, na wala sa China kundi nasa Filipinas.

Narito ang buong tula ni Ong: “Ako ay Leong-Timog / Ikaw ay Leong-Hilaga / Nagkatagpo / sa tulay ng Ongpin // Nang mag-usap / ay sa wikang Filipino.” Ano pa ba ang mas hihigit pang pruweba na ang mga Chinoy ay Pinoy kundi ang wikang pambansa? Hindi aksidente na ang librong ito ni Ong ay may salin sa Filipino at ang mga nagsalin ay mga Chinoy rin.

Naalala ko tuloy ang tulang “Kalye Ongpin” ni Hsieh-Hsing na nagsimula sa saknong na: “Nasa Chinatown ang Kalye Ongpin. / Tuwing naiisip ko ang Tsina / Sa Ongpin nagpupunta” at nagtapos sa saknong na: “Ang Chinatown ay hindi nasa Tsina, / Ang Chinatown ay hindi Tsina.” Si Sy rin ang nagsalin ng mga tula ni Hsieh-Hsing sa Filipino.

Habang binabasa ko ang aklat ni Ong, masayang-masaya ako dahil gusto ko yata ang lahat ng tula sa libro ito. Sa muli pagturo ko ng creative writing, gagamitin ko ang kaniyang mga tula bilang halimbawa. Marami pa naman kaming mga estudyanteng Chinoy sa La Salle. Na-master kasi ni Ong ang istilong matimpi ang tono at matipid sa salita subalit matingkad ang imahen kung kaya tumatatak sa puso at utak ang kaniyang mga tula.

Tulad halimbawa ng kaniyang tulang “Niyog” na gustong-gusto ko. Masiste ang tono ng unang saknong na, “Kung ito ang bumagsak / sa ulo ni Newton / Ano ang maiisip niya?” Natawa ako dahil napakatingkad ng litratong sa utak na nilikha ng saknong. Naiimadyin ko si Newton na nakaupo sa ilalim ng niyugan sa baryo ng aking kabataan sa Antique. Kung nabagsakan siya ng niyog sa ulo, tiyak walang Newton’s Law of Gravity!

Hindi ako handa sa ikalawang saknong nitong tula. Pakiramdam ko ako si Newton na nabagsakan ng niyog sa ulo sa mga linyang ito: “Kung ako, makikita ko / ang mga mata ni Ina / sa kalangitan.” Naiyak ako. Bigla kong naalala ang aking yumaong ina. At naisip ko, kailan pa ba ang huling pagtingala ko sa kalangitan upang panoorin ang mga bituin?

Ganito ang gusto kong mga tula. Tagos sa puso’t kaluluwa. Sana maraming kabataang Filipino ang makakabasa ng mga tula ni Jameson Ong, isang tunay na makatang Chinoy na Pinoy na Pinoy.

[28 Enero 2017
De La Salle University-Manila]

43

UNANG araw ito na ako’y 43 taong gulang na. Hindi pa rin matanda subalit hindi na rin bata. Kung totoo ang sinasabi nilang “life begins at 40,” tatlong taon na akong dapat nabubuhay. Pero parang hindi naman dahil buhay na buhay naman ang aking pakiramdam noon pa man. Simula nang magkamalay ako sa mundong, naging roller coaster na ang aking buhay, at ngayon lamang, nitong mga nakaraang buwan lamang naging parang nagsimulang maging mapayapa ang aking buhay.

Nagkaroon tuloy ng kakaibang kahulugan para sa akin ang idiomatic expression na “paglagay sa tahimik.”

Hindi ko na matandaan ngayon kung paano ko ipinagdiwang ang ika-40 kong kaarawan. Pero ang natatandaan ko lang, namamangha ako sa aking sarili noong dahil kahit 40 na ako parang 20 pa rin ang aking pakiramdam. Kahit na nag-uumpisa na ang aking hypertension at diabetes pakiramdam ko batambata pa rin ako. Ang napapansin ko lamang, hindi ko na kayang magpuyat na siyempre ay kayang-kayang gawin ng isang 20 taong gulang.

Nang mag-41 naman ako, naroon ako sa isang maliit na isla sa gitna ng Luzon at Visayas kasama ang dalawang kaibigang makata upang magbigay ng workshop sa pagsusulat ng kuwento at tula sa mga guro doon. Unang punta ko iyon sa Northern Samar at lalo na sa Isla Capul na di kilala subalit isang makasaysayang isla. Doon ko naisip na dapat kapag birthday ko, nasa isang lugar ako na hindi ko pa napupunahan.

Kayâ nang mag-42 ako noong nakaraang taon, plinano namin ng isang kaibigan na magbakasyon sa Hong Kong ng isang linggo. Pero dahil sa mga iskedyul sa trabaho at ng misteryo sa mga paglipad ng eroplano, Nobyembre 15 na kami lumipad pa-Hong Kong. Sa bahay namin sa Pasig ako nag-birthday. Kayâ lang, maysakit na si Tita Neneng noong panahong iyon. Parang ayaw ko ngang umalis na. Kaso sabi ni Sunshine, sayang naman ang tiket ko kung di pa ako aalis. Isang linggo lang naman. Nang magpaalam ako kay Tita, hirap na hirap na siya sa kaniyang nararamdaman. Pero pumayag siya. Ilang araw lang akong nakabalik galing Hong Kong nang pumanaw si Tita dahil sa kanser sa atay. Si Tita na kailanman ay hindi uminom ng alak.

Kayâ kahapon, nagtrabaho ako. Dito lang ako sa La Salle. Nagklase ako. Kinalimutan ko na ang pangako ko na sa isang lugar akong di ko pa napupuntahan magbi-birthday taon-taon. Sadyang may mga balak at mga pangakong di natutupad dahil sa iba’t ibang dahilan.

Ngayong 43 na ako, maraming bagay na hindi ko natatanggap noon ang natatanggap ko na. Tanggap ko na ngayon na limitado lamang ang kaya kong kontrolin sa buhay na ito. Kayâ lalong tumibay ang paniniwala ko sa Diyos, sa Diyos ng Kabutihan, sa Diyos ng Katotohanan, sa Diyos ng Katarungan.

Hindi ko na ini-equate ang Diyos sa Diyos ng Simbahang Katolika, ang relihiyong minana ko sa aking mga ninuno. Katoliko pa rin naman ako at ito lamang sa tingin ko ang aking magiging relihiyon. Deboto pa rin ako ni Mother Mary, isang debosyon na minana ko sa aking Nanay.

Ang nagbago lamang, mas mulat na ako sa aking mga paniniwala. Hindi na lamang ako sumusunod basta-basta sa sinasabi ng mga pari, obispo, at Santo Papa bagamat may ilan akong minamahal at nirerespetong mga pari at obispo. Si Pope Francis ngayon ay gustong-gusto ko at siyempre matagal na akong walang tiwala sa mga arsobispo rito sa Filipinas maliban kay Cardinal Tagle na isa sa mga pinakikinggan ko dahil dama ko ang kaniyang pagkamakadiyos at pagkamakatao.

Naniniwala na kasi ako na ang isang organisadong relihiyon o kulto ay para lamang sa mga taong walang kakayahang pangalagaan ang sariling mga paniniwala kung kayâ kailangan nila ng relihiyon at kulto upang kanilang maging opyo dahil mahirap nga naman at masalimuot ang buhay at kung mahina ang utak mo ay mas marami kang di maiintindihan at kailangan mong may kapítan.

Ang Diyos na pinaniniwalaan ko ngayon siguro parang ang The Force sa Star Wars o ang The Light sa The Lord of the Rings. O baka nga mas ang Mahal na Makaaku ng mga sinaunang Karay-a.

Tanggap ko na rin na hindi perpekto ang mundo. Naalala ko noong treynta pa lamang ako at nag-away kami ni Nanay. Di ko na maalala kung ano ang pinag-awayan namin (Marami kasi kaming pinag-aawayan palagi) basta ang natatandaan ko lang ang sinabi niya na, “Ang problema kasi sa ‘yong bakla ka gusto mo palaging perfect ang lahat! Ito ang tandaan mo, walang perpekto sa mundo! Ang yabang mo nakapag-aral ka lang akala mo kung sino ka.”

Ngayong 43 na ako, inaamin kong tama ang aking minamahal na Nanay. Siguro kung buhay pa siya ngayon, tiyak mas magugustuhan niya ang ugali ko at siguro hindi na kami palaging mag-aaway.

Kayâ siguro maganda ring pagkakataon na ngayong taon ko rin natapos ang Ph.D. ko. Bagamat marami akong nadiskubre at natutuhan sa aking pag-aaral at sa pagsulat ng disertasyon hinggil sa literatura, nalaman ko rin na kakaunti pala talaga ang aking alam. At dahil 43 na nga ako, imbes na magpanik o madepres na kakaunti lang ang aking alam, naging masaya ako dahil nakita ko ang pagkakataon na mas marami pa pala akong madidiskubre at malalaman. Ang pagiging “doktor” ko pala ay simula pa lang ng aking edukasyon!

Kayâ ngayong 43 na ako, natatawa na ako sa mga taong mayayabang na akala mo alam nila lahat. May mga tao na kung umasta ay sure na sure sa sarili kung kayâ halata tuloy na insecure sila. Lalo akong nayuyugit ngayon sa mga manunulat at iskolar ng literatura na kung umasta at magsalita ay parang sila lamang ang tama. Ang maganda lamang ngayon ay di na ako nagagalit sa mga taong ganito. Kaya ko pa nga silang kaibiganin at mahalin. Natatawa lamang ako dahil na-a-amuse sa kanilang katangahan. Ngayong 43 na ako, tanggap ko na ang kahangalan ng maraming tao.

Dahil tanggap ko na na hindi perpekto ang mundo, sabik tuloy ako na madiskubre ang mundong ito. Mas may pasensiya na ako ngayon. Hindi na ako basta-basta nagagalit. Nakakapag-isip pa rin ako kahit nililibugan at umiibig. Káya ko nang makipaghalikan na dilat ang mga mata. Kaya ko nang suriin ang sarili kong mga pagpapasya. Alam ko na kung ano ang mga gusto ko at ang mga di ko gusto. Mas kilala ko na ang aking sarili.

Dahil dito alam kong maaari akong maging mapanganib sa aking kapuwa. Ngayon kasi mas alam ko na kung paano ipagtanggol ang aking sarili at protektahan ang aking mga interes. Kayâ mahalaga na lalo kong tibayan ang paniniwala sa Diyos ng Kabutihan, Katotohanan, at Katarungan. Kayâ kailangan kong manatili sa tabi ng Liwanag palagi. Kailangan kong isumite ang sarili sa Mahal nga Makaaku. Ito lamang ang magtitiyak na hindi ako magiging masamang tao. Hindi naman ako anghel o santo, pero sana, huwag naman maging demonyo.

Ang pakiramdam ko tuloy ngayon parang life begins at 43. Baka ito ang sinasabi nilang “adulting.” Nagiging adult na nga siguro ang Sirena.

[15 Nobyembre 2016
De La Salle University-Manila]

Si Meyor Espinosa at si Ma’ Rosa

KANINANG umaga pinanood ko sa TV ang live telecast ng pagdinig sa Senado hinggil sa pagpatay ng Criminal Investigation and Detection Group Region 8 (CIDG8) sa nakakulong na meyor ng Albuera, Leyte na si Rolando Espinosa, Sr. dahil sa kaso ng pagtutulak ng droga. Ngayong gabi naman, pinanood ko ang pelikulang Ma’ Rosa ni Brilliante Mendoza na ipinalabas dito sa Teresa Yuchengo Auditorium ng La Salle. Nahuli rin si Ma’ Rosa at ang kaniyang bana dahil nagtutulak sila ng droga.

Maraming bagay ang pareho sa kuwento nina Espinosa at Ma’ Rosa. Kung ang sabi ni Platon na ang sining ay imitasyon ng buhay, sa kaso nina Espinosa at Ma’ Rosa, mukhang ang buhay ang nangongopya sa sining dahil nauna naman talagang nagawa itong pelikula at noong nakaraang Sabado lamang pinatay ng mga pulis si Espinosa.

Mukhang tama nga ang guro kong si Isagani R. Cruz sa pagsabing sa Filipinas daw, ang literatura daw ay siyang katotohanan na mismo. Parehong sining ang literatura at pelikula. Kayâ kung ang pagbabasehan natin ay ang pelikulang Ma’ Rosa, mukhang totoo ngang extra-judicial killing na ginawa ng mga pulis ang nangyari kay Espinosa.

Nakakaloka di ba?

Kapag mapanood mo ang Ma’ Rosa, mauunawaan mo kung ano ang nangyari kay Espinosa sa loob ng Leyte Sub-Provincial Jail sa bayan ng Baybay at sa iba pang napapatay na mga adik at pusher na nanlaban umano sa mga pulis sa loob mismo ng mga kulungan at presinto katulad nang nangyari sa Pasay.

Mahirap ang pamilya nina Ma’ Rosa. May munti silang tindahan sa napakaliit nilang bahay at paraket-raket naman na elektrisyan ang kaniyang bana. May apat silang anak. Para siguro magkaroon ng dagdag na kita, nagbebenta sila ng droga. Kikita na sila at may libreng shabu pa ang adik niyang bana. Isang araw, may nanghudas kay Ma’ Rosa at na-raid ng pulis ang bahay nila at hinuli silang mag-asawa. Dinala sila sa presinto subalit sa likod sila dineretso at itinago sa isang silid kung saan tinakot-takot sila ng mga pulis sa mga kasong isasampa sa kanila at sinabihang magtulungan na lamang sila. Ibig sabihin, magbigay sila ng 200 libong piso para kalimutan na ang kanilang mga kaso. Siyempre wala silang perang ganoon. Sa konteksto pa rin ng “tulungan,” ikinanta na lamang ni Ma’ Rosa ang suplayer niya ng droga na agad namang hinuli. Buti na lang marami itong pera at drogang dala. Kayâ lang, kulang pa ng singkuwenta mil at sina Ma’ Rosa na ang dapat gumawa ng paraan para dito. Kayâ ang tatlong anak nila ang gumawa ng paraan. Ang pinakamatanda ay ibinenta ang lahat ng mga gamit sa bahay nila na maaaring ibenta. Ang dalagitang anak ay kinapalan ang mukha na humiram ng pera sa mga kamag-anak at tiniis ang mga panlalait sa kanila. Ang isa namang binatilyo ay ibinenta ang katawan sa isang bading.

Ito ang kuwento ng Ma’ Rosa at isa itong gasgas na kuwento dahil sobrang totoo.

Sa pelikula lider ng mga sangganong pulis si Mark Anthony Fernandez na nanghuhulidap ng mga tulak ng droga. Sa realidad, nakakulong ngayon si Mark Anthony Fernandez dahil nahulihan ng isang kilong mariwana. Sabi noon ni Mark noong kakakulong pa lamang sa kaniya, noong hinuhuli raw siya ay may nagtapon ng mariwana sa loob ng kaniyang kotse. May dala raw talaga siyang mariwana subalit hindi ganoon karami. Inamin naman niyang nagmamariwana siya dahil ginagamit niya itong gamot at para na rin di siya matulad sa tatay niyang nagkaroon ng kanser. Naniniwala kasi siyang gamot ang mariwana. May ilan bansa na rin naman kasi talagang ligal na ang mariwana at ginagamit nga itong gamot. Pero dito sa atin sa Filipinas, iligal pa rin ito at ikukulong ka pa rin kapag mahuli kang mayroon nito.

Ang nangyayari ngayon kay Mark Anthony Fernandez ay isang patunay lamang na dito sa Filipinas ang buhay ay parang pelikula at ang pelikula ay parang buhay. Laban ka?

Maganda ang katapusan ng pelikulang Ma’ Rosa dahil wala itong klarong katapusan. Dahil nga si Ma’ Rosa ay hindi lamang isang likhang-isip kundi totoong mga tao. Oo, hindi iisa si Ma’ Rosa. Milyon-milyon sila. Baka kasingdami ng 16+ milyon na bumoto kay Presidente Duterte. Nagsasalimbayan ang mga tanong sa aking isipan habang pinapanood ang credits ng pelikula. Makakabalik ba siya sa presinto upang tubusin ang kaniyang bana at mga anak? Ano na ang mangyayari sa pamilya nila pagkatapos nito? May matatakbuhan ba ang mga katulad niya?

Siyempre alam natin na mato-tokhang sina Ma’ Rosa at bana niya. Dalawa ang ang posibleng magiging paraan ng kanilang kamatayan: Una, papatayin sila ng riding in tandem sa tabingkalsada o sa loob ng bahay nila at lalagyan ng karatula ang kanilang bangkay na may nakasulat na, “Pusher, huwag tularan;” o di kaya muling mari-raid ng pulis ang bahay nila at papatayin sila dahil nanlaban umano at saka tataniman ng baril at droga ang mga bangkay nila.

Wala dapat puwang sa isang sibilisadong lipunan ang EJK. At lalong hindi ito dapat ini-encourage ng mga lider ng bansa. Mabuti nga ngayon at sinasabi na ni Gen. Bato dela Rosa na silang mga pulis daw ay dapat propesyonal at sumunod dapat sa batas. Medyo malayo na ito kung tutuusin sa kayabangan at kahibangan niya noong mga nakaraang buwan nang pagsabihan niya ang mga adik sa Negros na sunugin ang mga bahay ng mga pusher.

Ang pagpatay kay Espinosa at ang Ma’ Rosa ay dalawa lamang sa mga patunay na malala ang problema sa droga ng bansa. Kayâ kahanga-hanga ang passion ni Duterte sa pakikipaggiyera laban dito para umano sa mga susunod na henerasyon ng mga Filipino. Ang problema, simula nang manalo si Duterte, araw-araw ay may pinapatay na mga adik at pusher. Kung hindi sa tabingkalsada ay loob mismo ng bahay nila, at ang nakahihindik sa lahat, sa loob ng kulungan at presinto ng pulisya. May dalawang grupo ang pumapatay: ang mga riding in tandem at ang mga pulis mismo. Tatlong libo na ang namamatay at sabi ni Duterte kulang na kulang pa ito. Dapat daw tatlumpong libo. Sinabi pa niya minsan na handa siyang pumatay ng tatlong milyong mga adik at pusher tulad ng ginawa ni Hitler sa mga Hudyo.

Sa bokabularyo ni Duterte at ng mga tagasunod niya (16+ milyon ang bumoto sa kaniya! Paulit-ulit na paaalala nila.), naging bad words na ang “human rights.” Tinawag pa nga na mga pangit ni Duterte ang mga taga-Commission on Human Rights. Marami ang nagbubunyi dahil naging safe na raw ang mga lungsod nila dahil pinapatay na ang mga adik. Ang paboritong argumento ng mga explainer at tagapagtanggol ni Duterte ay ang bagal daw ng sistema ng hustisya ng bansa kung kakasuhan pa ang mga adik at pusher upang igalang ang kanilang karapatan na marinig at ipagtanggol ang sarili kung kayâ dapat patayin na lang agad. Kapag adik o pusher, patayin na agad. Hindi naman sila tao, mga hayop naman daw sila, mga walang silbi sa lipunan.

Ang problema sa ganitong kalakaran, sino ang superhuman na magdedesisyon kung sino ang dapat manatiling buháy o patay? Kaninong salita ang susundin natin na pampalit sa ating mga batas? Desisyon ba ni Duterte dahil binoto siya ng 16+ milyon? Salita ba ni Duterte dahil +64 ang kaniyang satisfaction rating ayon sa Social Weather Station? Napakadelikado nito. Maraming pangyayari sa kasaysayan ng mundo na magsisilbing halimbawa sa isang madugo at madilim na kanahinatnan dahil hinayaan ng isang lipunan na maging batas ang salita ng iisang tao lamang.

Panandalian lamang ang huwad na kapayapaang hatid ng pananakot dala ng mga iligal na paraan sa pagsasaayos ng mga problemang iligal. Kung iligal ang paggamit at pagbebenta ng shabu, iligal din naman ang EJK para lamang mabura sa balat ng lupa ang mga adik at pusher. Palagi ko pa ring binabalikbalikan ang isang lumang kasabihan na kailanman “hindi maitutuwid ang isang pagkakakamali ng isa pang pagkakamali.” Ayon naman sa isang kasabihan sa Ingles, “The end does not justify the means.”

Siguro kung hindi binawi ni Duterte ang kuwento niya tungkol sa direktang pag-uusap nila ng Diyos baka tatanggapin ko ngang batas ang kaniyang mga salita dahil isa siyang propeta. Kaso sabi niya joke lang daw iyon. At ang tatanga raw ng mga katulad kong naniwala roon. Oh my, so the joke is on me! Napakaliteral kong mag-isip at wala akong creative imagination.

Ang dasal ko lang ngayon, sana joke lang talaga ang nangayayari sa bansa natin ngayon. At least kung joke, kahit korni at gasgas na, maaari pa rin tayong tumawa o magkunwaring tumatawa.

Heto ang di nakakatawa. Puro grandstanding ang mga senador sa pagdinig sa Senado. Kapansin-pansin ang bilis ni Senador Manny Pacquiao na matuto sa mga batikang senador ng bayan na magaling mag-grandstanding at magaling din maglipat ng allegiance sino man ang presidente. Sana may bumulong naman kay Pacquiao na hinay-hinay sa pag-trying hard sa pagtatanong. More words, more mistakes kasi. Bukod sa parang obvious na Bibliya lang talaga ang tanging librong binabasa niya, lalo lang nahahalatang tuta siya ni Duterte. Bilib ako kay Pacquiao sa pagiging boksingero niya. Tunay siyang world class at walang duda roon. Pero kung gaano siya kabilis sumuntok sa loob ng ring, ganoon naman kabilis ang pagiging trapo niya sa loob ng august hall ng Kongreso. Paano, kung sino-sinong trapo kasi ang dinidikitan niya at dumidikit sa kaniya kahit noong kongresista pa siya. Sana mas maaga niya itong mahalata para naman hindi siya masayang. Hindi pa naman huli ang lahat. Puwede siyang mag-aral ng batas tutal gusto naman niyang maging mambabatas. Maaari siyang kumuha ng tutor na magtuturo sa kaniya kung paano magsalita, magtanong at makipag-argumento na may porma, laman at lohika. Sa ngayon kasi, mukhang pagiging trapo lamang ang natutuhan niya mula sa mga kaibigan niyang politiko.

Alam ng mga senador na ipinapalabas nang live sa TV at napapakinggan sa radyo ang hearing nila kayâ wagas sila kung mag-grandstanding. Kaya tulad ng iba pang mga pagdinig sa dalawang sangay ng Kongreso na ginagamit lamang ng mga politiko para magpa-pogi at ganda points at isulong ang kanilang pagiging kontra o sipsip sa Malakanyang, wala itong magiging kahihinatnan. Ang mangyayari niyan, parang dalawang beses pinatay si Espinosa.

Kapansin-pansin din ang mabilis na pagpapalit ng ihip ng hangin sa Senado at ang pagpapalit-palit nila ng mga sinasabi at tono ng pagsasalita. Iba’t ibang puwet ang hinihimod nila at naging batikan na sila sa gawaing ito. Ang tanging goal kasi—manatili sa puwesto at maipagpatuloy ang pagyaman kayâ marami sa kanila tumanda na walang kinatandaan. Kapag ikumpara mo ang mga naka-televise na pagdinig sa Senado nitong nakaraang mga buwan, mapapaisip ka, bakit umiba ang tono ni ganito? Bakit biglang natahimik si ganito? Bakit nag-mellow si ganito? Gumagalaw na kayâ ang CIA at may mga bayád na?

Pakiramdam ko nasa Golden Age tayo ngayon ng pagiging lima-singko ng mga ideolohiya, teorya, at paninindigang politika. O kayâ baka ganito talaga tayo noon pa man kayâ ganito tayo ngayon.

Pasado na alas-diyes subalit di pa rin ako inaantok. Hindi kasi mabura-bura ang mukha ni Jacklyn Jose na gumaganap bilang Ma’ Rosa sa huling eksena ng pelikula. Napagod siya at ginutom sa kahahanap ng pera na pambayad sa mga pulis para kalimutan na ang mga isasampang kaso sa kaniya at sa kaniyang bana. Bago bumalik sa presinto upang ibigay ang kulang na apat na libo sa limampung libong pisong hinihingi ng mga pulis, bumili muna siya ng fishball sa tabingkalsada. Habang kinakain niya ito at halatang gutom na gutom siya, tumutulo ang kaniyang mga luha.

Halo-halo ang larawang nakapinta sa kaniyang mukha. (Hindi nakapagtataka na nanalo siyang best actress sa Cannes Film Festival para sa kaniyang pagganap.) Nariyan ang matinding pagod at gutom, ang takot para sa kaniyang bana at mga anak na naiwan sa presinto, ang lalong paghirap ng buhay dahil sa pangongotong ng mga pulis, ang paglaho ng pangarap ng maalwan at tahimik na buhay para sa kaniyang pamilya habang pinanonood ang mag-asawang tindero sa tabingkalsada na maliliit pa ang mga anak. Parang naiisip niya na sa lipunang ito, walang kalaban-laban ang kanilang mag-anak.

Saka biglang dumilim ang iskrin. Tapos na ang pelikula at balik ako bilang manonood sa katotohanan ng araw-araw na patayan dahil sa giyera sa droga. Para ngang walang bawnderi ang mundo ng pelikula at ang totoong buhay.

Habang nagga-grandstanding ang mga politiko at lasing sa kapangyarihan ang mga namumuno ng bansa, at walang pakialam (o ayaw makialam dahil para que?) ang mga edukado at elit sapagkat ang laging iniisip ay mapanatili ang kumportableng lifestyle, at palaging ngarag sa paghahanapbuhay ang mga gitnang-uri na tanging fantasya lamang ang pinanghahawakan, patuloy na masasadlak sa lusak ng kahirapan na parang mga ipis ng lipunan ang mga katulad ni Ma’ Rosa.

[10 Nobyembre 2016
De La Salle University-Manila]

KBL

WALA itong kinalaman sa politika lalo na sa mga Marcos. Tungkol ito sa isa sa mga paborito naming pagkain–ang Kadyos, Baboy, kag Langka na ang pampaasim ay ang mahiwang batwan. It’s an Ilonggo thing. This comfort food called KBL.

Simula nang magturo ako sa De La Salle University-Manila nitong Setyembre at magrenta ng kondo sa harap ng Taft Avenue, kapag Sabado at Linggo na lamang ako nakakauwi rito sa bahay namin sa Pasig. Kapag nandito ako, cheat day to the max. Dedma ang diyeta, mag-astang parang walang diabetes at walang hinahabol na waist line para bakasakaling makahabol pa sa pagsali sa Miss World.

Dahil may hinahabol akong deadline para sa isang tsapter ng isang textbook hinggil sa halaga ng sining, wala akong panahon at lakas na magluto ng aking adobong baboy na sikat sa mga kaibigan at estudyante kong nakatikim. Di rin iilang lalaki ang nainlab sa akin dahil sa adobo kong ito.  Hindi naman ako madamot sa resipi nito. Ilang tao na rin ang tinuruan kong magluto nito subalit hindi talaga nila makukuha ang lasa ng aking adobo. Wala kasi silang mapagkukunan ng berdeng kaliskis na pinipitik ko sa kaldero kapag walang nakatingin.

Sina Sunshine at Che ang namalengke. Sabi ko gusto kong bumili sila ng malaking tuna upang ihawin na buo na nilagyan ng mga hiniwang kamatis ang sibuyas ang tiyan dyan sa hardin. Kagabi pa lang, nangangarap na si Sunshine ng KBL ang nagdasal siya na sana may kadyos at batwan sa talipapa malapit sa aming bahay. Sigurado naman kasing may baboy at parang ever present naman ang hiniwang hilaw na langka.

Siguro dahil Linggo, meron nga! Kapag Linggo kasi, tila nagiging mahiwaga ang talipapa na kung ano man ang naisip kong bilhin ay bigla mo na lamang makikita sa mga mesa at sakong nakalatag sa bangketa at sa mga kariton. Halimbawa kapag gusto kong magpa-healthy at naglalaway ako sa fern salad, bigla na lamang magpapakita ang isang kariton ng mga preskang berdeng paku na galing sa Sierra Madre. Kung nahihidlaw naman ako sa preskang sugpo, bigla na lamang may ngingiti sa aking guwapo at maskuladong tindero ng isda na parang hindi amoy isda. At kung nangangarap naman ako ng piniritong chicken wings, may kikindat sa aking tinderong may dimples katulad ng mga dimples ni Alden Richards. Minsan nga nang miss na miss ko na ang paborito kong prutas na hinog na langka, muntik ko nang nabangga ang malaking kariton na tinutulak ng isang maitim na lalaki subalit kamukha ni Piolo Pascual. Walang duda ang naamoy kong masarap na matamis na kulay ginto na kaniyang inilalako.

Noong malakas pa si Tita at siya pa ang nag-aalaga kay Juliet at silang dalawa ang namamalengke, namamangha ako sa mga dala nilang damit ni Juliet na binili nila ng PhP50 lamang sa talipapa na kung itatabi sa mga damit ni Juliet na binili sa Baby Gap at H&M ay mukhang di naman pahuhuli. Nang ipakita sa akin ni Juliet ang dalawang malaking plastik na kahon ng mga laruan niyang Lego sa bahay nila sa Sweden, naisip ko, naku, marami niyan sa talipapa namin. Baka nga lang may lason dahil mga galing sa China.

Sa maikling sabi, naging ganap ang cheat day ko ngayong araw. Ang sarap ng aming KBL na niluto ni Sunshine. Ang baboy na mahigit isang oras na nilaga kasama ang kadyos, langka, at batwan ay nagiging pagkaing pandatu at pandayang. Ang tabang nanginginig sa kutsara at nalulusaw sa dila ay rurok ng ligaya ang handog. Ang mga hiwa ng langkang hilaw ay tila may gatas. At sa paghigop ng maasim na sabaw–asim na walang gaspang ng suka o sampalok–ay halos mapapaihi ka sa sarap! Namit gid!

Buti na lang wala akong lutuan sa aking condo dahil ayaw kong mag-amoy mahirap ang aking unit gaya ng mga katabi kong unit na naaamoy ko kapag nagluluto sila ng ulam na may bagoong at kung nagpiprito sila ng daing. Hindi pang-La Salle. Kapag binuksan mo kasi ang aking doble-door na ref na ang ibabaw na pinto ay puno ng mga ref magnet na dinekwat ko sa Europa, aakalain mong ref ito sa isang bahay sa Stockholm o Copenhagen. Hindi maaaring maliitin ang mga sosyal na pagkaing mabibili sa matagal nang lusyang na Harrison Plaza. Healthy eating ang Sirena sa Taft.

Saka dahil sosyal na unibersidad ang La Salle, may isang building ito na nakalaan para sa aking pag-e-ehersisyo. Tatlong beses sa isang linggo, isang oras akong nagwo-walking sa umaga sa isang berdeng oval sa 8th floor ng Razon Hall. Yes, indoor na oval kaya rain or shine, megawalk ang Sirena. Ganiyan ang pangmayaman.

Trying hard sa pag-exercse ang Sirena. Tiis-ganda kumbaga para magkaroon ng karapatang lumamon ng mga masarap ngunit nakamamatay na pagkain tulad ng KBL kapag umuuwi dito sa Pasig kung weekend.

Ang Salita ng Diyos Ayon kay Duterte

NGAYONG direkta nang kinausap ng diyos si Presidente Duterte, kailangan ko na talagang maniwala nang lubusan sa kaniya at kumapit sa kung ano man ang sasabihin niya. Ibinoto siya ng mahigit 16 milyong Filipino at dahil mahigit-kumulang sa 20% ito ng populasyon ng Filipinas at may 90+ na trust rating, hindi ko na maaaring pagdududahan ang kaniyang mga salita: VOX POPULI VOX DIE! Darna difuta esprekitik amen!

May direktang komunikasyon si Duterte sa langit. Ito ang banal na katotohanan. Kailangan ko nang magsamba. Kailangan kong maniwala. Ayaw kong kalabanin ang diyos.

Kayâ mga Yellowtard, humanda na kayo! Ang bagal ninyo kasing kumilos. Di ninyo agad pina-canonize si Cory. Ano pa bang hinihintay ninyo? Himala? Simula nang maluklok sa Malakanyang si Duterte, nakabibingi na ang katahimikan ni Kris Aquino. Sa tingin ko sapat na itong himala na katanggap-tanggap sa Vatican.

Nang mapanood ko sa GMA at Aljazeera ang footage ng pagkuwento ni Duterte kung paano siya kinausap ng diyos habang nasa eroplano siya galing Japan pauwi ng Davao, napaluhod ako sa aking kuwarto at napaiyak sa galak. Kinausap na ng diyos si Duterte! Isa siyang propeta! Kailangang sumama na ako sa pagsamba sa kaniya bago mahuli ang lahat at masunog ang aking kaluluwa sa impiyerno.

Mahalaga ang mensahe ng diyos. Huwag magmura. Huwag gumamit ng slang. Ngayon klaro na na ayaw ng diyos na nagmumura ang kaniyang mga nilikha. At pinagbantaan pa niya si Duterte na kung hindi sumunod, pababagsakin niya ang eroplanong sinasakyan nito.

Ganiyan ang diyos, mga kababayan ko. Ang sinuman na hindi sumunod sa kaniyang mga utos ay parurusahan. Kawawa nga naman ang mga kasama ni Duterte sa eroplano. Magiging COLLATERAL DAMAGE sila kung susuwayin niya ang diyos. Sayang naman ang mga politiko, negosyante, at mga gabinete niyang kasama. Ang kanilang pagmamahal sa Filipinas at lalo na sa mahihirap na Filipino ay mauuwi sa wala kung babagsak ang eroplanong sinasakyan nila. Huwag na nating banggitin pa ang mga piloto at estewardes na wala namang choice dahil nagtatrabaho lang naman sila at makakasama rin sa pagbagsak. May mga pamilya rin naman sila. Para din naman silang ibon na kung mamamatay ay may mga pipit na iiyak.

Maimadyin ba ninyo na makakasama sa pag-crash si Senador Allan Peter Cayetano? Sayang naman ang kaniyang TALINO at KATAPATAN sa pagsisilbi sa bayan. Mababawasan din ang mga guwapong politiko. At sino na lamang ang magiging dakilang arkanghel sa Senado na pupuksa sa nimpomanyak at demonyang si Leila De Lima kung mamamatay si Cayetano? Hahayaan ba nating magpatuloy sa pagsisinungaling itong si De5 tungkol sa extra-judicial killing at sa gawa-gawa niyang fictional work na Davao Death Squad? Hahayaan na lamang ba natin siyang gumawa ng mga kalaswaan at gumawa pa ng mga sex video sa kulungan kasama ang mga papang drug lord na kaniyang kinukotongan at inuutusang magbenta ng droga? Huwag! Dapat siyang mapigilan! Kaya kailangang sundin ang kalooban ng diyos upang manaig ang kabutihan laban sa kasamaan sa ating sawing arkipelago!

Ayon kay Duterte ang mensahe lamang ng diyos sa kaniya ay huwag na siyang magmura pero maaaring tawaging pangit on national tv ang mga taga-Human Rights Commission. Mahalagang i-underscore ang detalyeng walang binanggit ang diyos hinggil sa extra-judicial killing. Ibig sabihin, nagsisinungaling ang human rights commission at ang paring katulad ni Paring Bert. Walang EJK! Gawa-gawa lamang ito ng Demonyang De5! Siya na may sanga-sangang dila!

Iisa lang ang ibig sabihin nito, mga kababayan ko. May pahintulot ng diyos ang pagpatay sa mga adik at pusher! Kayâ dapat lamang patuloy ang mga patayan! Sa umaga, sa tanghali, sa hapon, sa gabi, sa madaling araw. Kayâ tama lamang na naliliitan si Duterte sa 7,000+ na namamatay. Dapat daw 30,000! YES! Magbunyi tayo, mga kapatid! Mauubos din ang mga adik at pusher! Maraming makadilaw ang pumupuna sa mga patayang ito! Hello! Mga engot sila. Wala naman silang suhestiyon kung paano lunasan ang pagiging drug state ng Filipinas!

Kaya hayan! May implicit na pahintulot na ang diyos! Hindi niya ipinagbabawal ito! Kayâ patayin ang mga adik at pusher! I-salvage sila! Hindi sila mga tao! Mga salot sila sa lipunan. Mga anak sila ng demonyo! Puksain silang parang germs!

Kaunting tiis na lang, mga minamahal kong kababayan. Tiyak kong naibulong na ng diyos kay Duterte kung paano ayusin ang ating bansa. Kapag may mamatay na mga adik at pusher dahil lumaban sa pulis, magbunyi tayo! Kalooban ito ng diyos.

Kapag patay na ang lahat ng mga adik at pusher, hindi na masisira ang LRT at MRT. Mawawala na rin ang trapik sa Metro Manila (at sana pati na rin sa Cebu at Iloilo, mga paborito kong lungsod). Gaganda ang ekonomiya. Wala nang magugutom. Hindi na magnanakaw ang mga politiko. Wala nang air traffic sa NAIA. Tatantanan na ng China ang ating mga isla. Gaganda na ang sistemang edukasyon na walang gurong mawawalan ng trabaho tulad ng nangyari sa akin. Lahat may trabaho. Libre na ospital at gamot kaya magsasara na ang Mercury Drug Store. Wala nang mga batang aakyat sa sinasakyan nating dyip upang pahiran ng marumi nilang basahan ang mga sapatos natin at maglalagay ng nanlilimahid na mga sobre sa ating kandungan. Ito ang kalooban ng diyos. In god’s time, brothers and sisters, EYMEN!

Ka-level na ni Duterte si St. Joan of Arc na direkta ring kinausap ng diyos. Sa wakas magkakaroon na rin ng santo ang Mindanao. Kung susundan kasi natin ang game plan ng Vatican sa pagdedeklara ng mga santo, nariyan na sina San Lorenzo Ruiz de Manila para sa Luzon at San Pedro Calungsod de Cebu para sa Visayas. Ito na ang panahon ng Mindanao! SAN RODRIGO DU30 DE DAVAO! Kaluy-an nimo kami!

Ngunit napapaisip ako. Bakit kaya si Duterte lamang ang kinakausap ng diyos? Bakit si Pope Francis walang ganitong kinukuwento? Akala ko ba ang Santo Papa ang prinsipe ng langit sa lupa? Naisip ko tuloy, baka pekeng Papa si Pope Francis? Isang impostor sa Vatican? O baka hindi talaga tunay na relihiyon ang Simbahang Katolika? Kayâ buti nga, minura siya ni Duterte!

Kaya may suhestiyon ako. Panahon na upang tumiwalag ang Filipinas sa Vatican! Tandaan natin na panahon pa ni Padre Damaso nakikialam na ang Simbahang Katolika sa gobyerno sa ating arkipelago. Ang Vatican, kahit na maliit na estado, ay lubhang makapangyarihan. Kung tutuusin ang impluwensiya nito ay mas malawak kaysa Estados Unidos at European Union. Kayâ nga kung makialam ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa programa sa Reproductive Health ay wagas.

Panahon na upang muli nating angkinin at yakapin ang babaylanismo! Ang babaylanismo ang tunay at taal na relihiyon ng ating arkipelago bago pa man dumating ang Islam at Kristiyanismo sa ating mga dalampasigan. Hindi pa naman huli ang lahat, sa amin lang sa Antique ay buhay na buhay pa ito. The Great Maaram Tradition! Bumalik-loob na tayo rito.

Ang pagbabalik sa babaylanismo ay napaka-consistent sa independent foreign policy. Foreign ang Kristiyanismo at Islam, puwes, kalimutan ang mga ito at balikan ang sarling atin. Mabuhay ang nativism! Sa panahon ng globalisasyon at internationalization, ang ideolohiyang nativism ang magsasalba sa atin. Kalooban ito ng diyos, ng diyos na direktang kumausap kay Duterte.

Si Duterte na ang magiging punong babaylan. Babaylan siyang busalian sapagkat siya lamang sa kasaysayan ng Filipinas ang direktang kinakausap ng diyos. Si Angelita ay pinapahiram lamang ni Mama Mary ng kaniyang mga mata. Si Mama Mary, kahit siya ang ina ng diyos, babae pa rin siya tulad ni De Lima kung kayâ mas makapangyarihan pa rin ang lalaking diyos! Si Angelita ay babae. Si Duterte ay lalaki. Ergo mas makapangyarihan si Duterte.

Kapag si Duterte na ang Busaliang Babaylan, tiyak tuloy-tuloy na ang pagyaman ng Filipinas! Makikita ng buong daigdig—eat your heart out US and EU!—kung paano magiging world PAWER ang FILIPINAS! Game na game ka na ba?

Ngayong kinausap na ng diyos si Duterte, lubos na ang aking kagalakan. Kapag ipinipikit ko ang aking mga mata at iniimadyin ang maamong mukha ng ating pinakamamahal na presidente, naririnig ko ang mga trumpeta ng Bagong Herusalem!

Bagong Herusalem? Mali, gagah! Babaylanismo na nga.

Okey take 2: Kapag ipinipikit ko ang aking mga mata, naaamoy ko ang usok ng sahing at naririnig ko ang mga gong at tambor ng banal na Bundok Madia-as!