Dahil simula pa noong Lunes nasa Check Republic na ako, at alam ng mga guro ang ibig sabihin nito, kailangan ko munang tumakas mula sa aking Tore at nag-early lunch ako sa Ilustrado sa Intramuros kasama ang isang prayle.
Tamang-tama, kinumusta ako ni Johnny sa Messenger noong Lunes at nagkasundo kaming mag-lunch date ngayong araw. Bukod sa kumustahan nang personal kailangan din naming i-celebrate ang kaniyang ordinasyon bilang deacon sa Order of Saint Augustine (OSA) sa ilalim ng Province of the Most Holy Name of Jesus of the Philippines sa San Agustin Intramuros noong Mayo 22. Hindi ako nakadalo dahil Sabado iyon at may inupuan akong dalawang dissertation defense at may klase ako sa hapon sa grad school. Abril 5 kasi ang orihinal na iskedyul nito kaso nag-MECQ uli sa Metro Manila kayâ naantala ang kanilang ordinasyon.
Editor-in-Chief si Johnny ng student publications sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo noon at ako ang kanilang moderator. Estudyante siya ng Political Science. Magaling magsulat si Johnny, matalino, masipag, mabait, at guwapo. Saan ka? Working student din siya na naka-assign sa Registrar’s Office. Nang maging editor siya, malaking ginhawa sa akin dahil napakaresponsable niya.
Pagka-graduate niya, nag-aral pa siya uli ng education at nang kumuha siya ng board exam, top 5 siya nang taong iyon. Kayâ nagturo din siya sa University of Iloilo at nang pumasok nga siya sa kumbento ng OSA, na-assign siya sa Colegio de San Agustin sa Makati.
Nang malaman ko noon na seryoso pala si Johnny na maging pari, ang sabi ko sa kaniya, bilisan niya para sa kaniya na ako mangungumpisal. Ang pabiro niyang sagot noon, “Naku huwag na, Sir. Alam ko na ang mga kasalanan mo at paulit-ulit lang din naman ang mga ‘yan.”
Bata pa ako noon nang maging moderator nila ako kayâ parang naging barkada ko na silang mga editor at staff ng diyaryong The Augustinian at magasing The Augustinian Mirror. Pup Pipol ang tawag nila sa kanilang grupo. Palagi ko silang nilulutuan ng adobong baboy at pinapakain sa apartment ko sa Iloilo. At dahil nag-aaral din noon sa San Agustin ang mga kapatid kong sina Mimi at Sunshine, naging kaibigan din nila sila. Sa katunayan, ninong ni Juliet si Johnny.
First time kumain ni Johnny sa Ilustrado kanina na dalawang bloke lang ang layo mula sa kumbento nila. Kapag may bisita raw kasi sila, sa Mitré o sa Barbara’s nila pinapakain. Sabi ko sa kaniya, sayang at hindi niya makikita ang loob ng dining hall at ng coffee shop nitong paborito kong restawran sa Intramuros dahil sa hardin lang ngayon puwedeng kumain bilang bahagi ng health protocol ngayong may pandemya.
Nag-brunch kami. Tocino ang kay Johnny, at tapa naman ang sa akin. Naubusan kasi sila ng longganisa. Nag-order din kami ng puto’t dinuguan. Ang sarap gid ng dinuguan nila! At ang surprise ko kay Johnny ay ang sampagita ice cream. Naaliw si Johnny sa ice cream na ito at natawa siya nang sinabi ko sa kaniya na ayon sa isang kaibigan kong manunulat, “lasang altar” ito.
Habang kumakain kami sinabi ko kay Johnny kung puwede bang dalhin niya ako sa courtyard ng San Agustin Museum at sa hardin ni Fr. Blanco. Gusto ko kasi uling makita ang mga ito. Sarado pa ang mga museum. Si Fray Manuel Blanco ang awtor ng Flora de Filipinas na listahan ng mga halaman na may magagandang illustrations noong 1837.
Sa Urdaneta Garden
Gustong-gusto ko ang courtyard dahil walang tao. Gayundin ang Urdaneta Garden na maraming bogambilya at ang Fr. Blanco’s Garden. Parang nag-time travel lang ang peg. Si Fray Andres de Urdaneta naman ang navigator ni Miguel Lopez de Legazpi noon. Pamilyar na mga pangalan sila dahil may mga building sa University of San Agustin na nakapangalan sa kanila.
Ang courtyard ng San Agustin Museum
Ang balak ko talaga noong Lunes, alas-otso y medya pa lang ng umaga ngayong Huwebes ay magwo-walking na ako pa-Intramuros gaya ng madalas naming gawin ni Pietros. Magkasama sina Johnny at Pietros noon sa USA Publications. Pareho silang Pub Pipol. Ang kaso, pumorma si Bagyo Dante kahapon at kaninang umaga umuulan-ulan kayâ nag-GRAB na lang ako papuntang Intramuros.
Mga naka-5,700+ steps din ako ngayong araw. Matapos kasi ng San Agustin Intramuros tour ko kasama si Johnny, naka-2,500 pa lang ako. Kayâ naglakad-lakad muna bago umuwi.
Masaya ako na nagkita at nagkausap uli kami ni Johnny. Akala ko kasi nasa Lubuagan sa Kordilyera pa siya naka-assign. Na-reassign daw siya rito Intramuros para tapusin niya ang pag-aaral niya ng abogasya sa Pamantasang Lungsod ng Maynila. In the near future, magiging paring abogado siya.
Ngayong nandiyan na si Johnny sa Intramuros mas magiging madali na ang pagkikita namin. Masarap kasing kakuwentuhan si Johnny. Maaari akong maging honest sa sarili dahil naging saksi kami ni Johnny sa magaganda at di magagandang pangyayari sa buhay ng isa’t isa. At dahil nga prayle na siya ngayon, para na rin akong nangungumpisal.
Masyado ko yatang na-spoil ang aking sarili nang makipag-date ako sa sarili ko sa Greenbelt sa Lungsod Makati kahapon araw ng Linggo. Pero naisip ko, kaliwa’t kanan na literary events ang sinalihan ko noong nakaraang Abril, Buwan ng Panitikan, kung kayâ deserve ko namang i-pamper ang sarili kahit isang araw lang. Ang hirap din namang tumulong sa “nation building,” ang birong tawag ko para sa mga ginagawa ko bilang sekretaryo heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, workshop director ng IYAS National Writers Workshop, tagabigay ng mga lektura tungkol sa panitikan, at kasapi ngayong taon ng komite para sa Buwan ng Panitikan ng National Commission for Culture and the Arts, lalo na’t ang mga event ay nasa isang buwan lamang.
Talagang green ang Greenbelt.
Sabado pa lamang ng gabi, nagki-crave na ako ng dinuguan. Kasama ko dapat si Pietros sa pagwo-walking ko dahil dito lang ako sa Tore ko sa Taft ngayong weekend. Normally sa Intramuros o CCP Complex kami nagwo-walking. Kaso sobrang mainit ngayon at naisip ko sa mall kami mag-walking para malamig. Hindi nakatulog nang maayos si Pietros noong Sabado ng gabi kayâ hindi na niya nakayanang samahan ako.
Mabuti at kaunti lang ang mga tao sa Greenbelt kahapon. Kahit kasi GCQ na ang quarantine status ng NCR+, bawal pa ring lumabas ang below 18 at above 65. Gusto ko ang mall kapag kaunti ang mga tao na siyempre ayaw ng mga may-ari ng mall at mga tindahan at kainan dito ang ganito. Mga 10 ng umaga nasa Greenbelt na ako at kabubukas lang nito. Siyempre H&M agad ang pinuntahan ko. Siguro mga kalahating oras din na mag-isa lang akong kostumer nila. At wala rin akong binili dahil may moratorium nga ako ngayong taon sa pagbibili ng damit.
Mayo na at mukhang successful ang self-imposed moratorium ko. Ang kaso, nilabag ko ito kahapon. Slight lang naman na paglabag dahil isang pirasong boxers shorts lang ang binili ko sa Muji. Saka kaya kong i-justify ito sa sarili ko. Kailangan ko kasi talaga ng mga bagong boxers shorts. Nitong WFH na kasi dahil sa pandemya, naka-boxers shorts lang ako dito sa bahay. Kapag nagtuturo ako online o may miting sa Zoom, nagpopolo ako pero naka-boxers shorts lang. Kayâ gamit na gamit ang mga ito. Di tulad ng mga pantalon at jogging pants ko na sobrang dalang na ang pagsuot ko sa mga ito ngayon. Mabilis na tuloy naluluma ang mga boxers shorts ko. Ilang linggo ko na ring naiisip na bibili na ako ng boxers shorts. Kaso wala akong nakikita na gusto ko. Hanggang sa pumasok ako sa Muji kahapon. Sikat ang Muji sa mga produkto nitong simple, sustainable materials ang gamit, at kumportable. May Indian cotton silang boxers shorts. Bumili muna ako ng isa para masubukan ko kung kumportable nga ito. At hindi ako nagkamali. Suot ko ito ngayon at masarap sa balat ang tela nito. Kapag magkaraket uli ako ay babalik ako roon at bibili ng dalawa o tatlo pa. May kamahalan pero sulit naman dahil masarap nga sa katawan.
Habang nag-iisip kung saan kakain doon, nagki-crave pa rin ako ng dinuguan. Hindi ko naman favorite ulam ito pero bakit bigla kong gustong kumain nito? Baka may iba talaga akong kini-crave na mas masarap at mas madugo pa kaysa dito at napagdiskitahan ko lang ang dinuguan? Siyempre naghanap ako ng restawran na may dinuguan. Meron sa Via Mare nang tinanong ko ang weyter na nakatayo sa pinto katabi ang poster ng menu nila. Gintsek ko sa aking iPhone kung nakailang steps na ako. 3,500 plus pa lang. Naisip kong maglakad muna at bumili ng bagong libro ni Haruki Murakami, ang ‘First Person Singular,’ sa Fully Booked. Gusto ko ring kunan ng larawan ang naka-display na mga libro namin sa Pawikan Press doon.
Hayun, dahil nga nasa Fully Booked ako, na-trigger ang pagiging adik ko sa libro. At kahapon nga, bukod sa bagong libro ni Murakami, may nakita pa akong isang libro na hindi maaaring hindi ko bilhin. Libro ito ng complete paintings ni Vincent van Gogh. Marami na akong libro ng mga painting ni Van Gogh. Pero sabi ko sa sarili ko, complete works ito. Hayun, kahit ang mahal, puwede na sanang pambayad sa isang buwan naming koryente sa Pasig, ay binitbit ko ang librong ito na kasing-laki at kasing-bigat ng isang hollow block patungo sa cashier at pikitmatang binayaran nang cash.
Tuwang-tuwa ang waiter sa Via Mare nang bumalik ako as promised. Ako lang ang kostumer nila. May tatlong dumating nang tapos na akong kumain at paalis na.
Dinuguan na may kanin siyempre ang inorder ko. Para may veggies, nag-order din ako ng isang lumpia ubod fresh. Mineral water na ang drinks ko para healthy. Habang kumakain, nagbabasa ako ng libro ni Murakami.
Dahil masarap ang dinuguan, naalala ko tuloy ang “the best dinuguan in the world” para sa akin. Mabibili ito sa isang turo-turo sa ilalim ng hagdan ng Baguio City Hall. Kapag umaakyat kami ni Papa CFB sa Baguio noon at pinupuntahan namin ang kaibigan naming si Gabie sa City Hall na information officer ng lungsod, bumibili talaga ako ng dinuguan doon. Minsan pinapabalot, minsan doon ko na mismo nilalantakan! Yes, sa ilalim ng hagdanan paakyat ng second floor ng Baguio City Hall.
Bago umuwi naisip kong magkape muna. Naisip ko agad ang Bizu Patisserie and Cafe. Gusto ko ang macarons nila. Pero excited na akong umuwi dahil naka-6,000+ steps na ako at excited na akong basahin ang dalawang librong binili ko.
Nang malapit na ako sa Bizu, nagdesisyon akong bumili na lamang ng tatlong piraso ng macarons at dadalhin ko ito pauwi. Ito na ang aking kakainin sa pag-inom ko ng kape mga alas-kuwatro ng hapon. Sa ganitong paraan, mas makakatipid ako, mas safe pa sa COVID, at makakauwi na ako agad at makapag-umpisa na sa pagbabasa ng mga bagong biling libro. Tatlong flavors ng macarons ang binili ko: rose, blueberry, at raspberry! Very European at very Swedish. Hapi ako.
In fairness, naka-8,133 steps din ako kahapon. Ayon sa nutritionix.com, 43 calories ang isang piraso ng French macarons. Not bad.
Sa tingin ko malaking tulong sa mental health natin kung paminsan-minsan i-date naman natin ang ating sarili at i-pamper ito. Matagal ko na itong ginagawa. Isa ito sa mga sekreto kung bakit nananatiling sariwa ang berdeng buntot ng Sirena.
Spaghetti ang isa sa mga comfort food ko. Kapag depressed ako o may dinaramdam na sakit tulad ng trangkaso, spaghetti agad ang naiisip kong kainin. Kesehodang wala akong panlasa, napakalakas ng desire kong lumamon ng spaghetti! Agad akong magpapaluto kay Nanay. Siyempre, sweet spaghetti ito na parang sa Jollibee.
Hindi naman ako depressed ngayong araw pero nagluto ako ng spaghetti dahil pinadalhan ako ng kaibigan kong si Assad ng tatlong bote ng ginawa niyang tomato sauce. Tag-araw kasi at mura ang kamatis. Noong nakaraang Linggo, habang nag-i-e-tsismisan (kuwentuhan sa Zoom) kaming magbarkada, naghihiwa siya ng mga kamatis at bawang dahil nagka-canning siya ng tomato sauce. Nangako siyang papadalhan ako nito. At pinadalhan nga niya ako kahapon!
Oxford University trained economist si Assad na mahilig magluto. Pag-uwi niya galing UK matapos niyang mag-aral, ang unang binili niya ay malaking oven. Mahilig siyang mag-eksperimento sa pagluluto at kami ang tagatikim niya. May mga pagkakataon na habang pinapakin niya kami nang libre ay nilalait namin ang niluto niya. Siyempre mas maraming pagkakataon na takam na takam kami at sirang-sira ang diet namin! Sa katunayan, nakapaglathala na si Assad ng cookbook: Mga Tutul a Palapa: Recipe and Memories from Ranao (Gantala Press, 2017).
Marunong naman talaga akong magluto ng spaghetti. Lalo na ang resipi ni Nanay na matamis na version ng spaghetti bolognese o spaghetti with meat sauce na paborito kong kainin noong bata pa ako sa Cindy’s, isang homegrown restaurant sa town proper ng San Jose de Buenavista sa Antique. Nasa Metro Manila pa lamang ang Jollibee noon at hindi ko pa alam na may sikat palang fastfood chain na Cindy’s.
Heto ang resipi ng eksperimento ko ng spaghetti na gamit ang tomato sauce ni Assad. Pinangalanan ko itong “Vegetarian Spaghetti ng Sirena” na dedicated sa isang kaibigan naming si Cris na isang vegetarian.
Mga sangkap: 500 grams ng spaghetti pasta; mga 500 ml na homemade tomato sauce (tulad ng kay Assad); 500 ml tap water; tatlong piraso ng siling-bilog o pidada; tatlong piraso ng sibuyas bombay; isang piraso ng bawang; dalawampung piraso ng pitted olives (puwedeng green, puwedeng itim); lemon pepper shaker seasoning (Cape Herb and Spice mulang South Africa); dried ground basil (Santa Maria Basilika Basilikum mulang Sweden); rock salt; musvocado; grated quezo de bola; at virgin coconut oil o VCO.
1. Hiwain nang maliliit ang bawang, sibuyas, at pidada. Hatiin naman sa dalawa ang olives.
2. Lutuin ang pasta. Pakuluan ito ng sampung minuto at i-strain at ilagay sa tabi.
3. Gisahin nang mabilisan sa VCO ang bawang, sibuyas, pidada, at olives. Madalian para hindi ma-overcook. Mas crunchy mas maganda dahil mas intact ang nutrients.
4. Ilagay ang 500 ml na homemade tomato sauce.
5. Lagyan ng 500 ml na tubig galing sa gripo.
6. Pakuluin. Habang kumukulo, lagyan ng lemon pepper seasoning at dried ground basil. Depende ang dami sa panlasa mo. Maaari ding dagdagan ng asin at muscovado ayon sa gusto mo.
7. Ilagay ang nilutong pasta. Haluin habang kumukulo at hanggang sa ma-absorb ng pasta ang sauce.
8. Bago kainin, budburan ng grayed quezo de bola (o ng kahit anong cheese na trip mo).
Masarap ang resulta ng eksperimentasyon ko! Ito ang hapunan namin ni Sunshine ngayong Lunes. Pa-healthy ang lasa dahil puro veggies nga at VCO pa ang pinanggisa. Lasang panlaban sa COVID-19 dahil maraming bawang, sibuyas, at pidada. Nalalasahan ko talaga ang olives, lasang gustong-gusto ko lalo ngayon dahil sunod-sunod ang pagbabasa ko ng mga libro na tungkol sa o ang setting ay Meditteranean. Ang maganda pa sa resipi na ito, walang delatang ginamit.
May isa pa akong nanay na naalala sa niluto kong spaghetti. Si Nanay Dayang, ang nanay ko sa Puerto Prinsesa sa Palawan. Lagi niyang pinapakain sa akin kapag pinapasyalan ko siya noon sa hardin niya ng mga grande flora at bogambilya sa Kamarikutan Kape at Galeri ang “Kamarikutan Vegetarian Spaghetti.” Doon yata ako unang nakatikim ng pitted olives.
Maraming magagandang alaalang dala ang pagluluto at pagkain ng spaghetti. Matagal nang wala si Nanay, matagal na rin akong di nakakain sa Cindy’s sa Antique. Madalang na akong bumisita kay Nanay Dayang at matagal na ring nagsara ang Kamarikutan. Magandang banyos sa lungkot at pangungulila ang pagluluto at pagkain ng mga comfort food natin paminsan-minsan. Lalo na ngayong mahigit isang taon na ang kuwerentina dahil sa pandemya.
Sabi ni Cicero, kung mayroon kang hardin at library, nasa iyo na ang lahat ng kailangan mo. May mga hardin ako at mga library kung kaya’t di nakapagtataka na kuntentong-kuntento ako ngayon sa buhay ko.
Siyempre marami pa rin naman akong gusto sa buhay na hindi ko nakuha o nakamit, o alam kong hindi ko na makukuha pa o makakamit. Pero marami sa mga gusto kong ito ay hindi naman essential tulad ng lugaw. Char! Tumatanda na rin ako. Magpo-48 na ako ngayong taon at natutuhan ko nang maging simple at magkaroon ng kababaang loob na tanggapin na hindi lahat ng gusto ko makukuha ko. So why struggle. Magpasalamat na lang ako sa kung ano ang mayroon ako. Ito ang mga iniisip ko habang nagbubungkal ng lupa, nagbubuhat ng mga bato, at nagtatanim ng kung ano-ano nitong nakaraang mga linggo dito sa Pasig.
Nitong nakaraang buwan ay naging dibdiban ang pagsaayos ko sa maliit na hardin namin dito sa likod ng aming bahay sa Pasig. Nag-umpisa ang tilang kabaliwang ito nang makapanood ako sa YouTube tungkol sa halaga ng pagga-grounding (yung literal na pagtapak sa lupa) at nang mabasa ko ang isang sanaysay ni Sandra Cisneros tungkol sa paninirahan niya sa Hydra na isang isla sa Greece kung saan niya sinulat ang nobela niyang The House on Mango Street. May pandemya pa at hindi pa ako makauwi sa Antique o di kaya makapagbakasyon sa kung saan para makatapak sa lupa o buhangin at maka-stay sa mga resort o hotel na maganda ang hardin. Naiisip kong ayusin ang maliit na hardin namin na bagamat napakalayo sa isang resort ang sitwasyon ay puwede nang pagtiyagaan. Siyempre, Greece din ang gusto kong peg kayâ pininturahan ko ang pader ng puti. Sa totoo lang, first time ako nagpintura. Nakakapagod pala. Masakit sa wrist ang paghawak ng brutsa. Kayâ inabot rin ng isang linggo ang pagpipintura ko na siguro kung ginawa ng isang pintor ay baka isang araw lang.
Masaya ako sa naging resulta! Salamat sa online shopping at nakapag-order kami ni Sunshine ng garden bench, stone steps, at carabao grass. Nang makita ng kapatid naming si Mimi sa Sweden ang bagong look ng garden nang mag-Facetime kami, nag-volunteer siyang magpadala ng pera upang i-reimburse ang binayad ko sa bench. Ang mas maganda, pati ang stone steps at carabao grass ay covered na ng pinadala niyang pera. Nahiya naman akong singilin pa siya ng isang buwang labor ko ng pagbubungkal, pagpipintura, at pagtatanim. Isa pa, baka hindi rin niya kakayanin ang presyo ko! Ang saya maging panganay: may isang mauutusan kang mag-order online at may isang mauutusan mo namang bayaran ang mga ito. I’m just a lucky Sirena.
Ang hardin ng Sirena sa Pasig.
Kapag nandito ako sa bahay sa Pasig, umaga pa lang nasa hardin na ako. Dahil maliit lang naman ito. Kalahating oras lang nakakapagdilig na ako, naaayos ang dapat ayusin, at nakakapaglinis na. Mas maraming time magtambay dito, tumunganga, at mag-day dream. Saka magbasa.
Ang favorite daydreaming ko ay ang pagandahin ang hardin sa bahay namin sa Maybato, ang baryo namin sa Antique. Mas malawak ang bakuran namin doon. Iniisip ko ring mag-permaculture sa maliit na sakahan namin doon na nasa unahan ng likod ng bahay namin. Nitong mga nakaraang buwan din nanonood ako ng mga video online hinggil sa permaculture, ang pagtatanim at pag-aalaga ng mga hayop para kainin sa isang paraan na hindi mapanira sa kalikasan. Iniisip ko, pagagawa ako sa sakahan namin ng maliit na cottage na off the grid—yung hindi konektado sa grid ng koryente at tubig. Solar power lang ang gagamitin ko at magposo lang. Nanonood din ako ng mga video tungkol sa maliliit na bahay na off the grid. Paborito ko ang You Tube channel na Living Big in a Tiny House. Very informative, ang ganda ng video, at ang pogi pa ng host.
Ang bahay namin sa Maybato.
Ang kapatid naming si Gary ay nakabili na ng lupa sa Bataan dahil mukhang doon na siya magre-retire sa ngalan ng pag-ibig. How can you argue with love di ba? May mga lupa kasi kaming namana sa Antique at sa Palawan mula sa aming mga magulang, at mula kay Tita Neneng na isang matandang dalaga at nag-iisang kapatid ng aming ama. Hindi namin sana kailangang bumili pa ng lupa dahil hindi na nga namin naaasikaso nang maayos ang mga minana namin. Na-appoint na ako ng korte na special administrator ng estate ng parents namin at may kaunting sagabal pa pero nakakaya namang harapin. Ang mahalaga solid kaming magkakapatid at kaya naming mamuhay nang marangal kahit na wala pa kaming mamanahin. Pero yun nga, may mga minana kaming lupain. Hindi naman hasyenda level pero keri na.
Tempted na rin akong bumili ng lupa sa Bataan na katabi ng lupang binili ni Gary. Sa pagtanda namin gusto kong magkalapit kami ng bahay dahil madali ring utusan si Gary. Siya yung tipo ng mabait to a fault na puwedeng abusuhin. Pagawa rin ako ng maliit na off the grid na cottage—may pangalan na nga ako, “Bougainvillea Cottage”—na napapalibutan ng mga tanim na gulay na pangkunsumo at pang-donate na rin sa mga community pantry kung sobra-sobra ang aking maani.
Kapag retired na ako mula sa pagtuturo, at ang goal ko ay magretiro nang maaga, palipat-lipat ako sa mga hardin at mga tiny house ko—dito sa Pasig, sa Maybato, at sa Bataan. Natatawa ako kung naiisip ko ito. Talagang nakatadhana yata na tatlong bahay talaga ang mini-maintain ko. Isang bagay ito—na hindi ko alam kung maganda o pangit—na namana ko sa aking mga magulang. Maliit pa lang ako, dalawa na talaga ang bahay namin. Isa sa Maybato at isa rito sa Pasig. Bukod pa ito sa bahaykubo namin sa niyugan sa tabingdagat at may isa pa sa aming palayan. Nang maisipan ng mga magulang ko na mag-migrate sa Palawan noong 1998, nagkabahay rin kami sa Lungsod Puerto Prinsesa. Tatlong bahay ang mini-maintain nila noon.
Ganito na rin ako ngayon. Tatlong bahay na rin ang mini-maintain: dito sa Pasig, sa Maybato, at sa Tore ko sa Taft Avenue. Samakatwid, tigtatlong bill ng koryente at tubig ang binabayaran ko buwan-buwan! Ngayong online classes galore, dalawang bill ng internet ang binabayaran ko. Although kung minsan si Mimi naman ang nagbabayad sa Antique at si Sunshine dito sa Pasig. Middle class problem ito ng isang Sirena pero naisip ko lang, hanggang pag-retire ko ba tatlong bahay talaga ang imi-maintain ko? Kunsabagay nangako naman si Mimi na kung retired na ako siya ang bahala sa Maybato at si Sunshine naman dito sa Pasig.
Basta ako ang iniimadyin ko ang mga hardin ko sa mga bahay na ito. Ang nandito sa Pasig naayos ko na. Kung wala nang mga quarantine at makakauwi ako sa Antique aayusin ko ang bakuran namin sa likod. Ipapa-demolish ang damisag, imbakan ng palay, at ang dirty kitchen at patatambakan ko ng lupa para ma-prepare na para sa hardin at sa gitna nito magpapagawa si Mimi ng swimming pool para kay Juliet. Kung maaari nang magbiyahe papasyalan ko rin ang lupang binili ni Gary sa Bataan at titingnan kung saan itatayo ang off the grid kong tiny house na napapalibutan ng mga gulay at bulaklak. Malapit lang ang Bataan sa Manila. Habang nagtuturo pa ako sa La Salle, puwede kong maging weekend hideaway ito at bakasyunan kapag term break. Dahil sa mga travel ban nitong pandemic, parang nawala na ang desire at apettite kong magbakasyon abroad at maging sa mga local tourist attraction natin. Gusto ko lang ng maliit na bahay na punô ng mga libro at napapalibutan ng hardin. Ayaw ko nang magbiyahe. Kahit noon pa man, masungit na ako sa mga airport. Maraming ground crew, stewardes, at immigration officer na rin akong natarayan. Kung wala lang din ako sa classroom, wala akong pasensiya sa mga bratinela at mga bobong tanong kasi bratinela din ako at maganda bukod sa matalino. Char!
Kung magta-travel man ako abroad kung pupuwede na, sa Sweden na lamang ako pupunta dahil nandoon sina Mimi at Juliet. Worth ang stress, pagod, at gastos. At siyempre nandoon ang pang-apat kong tiny house, ang Sirenahus sa Lenhovda, na napapalibutan ng mga ilahas na bulaklak at sapinit o raspberi. Kapag tag-araw, ang buong Lenhovda ay isang hardin!
Ang Sirenahus
May hardin ako dito sa Pasig at napapabayaan ngayon ang hardin ko sa Maybato. Ang mga libro ko ay nakakalat din sa tatlong lugar: dito sa Pasig, sa Tore ko, at sa Maybato. Hindi ko alam kung maiintindihan ni Cicero itong kalagayan ko o di kaya kung pasók ba sa idea niya ng pagkakaroon ng hardin at library. Kunsabagay Romanong politiko, abogado, at pilosopo naman siya. I’m sure marami siyang bahay.
Maraming hardin ang Sirena subalit iisa lang naman talaga ito. Kung nasaan ang mga kapatid ko, nandoon ang hardin ko. Nakakalat man sa tatlong lugar ang mga libro ko, at home ako kung nasaan man sila. Kayâ at home ako rito sa Pasig, at home din sa Tore ko, at at home din sa Antique. Mga bugay ito mula sa Mahal na Makaaku na ipinapasalamat ko sa araw-araw.
Marami ngunit iisa lang naman talaga ang hardin ng Sirena sapagkat ang tunay na hardin ay nasa malawak niyang kasingkasing.
Nakita ko itong maliit na alibhon o sambong (Blumea balsamefera) na tumubo sa bitak sa sahig na simento ng gazebo namin sa likod ng bahay dito sa Pasig noong Nobyembre ng nakaraang taon. Na-excite ako at inilipat ito sa tambak na lupa sa likod sa tabi ng pader kung nasaan ang tanim naming kamote. Siguro dahil tag-ulan mabilis itong lumaki at nagkaroon agad ng dalawang sanga.
Ang alibhon noong nakaraang Disyembre kasama ang Chinese taro at kamote.
Naisip ko baka may naiwang buto roon ng punong alibhon na itinanim pa ni Tita Neneng o ni Tatay matagal na. Pareho kasi silang mahilig magtanim. Ang mga tanim sa hardin namin dito ngayon ay karamihang mga tanim pa nina Tatay at Tita na dala pa nila mula sa mga tanim namin sa bahay sa Antique.
Isang linggo ko nang inaayos ang maliit na hardin namin sa likod. May napanood kasi ako sa Youtube tungkol sa “grounding,” ang halaga ng pagtapak sa lupa o damuhan na nakapaa lamang para mabalanse ang koryente sa katawan. Nakakapagpalakas ito ng immune system. Nagagawa ko ito kapag nasa Antique ako dahil kapag nandoon ako sa bahay namin sa Maybato, kada umaga ay naglalakad ako sa tabingdagat, kung nasaan napipisa ang maliliit na alon, na bitbit ko ang aking tsinelas. Ayon sa dokumentaryong napanood ko, dapat daw tumatapak tayo sa lupa kahit 30 minuto lamang kada araw.
Oh well, dito ako sa Manila ngayon at siyempre simentado ang nilalakaran ko. Naisip ko kapag magbukas na uli ang campus namin sa La Salle Taft, magga-grounding ako sa mga pocket garden doon na may damuhan. Bahala nang mapagkamalang luka-luka! Bagay naman sa mga guro ng literatura ang maging weird.
Kaso may pandemya pa nga at wala pang makapagsabi kung kailan uli magbubukas ang campus. Dahil sa “excellent” (Ayon ito sa kagalang-galang na presidential spokesperson na si Harry Roque) na pag-manage ng administrasyong Duterte sa pandemya, pagkatapos ng isang taon, unang araw uli ngayon ng ECQ part two sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan. Ngayong araw lang, mahigit 10,000 ang nag-positibo sa COVID-19! Mas lalong hindi ako makauwi ng Antique at mukhang matatagalan pa bago ako makapag-grounding muli.
Pero bigla akong nagka-brilliant idea! Naisip kong ayusin ang hardin namin dito sa Pasig para dito na ako mag-grounding. Isang linggo nang obsession ko ang pag-aayos nito. Kailangan kong patagin ang lupa para taniman ng carabao grass. May supplier na ako ng damong ito na nakausap sa Facebook. Ang problema may nakatambak na lupa na tinataniman namin ng kamote na nagsu-supply sa amin ng kamote tops. May matabang Chinese taro (Alocasia cucullata) din ito na tanim pa ni Tita. At ito ngang alibhon na inilipat ko roon na may dalawang sanga na at maraming dahon.
Inilipat ko sa kabilang dulo ng pader ang mga lupa. Manual labor to the max! Basang-basa ng pawis ang t-shirt ko kapag nagbubungkal at humahakot ako ng lupa. Unang casualty ang mga kamote. Pagkatapos ang Chinese taro. Pero hindi ako masyadong naghihinayang para dito dahil may anim na puno na akong nailipat noon pa man sa mga flower pot. May ilang kaibigan na rin akong nabigyan nito.
Ibinalita namin sa aming mga kapitbahay na may ipinamimigay kaming garden soil. May pumunta agad na dalawa at may dalang mga sako. Ipinamigay ko rin ang binunot kong Chinese taro. Tuwang-tuwa sila kasi mahal ang benta nito. May nakita ako nito sa Robinsons Manila na maliit lang pero PhP350 ang presyo.
Ang matabang alibhon bago pinutol at binunot.
Ilang umaga at hapon ko ring hinataw ang pagbubungkal at paghahakot ng lupa. May mga pagkakataong naiisip ko na mag-hire na kayâ ako ng taong gagawa nito. Pero hindi ako sumuko. Naisip ko, mas magiging meaningful sa akin ang new look ng garden kung paghihirapan ko ito. Finally kahapon natapos ko ang pagpatag. Proud kong ipinakita ito kay Sunshine. Sabi ko, imagine, isang linggo ko ring ginawa ito? Sagot ni Sunshine, Kuya, kung nag-hire ka ng taong gumawa niyan isang araw lang ‘yan sana at PhP500 lang ang binayad mo.
Tumawa lang ako. PhP500 pala ha. Gin-treat ko tuloy ang sarili ko ng isang libro tungkol sa paghahardin na ilang araw nang nasa cart ng account ko sa Amazon. Bilang bayad sa sarili dahil sa pagpatag ko ng hardin binili ko na ito kahapon. Well, PhP1,800+ din ito dahil hardbound edition. Inisip ko na lang, aba, may PhD ako kayâ mataas ang rate ko! At pinagtawanan ko ang aking sarili.
Ang maganda dahil ako ang gumawa, hindi ko agad pinatay ang alibhon. May dalawang hapon pa ako last week na pagkatapos ng pagbungkal at paghakot ng lupa, nag-a-afternoon tea ako ng alibhon. Kumukuha ako ng isang dahon, yung yellow green pa ang kulay, di masyadong bata di rin masyadong matanda, huhugasan at ilagay sa mug at lagyan ng kumukulong tubig. At presto! Organic na amoy camphor tea na. From farm to table pa ang peg.
Nang kailangan ko nang bunutin ang alibhon, bigla akong nagkaroon ng brilliant idea! Isi-save ko ito. Pinutol ko ang dalawang sanga at ang puno nito na may mga ugat ay inilipat ko kung saan ko inilipat ang tambak ng lupa. Masaya ako dahil hindi ito namatay. May mga dahon na nga ngayon at may nagsaringsing pa na isang sanga pa. Ilang linggo lang, makakapag-alibhon tea uli ako.
Ang naisalbang alibhon. Buhay na buhay na!
Si Nanay ang naaalala ko sa pag-inom ng nilagang alibhon. Maliit pa lang ako nakikita kong umiinom siya nito kada hapon. Klaro pa sa akin ang tason niyang sartin na puti at pula ang lid. Nagagandahan ako sa yellow green na kulay ng tsaang ito. Tinikman ko minsan pero hindi ko nagustuhan. Umiinom si Nanay nito dahil diuretic ito, nagpapaihi. Mainam na herbal medicine laban sa kidney stones.
Ngayong medyo matanda na rin ako, nagugustuhan ko na ang lasa at amoy ng alibhon tea. Lalo na ngayon na gusto ko ng mga bagay na organic at sariwa.
Dito sa Metro Manila nakakakuha ako ng mga sariwang dahon ng alibhon sa hardin ng bahay nina Papá CFB sa Santa Mesa Heights. Marami at matataba ang alibhon doon. Kapag binibisita namin siya noong nabubuhay pa siya at hanggang wala na siya at binibisita pa rin namin si Ma’am Rose Marie, humihingi ako ng ilang pirasong dahon nito bago ako umalis. Kung nakakalimutan ko nga, si Ma’am Rose na ang nagpapaalala sa akin tubgkol sa alibhon. Palaging pito ang kinukuha ko. Bawal kasi ang even number sa mga halamang ginagamit ng mga manugbulong (traditional medicine wo/men) sa amin sa Antique. Inilalagay ko lang sa isang sisidlan ang mga dahon at itatago sa ref. Ilang araw din akong may sambong tea.
Kayâ nang may tumubong alibhon sa aming hardin dito sa Pasig ay tuwang -tuwa ako. Lalo na’t napalaki ko ito. Kayâ ganoon na lamang ang panghihinayang ko nang kailangan ko itong bunutin para sa carabao grass kung saan ako magga-grounding. At salamat sa mga diwata sa pagbulong sa akin kung paano ito maisasalba.
First time kong mag-book launching sa New York. Char! Yes, as in New York City sa Estados Unidos at hindi lamang sa New York, Cubao. Hindi naman sa hindi ko gusto ang Cubao, o mababa ang tingin ko sa Cubao. My God, marami akong masasarap na alaala sa Cubao. Pero totoong New York itong tinutukoy ko kayâ parang big deal kasi nga The Big Apple.
Noong nakaraang Linggo (Marso 13), alas-osto y medya dito sa Filipinas at Sabado naman ng alas-siyete y medya ng gabi sa New York, ginanap ang online book launching ng librong Ulirát: Best Contemporary Stories in Translation from the Philippines na inilathala ng Gaudy Boy na imprint ng Singapore Unbound na isang “New York-based literary nonprofit” organization (www.singaporeunbound.org). Kayâ nang toka ko na ang magbasa, kunwari kandidata ako sa Binibining Pilipinas na bumating, “Good evening, New York! Good morning, Philippines!” at pinigilan ang sariling dugtungan ang pagbati ng, “Mabuhey! Naniniwala po ako sa kasabihang….”
Ang programa ng launching ay pinamunuan ni Jee Long Koh ng Singapore Unbound. Kasama siyempre ang mga editor ng antolohiya na sina Tilde Acuña, John Bengan, Daryll Delgado, Amado Anthony G. Mendoza III, at Kristine Ong Muslim. Represented ang pitong wika sa mga inimbitahang magbasa: Ariel Sotelo Tabag (Ilocano), Early Sol A. Gadong (Hiligaynon), Kristian Sendon Cordero (Filipino), Elizabeth Joy Serrano-Quijano (Cebuano), Frie Jill T. Ramos (Waray), John E. Barrios (Akeanon), at ako para sa Kinaray-a. Bukod sa pagbabasa ng excerpt mula sa mga kuwento namin, hiniling din ng organizer na magbigay kami ng maikling tala hinggil sa aming wika. Nagbasa rin ng kanilang mga salin sa Ingles at maikling tala sa pagsasalin ang mga tagasalin na sina Merlie M. Alunan (Akeanon, Kinaray-a, at Waray), Bernanard Kian Capinpin (Filipino), Bengan (Hiligaynon), at Mendoza at Tabag (Ilocano). Hindi nakapagbasa si Cordero dahil nagkataong mahina ang internet connection niya sa Lungsod Naga.
Ang iba pang mga manunulat at tagasalin na kasama sa Ulirát ay sina Carlo Paulo Pacolor (Filipino, trans. Soleil David at Erika M. Carreon), Isabel D. Sebullen (Hiligaynon, trans. Bengan), Corazon Almerino (Cebuano, trans. Bengan), Omar Khalid (Cebuano, trans. Bengan), Roy Vadil Aragon (Ilocano, trans. Mendoza at Aragon), Genevieve L. Asenjo (Hiligaynon, trans. Eric Gerard H. Nebran at Eliiodora L. Dimzon), Merlie M. Alunan (Cebuano, trans. Shane Carreon), Doms Pagliawan (Waray, trans. Delgado), Zozimo Quibilan, Jr. (Filipino, trans. Sunantha Mendoza-Quibilan), Jay Jomar F. Quintos (Filipino, trans. Bengan), Rogelio Braga (Filipino, trans. Muslim), Perry C. Mangilaya (Filipino, trans. Muslim), Timothy Montes (Waray, trans. Alunan), Januar E. Yap (Cebuano, trans. Bengan), at Allan N. Derain (Filipino, trans. Acuña at Derain). Dalawampu’t tatlong maikling kuwento, dalawampu’t dalawang manunulat, at labinlimang tagasalin ang kasama sa librong ito! May blurb din sa back cover ng libro mula sa malalaking pangalan sa literaturang Filipino na sina Ramon Guillermo, Jaime An Lim, Edgar Calabia Samar, at Caroline S. Hau. Naisip ko tuloy, o ano, laban kayo? Kung labanan nga itong pagsusulat at paglalathala.
Bonggang antolohiya ito at isasama ko sa required readings ng silabus ko sa Literary History of the Philippines. Ang mismong introduksiyon ni Gina Apostol na isang Waray ay klasiko na may pamagat na, “The Speech of One’s Own.” Aniya, “To be brief, this collection is a classic… The stories have this sense of powerful license, their worlds embodied in hilarious, outrageous, fantastical, and sobering ways. This is partly because the writers have chosen to make art in their tongue-ina—their mother-tongue.” Kahit hindi kasama ang kuwento ko sa antolohiyang ito, ito pa rin ang opinyon ko sa librong ito.
Medyo nakaka-tense lang ang salitang “best” sa subtitle ng libro. Naalala ko tuloy nang lumabas ang antolohiyang The Best of Philippine Short Stories of the Twentieth Century (Tahanan Books) ng guro kong si Isagani R. Cruz noong 2000. Koleksiyon ito ng mga maikling kuwento sa Ingles ng mga Filipinong fictionist. Naku, medyo marami ang nag-react at nagku-question sa choices ni Dr. Cruz. Kontrobersiyal ang libro. Habang nagla-lunch kami ni Sir sa cafeteria sa La Salle binanggit ko na marami akong narinig na nagrereklamo hinggil sa antolohiya niya. Tumawa lang si Dr. Cruz at nagsabing, “E, iyan ang choice ko bilang editor. Para sa akin iyon ang mga the best short story in English natin for the 20th century. E di gumawa rin sila ng anthology nila at pumili rin sila ng best para sa kanila.” I’m not so sure about this quote. Baka batukan ako ni Dr. Cruz. Basta, parang to that effect ang sinabi niya. May point naman siya kung tutuusin. Kayâ sa mga antolohiya, mahalagang tingnan kung sino ang editor o mga editor. Kayâ mahalaga din ang introduksiyon ng mga editor sa mga antolohiya para maunawaan ng mambabasa ang rason kung bakit at paano binuo ang antolohiya. Wala naman sigurong magku-question sa credential ni Dr. Cruz bilang kritiko.
Ang mga editor nitong Ulirát ay mga batang manunulat na magagaling at award-winning. Tama si Guillermo sa pagsabi na mala-manifesto ang kanilang introduksiyon. Sabi nga nila sa unang talata pa lamang, “Ulirát: Best Contemporary Stories in Translation from the Philippines intends, at the very least, to change the way anthologies of Philippine writing are produced and presented to the rest of the world. This book seeks to offer up stories that embody the depth and range of contemporary Philippine fiction.” Sabi ni Muslim sa kaniyang opening remarks sa launching, mahigit isang libong maikling kuwento raw ang binasa nila upang mapagpilian para sa antolohiyang ito.
Ang maikling kuwento kong “Kon Andët Wara Nagayëhëm si Berting Agî” ay sinulat at isinumite ko noong 2008 sa Ideya: Journal of the Humanities ng College of Liberal Arts ng La Salle na pinamamatnugutan ni Ronald Baytan. Kasama sa pagkalathala nito ang sarili kong salin sa Filipino na “Kung Bakit Hindi Ngumingiti si Berting Agî.” Nagtuturo pa ako sa University of San Agustin sa Iloilo noon nang malathala ito. Sayang na ngayong nasa La Salle na ako, itinigil na rin ang paglalathala ng journal na ito.
Na-inspire ako sa pagka-publish ng salin sa Ingles ng kuwentong ito. Si The Merlie Alunan pa talaga ang nag-translate! Na-inspire ako na balikan ang mga nasulat ko nang mga kuwento sa Kinaray-a na karamihan ay nalathala sa iba’t ibang magasin at journal. Panahon na sigurong sinupin ko ang mga ito, isalin sa Filipino, at isumite sa isang publishing house upang maging libro. Higit sa lahat, lalo akong na-inspire na magpatuloy sa pagsusulat sa Kinaray-a. Matagal ko nang naiisip na sulatin ang unang nobela ko sa Kinaray-a na ang pamagat ay Maybato. Mukhang itong Ulirát ang nagbibigay sa akin ng panibagong lakas upang sulatin na talaga ito.
The night before ng online book launching naghanda siyempre ako dahil ayon sa detailed instructions ni Bengan hinggil sa sequence ng mga pagsasalita at pagbabasa ng mga kontribyutor at tagasalin, limitado lamang sa dalawang minutong introduksiyon hinggil sa wika at dalawang minuto rin sa pagbabasa ng excerpt mula sa sariling akda. Sumulat ako ng isang maikling sanaysay hinggil sa Kinaray-a kasi balak kong praktisin ang pagbabasa nito para malaman ko rin na pasok ito sa dalawang minuto. Heto ang sinulat ko.
Kinaray-a is the language brought by Malay people from the island of Borneo to the island of Aninipay at the center of the Philippine archipelago which was not yet called “The Philippines” that time. This island is named by its Aeta settlers after a triangular shaped seashell abundant on the shores, and was renamed by these Malay settlers as Madyaas, after the name of the mythical mountain abode of their god Burulakaw. Later the Spanish colonizers baptized this island as Panay, meaning, there is food, for rice and fish were once abundant in this island.
The Malay settlers of Panay are people who are at home at the sea, at home where they are free. According to folk history, these people were fleeing the domain of a cruel sultan or a local king. They crossed the Sulu Sea to look for a land where they could live peacefully.
Kinaray-a is the language of the seashore, the language of hinilawod or a language spoken downstream to the direction of the sea. Due to European colonization, the bearers of this language went up to the mountains of central Panay and so it became hiniraya, a language spoken upstream or to the direction of the mountains.
Kinaray-a is one of the oldest languages of the Philippine archipelago. It is a language of Malayo-Polynesian origin. Its beauty is in the sound of its Rs and the schwa. It is a language forged by strong winds of the typhoons and of the roaring of monsoons. It is the language of my blood, the language of my foreparents in Panay.
My Kinaray-a is the language of ordinary fisher folks and farmers in a village by the sea where I grew up. Its ancient version is the language of the great Panay Bukidnën’s thirteen volume epics, the sugidanën. These are stories in verse transferred from tongue to tongue of the respected binukot or kept women tasked to be the culture bearer of the Karay-a people.
Kinaray-a is the language residing in my liver, it is the language where I curse and dream. Whenever I speak or write in this language of my elders, I am reconnected to the noble heritage of the powerful babaylans, the healer and the spiritual leader of the ancient barangays.
Kinaray-a is the language of the chirping of the birds, the gurgling of the brooks, the rushing of the waves on the seashore, the rustling of the coconut fronds, the curdling and boiling of the blood, the murmur of the heart called kasingkasing. It is the only language that my inner ear could hear, the only language that my soul could understand. It is my window to the world.
The contemporary Kinaray-a is so Hispanized that today we call our hearts korason. The Rs are still there and the schwas are chewable in the mandible and crunchy to the ear as ever.
Matapos kong basahin ang first draft, naisip ko, parang OA yata. Pero naisip ko rin, para ito sa mga taga-New York kayâ bonggahan ko na. Isipin ko na lang na kunwari nagpi-PR ako para sa Kinaray-a.
Matagumpay ang online book launching ng Ulirát at masaya ako na nakasama ang akda ko sa antolohiyang ito at naimbitahan pa akong magbasa sa book launching. Mahalagang ambag sa mga antolohiya ng mga maikling kuwento sa at mula sa Filipinas ang librong ito. Sana marami pang antolohiya ang lalabas gaya nito na mga pagsasalin sa Ingles at iba pang mga wikang banyaga ng mga akdang Filipino mula sa iba’t ibang wika ng bansa. Sana sabayan din ito ng mga antolohiya ng mga akdang Filipino na may mga salin din sa iba’t ibang wika ng bansa. Sa ganitong paraan mas mapapabilis natin ang pagbuo ng pambansang ulirát nating mga Filipino.
Sabi sa akin ni Daryll Delgado sa Messenger, papadalhan daw kaming mga kontribyutor ng isang complimentary copy ng libro. Siyempre hindi na ako makahintay kayâ noong Linggo rin ng hapon, nag-order ako sa Roel’s Bookshop (roelsbookshop.com) na nasa Maginhawa St. sa Sikatuna Village sa Lungsod Quezon. Buti puwedeng mag-order online. Tig-PhP950 ang libro, medyo mahal. Pero agad kong sinabi sa sarili ko, siyempre mahal dahil galing ngang New York at kasama ang story mo! Dalawa ang inorder ko. Gusto ko kasi may kopya ako sa writing table ko rito sa Tore ng Sirena at sa bahay namin sa Pasig.
Nag-umpisa ang usapan nila tungkol sa “pamamakla” habang nagtsitsismisan silang apat na taxi driver sa kabilang kalsada sa tapat ng isang condominium complex sa Balara, Quezon City. Masaya silang nagtsitsismisan na walang suot na mask na para bang hindi nila narinig sa balita na tatlong araw nang mahigit sa tatlong libo ang fresh infection ng COVID-19. Naisip ko, mahigit namang dalawang metro ang layo ko sa kanila. Nakatayo ako roon sa lilim ng mga punongkahoy habang hinihintay ang kaibigan kong si Cris, isang babae, na lalabas. Siya ang ka-walking date at ka-lunch date ko kahapon ng Linggo.
Ang nagbabángka sa huntahan ng apat ay isang taxi driver na mukhang cute noong kaniyang kabataan. Mas maputi siya kaysa tatlo, mas matangkad, mas matangos ang ilong, at in fairness walang tiyan tulad ng iba. Siguro kaedad ko lamang sila, late forties. Nagtsitsismis sila habang nakapila sa abangan ng taxi at siguro dahil Linggo ng umaga at GCQ pa rin sa Metro Manila, matumal ang pasahero at mahigit sampung taxi ang nakapila roon.
Sabi ng bángka, “Naku si Fred kinulang ng 300 ang bawnderi kahapon kasi nakipag-inuman. Hayun tinawagan niya ang suki niyang baklang pasahero nagpatsupa lang siya at binigyan na siya ng dalawang libo!”
Na-tense ako bigla nang marinig ang “baklang pasahero.” Naisip ko, mukhang hindi naman ako baklang tingnan. Buti na lang nagmamadali ako kanina at hindi ako nag-shave. Kahit may facemask at faceshield ako nakikita pa rin ang balbas ko sa leeg banda. Sabi naman nila kapag hindi ako nagsasalita at tahimik lang sa isang tabi hindi naman akong halata na bading. Dinig na dinig ko ang usapan at tawanan ng apat.
“Kapag walang pera yang si Fred namamakla ‘yan e,” sabi pa rin ng bángka.
Naisip ko, alam kaya ng Fred na ito na pinagtsitsismisan siya ng mga kaibigan niyang taxi driver? Tama talaga ang sabi nila na hindi lamang mga babae ang tsismosa!
“Ako nga rin namamakla rin. Kayâ kayo mamakla rin kayo,” sabi ng bángka sa tatlo. Napangiti lamang ang isa na nakaupo sa isang malaking bato sa ilalim ng kahoy, napakamot naman ang isang nakatayo sa tabi ng taxi niya, at tumawa naman ang isang nakaupo sa sidewalk.
Exciting ito, naisip ko! Sana matagalan si Cris bago lumabas para marami pa akong marinig.
“Nakikita n’yo ba ang isang suki kong bakla dyan sa loob,” patuloy ng bángka na itinuturo ang kondominyum. Feel na feel niya ang pagkukuwento na parang nagkaklase at ang tatlo ang kaniyang estudyante.
Napatingin ko sa kaniya at nakipag-eye contact pa siya sa akin na parang kasama ako sa huntahan nila. Ngumiti ako sa kaniya ngunit naalala ko may facemask pala ako.
“Minsan, habang nakagarahe ako dyan (itinuro ang carpark sa tabi ng gate ng condominium sa tapat) at natutulog, kinatok niya ako. Pare, sinuso lang niya ang burat ko isanlibo na agad! Kinuha pa niya ang number ko. Hayan paminsan-minsan, nagti-text ‘yan sa akin hinahanap kung nasaan ako. Nagpapasundo. Pinapakain niya ako at nagmo-motel kami. Dalawang libo ang ibinibigay niya sa akin pagkahatid ko sa kaniya rito. Ako naman uuwi na. May pangbawnderi na ako at pang-grocery pa.”
Ngumingiting nakikinig ang tatlo. Yung ngiti ng nakatayo sa tabi ng taxi niya ay ngiting hilaw. Hindi niya siguro alam kung maiinggit siya o mandidiri sa kasama niyang nagkukuwento. Yung dalawang nakaupo parang bilib na bilib.
“Kung ako sa inyo mamakla na rin kayo. Bakit ikaw hindi mo pa ring nasubukang mamakla?” tanong niya sa nakatayong hilaw ang ngiti.
Umiiling-iling ang tinanong.
“Ako minsan. Pero matagal na yun. May pasahero akong hinihipuan ba naman ako habang nagmamaneho. Binigyan niya ako ng tip,” sabi nung nakaupo sa bato.
“Magkano? Dapat nagpatsupa ka na lang para mas malaki ang binigay sa ‘yo,” sabi ng bángka at naisip ko, naku, mukhang ito ang may PhD, benemeritus, sa pamamakla!
Hindi sumagot ang nakaupo sa bato. Ngumingiti lang ito.
“Kung makikipagganun tayo sa babae, gagastos pa tayo at baka mabuntis pa natin. Kung gaganun tayo sa bakla, pakakainin tayo at bibigyan pa ng pera. E di sa bakla na lang! Masasarapan ka na magkakapera ka pa. Magpapalabas din naman tayo e. E di ilabas na natin sa bakla kikita pa tayo!”
Mixed emotions na ako. Hindi ko alam kung matutuwa ako sa naririnig kong usapan o manghihina. Diyos ko 2021 na. Bakit parang 1980s pa rin ang peg nitong apat na taxi driver pagdating sa bakla. May isang baklang kaibigan akong mahilig sa taxi driver noong nakaraang dalawang dekada. Kahit siya nag-level up na. Noong nasa 20s pa ako, may naka-date akong tatlong taxi driver—dalawa sa Iloilo at isa rito sa Manila. Pero hindi ko na ito gagawin ngayon.
“Sana magustuhan tayo ni Vice Ganda ano para hindi na natin kailangang magpasada? Nakakapagod na rin,” sabi ng nakaupo sa bato na tila nangangarap na ang ngiti.
“‘Yan ang suwerte kapag mangyari ‘yan. Kapag si Vice Ganda sigurado milyonaryo ka rin!” sabi ng bángka na tila bang pinaka-brilliant idea ang narinig niya sa kasama. “Hindi na ako magda-drive ng taxi kapag hawak ako ni Vice Ganda. Putang ina, sa bahay na lang ako at maghintay na lamang akong i-text niya kung kailan niya ako gustong tsupain. Hayahay ang buhay!”
“Oo nga! Kahit ibahay ka na lang niya sa isang condo tulad niyan,” sabi ng nakaupo sa sidewalk na na-excite din sa idea.
Ang nakatayo sa tabi ng taxi niya ay hilaw pa rin ang ngiti.
Ang thought bubble ko habang pinipigilan ang pag-roll ng eyeballs at pagtaas ng kilay: Reality check mga ambisyosong unggoy. Mga varsity basketball player ang type ni Vice Ganda. Hindi kayo papasa!
Maya-maya nakita ko na si Cris sa gate sa kabila. Hinahanap ako. Kinawayan ko siya. Hindi tuloy ako makatili nang makaharap siya. Noong Valentine’s Day pa kami ng nakaraang taon huling nagkita in person. Nagtsitsismisan naman kami sa Zoom kung minsan pero iba pa rin itong nagkita kami in the flesh finally. Iyun nga, ayaw kong malaman ng mga taxi driver na bakla ako dahil alam nilang nakikinig ako sa kanilang usapan.
Habang naglalakad kami ni Cris sa Capitol Hills Drive papuntang Capitol Green Street at malayo na sa mga taxi driver, kinuwento ko sa kaniya ang kuwentuhang pamamakla ng apat na taxi driver. Tawang-tawa si Cris.
“You should write about it,” sabi niya.
“Yes, I will. Sa blog ko. At siguro sa isang short story din,” sagot ko.
“Baka naman iyon ang kuwentuhan nila dahil alam nilang bading ka at nakikinig ka?” tanong ni Cris na isang beteranang journalist.
“Mukha namang hindi. Hindi naman halata na bading ako kapag nakatayo lang at tahimik di ba?” sabi ko at napatango naman siya.
Pagkatapos ng pakikinig hinggil sa pamamakla ay naggitnang uring fantasya naman ako kasama si Cris. Ang ganda ng Capitol Green Street, maliit lang na mall pero mukhang pang-A and B crowd lang. Para itong pinalaking clubhouse ng isang exclusive subdivision.
Nasa taas ng bundok o burol ang mall na ito. Maliit lang subalit tatlong palapag na may mga restawran. Hugis bilog ang arkitektura at napapalibutan ito ng terrace na overlooking sa luntiang Capitol Golfer’s Villa Subdivision at Ayala Hillside Estates. Sa kalayuan ang Quezon City, Pasig, at Marikina. Pakiramdam ko parang nasa probinsiya ako. Sabi ko kay Cris bakit ngayon lang niya ako dinala rito. Palagi kasi kaming nagkikita sa U.P. Town Center e mas maganda itong Capitol Green Street. Tumawa lang si Cris.
Nang magkita kasi kami sa harap ng gate ng condominium nila tinanong niya ako kung saan ko gustong maglakad kami at kumain. Dalawa ang choice: Maglalakad kami papuntang U.P. Town Center o papuntang Capitol Green Street sa kabilang direksiyon na may restawran daw na may view ng golf course. Green kaagad ang naisip ko at nang tiningnan ko ang kalsada patungo roon, may shade ng malalabay na punongkahoy. Obvious choise ang greenery.
Nagkita kami ni Cris dahil ang kaibigan naming si Yasmin na na-lockdown sa kanila sa Davao City ay nag-order ng Tubbataha t-shirts sa Palawan para sa amin. Kay Cris pinadala kung kayâ nakipag-date ako kay Cris para makuha ang dalawang regalong t-shirt sa akin ni Yas.
Sa Pho Hoa kami kumain dahil may vegetarian spring rolls sila at masarap na tufo dish. Vegetarian kasi si Cris. Ako naman paborito ko ang beef stew noodles nila. Kapag sina Yasmin o Cris ang ka-lunch date ko, madalas nag-Pho Hoa kami para pagbigyan ang nostalgia namin sa chao long sa mga turo-turo sa tabingkalsada ng mga Vietnamese refugee sa Lungsod Puerto Princesa noong nagsusulat pa kami roon may dalawang dekada na ang nakalipas.
Pagkatapos ng lunch, nagkape at nag-dessert kami sa restawran na ang pangalan ay Fika. Na-excite ako dahil salitang Swedish ito para sa pagkakape at pagpapahinga sandali sa pagtatrabaho. Parang snack break kasama ang mga katrabaho, kaibigan, o kapamilya. Nagpa-picture nga ako para ipadala kina Mimi, Juliet, at Jonas. Habang nagkakape ako at nagsi-share kami ni Cris ng isang slice ng carrot cake sa may terrace, ninanamnam ko ang luntiang paligid. Naiinggit ako sa mga kakilalang na-lockdown sa probinsiya. Ako nandito sa masikip na Metro Manila. Oh well, nakalimutan kong may mga lugar din pala rito sa lungsod na parang nasa probinsiya ka rin. Iyon nga lang pangmayaman.
Sabi ko kay Cris kung sakaling makabalik na si Yasmin dito sa Metro Manila, mag-lunch uli kami roon. Mukhang mapapadalas na nito ang pagbibisita ko kay Cris. Mga oportunidad ito na makapag-gitnang uring fantasya.
Naiisip ko na ang pamamakla at ang pagigitnang uring fantasya ay pareho lang. Sa isang kapitalista/oligarkiya at malasemi-feudal na lipunan tulad dito sa Filipinas, mga paraan ito upang matikman kahit panandilaan lamang ng mga uring manggagawa at ng mga nakasampa lang sa nanlilimahid na sahig ng gitnang uri ang kasaganahan at ang sarap ng buhay na tinatamasa ng kakaunting elite sa ating bayan. Kayâ nakakahiyang magmalinis at magmataas kung hindi ka naman nakatira sa mga exclusive subdivision tulad ng Ayala Hillside Estates at Ayala Heights.
Nag-walking ako sa CCP Complex mula alas-nuwebe ng umaga hanggang ala-una ng hapon na pananghalian lang ang pahinga at naka-15,876 pagbalik ko rito sa aking Tore. Muli kasama ko si Pietros at mukhang magiging habit na namin ito kapag Sunday at nandito lang ako sa Taft at hindi nakauwi ng Pasig.
Ang usapan namin ni Pietros magkikita kami sa ASEAN Garden sa pagitan ng Philippine Navy at Cultural Center of the Philippines kung nasaan ang isang eskultura ni Ramon Orlina. Higanteng bakal ito na imahen ng mga ibong lumilipad at ang kongkretong pedestal ay may dekorasyong mga berdeng kristal na mukhang esmeralda. Ito ang hardin kung saan nagpapa-picture ang nga presidente ng mga bansang Aseano kapag dito sa Manila ginaganap ang ASEAN Summit.
Matutuwa ang diabetologist ko nito. Dibdiban na ang aking pagwa-walking.
Ang Sirena at ang walkingbuddy niyang si Pietros.
Nang mapadaan kami ni Pietros sa tapat ng Coconut Palace kinuwento ko sa kaniya na pinagawa ito ni Imelda Marcos noon para sana tirhan ni Pope John Paul II sa kaniyang pagbisita. Kaso nandiri yata ang Santo Papa nang malaman ang ginastos para dito. May mga kuwento na yari sa ginto ang mga doorknob at gripo kung kayâ turn off talaga sa pagiging imeldific ng istrukturang ito at hindi tinirhan. Nagulat si Pietros sa kuwento kasi ang alam lang niya naging opisina ito ng dalawang Vice President.
Pinuntahan din namin ang Film Center of the Philippines, building uli na proyekto ni Imelda. Walang ahensiya ng gobyerno na tumatagal sa pag-oopisina rito dahil maraming multo. Mga multo ng nalibing na buhay na mga construction worker habang minamadali itong tapusin para sa Manila International Film Festival.
Noong nag-aaral pa ako ng MFA sa La Salle, mga taong 1995-1996, kapag Linggo nagwo-walking din kami rito ng mga dorm mate ko sa Le Grande Maison na graduate school sa tabi ng St. Scholastica’s College. Minsan, mula sa Film Center, bumaba kami ng dorm mate kong si Randy na taga-Mindanao sa breakwater doon para mas mapalapit kami sa dagat. Nagulat kami nang madaanan namin ang lalaki’t babaeng nagtatalik sa mga bato. At Linggo iyon ng umaga!
Kanina umikot kami ni Pietros sa Film Center. Kahit may nakaharang na lubid dedma kami at nilaktawan iyon. Sa likod may bago nang gusali. Call center yata o isang Pogo operation. Sa likod may mga hinahakot na box na may nakasulat sa Chinese. Tuloy kami sa pag-ikot ni Pietros hanggang sa makarating kami sa harap na may entrance na ang nakalagay Amazing Show. May magandang garden bench na duyan. Nagpa-picture ako doon. Maya-maya may guwardiyang lumapit sa amin at pinaalis kami. Bawal daw doon. E di bumaba kami at naupo doon sa isang railing na simento habang nagpapahinga at ini-enjoy ang tanawin ng punong kalatsutsi na walang dahon subalit namumutiktik sa kulay-peach na mga bulaklak.
Matapos magpahinga naglakad kami sa kalsada sa tapat ng Philippine Senate papunta sa tulay patawid ng Mall of Asia complex. Parang piyesta roon! Maraming bicycle riders na nagpapahinga, kumakain, o bumibili ng mga tinda sa tabingkalsada. Maraming nagtitinda roon ng spare parts at pangdekorasyon ng bisekleta at mga get-up na pang-rider. Si Pietros medyo natatakot dahil dedma ang mga nandoon sa physical distancing at ang iba sa kanilang masayang naghuhuntahan na walang mask. Ako naman na-excite dahil parang pista nga. Mabuti na lang hindi ako rider dahil baka nag-panic buying ako roon.
Paraiso ng mga rider sa tabingkalsada.
Maraming informal settler sa may tulay—sa ilalim, sa magkabilang gilid, sa mga barong-barong na malapit doon. Ang ilan sa kanila may mga toldang karinderya at dahil Linggo karamihan sa mga kustomer nila ay mga nagpapahingang rider.
May isang tolda na may bilog na mesa sa sidewalk. May dalawang rider na nagkakape at mukhang seryoso ang kanilang pag-uusap. Napangiti ako na sa gitna nila may halaman sa isang maliit na paso mula sa itinapong lata na pininturahan ng kulay pink. Mukhang plantita o plantito ang may-ari ng tolda! Kaso sa mga toldang iyon hindi yata uso ang pagsuot ng mask. Medyo nahintakutan ako. Biglang kong na-realise part na pala iyon ng Lungsod Pasay at may surge ng mga kaso ngayon ng COVID-19 doon at 55 na mga barangay nga nila ang naka-lockdown.
Sa tulay kitang-kita ang Manila Bay at ang piyer ng mga fast craft papuntang Bataan. Naalala ko tuloy ang tulay ng Malandog sa amin sa Maybato nang makita ko ang ilang baroto. May haplos ng kaunting lungkot sa aking dibdib. Mahigit isang taon na akong hindi nakauwi sa amin sa Antique dahil sa pandemya.
Ang mga baroto sa may tulay.
Sa bahaging CCP na bungat ng tulay, pinagkakaguhan ng mga bata si Spiderman! Nasa kabilang kalsada kami ni Pietros at sabi ko sa kaniya tumawid kami dahil gusto kong makita si Spiderman nang malapitan. Nakisabay kami sa pagtawid sa isang lalaking may pasan na sako. Medyo mabibilis kasi ang takbo ng mga sasakyan doon at wala namang pedestrian lane. Naisip ko magpapa-picture ako kasama si Spiderman. Subalit busy si Spiderman. May nagdi-direk sa kaniyang lalaking may hawak na kamera. Nagso-shooting yata sila ng isang indie film. Maraming bata ang nanonood. Wala silang mask lahat.
Si Spiderman sa may tulay.
Hindi ko na inistorbo pa si Spiderman. Niyaya ko na si Pietros na bumalik na kami sa Harbor Square para mananghalian. Alas-onse na rin naman. Naisip ko na baka bababa na masyado ang blood sugar ko. Mahirap na. Hindi pa naman ito nangyayari sa akin pero naniniguro lang ako. Naisip ko tuloy dapat pala dinadala ko kapag nagwo-walking ako ang sugar pill na binigay sa akin ni F. Sionil Jose noong nakaraang taon nang maikuwento ko sa kaniya na diabetic ako. Padala raw iyon ng anak niyang taga-US.
Sa daan malapit lang sa labas ng Senate Building, may puting kotse na ang likod ay bukas at may naka-display na mga tindang kapeng barako mula Batangas. Mura lang. Bumili ako ng dalawang pakete. Dalawang kabataang babae ang nagtitinda at tuwang-tuwa sila nang binilhan namin.
Ang tindang kape barako sa tabingkalsada.
Muli naming nadaanan ang nabubulok na Film Center. Maganda talaga ang kaltsutsi. Nang matapat kami sa Sofitel, biniro ko si Pietros na dahil siya naman ang manglilibre ng lunch namin today, dyan na kami sa Spiral kakain. Natawa lang siya. Talagang pang-Harbor Square lang kami. Saka na lang kapag mayaman na kami o may pawers na tulad ni Spiderman, ‘yung Spiderman na totoo. Ang mahalaga bongga ang walking namin ngayong Linggo.
Una kong narinig ang pangalang Grace Hsieh-Hsing o Grace Lee sa isang professiorial lecture ng guro kong si Isagani R. Cruz sa De La Salle University noong 1995 o 1996. Estudyante ako noon ng Master of Fine Arts in Creative Writing at nagpapalawak pa ng kaalaman hinggil sa literatura lalo na sa panulaan. Ang panayam na iyon ni Dr. Cruz ay tungkol sa literaturang Tsinoy at nang binasa niya ang kaniyang salin sa Filipino ng tulang “La Generala” ni Hsieh-Hsing ay agad na akong na-in love sa panulaan nitong Tsinoy na makata.
Labis akong nalungkot sa nabasang balita kahapon sa Facebook, sa wall ng mga manunulat na kaibigang sina Joaquin Sy at Jameson Ong, ang pagtaliwan ni Grace Hsieh-Hsing. Subalit gaya ng sinabi ni Jameson (na isa ring hinahangaan kong makatang Tsinoy) sa kaniyang post, naway mabuhay nang walang hanggan si Grace Hsieh-Hsing sa kaniyang mga tula. Makapangyarihan ang sining tulad ng tula, nagiging imortal ang makata o ang artist sa kaniyang kamatayan.
Agad kong hinanap sa bookshelf sa tabi ng kama ko rito sa aking silid sa bahay namin sa Pasig ang kopya ko ng libro ni Hsieh-Hsing, ang Halo-Halo: Poems of the Philippines (Chinese-English-Filipino na inilathala ng Philippine Chinese Literary Arts Association noong 2015. May salin ito sa Ingles nina John Shih at Rita C. Tan, at sa Filipino nina Joaquin Sy at Isagani R. Cruz.
Nakakahiya mang aminin pero dalawa ang kopya ko ng librong ito. Isa rito sa Pasig at isa roon sa Tore ko sa Taft Avenue. Gina-justify ko na lamang sa sarili ko na ang kopya ko sa Taft ay ang ginagamit ko sa pagtuturo at ang kopya ko rito sa Pasig ay ang pang-reading for pleasure ko. Ang mga kopya kong ito ay regalo sa akin ni Sir Joaquin ilang taon na ang nakararaan. Marami siyang binigay sa akin at sabi niya ipamigay ko sa iba. Well, dalawa ang ibinigay ko sa aking sarili. Pero salamat sa mga extra copy dahil tuwang-tuwa ang Chinese naming PhD in Literature na estudyante na nang mag-enrol sa klase kong Introduction to Scholarship noong bago mag-pandemya ay binigyan ko siya ng librog ito.
Kapag nagtuturo ako ng Philippine Literature o ng Literary History of the Philippines laging kasama ang Chinese-Philippine Literature o Literaturang Tsinoy sa aking silabus at ang binabasa at tinatalakay namin sa klase ay ang mga tula nina Hsieh-Hsing at Ong. Maraming estudyanteng Tsinoy sa La Salle at karamihan sa kanila nagugulat din na mayroon palang mga Intsik na manunulat at nagsusulat sa Mandarin. Nagugulat sila kapag sinasabi kong mayroong Literaturang Filipino na nakasulat sa Mandarin.
May dalawang tulang Hsieh-Hsing akong paborito: “La Generala” at “Kalye Ongpin.” Si Gabriela Silang ang nagsasalita sa tulang “La Generala” at sino pa nga ba ang generalang tinutukoy kundi siya. Sa tula estatwa na ni Gabriela ang nagsasalita at ang direktang kinakausap nito ay ang banang si Diego. Narito ang pangalawa sa huling saknong na salin ni Sy: “Mahal kong Diego, / muli’y nakapaligid sa estatwa ko ang mga turista. / Nakatingala, pinupuri nila / ang mahabang buhok na inililipad ng hangin, / ang mukhang kababakasan ng maalab na damdamin, / ang kamay na matatag ang hawak sa tabak, / ang magilas na sakay sa dambuhalang kabayo. / Sinasabi nila: / Isang napakagandang estatwa! / Isang napakagandang babaing bayani!” Dito nakikinig si Gabriela sa mga papuri sa kaniya bilang bayani at sa ganda ng pagkagawa ng eskultura niya. Tulad ng isang tunay na bayani, hindi naman siya nagpakabayani para lamang sarili. Hindi niya kailangan ang mga papuring ganito.
Sa huling saknong, ito ang sabi niya kay Diego: “Mahal kong Diego, / sapat na ang lahat nang ito, / hayaang kalimutan nila ang digmaan, / kalimutan ang patayan at kalupitan. / Hayaang humanga sila sa akin, / gaya nang paghanga sa isang likhang-sining. / Hayaang habampanahong tamasahin nila / ang kalayaan, ang pagkakapantay-pantay, / ang pananaig ng kagustuhan ng taumbayan. / Hayaang maghari sa kanilang kalooban / ang kagandahan at ang pagmamahalan. / Hayaan silang maging maligaya, gaya natin noon, / sakay ng kabayo, magkasamang paroo’t parito, / sa maliligayang mga araw natin sa Vigan…”
Sayang at hindi ako nagkaroon ng pagkakataong tanungin si Hsieh-Hsing kung bakit niya naisulat ang tulang ito. Ito ang tipo ng tula na kung hindi mo alam kung sino ang sumulat at salin lamang pala ito mula sa Mandarin ay hindi mo iisiping isang Tsinoy ang sumulat nito. Lagi kong sinasabi sa aking mga estudyante na ang tulang ito ay patunay na ang mga Tsinoy ay Filipino talaga dahil kagaya ni Hsieh-Hsing, naiimadyin din nila na bahagi sila ng pamayanang Filipino kung susundan natin ang sinasabi ni Benedict Anderson na ang bansa ay isang “imagined community.” May iba pang tula hinggil sa kasaysayan ng bansa si Hsieh-Hsing tulad ng “Manila 1984,” “Maria Clara,” “Tandang Sora,” at “Isang Liham ni Lapu-Lapu kay Magellan.”
Naiiyak ako kapag binabasa ang tulang “La Generala” dahil sa puno ng pag-ibig na tinig ni Gabriela—pag-ibig sa Filipinas at pag-ibig kay Diego. Ang ganitong dalisay na pagmamahal ay laging nakaaantig sa aking damdamin bilang isang hopelessly romantic na makata. Naiiyak naman ako sa tulang “Kalye Ongpin” dahil sa dalisay na pangungulila sa iniwang tahanan (homesickness) sa tinig ng persona sa tula. Narito ang pambungad na saknong (salin pa rin ni Sy): “Nasa Chinatown ang Kalye Ongpin. / Tuwing naiisip ko ang Tsina / Sa Ongpin nagpupunta.” Susundan ito ng mga saknong na iniisa-isa ng persona ang mga dahilan ng pagbisita niya sa Ongpin sa Chinatown tulad ng pagbili ng Chinese medicine, kumain ng lutong Tsino (na malamang sa President’s Tea House na paborito ko rin!), para magbasa ng magugulong karatulang Tsino, makinig ng mga awiting Tsino, at iba pa.
Subalit matatanto, o matagal na talagang alam ng persona, na hindi Tsina ang Ongpin kundi Filipinas. Mabigat ang lungkot na dulot ng huling dalawang maikling saknong: “Tuwing naiisip ko ang Tsina / Sa Ongpin nagpupunta, / Nasa Chinatown ang Kalye Ongpin. // Ang Chinatown ay hindi sa Tsina, / Ang Chinatown ay hindi Tsina.” Sa panahong mainit ang isyu hinggil sa mga isla natin sa West Philippine Sea na inaagaw ng China, magandang talakayin ang tulang ito ni Hsieh-Hsing upang maibsan o maitama ang racism na pati ang mga kababayan nating Intsik o Tsinoy ay nagiging target din. Marami sa atin ang nalilito sa kaibahan ng Tsino at Tsinoy/Intsik. Malaki ang maibabahaging leksiyon sa atin hinggil dito ng mga tula ni Hsieh-Hsing.
Si Grace Hsieh-Hsing at ang Sirena sa awarding ng Pambansang Alagad ni Balagtas sa Ateneo de Manila University noong 2013.
Si Hsieh-Hsing ay ipinanganak sa Shanghai ngunit lumaki sa Taiwan. Nag-immigrate siya rito sa Filipinas noong 1964 at ito na ang naging kaniyang tahanan. Apat na beses napiling “poem of the year” ang kaniyang mga tula sa Taiwan noong mga taon ng 1984, 1985, 1989, at 1992. Ilang beses din nakasama sa listahan ng mga pinakamagadang tula na nalalathala kada buwan ang mga akda niya sa kolum na Critic-at-Large ni Isagani R. Cruz sa Starweek Magazine. Noong 1992 nanalo ng unang gantimpala ang kaniyang librong Meditation in the Stone Forest sa patimpalak na itinaguyod ng Federation of Overseas Chinese Associations. Ginawaran din siya ng Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas (UMPIL) ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas para sa Panulaan noong 2013. Doon ko siya unang nakita at talagang na-starstruck ako. Napakaganda, grasyosa, at eleganteng babae niya. Kung naging babae lamang ako, gusto kong maging katulad niya sa aking pagtanda!