Nang mag-PM sa akin sa Messenger ang kaibigang makata at kasamahan sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) na si Aldrin Pentero noong kalagitnaan ng Pebrero na magsulat ako ng tula para kay Leni Robredo para sa antolohiyang binubuo nila ni Sir Rio (National Artist Virgilio Almario), agad akong umupo sa harap ng aking MacBook at nagsulat ng tatlong tula. Gusto kong mapabilang sa antolohiyang ito at mapanindigan man lang ang pagiging Kakampink ko.

Naiinggit kasi ako sa iba pang mga Kakampink na alagad ng sining na bongga ang kontribusyon sa kilusang rosas. Tulad na lamang ng isang video ng sayaw na pinangungunahan ni Liza Macuja. Wala talaga akong talento sa pagsasayaw na kahit sa simpleng aerobic dance sa gym ay hindi ako nakakasunod. Naiinggit din ako sa mga artist na bulontaryong nagpipinta ng murals para sa Leni-Kiko tandem. Naiinggit din ako sa mga theater artist na kinabibilangan nina Kuya Bodjie Pascua ng Batibot, ang TV show ng aking kabataan, na nagpi-perform sa mga palengke para hikayatin ang mga tao na iboto sina Leni at Kiko. At higit sa lahat naiinggit ako sa mga mang-aawit tulad ni Celeste Legazpi na bonggang bumibirit para sa kampanya nina Leni at Kiko. Kayâ hayan, sumulat ako ng tatlong tula at masaya ako na napili ang isa upang isama sa antolohiyang Lugaw ni Leni, Pink Parol, KKK, Kakampink, Atbp. nina Sir Rio at Aldrin. Inilathala ito ng San Anselmo Press at inilunsad noong nakaraang Easter Sunday sa Leni-Kiko Volunteer Headquarters sa Katipunan Avenue sa Lungsod Quezon.
Ang unang tula ko ay inspired ng pagpunta ni Leni Robredo sa amin sa Antique at sa kaniyang campaign rally sa EBJ Freedom Park. Ang saya-saya ng mga post ng mga kaibigan kong Kakampink na kapuwa Antikenyo. Parang muling nabuhay ang mga Antikenyo pagdating sa politika. Nakita ko ang ganitong malaking partisipasyon sa eleksiyon noong maliit pa ako nang tumakbo si Evelio B. Javier para maging Assemblyman. Kayâ siguro ganun na lamang ka nagalit ang maraming Antikenyo nang ianunsiyo na magra-rally din doon sa EJB Freedom Park ang anak ng dating diktador at anak ng mala-diktador ngayon doon mismo sa lugar kung saan pinatay si Beloy. Beloy ang tawag ng mga Antikenyong nagmamahal kay Evelio. Siyempre pakana sana ito ng kasalukuyang gobernadora na mahal daw si Beloy pero Marcos loyalist, at ng kasalukuyang Congresswoman namin na isang political butterfly na hindi naman talaga taga-Antique. Naalala ko rin ang araw na pinatay si Beloy. Ang paaralan namin San Jose Academy na isang Assumption School ay halas kaharap ng plaza ng San Jose de Buenavista. Ang plazang ito ay EBJ Freedom Park na ang tawag ngayon.
HABANG NAGSASALITA SI LENI ROBREDO SA EVELIO B. JAVIER FREEDOM PARK SA SAN JOSE DE BUENAVISTA, ANTIQUE
Sa Facebook Live ng isang kaibigan,
naging rosas ang sigaw ng buong plaza habang nagsasalita roon si Leni Robredo. Muling nabuhay ang boses
ng mga Antikenyo!
Mainit din ang sikat ng araw noon
nang bigla kaming makarinig
ng sunod-sunod na putok ng baril
mula sa plaza. Pinadapa kami sa sahig
ng guro naming madre.
Nanginginig kaming nagrorosaryo
sapagkat parang katapusan na ng mundo.
Mayâ-mayâ may isang pang madreng
umiiyak, ibinalitang binaril daw
si Evelio at patay na siya
kasama ang bulawan niyang damgo
para sa mga Antikenyo.
Dito ako sa Taft Avenue ngayon,
isa nang guro. Tiniyak kong
naka-pink t-shirt din ako ngayong araw.
Kumakapit sa paniniwalang
magiging kulay rosas ang bukas,
dito man ako sa Maynila
o sa Antique.
Pananalig naman sa Diyos ang iniisip ko sa pangalawang tula. Hindi pababayaan ng Poong Maykapal na lalong malugmok ang Filipinas dahil sa mga kurakot na politiko at mga tauhan nila. Ano ang mangyayari kung anak ng diktador na magnanakaw ang susunod na maging presidente? E hindi nga nagbabayad ng buwis—income tax man o estate tax? Kapag nakikita ko ang resulta ng Pulse Asia survey, hindi ko maiiwasang mangamba. Kayâ kapag napapadaan ako sa EDSA Shrine, ang dasal ko palagi sa Our Lady of EDSA, maghimala muli siya ngayong taon. Dapat si Leni ang manalo. At nakikita naman natin kung paano lumalakas araw-araw ang Pink Movement, isang kilusan para sa tapat na pamumuno.
May sukat at tugma rin ‘yan kasi nga, sina Aldrin at Sir Rio ang editor. Siyempre ginalingan ko na kahit na dalawang Sabado lang ako nag-LIRA maraming taon na ang nakalilipas.
#kulayrosasangbukas
Pamumunong di kurakot
Isabuhay ‘wag matakot
Nasa kamay na maayos
Kakampink natin ang Diyos!
Itong pangatlong tula ang nalathalaha sa Lugaw ni Leni.
Kada mapanood ko sa telebisyon ang political ad na isang politiko na “unity” lang ang sagot para sa lahat ng tanong at problema ng bansa, kinikilabutan ako. E ang “unity” na sinasabi nila ay pagsanib puwersa ng mga laos na politiko sa bansa na pawang nahatulan o nakasuhan ng pagnanakaw sa kaban ng bayan. Sabi nga sa isang meme na nabasa ko sa Facebook: Hindi uniteam ang tawag sa pagkakaisa ng mga magnanakaw. Sindikato ang tawag dun.
Gayundin ang political ad na ang pamatay na tagline ng kandidata ay “Mahalin natin ang Filipinas.” Diyos mio! Parang ikaw ang nakaisip sa unang pagkakataon, Gurl na mahalin natin ang Filipinas? Pagmamahal ba sa Filipinas yung suntukin mo on national TV ang isang kawani ng Korte na ginagawa lang naman ang trabaho para lang makapagpakitang gilas ka sa iyong constituents? Nasaan ang pagmamahal mo sa Filipinas habang libo-libong kapuwa Filipino mo ang nai-EJK sa pamumuno ng ama mo?
Sinulat ko ang tulang ito para maibsan ang pandidiri ko sa mga politikong masyadong makapal ang mukha. At hindi lamang yung dalawang politiko na na-mention ko above ang tinutukoy ko ha. Marami sila! Yung isa nga sumasayaw pa ala-Humpty Dumpty, at meron ding singing butiki. Of course, with apologies sa mga totoong butiki.
Kulay Rosas ang Pagmamahal sa Bayan
Kulay rosas ang pagmamahal sa bayan
Pula naman ang kulay ng dugo, kaibigan.
Dram-dram na ang dugong dumanak
Utang na loob, huwag nang magdagdag.
Kapag sinabi nating mahalin natin ang Filipinas,
Hindi natin pinapatay nang ganun-ganun na lang
Ang mga mahirap, komunista man sila o adik.
Alamin muna natin kung bakit sila nagkaganon.
Kapag pagkakaisa ang ating panawagan
Ibalik muna natin ang ninakaw ng ating angkan,
Gilitan ang mga mandarambong nating magulang
At ang mga kroni nilang ubod nang gahaman.
Hindi maaaring hanggang banggit lang tayo
Ng pagmamahal at pagkakaisa para makapanloko
Gayung pagmamahal lang sa sarili ang iniisip
At gusto lang nating isahán ang banwang busabos.

Sana pagkatapos ng eleksiyon marami pa akong masusulat na mga tula para kay Leni at para sa bayan. Kahit na Kakampink ako ngayon, katulad ng tokayo kong si John Arcilla, hindi ko rin sinasamba si Leni. Nakita ko lang kung gaano siya kasipag at kagaling bilang Bise Presidente lalo na sa panahon ng pandemya. Batid ko rin na bilang abogada sa probinsiya, pinagsilbihan niya ang mga nasa laylayan ng lipunan. Pero hindi ko siya tatawaging “nanay” o “tagapagligtas.” Ayaw ko siyang maging nanay. Gusto ko siyang maging presidente ng bansa—isang magaling na presidente na makatao at makabayan. Isang presidente na matalino at masipag. Isang presidente na disente. Kahit na nakasulat ako ng tatlong tulang pumupuri sa kaniya ngayon, hindi ako mangingiming sumulat ng mga tulang tutuligsa sa kaniya kung sakaling hindi niya gagampanan nang maayos ang pagiging presidente. Marami din naman akong nasulat ng mga tula noon laban kina Ramos, Estrada, Gloria, at PNoy.
