Bása Tayo (2) : Mga Tulay sa Libo-libong Pulô

Magandang metapora ito para sa pagsasalin na ginagawa ni Joaquin Sy sa mga tula ng mga Tsinoy na makata mula Mandarin tungong Filipino. Muli niyang ipinakita ang pagtutulay na ito sa pinakabagong antolohiyang kaniyang inedit at isinalin, ang Mga Tula sa Libong Pulô na inilathala ng Philippine Cheng Bio Eng Foundation dito sa Manila ngayong 2021. Kasama ni Sy bilang mga editor ng libro ay sina Eilene Narvaez, Sze Manchi, at Wesley Chua.

Bago ang librong ito, mayroon na akong kopya ng tatlong kalipunan ng mga tula ng mga Tsinoy na makata na nasa orihinal na Mandarin at may salin ni Sy: Ilaw sa Mata (Kaisa Para sa Kaunlaran, 2011) ni Benito Tan, Halo-Halo: Poems of the Philippines (Philippine Chinese Literary Arts Association, 2015) ni Grace Hsieh-Hsing, at Selected Poems (Hongkong Fung Nga Publishing, 2016) ni Jameson Ong. Silang tatlo, at kasama na si Sy, ay pawang ginawaran ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) na ako ang sekretaryo heneral ngayon. Ang mga tula nina Hsieh-Hsing at Ong ay ginagamit ko sa mga klase ko sa Philippine Literature at Creative Writing.

Kinagigiliwan kong binabasa nang paulit-ulit ang tatlong librong ito at ngayon ay nadagdagan pa ng isa. Sa katunayan, mas mahalaga itong Mga Tula sa Libong Pulô dahil tinipon nito sa isang volume ang mga piling tula ng mga pinakamagaling na makatang Chinese-Filipino o Intsik. Bukod kina Tan, Hsieh-Hsing, at Ong, kasama sa librong ito ang mga tula nina James Na, Bartolome Chua, Sze Manchi, Ben Ching, Charles Sy Ching Tek, at Charlie Go. Ito na talaga ang “THE Tsinoy Poetry Anthology!”

Ang totoo niyan, noon pa mang nag-aaral ako ng MFA sa La Salle noong dekada 90, alam ko na na mayroong mga makatang Tsinoy. Halimbawa una kong narinig ang tungkol sa mga tula ni Hsieh-Hsing sa isang professorial lecture ng guro naming si Isagani R. Cruz. Unang pagkarinig ko pa lang ng “La Generala” sa salin sa Filipino ni Dr. Cruz, naging idolo ko na agad sa pagsulat ng tula si Hsieh-Hsing. Naaalala ko pa nang minsan pumunta ako sa Solidaridad, may nakita akong libro ng mga tula ni Hsieh-Hsing na may salin sa Ingles ni John Shih. Wala pa akong pambili ng libro noon kung kaya’t umalis ako ng sikat na bookstore na ito sa Padre Faura na mabigat ang loob.

Alam ko rin noon ang disertasyon ng kaibigan kong si Shirley Lua ay tungkol sa mga makatang Tsinoy. Dragon Becoming Shrimp: Chinese-Filipino Poetics yata ang pamagat at hanggang ngayon kinukulit ko si Shirley na ilathala na ito para mabasa ko na. Mabuti na lang at maraming kalipunan ng mga tulang Tsinoy na may salin niya ang inilathala ni Sy. Hindi makukumpleto ang “kanon” ng panulaang Filipino kung hindi makakasama ang akda ng mga Filipinong nagsusulat sa Mandarin.

Nasa writing table ko lang itong Mga Tula sa Libong Pulô. Ito ang tipo ng libro na hindi ko kailangang basahin from cover to cover. Nandiyan lang ito sa mesa ko, katabi ng librong Daily Stoic (Portfolio/Penguin, 2016) nina Ryan Holiday at Stephen Hanselman at 35 Day for Travelers: Wisdom from Chinese Literary and Buddhist Classics (2015) ng Venerable Master Hsing Yun Public Education Trust Fund na binabasa ko tuwing paggising ko sa umaga.

Kaninang umaga, ang pahina ng isang tula ni Benito Tan ang aking nabuksan. May pamagat itong “Sa mga Bahay ng Opisyal.” Heto ang maikling tulang ito: “May mga taong / Nagtatapon / Ng maruruming bagay. // Walang taong / Nagtatapon / Ng maruruming asal. // Iyan ang sabi ng basurahan.” Napahalakhak ako. Panahon na ng eleksiyon at kitang-kita naman sa mass media ngayon na walang balak magtapon ng maruruming asal ang mga politiko natin. Naisip ko, ito ang pambungad na tula para sa mga klase ko sa Philippine Literature sa pagbubukas ng klase ngayong Oktubre. Maikling tula lang, napapanahon, at magandang gamiting halimbawa upang ipaliwanag ang konsepto ng imahen, metaphorical language, at ng persona. Bongga dahil nagsasalita ang basurahan ito. Quoted ng persona!

Magandang gabay sa pagbabasa ng antolohiyang ito ang introduksiyon ni National Artist Virgilio Alamario, a.k.a. Rio Alma, na may pamagat “Sampumpong Krisantemo at Banayad na Parikala.” Nagsimula ito tungkol sa impluwensiya ng panulaang Tsino sa panulaan Amerikano tulad ng mga tula ni Ezra Pound na bahagi ng kilusang imagism. Dahil si Sir Rio ito, muli niyang ipinapaalala sa atin na ang pagiging imagistic ng tula ay matagal nang nakikita sa mga katutubong panulaan natin at nagbigay siya ng ilang halimbawa mula sa mga tulang naipon noon ng  Kastilang si Fray Gaspar de San Agustin. “Ang katangian ng imaheng Imagist, at napitas ni E. Pound sa sinaunang pagtulang Chinese ay taglay rin ng sinaunang talinghaga sa pagtulang Filipino,” ani Almario. Kasama ng pagiging imagist na ito ay ang tinatawag niyang “banayad na parikalà” o ang matimping paggamit ng irony at paradox. Ang paliwanag pa ni Almario, “Banayad sapagkat isinadula ang nais sabihin sa tulong ng nagsasalungatang kulay at kilos, nagtutunggaling pang-uri at pandiwa sa nagtatagis ngaunit magkaagapay na mga pangungusap.” Kay gandang pagbasa sa mga katangian ng mga tula sa librong ito! Huwag natin siyempreng kalimutan na tulad ko at ng maraming pang mambabasang Filipino, ang salin lamang ni Sy ang nababasa namin. Kumbaga, tumutulay lang kami sa saling-tulay na ginawa ni Sy. Gayunpaman, maaari pa rin nating ma-enjoy ang mga akdang ito tulad din naman ng pagbasa natin ng world literature na kadalasang binabasa lamang natin sa salin sa Ingles.

Sa tulang “Pamumulaklak ng Punò” ni Ben Ching, makikita ang tinutukoy ni Almario na pagiging imagistic at ang banayad na parikalà. “Kung ayaw mamulaklak ng puno, / Maglaan ng panahon sa araw-araw / At subukang kausapin ito. / Kapag kinausap ang puno / Tiyak mamumulaklak. // Kung ano ang kulay ng bulaklak, / Depende sa kung ano’ng sinabi mo rito.” Ito ang tipo ng tula na pagkatapos mong basahin ay nanamnamin mo na lamang ang mga imahen at tahimik na pagmunihan ang kahulugan. Hindi mo na kailangang ipaliwanag pa.

Nais kong sipiin nang buo rito ang pahabol ni Sir Rio sa kaniyang introduksiyon dahil sapul nito ang proyektong pagsasalin bilang pagtutulay ni Joaquin Sy sa konteksto ng nangyayari ngayon sa pagitan ng ating bansa at ng China. “Nabanggit ko na ito minsan at nais kong ulitin. Ang proyektong ito ni Joaquin Sy bilang tagasalin at editor ng Mga Tula sa Libong Pulô ay napakahalagang tulay sa ugnayang pangkultura ng mga Filipino at mga Chinese. Hindi dapat maipit sa shabu, West Philippine Sea/South China Sea, POGO, at kahit sa bakuna, ang ating kasaysayan. Kailangan ang maraming Joaquin Sy upang maging makabuluhang sapin ng kamalayang Filipino ang kulturang  Chinese ng ating mga Singkit.” Lalong lumalala ngayon ang Sinophobia sa bansa dahil sa mga kontrobersiyal na isyu tulad ng Pharmally at ng smuggling ng carrots mula China na dahilan ng pagkalugi ng mga magsasakang Filipino.  Hindi ito dapat maging dahilan upang kamuhian natin ang ating kapuwa Filipino, o dedmahin ang literaturang Filipino na nakasulat sa wikang Tsino.

Bahagi ng Literaturang Filipino ang akda ng mga manunulat na Tsinoy sa wikang Mandarin. Filipino ang mga Tsinoy. Kayâ hindi ako nagsasawang i-correct ang mga kaibigan o estudyante na kapag minumura ang mga Chinese dahil sa pang-aagaw ng mga ito ng mga isla at bahura natin sa West Philippine Sea ay “Intsik” ang ginagamit nila. Sinasabi ko sa kanila na Chinese o Tsino ng bansang China ang kalaban natin at hindi ang mga Intsik. Filipino ang mga Intsik o mga Chinese-Filipino o Tsinoy. Isa itong halimbawa na kailangan ng pagtutulay sa mga konsepto at salita.

Sabi nga ni Joaquin Sy sa kaniyang tala bilang editor at tagasalin, “Ang pagsasalin ay pagtutulay at pakikipagkaibigan. Isang gawaing tunay na ‘kapaki-pakinabang.’” Masaya rin sila na maraming manunulat na Tsinoy na ang binigyang parangalan ng UMPIL. Aniya, “Ang pagtanggap ng wikang Tsino bilang mahalagang wika ng panitikan sa Filipinas ay kasingkahulugan ng pagkilala at pagtanggap sa mga Tsinoy bilang bahagi ng makulay na habi ng bansang Filipino. At iyon ang pinakamalaki at pinakamahalagang kunsuwelo naming sa pagsasalin sa nakalipas na tatlo’t kalahating dekada.”

Ang mga antolohiyang gaya nitong Mga Tula sa Libong Pulô ay ang magbibigay sa ating mga Filipino ng mga tulay upang kahit paunti-unti ay lubusan nating matutulayan ang ating libo-libong pulô, ang minamahal nating arkipelago.

Ang Literaturang Filipino Ayon kay Lumbera

Kapag nagtuturo ako ng Philippine Literature, Regional Literature, o Literary History of the Philippines ang binabasa at tinatalakay namin ng mga estudyante ko sa unang linggo ng termino ay ang mga sanaysay ni Bienvenido Lumbera na “Harnessing Regional Literature for National Literature,” “Ang ‘Pambansa’ at ang ‘Pampanitikan’ sa Pambansang Panitikan,” at “Panitikang Panrehiyon, Panitikang Pambansa: Magkabukod at Magkarugtong” na mula sa kaniyang librong Writing the Nation/Pag-akda ng Bansa (UP Press, 2000); at ang klasiko niyang lektura na “The Rugged Terrain of Vernacular Literature” na mula sa kaniyang librong Revaluation: Essays on Philippine Literature, Cinema and Popular Culture (UST Publishing House, 1997). Ang batayang libro naman na nire-require ko sa mga estudyante ko ay ang dalawang “Lumbera Textbooks,” ang Philippine Literature: A History and Anthology (unang inilathala ng National Bookstore noong 1982) na kasama niyang awtor/editor ay ang kabiyak niyang si Cynthia Nograles-Lumbera at ang Filipinos Writing: Philippine Literature from the Regions (2001). Ang dalawang antolohiyang ito ay parehong inilathala ng Anvil Publishing.

Sa “Harnessing Regional Literature” maganda ang inilatag ni Lumbera na mga working definition ng mga konseptong “literatures of the Philippines,” “Filipino literature,” at “national literature. Ang tanong niya ay tinutukoy ba ng tatlong konseptong ito ang iisang lawas lamang ng mga akdang pampanitikan?

Ang “Literature of the Philippines” o ang Literatura ng Filipinas ay, “Refers to the totality of works found withing the territory called the Philippines.” May lubid na nagdudugtong sa mga akda sa teritoryong ito: “It could be that the unity derives from the race of people producing literary works in the Philippines. Another possibility is that a common experience of history binds the works of authors residing in the Philippines. It could also that the authors recognize a single central government.” Kung gayon, ang lahat ng mga akdang nasulat ng mga Filipino sa ating arkipelago ay pasók dito.

Ang “Filipino Literature” o Literaturang Filipino naman ay aniya, “First of all, the nationality of the authors is ‘Filipino.’ Secondly, that on the literary works taken together, nationality has left a mark that distinguishes them from the writing of authors found elsewhere in the world.” Kasama sa Literaturang Filipino ang akda ng lahat ng Filipino, natural man o naturalized.

Ang “National Literature” naman o Pambansang Literatura sabi ni Lumbera ay, “There is the assumption that the works are by authors who are part of the nation and are willing participants in the aspirations of that nation. This assumes that there exists a common concept of nation among the writers. Highlighted in the term ‘National Literature’ is the political character of literary production.” Basta sa imahinasyon (at quoted ni Lumbera si Benedict Anderson hinggil dito) ng manunulat ay bahagi siya ng “Filipino nation,” pasók ang kaniyang mga akda rito.

“Literaturang Filipino” ang ginagamit kong pantukoy sa pinaghalong “Literatura ng Filipinas,” “Literaturang Filipino,” at “Pambansang Literatura” ni Lumbera. Mas pambansa ang tunog ng “literatura” kaysa “panitikan” na masyadong Tagalog sa pandinig. Ang Filipino na tinutukoy ko ay lahi, nasyonalidad, at citizenship. Samakatwid, ang Literaturang Filipino para sa akin (ibinase ko kay Lumbera) ay ang lahat ng mga akdang pampanitikan sa kahit anong wika na sinulat ng mga Filipino—natural born man o naturalized—sa ating arkipelago at sa iba pang panig ng mundo.

Batid ni Lumbera na hindi ganoon ka simple ang mga pagpapakahulugan at pagkaunawa sa tatlong konseptong binanggit niya. Maraming problema ang kaakibat ng pagbibigay depinisyon sa mga ito sapagkat dumaan tayo sa dalawang kolonisasyon. Binanggit niya ang sistemang edukasyon natin na itinatag ng mga Americano kung kaya’t, “The literary works that came into the Philippines via the educational system catered to the aspirations of the ilustrado class.” Kayâ kung titingnan raw natin ang ating “regional literature” o literaturang rehiyonal, ang mga nakasulat na akda sa Kastila at Ingles, kahit sinulat ng mga “regional writer” ay parang nagiging “national.” Batid niya ang malaking problema sa pagitan ng dikotomiyang “regional” at “national.”

Heto ang mga tanong at haka niya: “Who was it who decided that regional literature ought to consist only of works written in the vernacular? Who was it who relegated ‘regional literature’ as a mere sub-category of ‘national literature?’ The questions are raised not so much to identify individual culprits as to identify the structures that decreed certain literary works by Filipinos as ‘regional’ but others, for reasons that remain unclear, as ‘national.’ As far as we can tell, such a system arose from the same consciousness that set up the educational system, which in turn has been instrumental in spreading the notion that language determines the classification of regional literature.”

Sa sanaysay na ito sinabi niya na kailangang sinupin, pag-aralan, at isalin ang mga “literaturang rehiyonal” upang hindi na lamang mga akda sa Tagalog, Kastila, at Ingles ang mailalagay sa kanon ng “pambansang literatura.” Dapat din daw i-interrogate ang idea natin kung ano ang pambansang literatura. At dapat daw magkaroon ng “shake up” hinggil dito upang dadating ang araw na bagamat naririyan pa rin ang dalawang kategoriyang literaturang rehiyonal at literaturang pambansa, walang paghuhusga o paniniwala na mas angat ang pambansa kaysa rehiyonal.

Sa sanaysay niyang “Ang ‘Pambansa’ at ang ‘Pampanitikan,’” ipinagdiinan ni Lumbera ang halaga ng nasyonalismo sa ating literatura at sa lipunan sa kabuoan. Hindi raw dapat isantabi ang nasyonalismo sa harap ng globalisasyon. Nagtaray pa nga siya. Aniya, “Wala na halos pag-aatubili ang mga bayarang intelektuwal ng pamahalaang Ramos sa pagmumungkahing lipas na raw ang panahon ng nasyonalismo.” Bahagi ng idea niya ng nasyonalismo sa panitikan ay ang pag-aaral ng katutubong estetika.

Ani Lumbera, “Hindi na maipagpapaliban ang paglilinaw sa katutubong estetika. Naghihintay ang balorisasyon ng mga akda sa mga katutubong wika, na nasantabi sa pagpili ng mga akdang dapat pahalagahan ng mga Filipino dahil lamang hindi nakatutugon ang mga ito sa estetikang ipinamana sa mga iskolar at kritiko ng kolonyal na edukasyon.” Itong kolonyal na edukasyon ang dahilan kung bakit mababa ang tingin natin sa sariling literatura, lalo na sa mga akda natin sa mga rehiyonal at katutubong wika.

Sa sanaysay na “Panitikang Panrehiyon, Panitikang Pambansa,” muling ipinagdiinan ni Lumbera ang pagkaitsapuwera ng mga literatura sa mga rehiyonal na wika sa pagbuo ng kanon ng panitikan ng Filipinas. Tatlong panitikan lamang ang nakakapasok sa kanon na ito. Mga nakasulat sa Tagalog, Ingles, at Kastila. Aniya, “Ang lalong mahalagang tanong para sa okasyon ay kung bakit hindi nakapasok sa ‘kanon’ ang mga awtor na sa wikang rehiyonal nagsulat. Ang naiwang impresyon tuloy sa ilang henerasyon ng mga estudyante ay walang puwang sa ‘kanon’ para sa mga manunulat sa mga rehiyonal na wika.”

Nakita niya na isa sa mga sanhi nito ay ginawang batayan ng wikang pambansang Filipino ang Tagalog. Dahil dito naging pambansa ang mga nakasulat sa Filipino/Tagalog. Ang panukala niya at “Ibalik sa rehiyon ang panitikang Tagalog” na pamagat ng isa niyang sanaysay.  Sabi pa niya, “Sa loob ng panahong ang panitikang Tagalog ay halos naging katumbas ng panitikang pambansa, ang mga panitikang panrehiyon na pinangungunahan ng Sebuwano, Ilonggo at Iluko, ay nabuhay at umunlad nang may bahagyang kaugnayan lamang sa panitikang sinusulat sa sentro ng bansa.” Hindi man ginamit ni Lumbera ang salitang “Manisentrismo” sa pambansang literatura sa kaniyan sanaysay, klaro naman na sinasabi niya na isa ito sa mga dahilan kung bakit naitsapuwera ang mga rehiyonal na akda sa kanon na ini-insist niya ilagay muna sa loob ng panipi, “kanon,” dahil tentatibo pa lamang ito.

Marami pang trabaho ang kailangang gawin. Aniya, “Hangga’t ang mga panitikang panrehiyon ay hindi pa nasisinop ng mga iskolar at kritiko, nakabimbin ang pagbubuo ng tunay at awtentikong kanon, at hindi pa rin tayo handa para pag-usapan nang may bahagyang katiyakan ang tinatawag nating Pambansang Panitikan.”

Palagi kong sinasabi sa aking mga estudyanteng literature ang major sa undergrad man o graduate programs, marami silang maiaambag sa larangan ng Literaturang Filipino kung seseryosohin nila ang pagtrabaho. Kahit luma na ang sanaysay ni Lumbera na “The Rugged Terrain of Vernacular Literature,” noong 1977 pa ito unang nalathala at binasa sa isang kumperensiya sa University of San Carlos sa Cebu noong 1976, nananatili pa ring problema ang tatlong kakulangang inilatag niya: 1. Problema sa materials, 2. Problema sa tao, at 3. Problema sa metodolohiya.

Kailangang ipunin pa ang akda sa iba’t ibang wikang rehiyonal at katutubo. Kailangang pag-aralan at isalin ang mga ito. Kailangan ding ilathala. Kailangan ng mga taong gagawa nito: mga researcher na mangangalap at mag-document, mga kritiko, at mga tagasalin. Kailangan ding magkaroon ng sariling pamamaraang basahin at tasahin ang ating mga akda at hindi lamang aasa sa mga idea at teoryang kanluranin mula sa kolonyal na sistemang edukasyon natin.

Hanggang ngayon, nandiyan pa rin ang tatlong problema ni Lumbera. Ngayong wala na siya, kailangan na nating ipagpatuloy ang nasimulan niyang trabaho.

Halimbawa, sa katatapos pa lamang na traymester namin dito sa De La Salle University, nagturo ako ng Philippine Literatures from the Region sa mga literature major naming (tatlo lang naman sila sa special class na ito). Ang Filipinos Writing ang main textbook namin. Isa sa mga aktibidad namin ay usisain ang librong ito sa pamamagitan ng pagtingin sa Table of Contents lamang. Tinanong ko sila kung ano ang kakaiba na napansin nila. Ang clue, ang sabi ko sa kanila, ay tingnan ang mga chapters sa ilalim ng Luzon, Visayas, at Mindnao. Napansin ng mga estudyante ko na sa ilalim ng Luzon at Visayas, nahahati sa mga wika at rehiyon ang mga akda. Halimbawa sa Luzon ay may Cordillera Literature, Pangasinan Literature, hanggang Bicol Literature. Pagdating naman sa Visayas, represented ang lahat ng rehiyong ng Kabisayaan—Eastern, Central, at Western. Pero pagdating sa Mindanao, isang chapter lang. Naka-lump ang buong Kamindanawan sa ilalim lamang ng “Mindanao Literature.” Itong Filipinos Writing ang sa tingin ko ang pinakakumprehensibong at pinakarepresentatibo na antolohiya ng Literaturang Filipino. Pero kailangan nang i-update ito.

Marami pa tayong dapat gawin. Ang maganda lang, naumpisahan na ito ng dakilang si Bienvenido N. Lumbera na talagang isang tunay na Pambansang Alagad ng Sining. Napakalaki ng utang na loob natin sa kaniya.

Pag-aayos ng Hardin

Alas-diyes pa lamang ng umaga basang-basa na ng balhas ang t-shirt ko. Dahil walang online classes sapagkat Araw ng mga Bayani, matapos mag-agahan ng pandesal from the neighborhood panaderya at pinyang ibinebenta ng isang matandang lalaki sa tabing kalsada dito sa amin sa Pasig, agad akong pumunta rito sa likod ng bahay namin upang ayusin ang aking maliit na hardin. Tag-ulan kasi kayâ award-winning ang paglago ng mga tanim at damo. Ang lila kong bogambilya ay nagpinagusto sa pagrabong at kailangan kong putulin ang maraming sanga. Exempted siyempre ang mga sanga na may bulaklak.

Ang ganda ng pagtubo ng mga fern na itinanim ko noong tag-araw. Mula pa ito sa fern na dala ni Tita Neneng mula sa bakuran namin sa Antique. Si Tita ang master ng plant smuggling noong mga panahong hindi pa uso ang mga plant tita. Kahit sabihan ko na huwag magdala ng mga tangkay ng halaman mula sa hardin namin sa Maybato dahil baka masita kami ng plant quarantine officers sa airport, ibabalot pa rin niya ang mga tangkay sa mga damit niya sa maleta. Malalaman ko na lamang kapag dumating na kami rito sa bahay sa Pasig at ilalabas niya ang mga tangkay at agad niyang itatanim.

Kayâ mas lalo kong inaalagaan ang mga tanim niya. Pinaparami ko sapagkat nagsisilbing handëmanan niya. At parang extented metaphor ang peg, dahil maraming halaman namin dito sa Pasig ang galing Antique, parang magkaugnay na rin ang bahay namin dito sa Pasig at ang bahay namin sa Maybato.

Masaya ako at lumalago rin at walang tigil sa pamumulaklak ang dilaw at pulang rosas sa tabi ng garden bench na regalo sa akin ni Mimi. Ginaya ko ang pinuntahan namin noon na hardin sa Växjö, ang greenest city sa Sweden, na may isang bench na napapaligiran ng mga rosas at nakalalasing ang kanilang bango.

Sobrang taba ng carabao grass na inorder namin ni Sunshine online noong Abril. Bongga ang pagtubo ng mga ito na para bang ilang taon na silang tumutubo rito sa hardin. Nakakapagod gupitin. Kahit pa ang malaking panggupit ang gamit ko. Nakakahingal yumuko at tumuwad. Ang biro ko nga, maghanap kaya ako ng gardener na may abs na bakunado!

Naiisip ko tuloy si Ove, ang robot na grass cutter nina Mimi sa Sweden. Malawak kasi ang bakuran nina Mimi at tinatamad silang gumamit ng land mower. Sa Sweden pa naman parang barbaric ang dating kung uncut ang mga hilamon sa bakuran ninyo. Hayan, bumili sila ng robot na non-stop sa pag-cut ng grass. Matalinong robot dahil kusa itong pupunta sa charging station niya kung maramdaman na niyang malo-low bat siya. Kung fully charged na, cut galore uli ito. Sa mga larawang ipinapadala ni Mimi sa Messenger, laging well cut ang damo sa paligid ng aking Sirenahus. OA naman kung may robot grass cutter ako rito sa Pasig assuming na ma-afford kong bilhin ito. Mas mura pa rin ang gardener na may abs!

Pero siyempre iba pa rin na ako ang magka-cut ng grass at maghawan ng mga halaman. Garden ko ito kayâ dapat pagpawisan ko. After all, ang isa sa mga rason kung bakit inayos ko ang hardin na ito ay para makapag-exercise ako habang naka-lockdown.

Kahit maliit na hardin parang nature sanctuary ko na rin ito rito sa Metro Manila. Dahil maraming halaman at bulaklak, may namamasyal na mga paruparo kung minsan, at may isang ibon din na pabalik-balik. Sabi nga ni Henry David Thoreau sa kaniyang librong Walden, “We need the tonic of wildness” at “In wildness is the preservation of the world.” Siyempre ang totoong wildness ang tinutukoy ni Thoreau at charot wildness lang itong kakarampot kong hardin sa Pasig. But I have to start somewhere at magandang umpisa sa paghahardin itong ginagawa ko. Magandang preparasyon ito para sa isang hardin sa isang wild na location na uumpisahan kong gagawin soon. Ngayong linggo, ipa-finalize ko na ang pagbili ng isang 1.5 acre na lupa sa Antique para sa pangarap kong hardin.

Actually, kinokontra ng mga kapatid ko ang gagawin kong ito lalo na si Mimi. May mga lupa naman daw kaming minana mula sa aming mga magulang at kay Tita Neneng. May pandemya pa at bakit ako bibili ng lupa?

Ewan ko. Gusto ko ng lupang sariling akin. Gusto ko ng sariling Walden. Ang mga minana naming lupa ay hindi wild enough sa pamantayan ni Thoreau. Hindi ko iniisip na kahibangan ang bumili ng lupa sa bundok sa panahon ng pandemya para mag-permaculture. Sa katunayan, ito ang dapat gawin ng lahat, at least ng mga may kakayahang gawin ito, sa panahon ng pandemya.

Hayan, kailangan ko nang pumasok ng bahay. Dumidilim na naman ang kalangitan. Tiyak uulan na naman at ngayon pa lang, tila naghahagikhikan na ang pagkaluntian ng aking munting hardin dito sa Pasig.

Kung Bakit Mahalaga ang Pagsasalin

[Nais kong ibahagi rito ang aking Welcome Remarks kanina sa Graduate Forum ng Literature Department ng De La Salle University na nagtatampok ng lektura ng premyado at prolific na makatang si Dr. Mesandel Virtusio Arguelles na mas kilala sa kaniyang byline na Ayer Arguelles. “Para-Paraan: Pagsasalin Bilang Pagtatapat/Pagta-tapat” ang pamagatan ng kaniyang panayam.]

Nasa panahon na tayo na kailangang palakasin ang pagsasalin ng ating literatura: mula sa mga katutubo at rehiyonal na wika tungo sa wikang pambansang Filipino at Ingles na mga pangunahing midyum ng ating edukasyon, mula sa Filipino at Ingles patungo sa mga katutubo at rehiyonal na wika, mula sa isang katutubo o rehiyonal na wika patungo sa iba pang katutubo o rehiyonal na wika at mayroon tayong higit-kumulang sa 135 na wika. Isama na rin natin ang mga pagsasalin mula at patungo sa mga banyagang wikang ginagamit ng mga manunulat na Filipino tulad ng Madarin at Kastila.

Kailangan nating mga Filipino na mabasa ang akda ng isa’t isa. Sa ganitong paraan mas madali nating maunawaan ang isa’t isa. Sa panahon ng mga fake news, historical revisionism, at mga mapanlinlang na mga naratibong pampolitika, ngayon natin mas kailangang basahin ang isa’t isa upang mas maging klaro sa atin ang ating mga naratibo, mga naratibong nakasandig sa katotohanan at katarungan. Hindi lahat ng mga manunulat ay panig sa katotohanan at katarungan. Nakikita natin ngayon sa panahon ni Duterte, ang presidente na walang respeto sa wika, katotohanan, at katarungan ang maraming manunulat na tila nawalan na rin ng respeto sa wika, katotohanan, at katarungan. Siguro dahil nabulag sa pag-idolo sa isang sinungaling na politiko, o sadyang walang kakayahang mag-isip kaya pati fake news at mga cut and paste na post ng mga troll ay nire-repost sa Facebook, o sadyang nababayaran para lumikha at magpakalat ng kasinungalingan. Kailangan ding maisalin ang mga akda nila para mabasa nang mas marami ang kanilang kahangalan at kasamaan, o ang kontradiksiyon sa kanilang panulat at ang mga cognitive dissonance sa kanilang nga akda. Hindi immune ang mga katutubo at rehiyonal na wika sa cooptation ng korap na pamahalaan.

Gusto ko ang pamagat ng lektura ni Dr. Ayer Arguelles ngayong tanghali na “Para-paraan: Pagsasalin Bilang Pagtatapat/Pagtapat-tapat” dahil pinapaalala nito sa atin (at least sa pamagat pa lang) ang halaga ng gawaing pagsasalin na ito ay isang tiyak na pamamaraan ng pagtatapat at pagiging tapat. Tapat saan? Siguro una muna sa orihinal na teksto at sa tekstong salin nito. At siguro katapatan sa katotohanan para mawala ang masamang tunog na salitang para-paraan.

Binabasa ko ngayon ang pinakabagong libro ng mga salin ni Joaquin Sy, ang pangunahing tagasalin ng mga tulang Tsinoy mula Madarin patungong Filipino. Pinamagatan itong Mga Tula sa Libong Pulo na inilathala ngayong taon ng Philippine Cheng Bio Eng Foundation at naglalaman ng mga tula ng mga paborito kong makatang Tsinoy na sina Sze Machi, Benito Tan, Grace Hsieh-Hsing, at Jameson Ong na pawang nagawaran ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas o UMPIL na ang inyong lingkod ang Sekretaryo Heneral sa kasalukuyan. Ang introduksiyon bilang tagasalin ni Sy ay pinamagatan niyang “Kung Bakit Kami Nagsasalin: Pagtutulay at Pakikipagkaibigan.” Ipinapakita ni Sy na ang pagsasalin ay isang mahusay na paraan ng pakikipagkaibigan.

Dahil Graduate Forum ito, nais akong manawagan sa inyong mga gradwadong mag-aaral sa Departamento ng Literatura na ang pagsasalin ang isa sa mga maaari ninyong gawin sa inyong mga tesis at disertasyon dahil kailangang-kailangan ito sa ngayon. Kapag nag-ambag kayo sa gawaing pagsasalin, nag-ambag na rin kayo sa nation building. Oo, medyo OA pakinggan ang nation building. Pero ito talaga ang dapat na pangunahing layunin ng ating eduksyon. Ang maging tapat sa ating bansa, hindi sa ating mga personal na ambisyon.

Ikalima nga SONA ni PNoy

Nahalungkat ko kahapon sa aking MacBook ang sanaysay na itong sinulat ko noong 28 Hulyo 2014 matapos manood ng ikalimang SONA ni PNoy. Nalathala ito sa Balay Sugidanun noong noong 3 Agosto 2014. Dahil sa maraming nalalatlaha ngayon sa social media at kung saan-saan pa tungkol kay PNoy dahil sa maagaang pagtaliwan niya noong 24 Hunyo 2021, minarapat kong muling ilathala rito sa blog ko ang sanaysay na ito na may salin sa Filipino. Ang mga kinatatakutan kong mangyari sa ating bansa sa sanaysay na ito ay talagang nangyari. Ngayon klaro na na nagkamali ang sambayanan sa pagpili ng presidenteng pumalit kay PNoy kung kaya’t nasa kalunos-lunos na kalagayan ang bansa ngayon. Nasa panahon tayo ngayon na maaari pa nating isalba ang ating sarili mula sa isang incompetent, korap, at malupit na administrasyon. Sana sa pagkamatay ni PNoy ay mamulat tayong mga Filipino na deserving tayong pagsilbihan ng isang matalino, masipag, disente, at makataong pangulo kahit na hindi perpekto dahil wala naman talagang perpektong tao.

***

NAGAPATI gihapon ako kay Presidente Benigno Simeon C. Aquino III ukon PNoy. Amo dya ang nagsëlëd sa pinsar ko pagkatapos ko sëlngën sa telebisyon ang anang ikalima nga SONA kaina ti hapon.

[NANINIWALA pa rin ako kay Presidente Benigno Simeon C. Aquino III o PNoy. Ito ang pumasok sa aking isipan pagkatapos kong manood sa telebisyon ng kaniyang ikalimang SONA kaninang hapon.]

Gusto ko ang mga SONA ni PNoy hay tana ang pinakauna nga presidente nga ang pulong natën ang ginagamit na. Mas rakё ang makaintiyende. Pati mga drayber kang traysikël sa andang mga paradahan nagapamati kana kag makatëgda parti sa ginpanghambal na.

[Gusto ko ang mga SONA ni PNoy dahil siya ang pinakaunang presidente na ang wika natin ang ginagamit niya. Mas marami ang nakakaintindi. Pati mga drayber ng traysikel sa kanilang mga paradahan ay nakikinig sa kaniya dahil may masasabi sila sa mga sinasabi niya.]

Pero amo dyang ikalima na nga SONA ang pinakagusto ko. Una, nabuhinan ang pagpang-away na. Nagapati ako nga korap gid man si Gloria Macapagal Arroyo kag dapat gid man dya mapriso (kag daad bëkën sa presidential suite kang sangka hospital), pero daw bëkët nami kon ginamulay na dya sa anang SONA. Uyang ka tiyempo kag indi takёs ang mga korap nga pareho ni Gloria na estoryahan pa sa SONA. Siguro sa iban nga forum puwede pa.

[Pero itong ikalimang SONA niya ang pinakagusto ko. Una, nabawasan ang pang-aaway niya. Naniniwala akong korap naman talaga si Gloria Macapagal Arroyo at dapat talagang makulong (at hindi sana sa isang presidential suite ng isang ospital), pero parang hindi maganda kung inookray niya ito sa kaniyang SONA. Pagsasayang ng oras at hindi karapatdapat pag-usapan ang mga korap tulad ni Gloria sa isang SONA. Siguro sa ibang forum puwede pa.]

Amo ria nga gusto ko kaina nga wara ginmitlang ni PNoy ang ngaran nanday Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, kag Bong Revilla—mga senador nga napriso kadya tëngëd sa mga akusasyon kang korapsiyon. Kundi wara sanda natugruan it importansiya. Daw wara rën sanda.

[Kayâ gusto ko kanina na hindi binanggit ni PNoy ang pangalan nina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla—mga senador na nakakulong ngayon dahil sa mga akusasyon ng korapsiyon. Kayâ hindi sila nabigyan ng importansiya. Parang wala na sila.]

Rakë siyempre ang kulang sa report ni PNoy sa anang mga “boss” (ukon mga “bosslot?”). Kon magsëlëng kita sa atën palibot, tuman pa ka rakë ang dapat himuon kang gobyerno. Bisan hambalën pa ni PNoy nga okey  ang atën growth rate kag okey rën ang atën credit standing kag bëkën rën kita ang ginatawag nga “sick man of Asia,” mga macroeconomics lamang dya. Kon sëlngën gid man ang macroeconomics kang atën pungsod kadya, manami. Manami ikumpara sa iban nga mga pungsod sa Asya. Ugaring problema gihapon ang microeconomics. Ang mga manggaranën nga negosyante lamang ang makabatyag kadyang pag-ugwad kang ekonomiya kag wara pa dya mabatyagan bisan kayët lang kang mga ordinaryo nga empleyado, obrero, mamumugon, kag mga imol. Miyentras tanto nga indi mabatyagan kang mga imul ang pagnami kang ekonomiya, lagpok man gihapon ang grado kang sangka presidente.

[Marami siyempre ang kulang sa report ni PNoy sa kaniyang mga “boss” (o “bosslot?” Ang butas sa Kinaray-a ay “buslot”). Kung titingnan natin ang ating paligid, marami pang dapat gawin ang gobyerno. Kahit sabihin pa ni PNoy na okey ang ating growth rate at okey na ang ating credit standing at hindi na tayo tinatawag na “sick man of Asia,” mga macroeconomics lamang ito. Kung titingnan kasi talaga ang macroeconomics ng ating bansa ngayon, maganda. Maganda kumpara sa ibang mga bansa sa Asya. Kayâ lang problema pa rin ang microeconomics. Ang mga mayaman na negosyante lamang ang nakakaramdam nitong paglago ng ekonomiya at hindi pa ito nararamdaman nang kahit maliit lang ng mga ordinaryong empleyado, manggagawa, at mga mahirap. Hangga’t hindi mararamdaman ng mga dukha ang pagganda ng ekonomiya, bagsak pa rin ang grado ng isang presidente.]

Halimbawa ang ginapahambog na nga pagpasugot kang European Union nga makabiyahe rugto ang mga eroplano kang Philippine Air Lines. Sin-o karia ang makapulos kundi ang mga manggaranën lamang nga may pilak para magbakasyon sa Europa, ukon ang mga OFW nga siyempre napiritan bayaan ang pamilya hay wara it maobrahan rëgya sa Filipinas. Antuson ang pag-isarahanën sa abrod kaysa dërërëngan sanda kang andang pamilya nga mapatay sa gëtëm.

[Halimbawa ang ipinagmamalaki niyang pagpayag ng European Union na makabiyahe na roon ang eroplano ng Philippine Air Lines. Sino ang makikinabang diyan kundi ang mga mayaman lamang na may pera na pangbakasyon sa Europa, o mga OFW na siyempre napilitang iwanan ang pamilya dahil walang mapagtatrabahuhan dito sa Filipinas. Titiisin nila ang pag-iisa sa abrod kaysa sabay-sabay sila ng kanilang pamilyang mamatay sa gutom.]

Ang presidente nga nakita ko kaina sangka tawo. Tawo nga nabëdlayan kag nakapuyan man. Tawo nga nasakitan man kon ginamulay. Tawo nga may ginaamligan nga dëngëg kang mga ginikanan kag pamilya.

[Ang presidenteng nakita ko kanina ay isang tao. Taong nahihirapan at napapagod din. Taong nasasaktan din kapag nilalait. Taong iniingatang dangal ng mga magulang at pamilya.]

Indi gid man manigar nga sangka hasyendero si PNoy. Ginbata sa manggaranën nga pamilya kag iba siyempre ang realidad kaysa mga ginbata sa makasarangan lang ukon mga imul nga pamilya. Amo ria siguro nga rakё tana indi makita nga pag-antus kang mga pobre sa Filipinas.

[Hindi talaga maipagkaila na isang hasyendero si PNoy. Ipinanganak sa isang mayamang pamilya at iba siyempre ang realidad kaysa mga ipinanganak sa medyo maykaya lang o mga mahirap na pamilya. Kayâ siguro marami siyang hindi nakikitang paghihirap ng mga pobre sa Filipinas.]

Sa pihak kang mga makita natën nga mga kakulangan ni PNoy bilang presidente, indi mahimutig nga bëkën tana it matakaw, nga bëkën tana it korap. Bahël dya nga bagay. Indi natën dya mahambal sa mga nagriligad nga presidente pareho nanday Fidel Ramos, Joseph Estrada, kag si Gloria nga bëkën gid it glorya ang ginadara kanatën. Si Cory, bëkët man daad tana ang nagpanakaw kang tana presidente, nagpinagusto man ang mga paryente kag mga tinawo na. Amo gani may ginatawag kato nga “Kamag-anak Incorporated.”

[Sa kabila ng mga nakikita nating kakulangan ni PNoy bilang presidente, hindi mapasinungalingan na hindi siya kawatan, na hindi siya korap. Malaking bagay ito. Hindi natin ito masasabi sa mga nagdaang presidente katulad nina Fidel Ramos, Joseph Estrada, at si Gloria na hindi talaga Gloria ang dinala sa atin. Si Cory, hindi sana siya ang nagnanakaw noong siya ay presidente, nagkaniya-kaniyang nakaw naman ang mga kamag-anak at tauhan niya. Kayâ nga may tinatawag noon na “Kamag-anak Incorporated.”]

Nagustuhan ko ang punto ni PNoy nga kon ano man ang mga manami nga pagbag-o ang natabo sa kadya sa atën pungsod, daad dya sangka manami nga umpisa lamang kag daad ang mga masunod kana nga presidente padayunon dya agëd padayon kita sa pag-ugwad. Nagapakita lamang dya kang anang pagkamapainëbësën.

[Nagustuhan ko ang punto ni PNoy na kung ano man ang mga magandang pagbabago ang nangyari ngayon sa ating bansa, sana isang magandang simula lamang ito at sana ang mga susunod na presidente ipagpatuloy ito upang padayon tayo sa pag-unlad. Nagpapakita lamang ito ng kaniyang pagiging mapagpakumbaba.]

Importante matuod kon sin-o ang masunod nga presidente. Kon matabuan nga korap liwan pareho ni Gloria, mabalik liwan sa uno ang atën macroeconomics. Hambal gani kang ekonomista nga si Winnie Monsod, handa rën ang Filipinas sa paglëpad. Ti, kon matakaw ang mabëlës kay PNoy, basi magluyloy liwan ang atën pakë.

[Totoong importante kung sino ang susunod na presidente. Kung magkataong korap uli tulad ni Gloria, babalik muli sa simula ang ating macroeconomics. Sabi nga ng ekonomistang si Winnie Monsod, handa na ang Filipinas sa paglipad. Kung magnanakaw ang papalit kay PNoy, baka manghina muli ang ating pakpak.]

Abaw, wara gid ako it sarig kay Bise Presidente Jejomar Binay. Sëlnga ay, harus tanan sanda sa pamilya nanda may puwesto sa gobyerno. Magluwas kana nga bise presidente, may senador pa, may kongresman, kag may meyor. Indi ako mangësyan kon ang sangka kuti nanda barangay kapitan sa Makati. Ang nepotismo sangka senyales nga bëkën it mayad nga mga politiko ang sangka pamilya. Sёlnga ay ang mga Marcos, ang mga Estrada. Ti, maiwan kita hay si Binay ang nagapanguna sa mga sarbey?

[Abaw, wala talaga akong tiwala kay Bise Presidente Jejomar Binay. Tingnan mo, halos lahat sila sa pamilya nila may puwesto sa gobyerno. Bukod sa kaniya na bise presidente, may senador pa, may kongresista, at may meyor. Hindi ako magugulat kung ang isang pusa nila ay barangay kapitan sa Makati. Ang nepotismo ay isang senyales na hindi mabuti ang mga politiko ang isang pamilya. Tingnan natin ang mga Marcos, ang mga Estrada. Ti, paano ‘yan at si Binay ang nangunguna sa mga sarbey?]

Wara rën si Mar Roxas. Nakita kang tanan ang non-presidentiable nga ugali na kang magbagyo Yolanda. Dugangan pa kang asawa na nga journalist kuno pero nangin apologist. Mayad hay gintarayan kang taga-CNN. Si Grace Poe hambal nanda basi puwede man pero wara pa man gid dya it may napatunayan. Delikado. Si Chiz Escudero, tuman ka trapo. Daw mayad lang magwakal. Kanugon gid nga napatay si Jessie Robredo.

[Wala na si Mar Roxas. Nakita ng lahat ang non-presidentiable na ugali niya nang magbagyong Yolanda. Dagdagan pa ng asawa niyang journalist kuno pero naging apologist. Mabuti at tinarayan ng isang taga-CNN. Si Grace Poe sabi nila baka puwede rin subalit wala pa itong napatunayan. Delikado. Si Chiz scudero, masyadong trapo. Parang magaling lang magdakdak. Sayang talaga na namatay si Jessie Robredo.]

May ginapanëmdëm ako nga basi puwede. Si Governor Vilma Santos-Recto. Mayad ang pagpadalagan na kang Syudad Lipa kang tana nangin meyor. Kag kadya nga gobernadora tana kang Batangas, mayad man ang pagpadalagan na. Daw masarigan si Ate Vi nga indi mangin kawatan. Siguro kinahanglan na lang kang mga mayad kag maaram nga gabinete. Ang importante, may integridad ang presidente kag si Ate Vi may amo kadya.

[May naiisip ako na baka puwede. Si Governor Vilam Santos-Recto. Maganda ang pamamalakad niya ng Lungsod Lipa nang siya’y naging meyor. At ngayong gobernadora siya ng Batanga, maayos din ang pamamalakad niya. Parang kakayanin ni Ate Vi na hindi maging kawatan. Siguro kakailanganin lang niya ng mga mabuti at matalinong gabinete. Ang importante, may integridad ang presidente at si Ate Vi ay meron nito.]

Ti, paano bay tana ang bana na? May namangkot. Trapo gid man abi. Maan, sabat ko. Mangadi rën lang kita, e para sa milagro. Si PNoy kato wara man ria ginaestoryahan nga magpresidente. Napatay si Cory kag naambunan kang Cory Magic, ti nagdaëg. Kon paminsarën, ang pagkapresidente ni PNoy daw milagro. Siguro puwede nga magmilagro pa liwan. Magsarig lang kita sa kamayad kang Ginuo.

[O paano naman ang kaniyang bana? May nagtanong. Trapo naman kasi talaga. Ewan, sagot ko. Magdasal na lang tayo para may milagro. Si PNoy noon hindi naman pinag-uusapan na maging presidente. Namatay si Cory at naambunan ng Cory Magic kayâ nanalo. Kung pag-iisipan, ang pagkapresidente ni PNoy parang milagro. Siguro puwede namang magmilagro uli. Maniwala lang tayo sa kabutihan ng Panginoon.]

Naghibi ako kang maghibi si PNoy kang ginhambal na kon kadya tana mapatay, husto rën kag kuntento rën bala tana sa mga nahimu na? Hambal na kuntento rën tana kag napësâ ang anang limëg. Nag-igham tana kag naglab-ok anay kang tubig. Sa katapusan, atubangën gid man natën ang atën kaugalingën kag pamangkuton kon nahimu bala natën rugya sa ibabaw kang kalibutan ang gusto natën himuon. Ang mga hirimuon nga dya bëkën lamang para sa atën kaugalingën kundi para man sa atën mga isigkatawo. 

[Umiyak ako nang umiya si PNoy at sinabi niya na kung ngayon siya mamamatay, sapat na ba at kuntento na ba siya sa mga nagawa niya? Sabi niya kuntento na siya at nabasag ang kaniyang boses. Tumikhim siya at lumagok muna ng tubig. Sa katapusan, haharapin talaga natin ang ating sarili at tatanungin kung nagawa ba natin dito sa ibabaw ng mundo ang gusto nating gawin. Ang mga gawaing ito ay hindi lamang para sa ating sarili kundi para din sa ating kapuwa.]

[28 Hulyo 2014 Lunes / 8:30 t.g. Rosario, Pasig]      

Bása Tayo (1) : Labanan sa Marawi

Kapag ang peryodistang si Criselda Yabes ang magsulat ng libro hinggil sa isang pangyayari, lalo na ang may kinalaman sa militar, kahit na anyong investigative journalism ito o isang libro ng creative nonfiction, nagmimistula itong nobela na masyadong nakaaaliw at nakaiintriga na kapag umipisahan mong basahin ay hindi mo na bibitawan hanggang sa huling pahina.

Ito muli ang nangyari sa akin nang binasa ko ang pinakahuling libro niyang The Battle of Marawi (Pawikan Press, 2020) na tungkol sa binansagang “siege of Marawi” noong 2017, ang laban sa pagitan ng militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa mga magkapatid na Maute na kasabwat ng Islamic State of Iraq at al-Shalam o ISIS.

Naalala ko ang pelikulang Saving Private Ryan ni Steven Spielberg habang binabasa ang librong ito. Matingkad ang pagsasalaysay at ang paglalarawan ng labanang iyon. Dahil malanobela ang paraan ng pagsasalaysay, bilang mambabasa para ka talagang nandoon sa tabi ng mga karakter na militar sa tabi ng kanilang binabaril na sasakayan, o gumagapang sa mga bakanteng bahay at di makagalaw masyado at lalong di makalabas dahil nakaabang ang mga sniper sa di kalayuan o sa kabilang gusali. Parang kang nanonood ng pelikula habang nagbabasa.

Halimbawa ng matingkad na paglalarawan ang unang talata ng tsapter na pinamagatang “View From a Spiper’s Hole,” “The trees had no leaves. There was one as huge as an acacia where the birds flocked, strangely, from where they could better see what was happening in the main battle area. I couldn’t distinguish them from the zoom lens of my camera, watching from a sniper’s hole in an occupied house in the neighbordhood of Raya Saduc, just across the river in the army’s safe zone (132).”

Maganda rin ang paglalarawan ng lunan katulad ng isang tipikal na bahay ng isang maykayang Marënaw sa Marawi: “We were in the third story of a house that was typical of a middle-class Maranao family’s home. Any of the houses could have in their storage a stash of guns, bullets, jewelry, cash, or any heirloom. The city lived by its rules, and it was the power of guns that made them the ‘untouchables’ under years of warlord governance.”

Ito ang librong mahirap i-summarize dahil parang walang pangyayari at detalye kang pakakawalan. Kailangan talaga itong basahin nang buo upang tuluyang malasahan ang linamnam ng pagkasulat nito.

Naalala ko noong linggo na may labanan sa Marawi, naghahapunan kami sa isang vegetarian restaurant sa Makati nina Cris (na isang vegetarian) at Yasmin (ang pabliser ng Pawikan Press) at siyempre ang nangyayari sa Marawi ang pinag-uusapan namin habang abala ako sa pagti-text upang kumustahin ang mga kaibigan kong manunulat at guro sa Mindanao State University sa mga  Iligan Instiute of Technology campus at main campus sa Marawi. Si Cris naman, abala sa pakikipag-unayan sa mga kontak niya sa AFP upang makisakay sa susunod na mga flight papuntang Cagayan de Oro para makapunta na siya sa Marawi at ma-cover ang labanan. Ibang klase!

Kunsabagay, hindi ito nakapagtataka. Isang beteranang journalist siya na ilang libro na rin ang nasulat hinggil sa military. Klasiko na ang kaniyang The Boys from the Barracks: The Philippine Military After EDSA (Anvil, 1991, 2009) na ulat niya tungkol sa mga kudeta noong panahon ni Cory Aquino. Para itong nobela ni Gabriel Garcia Marquez na ang mga karakter ay ang mga militar at korap na mga politiko ng Filipinas. Magic realism ang peg halimbawa ng pagsa-shopping ni Imelda Marcos sa Beijing noong 1982 ng rug na balat ng tigre para sa apartment niya sa New York, hindi sa Cubao kundi sa Estados Unidos. Ang isang genuine na rug ay US$17,000. Ang isang rug naman na peke na yari sa balat ng aso ay tag-US$5,000. Nahirapang mag-decide si Madam. Para hindi na maghirap ang kaniyang kalooban, binili niya pareho! Ang kuwentong ito ay nasa unang pahina ng The Boys from the Barracks.

At dahil magic realism nga ito, ang shopping alalay ni Imelda sa Biejing noon na nagkuwento nito ay si Ricardo Morales na 33 taong gulang na kapitan ng militar noon na nahindik sa paggasta na iyon ni Imelda sa pera ng bayan, isang bayan na marami ang naghihirap, kung kaya sumali ito sa papatalsik mula sa Malakanyang sa diktador na si Marcos sa sa imeldific nitong Unang Ginang. At presto! Zoom to 2020, panahon ng COVID-19 pandemic, retiradong heneral na si Morales at na-appoint ng isa pang mala-diktador na presidente bilang presidente ng PHILHEALTH at napilitan itong mag-resign sa gitna ng mga akusasyon ng malawakang kurapsiyon sa ahensiyang ito na napakalaki ng papel na ginagampanan, o dapat gampanan, ngayong may pandemya.

Ang isa pang libro ni Cris tungkol sa mga militar ay ang Peace Warriors: On the Trail with Filipino Soldiers (Anvil, 2011) na tungkol naman sa mga kuwento ng ilang militar na nakadestino sa Mindanao na nagsusumikap na makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa bahaging ito ng bansa.

Kung mayroon man tayong matatawag na manunulat na eksperto sa militar ng bansa lalo na sa military sa Mindanao, walang iba ito kundi si Criselda Yabes. Iniisip ko ngang magturo ng isang graduate seminar class tungkol sa kaniyang mga libro. Magandang mabasa nang maigi ng mga estudyante ng peryodismo at malikhaing pagsulat ang kaniyang mga akda. Mga madandang modelo kasi ito ng sipag at tiyaga sa pananaliksik, maingat at eleganteng paggamit ng wika, at matalim na paghimay at pagtahi ng mga pangyayari. Kung ganito siguro ang pagkasulat ng mga aklat na pangkasaysayan natin, tiyak na mas maraming estudyante ang maeengganyo sa pag-aaral ng kasaysayan.

Ang isa pa sa gusto ko sa mga libro tungkol sa AFP ni Cris, nayu-humanize niya ang ilang mga sundalo sa kaniyang mga libro. Halimbawa dito sa The Battle of Marawi, gusto ko ang mala-bromance na kuwento ng pagkakaibigan ng dalawang sundalong sina Alladin at Six-Eight. Nakakakilig. Pang-BL series. Huwag nating kalimutan na homosocial institusyon ang military kahit na may ilang mga babae nang nagsu-sundalo ngayon. Para malaman ang kuwento nila, kailangan ninyong bilhin at basahin ang librong ito.

Balangaw ang Kulay ng Kalayaan

Ang rainbow poster school project ni Juliet para sa akin.

Maganda at makulay na coincidence na kada Hunyo ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan ng ating bansa at buwan ng Hunyo rin ipinagdiriwang ang Pride Month ng maraming bansa sa buong mundo upang isulong ang mga karapatan at kalayaan ng LGBTQ+.

Sa pag-alaala natin ng ika-123 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Filipinas, huwag sana nating kalimutan na kasama sa mga kalayaang ito ay ang mamuhay nang malaya, ligtas, at marangal sa ating minamahal na arkipelago ang mga agî, lakin-ën, bakla, bayot, tomboy, lesbiyana, bi, trans, at kung ano-ano pang kulay ng pagnanasa at pagmamahal. Kayâ rainbow ang bandera ng LGBTQ+ kasi sari-sari ang mukha at anyo nito.

Ngayong Hunyo rin nangyari ang kahindik-hindik na pagkalbo at pagpahiya sa mga kasapi ng LGBT sa Ampatuan, Maguindanao dahil bawal daw ito sa relihiyon nila. Ganern? Relihiyon pa bang matatawag ang nang-aapi kayo at namamahiya ng dapat ay kapatid ninyo sa pananampalataya?

Kung ang relihiyon ko ay ikakahiya ako at aapihin ako dahil lamang sa pagnanasa at pagmamahal ko sa kapuwa lalaki, di bale na lang, hindi ko kailangan ng relihiyon! Kayâ nga may relihiyon para pagaanin ang buhay natin dito sa daigdig. Kung pinapahirapan ng relihiyon ang buhay natin, hindi na relihiyon iyon kundi kulto na o gang ng mga kriminal.

Thank God para kay Pope Francis. Siya ang Santo Papa na hindi homophobic at judgemental sa LGBTQ+. At least hindi na ako mapipilitang magpatayo ng sarili kong relihiyon dahil may mga obispong Katoliko pa rin na mistulang nabanhaw mula sa Dark Ages. Katoliko kasi ang minana kong relihiyon mula sa aking mga magulang. Pati edukasyon ko, 100% Katoliko ‘yan. Kayâ nagsisimba ako, nagrorosaryo, Marian devotee rin ako tulad ng namayapa kong ina, at bago ako lumabas sa pintuan nananalangin ako sa aking guardian angel na bantayan ako. Ngayon, kung mag-insist talaga ang Catholic Church na sa impiyerno ako mapupunta dahil bakla ako at dapat akong kalbuhin, hindi ako mangingiming itapon itong relihiyon ng aking angkan at magtatayo ako ng sariling relihiyon, kesehodang mag-isa lang akong kasapi, at patuloy pa rin akong magdadasal sa Diyos ng Kabutihan at Katarungan, kay Mother Mary, at hihingi pa rin ako ng proteksiyon sa mga anghel.

Speaking of pagkakalbo sa mga bading at trans, talagang bobo at gunggong iyong mga namahiya sa Maguindanao! Baket? Ano’ng iniisip nila? Kapag kinalbo mo ang bakla magiging lalaki na ito? Si Samson nga lalong lumalakas kapag mahaba ang buhok. Charot! Ang ibig kong sabihin, kalbuhin mo man ang mga baklang iyan, makakahanap ‘yan ng wig na iba-iba pa ang kulay kung trip talaga nilang magrampa na mahaba ang buhok. Ang isa pang point, hindi lahat ng bakla ay gusto ng mahabang buhok. Halimbawa ako, since 2000 pang semikalbo palagi ang buhok ko dahil mas presko ito, walang effort patuyuin pagkatapos maligo, at hindi ko na kailangang tingnan ang mukha ko sa salamin bago ako lumabas ng bahay kasi sure na ako na maganda ako!

Itong mga homophobic na taga-Maguindanao ay dapat matututo sa mga Teduray na nakatira sa kanilang kagubatan. Hindi isyu ang pagiging trans sa mga Teduray. Sa kultura nila, kapag nais ng isang lalaki na maging babae siya, walang problema. Magdamit babae, magkilos babae, at mamuhay na isang babae lang siya at babae na siya. Mentefulawey libun ang tawag nila rito. Ganoon din kung babae ka at gusto mong maging lalaki. Magdamit lalaki ka lang, magkilos lalaki, at mamuhay na isang lalaki at lalaki ka na. Mentefulawey lagey naman ang tawag nila rito.

Ang mga nangalbong iyon at ang mga nag-utos sa kanila at ang mga nanood lamang at walang ginawa at walang gagawin ay mga masyado nang napag-iwanan ng panahon! Humabol naman kayo sa 21st Century.

Henewey, mas maraming dapat ipagdiwang para ngayong Pride Month. Kahapon pag-uwi ko rito sa Pasig, nag-order si Sunshine para sa akin ng rainbow cupcakes na may buntot ng Sirena! Noong isang araw, gin-PM sa akin ni Mimi ang gawang rainbow flag poster ni Juliet para sa akin. Proyekto nila ito sa paaralan nila sa Sweden.

Kayâ love ko ang Sweden dahil bukod sa welfare state ito (libre ang health services at edukasyon), makatao at makakalikasan ang pamumuhay nila. Hindi acceptable sa kanila ang pagiging racist at homophobic. I’m sure may mga racist at homophobic din sa kanila subalit hindi nila ipangangalandakan ito dahil labag sa batas nila at sa kanilang pangkalahatang kultura. Talagang doon ko naramdaman kung paanong mamuhay ang isang cultured na bansa. At labis-labis ang aking pasasalamat sa Diyos sa araw-araw na dinala niya si Juliet doon.

Si Juliet at ako sa harap ng Parliament House sa Stockholm.

Nagkataong nasa Stockholm ako noong tag-araw ng 2016 nang mag-Pride March doon. Kasama ko ang kapatid kong si Mimi, ang Swedish kong bayaw na si Jonas, at si Juliet. Namangha ako kasi may mga banderang balangaw sa lobby ng hotel naming tinirhan. Nang magkape kami sa Starbucks (Kapag kasama ko si Mimi kahit saan kami mapadpad kailangang pumunta ng Starbucks.) may mga rainbow flag sa cashier. Lahat ng restawran may rainbow flag. Pati sa mga bangko doon may rainbow flag. Ang isang malaking gusali ng American Embassy nabalutan ng higanteng rainbow flag. Ang mga bus may rainbow flag. May mga rainbow poster sa mga tren na ang nakalagay, “Visa Dina Rätta Färger!” na ang salin sa Ingles ay, “Show Your Correct Colors!”

Sa iconic na Central Station ng Stockholm nang bumaba ako ng tren, may nakita akong matabang matandang bakla. Siyempre parang nakita ko agad ang sarili ko may mga 20 years pa! May kapa siyang rainbow flag at may hawak-hawak siyang maliliit na rainbow flag at buong giliw siyang kumakendeng-kendeng at nakakahawa ang kaniyang saya. Hindi siya pinagtatawanan at hindi siya kinukutya. Napaiyak ako. Naiyak ako dahil sa saya para sa matandang iyon na kasing saya at ganda ng balangaw. At naiyak ako para sa aking sarili dahil kailan kayâ mangyayari ang ganito sa Filipinas? Na may lungsod kayâ sa aking bayang sawi na magwawagayway ng rainbow flag kapag Pride Month?

Alam ko namang bongga na ang Pride March sa Marikina. Noong 1996 nang mag-aral ako sa La Salle nasa Malate ang Pride March. Sumama kami nina Ronald Baytan, Nonon Carandang, Camillo Villanueva, at Roel Hoang Manipon sa paradang ito sa Malate na nagtapos sa Remedios Circle. Sumama kami sa dele-gay-tion ng La Salle, ang Pink Archers! Naalala ko, sinisipulan at kinakantiyawan kaming nagpaparada ng mga construction worker na nasa mga gusaling ginagawa pa lamang noon. Dedma kami at taas noo sa aming pagparada! As if naman hindi nagpapahada ang mga construction worker na ito.

Ngayon mas matapang at empowered na ang mga kabataang LGBTQ+ ng bansa. Unti-unti, mukhang masasaksihan ko na rin dito sa Filipinas ang nasaksihan ko sa Stockholm noon. Nitong pagbukas ng Hunyo lamang masayang-masaya akong makita sa post ng isang kaibigan sa Antique, si Jose Edison Tondares, na may rainbow ped xing sa town proper namin sa San Jose de Buenavista. Nakita ko rin sa FB page ni Mayor Jerry Treñas ng Lungsod Iloilo na naging rainbow bridge ang fly over sa harap ng alma mater kong University of San Agustin sa General Luna St. Maliliit na bagay pero napakalaking kontribusyon nito sa kilusang LGBTQ+ sa ating bansa.

Definitely hindi pa tayo tuluyang malaya bilang bansa sa ngayon. Kailangan pa rin nating kumapit sa China o sa Estados Unidos. Ang mga presidente natin, kung hindi tuta ng Tsino ay tuta ng Kanô. To the highest bidder ang mga lider natin.

Tuluyan lamang tayong magiging malaya kung wala nang nagugutom na kailangan pang pumila madaling araw pa lamang sa mga community pantry para lamang makakain, kung wala nang mamamatay dahil walang pampaospital at pambili ng gamot, kung lahat ng gustong mag-aral ay makapag-aral nang libre at kumportable, kung wala nang pagtatawanan at aapihin dahil lamang sa kulay ng kanilang balat, hugis ng katawan, at uri ng kanilang pagnanasa at pagmamahal.

Gayunpaman kailangan pa ring ipagdiwang natin ang Araw ng Kalayaan upang ipaalala sa ating lahat na kaya nating maging tunay na malaya kung magtulungan tayo, paghirapan natin ito, lawakan ang ating pang-unawa, at sama-samang isulong ang katotohanan at katarungan.

From Check Repablik to Rizal Park

Thank God at hindi kailangan ng negative PCR test result. Char! Dahil naisumite ko na ang grades kahapon, bilang treat sa sarili, nag-walking ako sa Luneta kaninang umaga. Naka-12,000+ steps ako wala pa lunchtime.

Hindi ko alam kung dahil ba sa mga quarantine at na-miss ko lang ang Rizal Park, o dahil kakaunti ang tao roon kanina, o talagang inayos nila at maganda na ang pag-manage ng parke ngayon, dahil ang ganda, ganda ng Luneta sa mga mata at pakiramdam ko kanina! Malinis ito at well-maintained, at alagang-alaga ang mga damo at bulaklak. Mapalad ako at malapit ang tinitirhan kong condo rito sa Manila.

Hindi naman ganoon kalapit. Nang makarating ako sa gilid ng Luneta sa T.M. Kalaw Avenue, tiningnan ko ang pedometer sa iPhone ko at naka-4,274 steps ako, at 2.1 kilometro ang layo mula sa tinutuluyan kong kondominyum sa Taft Avenue sa tabi ng La Salle. Mga alas-siyete ng umaga ako umalis at 7:26 doon na ako. Medyo liesurely ang paglalakad ako kayâ inabot ng halos kalahating oras.

Dahil sa quarantine limitado pa lamang ang oras at ang bahagi ng Rizal Park na bukas sa publiko. Simula noong Mayo 17, bukas ang bahaging may fountain at monumento ni Jose Rizal mula 5:00 hanggang 9:00 ng umaga at 4:00 ng hapon hanggan 8:00 ng gabi para sa mga nag-eehersisyo. Bawal pa rin doon ang mga may edad 17 pababa at 65 pataas. May tatlong dalagita sa sumusunod sa akin sa gate na hindi pinapasok ng guard dahil 17 pa lang daw sila nang tinanong sila ng guard. Hindi naman sila puwedeng magsinungaling dahil sa totoo lang, mukha lang silang 12. Naawa naman ako sa kanila nang slight dahil mukhang excited pa naman silang mamasyal sa Luneta. Sabi pa ng isang mataray na babaeng guard, “Kayong mga bata dapat hindi lumalabas ng bahay. May quarantine pa!” COVID is real talaga ang peg.

Sa timog na geyt sa Ma. Orosa St. ang entrance. Doon may nagbabantay na na guard. Dito, may lababo na may sabon at running water at required kang maghugas ng kamay. Nakalimutan kong ilagay sa maliit kong sling bag ang rubbing alcohol kung kaya’t tuwang-tuwa ako na nag-install sila ng lababo roon. Pagpasok mo sa unahan, may mesa kung saan kailangan mong magpakuha ng temperature at magpa-register. Doon naharang ang mga tin-edyer.

May mga dispenser ng rubbing alcohol sa maraming bahagi ng parke. May mga guwardya ring nag-iikot na may yantok, kagaya ng mga yantok ng mga pulis na panukat daw para sa physical distancing, pero dahil kakaunti lang ang mga tao hindi naman nila nagagamit ito.

Ang sarap maglakad doon at magtunganga. May mga iron bench na nakaharap sa mga fountain. May mga speaker din sa mga sulok na nagpapatugtog ng mga awiting Filipino. Pagdating ko nga, “Manila” ng Hotdog ang tumutugtog. Pinipigilan ko ang mga paa ko na sumayaw habang nakikinig.

Luntiang-luntian ang parke. Ang lalakí at malalabay ang mga punongkahoy sa gilid na bumabakod sa parke. Namumulaklak ang mga puti at pink na bogambilya sa paligid ng mga fountain. Sa kortina ng tubig na binubuga ng isang fountain, may nabubuong bahaghari kapag nasisinagan ito ng silahis ng araw.

Sa bandang dulo malapit na monumento ni Rizal, may nadaanan akong dalawang babaeng nagho-hula hoop. May mga yantok na hula hoop doon na maaaring gamitin. Noong isang araw lang, napanood ko sa programang In Good Shape sa DW na magandang ehersisyo raw ito ngayong panahon ng pandemya dahil kayang-kayang gawin sa bahay. Maraming muscle daw ang nagagalaw kapag nagho-hula hoop. Ma-try nga ito minsan sa Luneta.

Ang pinakamagandang discovery ko kanina sa Luneta ay maraming CR na bukas at malinis. Kung minsan kasi ayaw kong mag-walking nang malayo sa umaga lalo na kapag hindi pa ako nakapag-gerbs (Ang gay lingo ng mga kaibigan kong babae na asal bakla para sa pagtatae. Hindi ko alam ang etymology dahil hindi ako bakla. Charot!) What if abutan ako sa kalye? Ito ang problema ko sa pagwo-walking sa CCP Complex. Walang public CR. Nakikiihi pa ako sa mga restawran sa Harbor Square na siyempre kailangan mong kumain ng something dahil nakakahiya namang makigamit ka lang talaga ng CR.

Ngayon hindi na akong magda-dalawang isip na mag-walking pa-Luneta sa umaga, naka-gerbs man ako o hindi pa, dahil civilized ang mga CR doon. CR pa lang, pinapalakpakan ko na ang mga namumuno at kawani ng National Parks Development Committee na nagma-manage ng Rizal Park.

Masikip, maingay, at marumi ang maraming bahagi ng Metro Manila. Pero in fairness, itong sentro ng Lungsod Manila, ay tila unti-unting gumaganda nitong mga nakaraang taon. O matagal na talagang maganda subalit hindi ko lang napapansin. Dito ako sa Malate nakatira at malapit sa green spaces tulad ng CCP Complex, Luneta, at Intramuros. Mga magandang lugar ito para mamasyal at mag-ehersisyo. Ako na adik sa walking, ay tuwang-tuwa sa nadiskubre, o muling nadiskubre ko, nitong panahon na pandemya.

Sa Manila man ay may paraiso rin. At iniisip ko ngayon, dapat kahit isang beses man lamang sa isang linggo ay mag-walking ako sa Rizal Park, may pandemya man o wala, o galing man ako sa Check Repablik o hindi.

Kapag nasa Intramuros, makipag-date ka sa isang prayle

Dahil simula pa noong Lunes nasa Check Republic na ako, at alam ng mga guro ang ibig sabihin nito, kailangan ko munang tumakas mula sa aking Tore at nag-early lunch ako sa Ilustrado sa Intramuros kasama ang isang prayle.

Tamang-tama, kinumusta ako ni Johnny sa Messenger noong Lunes at nagkasundo kaming mag-lunch date ngayong araw. Bukod sa kumustahan nang personal kailangan din naming i-celebrate ang kaniyang ordinasyon bilang deacon sa Order of Saint Augustine (OSA) sa ilalim ng Province of the Most Holy Name of Jesus of the Philippines sa San Agustin Intramuros noong Mayo 22. Hindi ako nakadalo dahil Sabado iyon at may inupuan akong dalawang dissertation defense at may klase ako sa hapon sa grad school. Abril 5 kasi ang orihinal na iskedyul nito kaso nag-MECQ uli sa Metro Manila kayâ naantala ang kanilang ordinasyon.

Editor-in-Chief si Johnny ng student publications sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo noon at ako ang kanilang moderator. Estudyante siya ng Political Science. Magaling magsulat si Johnny, matalino, masipag, mabait, at guwapo. Saan ka? Working student din siya na naka-assign sa Registrar’s Office. Nang maging editor siya, malaking ginhawa sa akin dahil napakaresponsable niya.

Pagka-graduate niya, nag-aral pa siya uli ng education at nang kumuha siya ng board exam, top 5 siya nang taong iyon. Kayâ nagturo din siya sa University of Iloilo at nang pumasok nga siya sa kumbento ng OSA, na-assign siya sa Colegio de San Agustin sa Makati.

Nang malaman ko noon na seryoso pala si Johnny na maging pari, ang sabi ko sa kaniya, bilisan niya para sa kaniya na ako mangungumpisal. Ang pabiro niyang sagot noon, “Naku huwag na, Sir. Alam ko na ang mga kasalanan mo at paulit-ulit lang din naman ang mga ‘yan.”

Bata pa ako noon nang maging moderator nila ako kayâ parang naging barkada ko na silang mga editor at staff ng diyaryong The Augustinian at magasing The Augustinian Mirror. Pup Pipol ang tawag nila sa kanilang grupo. Palagi ko silang nilulutuan ng adobong baboy at pinapakain sa apartment ko sa Iloilo. At dahil nag-aaral din noon sa San Agustin ang mga kapatid kong sina Mimi at Sunshine, naging kaibigan din nila sila. Sa katunayan, ninong ni Juliet si Johnny.

First time kumain ni Johnny sa Ilustrado kanina na dalawang bloke lang ang layo mula sa kumbento nila. Kapag may bisita raw kasi sila, sa Mitré o sa Barbara’s nila pinapakain. Sabi ko sa kaniya, sayang at hindi niya makikita ang loob ng dining hall at ng coffee shop nitong paborito kong restawran sa Intramuros dahil sa hardin lang ngayon puwedeng kumain bilang bahagi ng health protocol ngayong may pandemya.

Nag-brunch kami. Tocino ang kay Johnny, at tapa naman ang sa akin. Naubusan kasi sila ng longganisa. Nag-order din kami ng puto’t dinuguan. Ang sarap gid ng dinuguan nila! At ang surprise ko kay Johnny ay ang sampagita ice cream. Naaliw si Johnny sa ice cream na ito at natawa siya nang sinabi ko sa kaniya na ayon sa isang kaibigan kong manunulat, “lasang altar” ito.

Habang kumakain kami sinabi ko kay Johnny kung puwede bang dalhin niya ako sa courtyard ng San Agustin Museum at sa hardin ni Fr. Blanco. Gusto ko kasi uling makita ang mga ito. Sarado pa ang mga museum. Si Fray Manuel Blanco ang awtor ng Flora de Filipinas na listahan ng mga halaman na may magagandang illustrations noong 1837.

Sa Urdaneta Garden

Gustong-gusto ko ang courtyard dahil walang tao. Gayundin ang Urdaneta Garden na maraming bogambilya at ang Fr. Blanco’s Garden. Parang nag-time travel lang ang peg. Si Fray Andres de Urdaneta naman ang navigator ni Miguel Lopez de Legazpi noon. Pamilyar na mga pangalan sila dahil may mga building sa University of San Agustin na nakapangalan sa kanila.

Ang courtyard ng San Agustin Museum

Ang balak ko talaga noong Lunes, alas-otso y medya pa lang ng umaga ngayong Huwebes ay magwo-walking na ako pa-Intramuros gaya ng madalas naming gawin ni Pietros. Magkasama sina Johnny at Pietros noon sa USA Publications. Pareho silang Pub Pipol. Ang kaso, pumorma si Bagyo Dante kahapon at kaninang umaga umuulan-ulan kayâ nag-GRAB na lang ako papuntang Intramuros.

Mga naka-5,700+ steps din ako ngayong araw. Matapos kasi ng San Agustin Intramuros tour ko kasama si Johnny, naka-2,500 pa lang ako. Kayâ naglakad-lakad muna bago umuwi.

Masaya ako na nagkita at nagkausap uli kami ni Johnny. Akala ko kasi nasa Lubuagan sa Kordilyera pa siya naka-assign. Na-reassign daw siya rito Intramuros para tapusin niya ang pag-aaral niya ng abogasya sa Pamantasang Lungsod ng Maynila. In the near future, magiging paring abogado siya.

Ngayong nandiyan na si Johnny sa Intramuros mas magiging madali na ang pagkikita namin. Masarap kasing kakuwentuhan si Johnny. Maaari akong maging honest sa sarili dahil naging saksi kami ni Johnny sa magaganda at di magagandang pangyayari sa buhay ng isa’t isa. At dahil nga prayle na siya ngayon, para na rin akong nangungumpisal.